Friday, February 17, 2012

Gumising at Maging Maligaya

 

Pagmumulat: Kaisipan, Kamalayan, Kabatiran, 
                             at Katotohanan

Sa bawa’t tao na nagtatamasa sa
kaginhawaan ng maligayang bagong buhay,

na ipinagmamalaki ang sarili sa kaalaman ng
matuwid na landas na ipinagkakaloob ng Tadhana,

at nagmamahal sa kasabikan nang hindi
inaasahang pagtuklas sa pambihirang kaganapan
ng mga paghamon na ipinupukol sa kanya sa araw-araw,

subalit nagtanong din sa sarili, “Mayroon pa bang
higit na buhay kaysa namumuhay?”


"Cogito ergo sum. (I think, therefore I am)
Rene Descartes

Nag-iisip ako, kung gayon ay ako


      Isang makatotohanang pagtunghay sa pangunahing nilalaman ng ating kaisipan na siyang umiiral at nagpapasunod sa ating buhay. Anuman ang ating iniisip ay siyang repleksiyon na ating ginagampanan. Kung magagawa nating baguhin ang ating iniisip, mababago din natin ang ating buhay.
   May batas sa sikolohiya na kapag bumuo ka ng imahinasyon sa iyong isip, na kung ano ang nais mong mangyari sa iyong sarili, at sa mahabang panahon ay pinanatili mo ang imahinasyong ito sa kaiisip, unti-unti ay nagiging katotohanan ito katulad ng iyong iniisip.
   Natanggap na ng buong sangkatauhan na ang kapalaran, kasuwertehan, kamalasan, kayamanan, karukhaan, atbp., ay mga karanasang sanhi ng malabis nating pag-iisip. Ang tao, bagay, kalagayan, pagkakataon, at mga aktibidad lamang ang nakakapekto sa takbo ng ating buhay. At ito ay dahil sa mga kaisipang patuloy na itinutuon natin dito. Maraming mga pilosopo at mga pantas ang nagpahayag na nito noon pa, at maging ang mga makabagong sikolohista ay ipinapangaral ito. Hangga't nag-iisip, tayo, nililikha natin ang ating mga sarili. 

   Maging sa Bibliya ay binanggit ito, "Ang tao kung ano ang iniisip sa kalooban niya, ay ganoon siya."  (Mga Kawikaan 23:7)

   Hindi lamang niyayakap nito ang iyong buong pagkatao, bagkus ito ang nangingibabaw sa lahat ng kaganapan, sitwasyon, at mga pagkakataon sa iyong buhay. Kung anuman ang paulit-ulit nating iniisip, ang reyalidad nito'y nililikha para sa atin. Anumang literal na iniisip mo ngayon sa araw na ito ito, ay siyang maghahatid sa iyong patutunguhan; at magiging kinabukasan mo, na kung saan ka dinadala ng iyong kaisipan – ito ang magiging kabubuan ng lahat kung sino ka man.

  Kahit na isipin mo na magagawa mo, o isipin na hindi mo magagawa ito – ikaw ay tama.
-------

Kung Papaano ang Tamang kaisipan ay Iniligtas ang Aking Buhay: Isang Pabatid Tanaw
  Ating harapin ito. Ang iyong mga ginagawang pagpili ay kalimitang repleksiyon ng malalim na katotohanan tungkol sa iyo. Sapagkat ang pinakamalabis na kagutuman sa buhay ay hindi pagkain, salapi, katanyagan, tagumpay, seguridad, sekswal, o maging pag-ibig mula sa iba. Nakakamit ang mga ito, bakit nga ba hindi, dangan nga lamang; nanatili pa rin tayong hindi nasisiyahan - at higit pang nagnanasa kaysa dati nang ang mga ito'y simulang makamtan.
   Ang pinakamalalim na kagutuman sa buhay ay isang sekreto o lihim na inihahayag lamang kapag ang isang tao ay nagnanais na ilitaw ang nakatagong bahagi ng kanyang sarili; kung sino siya. Ang maintindihan at maihayag ang nakatagong antas sa iyong sarili ay siyang tanging paraan lamang upang matighaw at mapunan ang kagutumang ito.
  
