Malaki na ang ipinagbago ng ating daigdig, dati-rati’y maraming araw at buwan ang bibilangin bago ka makarating sa iyong malayong patutunguhan. Ngayon, ilang oras lamang nasa ibang bansa ka na. At maging sa larangan ng komunikasyon, ilang sandali lamang, nababasa na ang iyong isinulat. Pati na ang ating mga sarili ay nakikita na habang nag-uusap.
Isang napakagandang kagamitan ang daigdig ng internet, lahat ay nagagawa ng digital na pamamaraan nito. Pinalalakas ang ating kabuhayan at itinataas ang antas ng ating mga buhay. Sa ekonomika, pangangalakal, industriya, agham, edukasyon, at lahat ng mga prosesong gumagamit ng anumang digital ay kaunlaran ang tinutungo.
Tulad ng Facebook at Twitter, dalawa sa maraming mga komunidad sa internet na nag-uugnay sa atin – nagagawa nitong maibahagi ang inpormasyon sa mabilis at makabagong mga proseso. Dangan nga lamang, sa pagbubukas ng maraming larangan at mga pagkakataon sa teknolohiya, mayroon tayong higit na mahalagang nakakaligtaan. Nawala na ang nakagisnan nating magiliw na pakikipag-relasyon. Mga bagay na personal na umuusbong mula sa ating damdamin at nanonoot sa ating kamalayan. Hindi na tayo tulad ng dati na personal at ‘makatao’ ang ugnayan. Palibhasa’y ‘monitor’ ang kaharap natin at walang damdamin, mistula itong 'kasangkapan' na lamang kung ituring. Gayong ang tumatanggap ng mensaheng iyong ipinadala ay hindi ang ‘computer,’ bagkus ay isang tao na may damdamin na marunong magpahalaga, masaktan, maging masaya, lumungkot at magdamdam.
Sa moderno at mabilis na mga teknolohiya, mabilis na rin tayong magpasiya. Lahat ay nakabatay sa ‘quick fix’ o sa isang iglap, ay kailangang makuha na ang anumang nais natin. Pawang madalian ang lahat. Dati, masaganang tapsilog ang agahan, ngayon kape't pandesal na lamang. Sa tanghalian, ayos na ang isang sandwich at softdrink. Sa hapunan, lalong nagmamadaling makauwi, tama na ang isang tuhog ng 'adidas barbecue' at kinulayang isang basong pampalamig. Kaya doon sa mga nnagtatrabaho sa call center, naging zombie na sila. Hindi kataka-takang uminit agad ang ulo nila at mayamot kapag naharap sa mabagal na pagkilos ng iba. Maging sa mga pag-uusap, kailangang deretso, walang paligoy-ligoy at maikli. Kaya nagiging maikli na rin ang ating pasensiya at hindi na makapagtimpi maging sa mga karaniwang bagay.
Marami sa atin ang sumusulat ng maraming bagay sa internet na hindi man lamang napagkuro at inalintana ang magiging resulta o kakahinatnan nito. Gayong marami din sa kanila ang hindi magagawang bigkasin ito, kung personal nang nakaharap ang taong pinagsasabihan. Nagkalat ang mga pumupuna, pumipintas, mapanuri at naninira, at walang magawa sa larangang ito. Marami ang may masamang layunin, nakalalasong negatibo, at mapangwasak ng karangalan na ginagawa ng mga kritikong ito. Mayroon silang mentalidad ng talangka (crab mentality) na tila buni, na kapag kumati, ay nagkakandaluha sa sarap na kamutin ito sa tuwina.
Higit na nakakaaliw sa kanila ang mga tsismisan, kontrobersiya, mga alitan, palitan ng asawa, patayan, kasakiman at mga kabuktutan – maliban sa kapayapaan, makabuluhan, at makataong ugnayan.
Sa mga pahayagan, sa radio, at sa telebisyon; higit na pinag-uukulan at itinutuon ang pansin doon sa mga negatibo, nakasisira, pumipintas, umaaglahi, at mga kasalaulaan. Pilit na inilulugmok ang bayan sa mabahong pusali. Kasiyahan na nila ang manatiling nakababad at nagtatampisaw sa pusalian ang ating lipunan.