   Tungkol ito sa mga leksiyong aking natutuhan tungkol sa buhay habang ipinamumuhay ang mga kaganapang inilalatag ng tadhana sa aking harapan. Patuloy akong natututo habang nabubuhay simula pa noong may sapat akong gulang, na kitain ang sarili kong pera o nakagagawa ng mga bagay para sa aking mga pangangailangan, mga leksiyong higit na mahalaga kaysa sa mga sekreto ng pagkakalitaw ko.     
   Natutuhan ko ang unang leksiyon sa gulang na tatlo. Mananahi ang aking ina, at dahil dito, ay palagi akong may salawal mula sa mga retasong lumalabis sa kanyang mga tinatahi. May dalawa akong kapitbahay na kasinggulang at kalaro ko, at sila ay laging nakahubo. Isang araw, ipinasiya ko ring maghubo na tulad nila. Hinubad ko ang aking salawal at lumabas sa pintuan ng aming bahay. Ngunit nang may tatlong hakbang pa lamang ako mula sa pintuan ay napakapit ako sa pader, at hindi na makagalaw kung lalapitan ko ang aking mga kalaro. May ilang sandali din ang nakalipas, bago ako nagpasiyang pumasok sa bahay at isuot muli ang aking salawal. Sa gulang kong ito, hanggang ngayon ay naa-alaala ko pa ang namagitang damdamin na ito sa akin: Kahihiyan.
   Limang taong gulang ako noon at pista ng Tondo, sa Maynila, maraming tao at nasa labas lamang kami ng simbahan ng Tondo ni Inang at ng aking Ate Flora, habang nakikinig ng misa. May nakita ako sa malayo na malalaking makulay na mga karatula (huge movie banners). Walang katulad nito sa aming lalawigan at noon ko lamang nakita. Sa pagnanais kong makita ng malapitan ang malalaking telang karatula ng mga higanteng mukha ay nilapitan ko ito nang hindi nagpaalam sa aking mga kasama. Matagal din ang ginawa kong pagtanghod, at nang sumawa ay bumalik ako sa simbahan. Dito ko lamang nalaman na matagal na pala akong hinahanap ng pulis, at pati ng mga batang iskawt (boy scouts) na tumulong sa paghahanap sa akin. Mula kay Inang, ay matinding pag-aalala at luha ng kasiyahan, nang ako’y makita. Wala siyang paninisi o pangaral man, kundi ang,Ay salamat, at natutuhan mong makabalik!” Subalit mula sa aking Ate, pinaghalong matinding sabunot at nanggagalaiti na maraming kurot. At kasunod nito ang aking pagpapalahaw at walang hintong pag-iyak. Isang laruang eroplano na yari sa kahoy at lata na may kulay abo, ang isinuhol sa akin upang ako’y tumigil sa pag-aalburuto. Hindi ko malilimutan ang eroplanong ito na maraming araw na nagbigay kulay sa aking batang daigdig: Kalikutan at Alburuto (tantrum)
   Malapit na ang bagong taon, at nagpapaputok na ng labintador ang aking mga kababata. Nasa ikalimang grado ako noon at mapusok. Galit si Inang sa mga paputok, kaya hindi siya nagbebenta nito sa aming tindahan. Bawal sa akin ang may pera at ayaw niyang gayahin ko ang ibang bata na nagpapaputok sa labas ng bahay. Nang malingat siya ay nangupit ako ng ilang barya sa kahon ng tindahan at namili ng malalakas na triyanggulong labintador sa ibang tindahan. Binalot ko ang mga ito ng palara ng sigarilyo at tinalian ng katamtamang bato. Nais kong gayahin ang mga nanghuhuli ng isda na ang gamit ay dinamita. Sa munti kong isipan, magpapaputok din ako ng malaking labintador na kawangis ng dinamita upang manghuli din ng mga isda. Maraming kababata ko ang sumama sa akin sa ilog. Ang aking pansindi ay isang sigarilyo. Dahil hindi ko naman ito hinihitit, sa aking kamusmusan sa halip na pagpagin ang upos nito; ay pinapalis ko ng mitsa ng labintador. Dalawang ulit lamang akong nakapagpaputok sa tubig. Sa huling labintador, ang pagputok lamang aking narinig at wala akong naramdaman. Ngunit nang pagmasdan ko ang aking kanang kamay ay lasog na ito at ang aking hinlalaki ay nakalitaw ang kalahating buto nito. Maraming pagluha lamang ng aking Inang nang ito'y sumugod sa ospital, ang hindi ko malimutan. Mula noon ay nagsilbing babala na ito sa akin: Kapusukan at Pagsuway
   Mula ito sa ilang hindi malilimutang mga kabanata ng aking buhay, natutuhan ko ang pansariling disiplina habang iniiwasan kong makagawa ng kaguluhan at bagabag sa aking mga magulang nang higit pa sa aking malilikha. Natutuhan ko rin ang magtimpi habang nasa linya at naghihintay, maging lulan ng aking kotse sa kabila ng paghagibis at pag-iinit ng ulo ng iba sa daan, o sa matagal na pagbabayad ng mga parukyano sa aking mga nagawang trabaho. Mahalaga ang disiplina upang matapos ang ginagawang proyekto sa labas at loob ng bahay o ang walang hintong pangangalaga sa aking katawan at ikakalusog nito. Ang pagtitimpi ay kailangan upang malagpasan ang matagal na mga pagpupulong sa trabaho at makaunawa sa mga alalahanin sa pamilya at mga kaibigan. Ang pagmamalasakit at pagdamay sa kapwa ay hindi nakakaligtaan at napapabayaan. At masiglang umasa habang patuloy na inaaalam ang mga makabuluhan at pagtuklas kung sino ako.
   Ang mga kabatiran at kahusayang ito ay hindi lamang kailangan sa magandang pamumuhay, bagkus ito ang mga sangkap sa maligayang buhay. Kailangan natin ang mga gabay at panuntunan sa pagtahak sa ating piniling matuwid na landas.
   Bagama’t marami ang matututuhan kung mauunawaan ang tinutungo ng ating kaisipan, ang kamalayan tungkol dito ay hindi kusang sumisingaw at walang direksiyon, o nag-aapuhap ng kaaliwan. Hindi ito nangyari na basta inisip na lamang sa hangarin na magkaroon ng bagong kabanata sa iyong buhay at lunasan ang anumang depresyon na bumabalisa sa iyo, pataasin ang iyong pagpapahalaga sa sarili, o lunasan ang mabibigat na problema. Ang nilalayon nito’y maintindihang mabuti kung papaano natin magagawang mag-isip ng maingat, mahusay, malinaw, at mabisa. Ang malaman ang ating kahinaan at kalakasan, kung papaano ang labis at gayundin ang kulang, kung tayo'y umaabuso at kinakapos. Ang kaisipan ay hindi lamang tungkol kung ano ang laman ng iyong utak, ito’y tungkol sa pananatili ng iyong kamalayan; ang maging gising at handa sa mga pakikibaka sa buhay. At nakapaloob dito ang makita ang ga-hiblang balanse sa pagitan ng kabatiran kung kailan ang mamuhay at kabatiran kung kailan ang magbago. Ito ang katotohanan.

   Kalakip ng mga pahinang ito, ang aking mga sariling kuwento, ng aking pamilya at mga kaibigan. Minsan ay nakatatawa, nagpapasigla, nagpapagalit, at nagpapasakit. Bawa’t kuwento ay nakapagturo sa akin ng mabisang aral tungkol sa buhay, at nakatulong ng malaki sa aking katauhan sa maraming pagkakataon. Umaasa ako na ang mga kuwentong narito ay makapag-aanyaya sa iyo na masusing titigan ang iyong sariling kalagayan, mga relasyon, at patutunguhan. Ang mabigyan ka ng ibayong kalakasan na suriin, na supilin ang mga kamalian, at itama ang mga balakid na humahadlang sa iyong tagumpay nang naayon sa iyong pamantayan. Isa rin itong pagkakataon na mapukaw at matutuhan ang ilang bagay na makapagpapabago tungkol sa iyong sarili.

Mga Nilalaman
KAISIPAN
1  Magtanim ng Tamang Binhi
2  Sundan ang Maliwanag na Landas 
3  Baguhin ang Iyong Reyalidad
Ang Kapangyarihang Pumili
KAMALAYAN
5  Ang Daigdig Mo ay Ikaw
6  Maging Positibo ang Pananaw
7  Panawagan na Wakasan ang Kapighatian
Manatiling Gising at Handa
KABATIRAN
   Sino Ako?
10  Alamin Kung Saan Ka Patungo
11  Pinili Upang Maging Masaya
12  Salamin ng Iyong Pagkatao
KATOTOHANAN
13  Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Iyo
14  Ang Landas sa Paglaya
15  Ang Sukatan ng Katotohanan
16 Ang Walang Hanggang Lunggati
KALIGAYAHAN
17  Ano ang Kahulugan ng Kaligayahan?
18  Ang Diwa at ang Kaligayahan
19  Kasiyahan at Kaligayahan: Ang Pagkakaiba sa pagitan Nila
20  Isang Pagtupad sa Pagpili
KAPAYAPAAN
21  Ipamuhay ang Mabuting Buhay
KALUWALHATIAN
     Mataos na Pananalig

Panambitan:  Ang mga pahinang narito ay isang proseso ng pagsasaliksik, pagsipi, at pag-aaral. Pinipili ang makabuluhan na nagbibigay ng leksiyon at mga panuntunan sa buhay. Patuloy itong binubuo ayon sa diwa, pang-unawa at kabatirang Pilipino. Isinasaayos, binabago, at pinayayabong upang mahinog at masaganang malasap ng ating kakaibang panlasa, ayon sa linamnam nito. Kumapit lamang sa paglalakbay na ito ng mahigpit, nang hindi mahulog. At magliwaliw sa mga nilalaman at kasiya-siyang kabatiran . . . nang walang inaalintana, ...anuman.

   Narito ang mga panggising na nanonoot, makahulugan, at nagdudulot ng mga pambihirang inspirasyon. Praktikal at nagsisilbing tunay na mapa ng buhay tungo sa magandang pakikipag-relasyon, mainam na gabay, at kawaksi sa pagpapatibay ng hangarin tungo sa kabatiran, pag-ibig, at kaligayahan.

   Pag-aralan at pakalimiin ang bawa't nilalaman ng bawa't pangungusap. Mga mungkahi ito at hindi paliwanagan na kailangang patunayan. Tuklasin lamang na sa bawa't kataga nito'y may katotohanan na magpapagising sa iyo upang manatiling nakabukas ang iyong mga mata.  
-------

Ang Kapangyarihan ng Pag-iisip at Papaano nito Sinusupil ang Ating Buhay
  
Ingatan ang iyong kaisipan, dahil nagiging mga kataga mo ito.
Ingatan ang iyong mga kataga, dahil nagiging mga pagkilos mo ito.
Ingatan ang iyong mga pagkilos, dahil nagiging mga ugali mo ito.
Ingatan ang iyong mga ugali, dahil nagiging mga katangian mo ito.
Ingatan ang iyong mga katangian, dahil nagiging pagkatao mo ito.
Ingatan ang iyong pagkatao, dahil dito nakasalalay ang KAPALARAN mo.

 KAISIPAN (Thoughts)
    Anong bagay ang  nagpapakilos sa atin, simula nang tayo’y magising? Bakit natin ito sinusunod? Anong kapangyarihan ito, na hindi natin magawang supilin? Bakit laging may nagbubulong sa atin, kung tama at mali ang anumang ating gagawin? Bakit kapag mabuti ay sumasaya tayo, at kung masama ay nahihirapan ang ating kalooban?
   Ano ba ito, na siyang naghahari at laging nasusunod sa bawa’t sandali ng ating buhay?

   Marami itong pangalan; utak, isip, diwa, kaalaman, budhi, paniwala, palagay, pakiramdam, saloobin, pananaw (consciousness, thoughts, mind, essence, emotion, intuition, attitude, perception, assumption, ego, etc.), atbp. Ito ang nagpapasunod sa atin. Ito ang lumilikha ng ating pagkatao, ang humuhubog ng ating buhay, ang nagtatatag ng ating kapalaran. At kung may sapat tayong kabatiran dito, magagawa nating pagmasdan, bantayan, ingatan, supilin, at palitan ang kaisipang ito. At tayo ang masunod, at hindi siya ang sinusunod at inaalipin tayo.
   Kung mapag-uugnay ang dahilan at epekto nito sa matiyagang pag-aaral at pagsasanay, kalakip ang bawa’t karanasan mula dito, kahit na mumunting bagay, ay makabuluhan upang makilala mo ang iyong sarili. Sa direksiyong ito, at wala ng iba pa, nakapaloob ang batas ng katotohanan. “Siya na naghahanap ay makasusumpong, at siya na kumakatok ay pagbubuksan.” Napakasimple nito. Malalaman mo ang bawa't sekreto tungkol sa iyong buhay kapag makatotohanan mong masasabi, "Kailangan kong mabatid, hindi ko na makapaghihintay pa nang matagal." Sapagkat nasa pagtitimpi, pagsasanay, at sa walang pagkasawang tuklasin ito; ang siya lamang magkakamit ng katotohanan.

   Ito ang kalahatan sa ating buhay. Anumang saloobin mayroon tayo, nagsimula ito muna sa ating kaisipan, at ito ang nagpapasiya ng lahat. Ang siyang nagbubunsod at lumilikha ng ating buhay . . .sa ating pagkagising may kapasiyahan na tayo kung anong mga uri ng saloobin ang ating mga gagampanan sa maghapon.
 
Mula sa kanilang iniisip, nililikha nila ang kanilang mga sarili. Isang proseso ng kanilang kaisipan ang likhain ang kanilang iniisip. At ito’y hindi mababago nang hindi babaguhin ang kanilang iniisip.

   “Malawak ba ang kaisipan niyan?
   “Kulang sa pag-iisip ‘yan!”
   “Isip-lamok, kung siya ay turingan.”
   “Mag-isip muna, bago pumuna.”

1 Magtanim ng Tamang Binhi
   Ang halaman ay sumisibol mula sa binhi, dahil kung walang binhi, walang halaman. Ganoon din ang bawa’t pagkilos ng tao; tulad ng binhi, sumisibol ito mula sa iyong iniisip. Ito’y hindi liitaw at kikilos kung wala ang kaisipang ito.
   Palaging pagsanibin at kumpletuhin ang pagkakaisa ng iyong kaisipan, salita, at gawa. Gawing panuntunan na laging dalisay at malinaw ang tinutungo ng iyong mga kaisipan, at ang lahat ay magiging madali at maayos para sa iyong sarili. Ito ang iyong susi ng tagumpay.
   Patuloy na nagpapasunod ang kaisipan, tama o mali, mabuti o masama, at hindi nabibigo na magbunga at humubog ng pagkatao, mga pangyayari at pagkakataon. Ang tao ay hindi niya magagawang tuwiran na supilin at piliin ang mga pagkakataon, ngunit may kapangyarihan siyang piliin ang kanyang iisipin, at ito ang siyang lilikha ng kanyang kapalaran.
   Siya na tinalo ang mga pangamba at pagkatakot ay tinalo ang kabiguan.
   Bawa’t kaisipan ay may kaanib na kapangyarihan, at lahat ng paghihirap ay buong kagitingan na mahaharap at matalinong malalagpasan. Hangga’t ang iyong makabuluhang hangarin ay wastong nakatanim, ito ay mamumulaklak at magbubunga, ayon sa iyong inaasahan.

2  Sundan ang Maliwanag na Landas 
     Magkaroon ng sapatos at isuot ito. Ikaw mismo at walang iba ang may responsibilidad sa iyong sarili. Mula sa iyong kaisipan, ito ang magtatakda ng iyong kapalaran. Mula sa pagkabata, namalayan na lamang natin na ang mga tao, bagay, pangyayari, at pagkilos ay patungo sa ating katotohanan kung sino tayo. Bawa't isa sa atin ay kailangang maunawaan na ipinamumuhay natin ang epekto ng mga lumang kagustuhan ng iba. Naturuan nila tayong sundan ang kanilang mga yapak, mga kaugalian at mga paniniwala na sukdulang walang pagpapahalaga sa misteryo ng buhay. Panahon naman na tayo ang masunod para sa ating mga sarili.
     "Kahit saang gubat ay may ahas," ang wika ng iba. Ngunit ang aking buhay ay bahagi ng bawa't buhay ng iba: Ang aking koneksiyon sa lahat ng mga may buhay ang nagpapatunay na wala akong kaaway. Nadarama kong hindi ko kailangan na kumontra, tumanggi, lumaban, lumupig, o magwasak.
    Hindi ko kailangang kontrolin at pangibabawan ang sinuman o anuman: Ang magagawa kong maapektuhan at tuluyang mabago lamang na isang bagay na magpakailanman at may kontrol ako, ay ang aking sarili lamang.

3  Baguhin ang Iyong Reayalidad
    
 4 Ang Kapangyarihang Pumili
      Itama ang iyong Kaisipan. Ito ang siyang may inpluwensiya sa iyong kaganapang makagawa ng kabutihan. Anumang pagtuunan mo ng negatibo, mga walang katuturan at pawang kapinsalaan ay patuloy mong maiisip. At habang napapansin mo ang mga bagabag at kaligaligan ng daigdig, ay patuloy ang iyong kapighatian.
     Binibigyan ng pagkakaton ang iyong sarili na isipin lamang yaong mabubuti, makapagpapaunlad, at makapagpapaligaya sa iyo. Isipin yaong mga dalisay, kaibig-ibig, at kapuri-puri. Pakaisipin ang mga ito na pinakamatayog at mahalagang ipagbunyi.
-------
KAMALAYAN (Awareness)
   Hangga’t ang iyong kaisipan ay walang direksiyon, hindi ka pa nagkakamalay. Kapag nalalaman mo ang iyong  intensiyon o hangarin, batid mo ang magiging resulta nito. Maging ito ay patungo sa kaligayahan o kapighatian. Naaabot ng iyong pamantayan at kamalayan ang anumang kakahinatnan nito. Mula sa pananatili ng iyong integridad, karangalan, at buong pagkatao, talos mo ang epekto nito sa iyong buhay.

    “Ano bang malay ko diyan!”
   “Wala akong namalayan.”
   “Nagkamalay na ba?”
   “Kamalayin mo ang iyong loob.”


   Sumangguni sa iyong intuwisyon.

 5 Ang Daigdig Mo ay Ikaw
          Ikaw ay wala sa daigdig; ang daigdig ay nasa iyo. Bawa't isa ay manlilikha ng kanyang daigdig. At bilang manlilikha, ito'y higit na mahalaga kaysa buong daigdig. Anumang iyong nararanasan ay repleksiyon ng iyong sarili. At anumang nasa labas ng daigdig mong ito ay walang magagawang makabuluhang mga kasagutan, hangga't hindi ka nagbabago at kumikilos na tagalikha ng iyong reyalidad.
      Ang matuwid na landas na iyong tataluntunin ay ang sa iyo. Higit sa lahat, ikaw lamang ang may kapangyarihan at karapatan sa iyong kapalaran. Ang iyong kaunlaran at kaligayahan ay nakasalalay sa iyong mga kamay. Walang iba o sinuman ang makagagawa nito para sa iyo. At higit na masaklap, kung may sinusundan at ginagaya kang iba na magdudulot lamang ng ibayong kapighatian sa iyo. Tiyakin na ikaw lamang ang nakapangyayari at lumilikha ng sarili mong daigdig.
         Ang sumagot ng hindio ayoko ay siyang pinakamatayog na pangangalaga sa sarili. Makatotohanang mapaunlakan mo ang iyong sarili kung lilisanin mo ang isang pagtatalo, tatanggihan ang isang paanyaya, bibiguin ang isang kahilingan o pakiusap, at iwasan ang iniaatang sa iyo. Makakalayo ka sa mga ito nang may kasiglahan at higit na pagtitiwala sa sarili kaysa tanggapin at sumagot ng “Oo” sa mga kahilingan. Hindi isang karuwagan ang umiwas at ipaalam ang iyong kakayahan at kawalan ng panahon. Mahirap na isuong ang sarili sa mga bagay na magpapahirap at magsasalang sa iyong reputasyon. Madali ang mangako, subalit ang tuparin ito nang may agam-agam ay mahirap.
  
6 Maging Positibo ang Pananaw
   Ang Kaisipan ay katulad ng pagtatayo ng bahay, manatiling positibo sa paggawa nito. Naiintindihan mo ang lahat ng elementong nakapaloob dito, mula sa plano (blueprint), paghahanda sa lupa at pagtatayo ng matibay na pundasyon. Kasunod nito ang pagkuha sa mga taong may kinalaman sa gawaing ito, at paghahanda ng mga pangunahing materyales na gagamitin sa pagsasaayos na mga partisyon at kagamitan upang mabuo ang bahay. Kung wala ang isang sangkap sa mga ito, imposibleng mabuo ang bahay sa tamang istruktura nito.
   Ganito din sa paggamit ng kaisipan, kung wala ang mga preparasyong ito, wala ring kakahinatnan ang anumang iyong hangarin na maging maayos ito tulad ng iyong inaasahan. Sa simula pa lamang, kung ang iyong intensiyon ay hilaw at may kulang, hindi ito magaganap. At kung may bahid naman ito ng pagsasamantala, o nakatagong kabuktutan; ikapapahamak mo ito.

   Upang magkamalay, may mga pagkilos itong sinusunod, tulad ng mga ito:
   Kamalayang hindi mo magagawang katulad ng iba na nais mong parisan, gaano man kamahal mo ang taong ito.
   Kamalayang ikaw ay umiibig, kahit na natatakot kang bigkasin ito.
   Kamalayang ang laban ng isang tao ay hindi sa iyo.
   Kamalayang ikaw ay higit na magaling kaysa pagkakilala ng iba sa iyo.
   Kamalayang ikaw ay makakaraos at makakaligtas sa anumang kapahamakan.
   Kamalayang magagawa mong tahakin ang iyong sariling landas, gaano mang paghihirap at kabuhayan ang nakapaloob dito.
   Kamalayang habang nakatuon ka sa matuwid mong landas, ang sangkatauhan ay kusang tumutulong at ang sansinukob ay naglalatag pa ng maraming pagkakataon upang matupad mo ito.
 
 Ikaw ay laging nasa isang pagpili lamang upang mabago ang iyong buhay. Nakaupo ka pa ba, hindi makapagpasiya at  naghihintay na lumakas ang loob bago kumilos? Gayong para sa iyong kabutihan at kaunlaran ang makakamit mo. Sino ba sa iyong akala ang makagagawa nito para sa iyo? Ikaw mismo, ang tangi lamang makagagawa nito para sa iyo. Kung hindi ka kikilos, ay kikilosin ka ng iba batay sa kanilang kagustuhan at hindi sa ganang iyo. 

Mga Pamantayan ng Kamalayan:
Magkamalay- na panatilihin ang mga dakilang kaisipan na ang tinutungo ay makabuluhan at kabutihan lamang.
Magkamalay -na tuklasin kung ano talaga ang hinahanap mo at pagtuunan ito ng ibayong pansin.
Magkamalay -na alamin at pag-aralan kung papaano nito mapapaunlad at makapagpapaligaya sa iyong sarili.
Magkamalay -na hangga’t walang inspirasyong nangingibabaw, walang kasiglahang mamamayani.
Magkamalay -na makipag-ugnayan sa mga tagapagturo (mentor) na palawigin pa ang iyong kaalaman at karanasan.
Magkamalay -na maglaan ng mga tamang katanungan na makapagpapaliwanag sa iyo ng mga tamang kasagutan.

7 Panawagan na Wakasan ang Kapighatian


8 Manatiling Gising at Laging Handa
     Lagi kong binabanggit, higit na mabuti ang gising kaysa ang magkunwari.
     Laging mapag-isa at magbulay-bulay. Anumang karanasan na nagdadala sa katahimikan ng iyong kamalayanay matatawag na meditasyon. Sa pagkilos sa araw-araw ay may makakaharap kang nangangailangan ng masusing paglilimi, at dahil dito, mahalaga na masanay kang mapag-isa at ituon ang iyong buong kaisipan kung ano ang tunay mong nais na mangyari,  at kung ito'y may kinalaman sa iyong wagas na layunin sa buhay.
     Hindi mo kailanman alam kung papaano ang mga bagay ay maisasaayos. Lahat ng iyong tagumpay, at maging lahat ng iyong kabiguan ay tuwirang resulta ng iyong kamalayan. Lahat ng iyong kahinaan at kalakasan, kalinisan at karumihan, kapurihan at kapintasan, ay tanging sa iyo lamang, at hindi para sa iba. Walang sinuman ang magagawang maliitin ka, abusuhin ka, pagsamantalahan ka, kung wala kang partisipasyon o kooperasyon. Ikaw lamang at wala ng iba ang makapagbabago para sa iyong sarili, hindi mula sa iba. Ang iyong kundisyon at kalagayan ay sarili mo, at ang kaligayahan at kapighatiang naghahari sa iyo ay sanhi ng iyong kamalayan kaya ito nangyari. Kung ano ang iyong malay, ito ikaw, at habang nag-iisip ka, ang kamalayan mo ay umiiral.
 -------
KABATIRAN (Comprehension)
       Kung batid mo ang anumang iyong iniisip, maihahalintulad ito sa isang hardin, na kung saan ay maaari mong alagaan, pagyamanin, at pagandahin. Maaari ding pabayaan mo ito at maging mistulang isang talahiban na walang kapakinabangan. Kung walang mabuting binhi na iyong itatanim, wala ring kabuluhan ang iyong aanihin. At kung hahayaan itong kusa nang walang pag-aaruga, anumang tumubo dito ay siyang mangingibabaw.

     “Kung hindi mo batid, huwag mong paniwalaan.”
    “Nasa kabatiran ang iyong kagalingan.”
    “Huwag paghimasukan, kung wala kang kabatiran.”
    “Magsaliksik para may mabatid!”
9 Sino Ako?
   Isa akong bahagi ng kalahatang Sibol na lumilikha sa akin na kilala sa tawag na Bathala, Ispirito, Dakilang Maylikha, Makapangyarihan, atbp. Kahit na hindi ko ito nakikita o nahihipo, alam kong bahagi ako nito, sapagkat nilikha ako na kawangis Niya, na kung saan, ako ay dito nanggaling. Mula sa Kanya; ako ay lumitaw, nagkaisip, nagkamalay, at nakabatid, ng mga katotohanan ng lahat tungkol sa akin.

   Ang pinakadakilang kapasiyahan ay kailangang mag-isip bago kumilos at gumawa upang matupad ang lunggati sa bawa’t araw. Kung mabigo man dito ay hindi dahil sa kakulangan ng pagkilos, bagkus sa pagkilos ng walang kabatiran.

10 Alamin Kung Saan Ka Patungo
       Kahit na tumakbo ka pa ng mabilis at gawin ang lahat ng makakaya mo, kung wala itong direksiyon na pupuntahan, patuloy ka lamang na paikot-ikot at walang masusumpungang katahimikan.

Mga Kasawian ng Naghahanap
      Inaalam mo kung saan ka pupunta -Kung wala kang katiyakan, anumang daan ang iyong tahakin ay makakarating ka. Ang kabatiran ay hindi nangyayari ayon sa plano. Mistula itong mga pira-pirasong larawan na kailangan mong bubuin nang wala kang sapat na kabatiran sa anyong nakalarawan. Wala kang sinusundang iba, at lahat ng iyong maiisip o imahinasyon ay mga pag-aakala lamang at kailanman ay hindi kawangis ito ng lunggati.
      Pinaghihirapan na makapunta doon. Kung wala kang mahihita na pakinabang, o banga ng ginto na iyong makakamit, balewala ito sa iyo. Subalit kung dito nakasalalay ang lahat ng iyong kaligayahan, pipilitin mong lagpasan ang anumang balakid sa iyong harapan.
      Paggamit ng mapa ng iba. Kung tagasunod ka lamang ng iba, pakaasahan mo na ikaw ay maliligaw. Ang naging karanasan niya ay malaki ang kaibahan tungkol sa iyo. Sinasanay mo lamang ang iyong kaisipan sa dating nakagawian, at ginagaya ang iba upang maging sarili mong katotohanan. Kailangan matutuhan ang maraming itinuturo mula sa iba't-ibang direksiyon, subalit nananatili ang iyong pagpapahalaga sa sarili, at pagtuon lamang sa mga makabuluhan na makakatulong sa iyo.
      Pagpapagod na mapaunlad ang sarili. Hindi ito isang proyekto na kailangan mong tapusin. Wala itong katapusan. Ang kabatiran ay kusang sumusulong hangga't ikaw ay gising at nauunawaan ang tunay na kaganapan sa iyong kapaligiran. Bawa't sandali ay nagkakamalay ka na mabatid ang katotohanan. Hangga't bukas ang iyong isipan at batid ang kaibahan ng mabuti at masama at mga epekto nito sa iyong buhay, abot-kamay mo na ang iyong tagumpay.
      Paglalaan ng panahon hanggang sa makarating. Marami ang nais na makarating sa kabilang pampang, ngunit ilang dipa na lamang ang lalanguyin ay doon pa humihinto at bumabalik. Gayong higit na maraming dipa pa ang babalikan upang makabalik sa pinagmulan. Upang maiwasan ito ay huwag maglaan ng hangganan, kahit na mahirap gawin ito nang hindi mawawalan ng motibasyon. Anumang paglalakbay sa buhay, ang kabatiran ay nagaganap, nararanasan, at nagpapasaya anumang sandali, hindi sa  daratnang destinasyon.
      Naghihintay ng milagro. Sa buhay ang lahat ay milagro. Hangga't gising ka at nagagamit mong lahat ang tungkol sa iyo; kaisipan, kamalayan, at kabatiran, ito ang iyong milagrong katotohanan. Anumang bumabagabag sa iyo, ipagkatiwala ito sa Makapangyarihan sa lahat, ang tunay na tagalikha ng ating mga milagro.
  Wala ng mahusay na paraan sa tunay na naghahanap kaysa ang iwasan ang mga kasawiang ito.

11 Pinili Upang Maging Masaya

12 Salamin ng Iyong Pagkatao
   Ang tagumpay; anumang uri mayroon ito, ay siyang tropeo ng pagsisikhay, ang bantayog ng kabatiran. Sa pamamagitan ng disiplina, resolusyon, kawagasan, tamang kapasiyahan, at tuwirang kabatiran ang nagpapayabong sa iyong pagkatao. At ang mga kabuktutan, karahasan, katamaran, pagnanakaw, at kalituhan na mabatid ang katotohanan ang nagwawasak naman.

   Ang akin bang nababatid ay kaayusan o kaguluhan?
   Nababatid ko ba ang aking pambihirang kaibahan?
   Nababatid ko ba kung papaano ang aking nadarama
   Nababatid ko ba kung ano ang aking talagang nais?

      Kailangang mabatid na kung hindi mo matutulungan ang iyong sarili, walang makakatulong sa iyo. At ito’y mangyayari lamang kung nais mong matulungan, sapagkat kung ikaw ay mahina, kailangan mo ang kalakasan ng iba. Mula sa iyong pagsisikhay, mapapalakas mo ang iyong sarili tulad ng iba. Walang makakagawa nito para sa iyo, kundi ikaw mismo; kung mababago mo ang iyong kabatiran sa bagay na ito. Ito ang magpapalaya sa iyo. Dahil walang kaunlaran at walang tagumpay, kung walang sakripisyo.
-------
KATOTOHANAN (Truth)
Ang ating mga ninuno ay nagwika, na mayroong dalawang uri ng "gutom." 
Mayroong isang Malaking Gutom at may isang Munting Gutom.
Ang Munting Gutom ay nais ng pagkain para sa sikmura;
datapwa't ang Malaking Gutom,
ang pinakadakilang kagutuman sa lahat, ay ang gutom 
para sa makahulugan at makabuluhan . . .
 
   Bawa’t bagay na itinanim o hinayaang mangibababaw sa isip, at nag-ugat ito, ay siyang magiging katotohanan. Magsisimulang lumaki, mamumulaklak at magiging mga salita na siyang magpapakilos ng mga pangyayari at pagkakataon. Ang mabuting kaisipan ay magbubunga ng mabuti, subalit ang masamang kaisipan ay magbubunga ng masama. Ito ang katotohanan: ang mabuting kaisipan at kabutihan, kailanma'y hindi magbubunga ng masamang resulta; at ang masamang kaisipan at kabuktutan, kailanman ay hindi magbubunga ng mabuting resulta. Batas ito na hindi mababali.
   “Totoo ka na ba?”
   “Kapag nakita, nahipo, at naranasan ko; maniniwala ako.”
   “Hangga’t hindi ginagawa, pawang komentaryo lamang ito.”
   “Buntot mo, hila mo; ang iyong pag-unlad, ay nasa dulo ng mga kamay mo.”

    Ang katotohanan ay hindi tayo nahahalina ng kung ano ang ating nais, bagkus kung ano ang mayroon ito. 

13 Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Iyo
      Bakit nababanggit na ang katotohanan ang siyang magpapalaya sa iyo? Ang mga tao ay laging pinarurusahan at itinatakwil kapag nagsasabi ng totoo. Karamihan sa kanila ay pinapatay pa, katulad ni Hesukristo, Gat Jose Rizal, Gat Andres Bonifacio, Mahatma Gandhi, at ng maraming iba pa na nagpahayag ng katotohanan. Subalit "Ang katotohanan ang magpapalaya sa iyo," ay hindi kahulugan ng isang pangaral na praktikal. Mayroon itong bahid ng ispiritwal na intensiyon sa likod ng mga kataga nito. na nagsasabi ng esensiya nito, "Hindi mo mapapalaya ang iyong sarili, subalit ang katotohanan ay magagawa ito."
   Ang katotohanan na nagpapahirap sa ating mga puso. Sa bawa't pakikibaka sa buhay, ang katotohanan ay nakikipag-usap sa atin; ipinapaliwanag nito kung anong tunay na anyo ng bawa't bagay, relasyon, at mga pagkakataon, hindi kailanman o para sa lahat ng tao, datapwa't sa mga sandaling ito na tayo ay nag-iisa, pinupukaw nito ang ating kamalayan. Ang kagyat na pagdaloy ng malay ay kailangang pahalagahan kung nagnanais mong makalaya.
  
      Magbulay-bulay nang malaman ang malaking kaibahan.
      Ang magandang kapalaran ay dumaratal doon sa mga mapaghintay.

      Nagiging makatao tayo kung ihihinto ang mga karaingan at kasakitan sa sarili, at simulang tuklasin ang mga katotohanan na siyang nagpapaikot sa takbo ng ating buhay. Kung maiwawasto ang ating kaisipan na isipin lamang ang makakabuti at makabuluhan para sa atin, hindi natin magagawang manisi at pagbintangan ang iba sa kalagayang ating kinasadlakan. Magagawa natin na maging matatag at marangal kung gagamitin natin sa kabutihan, kaunlaran, at kaligayahan ang kapangyarihan, talento, at mga posibilidad na mayroon tayo.
   Ang pruweba ng katotohanang ito ay nasa bawa’t tao, kung kaya’t kailangang tanggapin ang madaling pagtuklas na pakalimiin na makilala ang sarili. Hayaang palitan at mabago ang kaisipan, at masusumpungan ang mabilis na transpormasyon na kailangan sa makamundong buhay na ating ginagalawan.

14  Ang Landas sa Paglaya
       Simulang sumisid sa kaibuturan ng iyong puso.
    -1 Sundin ang daloy ng iyong kamalayan nang makita ang katotohanan.
    -2 Huwag tutulan kung ano ang nangyayari sa kalooban.
    -3 Buksan ang kaisipan sa mga hindi maintindihan.
    -4 Huwag supilin o ipagkait ang anumang iyong nadarama.
    -5 Apuhapin ang anumang nagpapakislot sa iyong guni-guni.
    -6  Maging wagas, bigkasin ang iyong katotohanan.
    -7 Hayaan ang iyong kabatiran na maging iyong katotohanan.
  
       Gawin ang sarili na matalik mong kaibigan, hindi nang iyong masahol na kaaway. Walang sinumang gagalang sa iyo, kung wala kang paggalang sa sarili mo. Hangga't wala kang pag-ibig sa iyong sarili, hindi mo magagawang umibig ng iba. Yaon lamang na mayroon ka ang magagawa mong maibigay. Kapag ipinamumuhay mo ang katotohanan ng isang reyalidad, bawa't sekreto na nasa iyo ay kusang nahahayag nang walang pagtutol. Kung ano ang iyong ginagawa at ipinapakita, ito ang batayan ng iba upang makilala ka.
       Ang aking buhay ay bahagi ng bawa't buhay ng iba: Ang aking koneksiyon sa lahat ng may buhay ang nagpapatunay na wala akong kaaway.
       
15  Ang Sukatan ng Katotohanan
      -1 Mayroon kang matayog na layunin.
      -2 Patuloy ang ugnayan mo sa kabubuan ng buhay.
      -3 Ang iyong kamalayan ay laging nakabukas para magbago. Sa paglipas ng mga sandali, nadarama nito
     ang matuling pagbabago ng mga bagay sa iyong kapaligiran.
     -4 Nadarama mo ang malugod na pagtanggap mula sa iba bilang kapantay, nang walang paghatol o panunuri.
      -5 Sinasamantala mo ang bawa't pagkakataon nang may panibagong lakas na makalikha, hindi nakakapit at pinasusunod ng mga luma at wala na sa panahong kabatiran.
      -6 Batid mo ang iyong katauhan ay inaaruga at may patnubay ka ng mga indayog ng pagkalinga ng sansinukob. Nadarama mong ikaw ay ligtas at pinagyayaman.
      -7 Ang ideya mo ng kahusayan at kagalingan, ay hayaan ang daloy ng buhay na ipagkaloob sa iyo ang iyong mga pangangailangan at kaligayahan. Ang mga karahasan, pagsupil, at matinding pakikibaka ay hindi mo mga kaparaanan.
     -8 Nadarama mo ang kamalayan ng koneksiyon at patuloy kang lumalapit sa iyong pinagmulan.
     -9 Itinalaga mo na ang magbigay bilang pinanggagalingang lahat ng iyong kasaganaan.
   -10 Nakikita mo ang lahat ng pagbabago, ang matiwasay at masalimoot, ang kaligayahan at kapighatian, pati kapanganakan at kamatayan. Ang mga ito ang nagpapatotoo na anumang hindi nagbabago ay siyang higit na katotohanan sa iyo.
    
      Yaong mga hindi nakikita ang higit na pinakamahalaga.

      Alamin kung kailan kikilos, at alamin kung kailan hihinto.

      Tanggapin na ang mga sakuna ay hindi maiiwasan.
16 Ang Walang Hanggang Lunggati
      Kung nagagawa nating paghandaan ang isang karaniwang piknik at anumang okasyon, higit na mabuti ang paghandaan at planuhin din ang ating buhay. Ang kabatiran sa ating pagkatao ay mahalaga. Anumang kaisipan ang ating itinutuon dito, ay siyang magaganap. At lahat ng nangyayari sa buhay na ito ay hindi mga pagkakataon lamang, bagkus ay bunsod ng ating iniisip. Hindi tayo biglang sumingaw o nagkataon lamang. At lalong walang katotohanan na tayo ay biktima ng pagkakataon. Tayo mismo ang lumilikha nito katulad ng ating iniisip. Mistulang batu-balani ang ating kabatiran na humahalina at humihikayat ng mga kaganapan.Tumutulong ang mga tao na makarating ka.
      Maging malikhain at gawin ang lahat ng makakaya.

      Anumang lunggati o adhikaing nabuo sa iyong kaisipan, ang kaluwalhatiang lumulukob dito ang siyang maghahari sa kaibuturan ng iyong puso. Ito ang magtatag at bubuo ng buhay na iyong minimithi, at ito ang mismong katauhan na mangyayari sa iyo.
-------
KALIGAYAHAN (Joy)  
    Sa bawa’t pagtitipon at ugnayan ng mga tao ay mayroong mga pagkilos, at mula dito ay may mga resulta, at kung anong tindi ng pagkilos ay siya ring katumbas ng resulta. Hindi ito pagkakataon. Ang mga ‘regalo’ kapangyarihan, materyal na mga bagay, kamalayan, at kabatiran ay sanhi at naging bunga ng mga pagkilos na ito. Sila ay mga kaisipang nabuo, mga bagay na nakuha at napagtagumpayan, at mga pangarap na naging makatotohanan. Kapag naisagawa natin ang ating iniisip at nagtagumpay, ito ang nagpapaligaya sa atin.
   
    “Masaya o maligaya ka ba?”
   “Kaligayahan ko na ang makita kitang masaya.”
   “Siya na may mabuting hangarin, ay maligaya sa tuwina.”
   “Ako’y maligaya; sapagkat kinawilihan ko na ang magpaligaya!”

17  Ano ang Kahulugan ng Kaligayahan?

18  Ang Diwa at ang Kaligayahan
       Pasasalamat ang panlaban sa pagkabalisa.

19  Kasiyahan at Kaligayahan: Ang Pagkakaiba sa pagitan Nila

20  Isang Pagtupad sa Pagpili
       Hayaan ang sarili na makamtan kung ano ang iyong nais.
       Pag-aasawa


       Mapili ka ba sa mga nakikita mo? Kung ikaw ba'y nakakakita ng mga karahasan, nakakapanood ng mga kalaswaan at mga gawaing hindi kanais-nais, ipinagpapatuloy mo ba ito para malibang at aliwin ang iyong sarili?
    Panatilihin ang iyong kamalayan na siyang nasusunod. Ang iyong kabatiran sa bagay na ito ang siyang “kapitan ng iyong barko, at maestro ng iyong kaluluwa.” Ginigising ka nito kapag mahimbing ka sa iyong pagtulog; ang pagsupil sa iyong sarili ang siya mong kalakasan; ang tama at dalisay na kabatiran ay iyong kagalingan; at ang iyong mahinahon at matalinong pangmasid sa lahat ng kaganapan ay ang iyong katotohanan.
-------

KAPAYAPAAN (Peace)  
   Bigkasin mong malakas mula sa kaibuturan ng iyong puso, Kapayapaan, manatili ka!”

21  Ipamuhay ang Mabuting Buhay

    Ang magmahal ng kapwa ay mainam kaysa mayamot at paalisin siya.
   Ang tanggapin ang kapwa ay mabisa kaysa punahin at itama siya.
   Ang pansinin ang kapwa nang walang kahatulan ay mahalaga kaysa mang-uri at hamakin siya.
   Ang maging mapayapa ay mahusay kaysa makipagtalo, gumanti at makapanakit.
-------

KALUWALHATIAN (Divinity)  
   May bagay na hindi kilala ang nagnanais na makilala. Ikaw ang pinakamahalagang nilalang sa balat ng lupa, sapaglat sa antas ng kalahatan ng iyong pagkatao: Kaisipan, Kamalayan, Kabatiran, at Katotohanan ikaw ang daigdig mo. Hindi na kailangan pa na pagsumikapan ang karapatan na malaman mo ito. Ang iyong susunod na kaisipan, pakiramdam, o pagkilos ay magsisimula na buksan at mahayag ang iyong pinakamalalim na kawatasang ispiritwal. Ito'y dalisay na dumadaloy at malaya tulad ng malinaw na tubig na sumisibol sa batis. Hindi makapangyayari sa iyong sarili na panatilihin ang mga sekretong ito na ikubli o supilin magpakailnaman, kahit gaano mang pagpupumilit o patuloy na sinasanay tayo ng ating mga kamulatan at kinagisnan na maging iba kaysa sa tunay at wagas nating pagkatao.
  

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

... durugtungan
May mga pahina na ang KAISIPAN (12Abril/12), KAMALAYAN (11Abril/12), KABATIRAN (12 Marso/12), KATOTOHANAN (03 Marso/12), KALIGAYAHAN (02 Marso/12), KAPAYAPAAN (01 Marso/12), at KALUWALHATIAN (27 Marso/12).



No comments:

Post a Comment