Subalit patuloy pa rin tayong nananalig. Mayroon pa ring mga tunay na Pilipinong higit na mapagmahal at nagmamalasakit sa ating lipunan, sa kabila ng lahat. Marami pa rin sa atin ang walang sawang inilalarawan ang ating bansa na masaya, umuunlad, at pinamamahayan ng mabubuting mamamayan, anuman ang mangyari. Marami pa ring mga komunidad ang nagtutulungan, dumaramay, at nakikiisa sa malawakang pagbabago para sa ating bansa. Nakita natin ang maramihang pagdamay noon sa ating nasalantang mga kababayan, dahil sa mapinsalang mga bagyong Ondoy at Sendong. Kapuri-puri ang kanilang mga ipinakta at nagawa.
Marami pa rin ang mahinahon, maginoo, mahinhin, at magiliw sa atin. Mga damdaming makatao na nagpapalubag ng kalooban upang maging matiwasay at mapayapa ang ating buhay. Subalit dinadaig sila ng makabago at mabilis na pagsulong ng teknolohiya. Karamihan ay nagiging ‘robot’ na de-makina at de-baterya, na kailangang pindutin upang pakilosin at tuluyang magising.
Kailangan nating magkaroon ng tinig sa katotohanang unti-unti nang naglalaho ang damadaming makatao nating ito. Kailangan natin ng mga gabay at panuntunan. Mga pangkaraniwan at simpleng katotohanan. Mga pangunahin at mahalaga sa lahat. Mga paraang magagamit natin sa pakikipag-relasyon sa bawa’t isa.
Sa buwang ito ng Pebrero, na may 29 na araw;
ito ang Buwan ng Pag-ibig.
Ipinagbubunyi natin ang dakilang araw ng mga puso. Ito ang diwa ng dakilang relasyon na bumubusog at nagpapayabong sa ating pakikipag-kapwa; ang matalik at punong-puno ng buhay at kaligayahan.
Pagtuunan ninyo ito ng ibayong atensiyon sa tahanan, sa trabaho, sa mga taong nakakasalubong sa daan, nakakasama sa paglalakbay, at saan mang pook kayo mapunta.
Natiyak ko, na minsan lamang akong daraan sa buhay na ito. Kaya nga, anumang kabutihang aking magagawa, maipapakita, maipadarama, o anumang bagay na aking maitutulong sa aking kapwa, hayaang gawin ko na ito ngayon, at huwag itong iwasan o pabayaan man lamang, sapagkat hindi ko na muli pang tatahakin ang landas na ito.
Narito ang pitong paraan na lubos na mag-uugnay sa tamang relasyon.
1 – Kaibiganin Mo ang Iyong Sarili
Hangga’t hindi mo natututuhang mahalin ang iyong sarili, hindi mo magagawang magmahal ng iba. Ang bagay na wala sa iyo ay hindi mo maaaring ibigay sa iba. Nais mong magkaroon ng mabubuti at matalik na mga kaibigan? Maging palakaibigan ka. Magagawa mo lamang ito, kung tunay na kaibigan ka ng iyong sarili. Bakit? . . . dahil kung wala kang respeto sa iyong sarili, walang magre-respeto sa iyo.
2 – Maging Tunay Ka
Ang tawag dito’y wagas at taal ang iyong pagkatao (authentic). Ito ang iyong personalidad na nadarama at nasisilayan ng iba. Ito ang makapangyarihang panghalina upang ang lahat ng iyong mga nakakadaupang-palad ay komportable, hindi asiwa, nabubugnot, at naiinis sa iyo. Magaling sa unang harapan, ngunit sa katagalan ay kinayayamutan. Iwasan ang ningas-kugon na pag-uugali. Patunayan at pahalagahan ang iyong mga pangako. Alalahanin na sa bawa’t pagkilos, ang iyong pagkato ay nakasalang at hinahatulan.
3 – Maging Matapat at Mapagkakatiwalaan
Ipakita ang katapatan kaninuman nang walang hinihintay na pabuya o kapalit man. Laging isaisip na sa 99 na mabubuting gawa ay mawawasak ng isa mali lamang. Gawing kalasag ang iyong integridad sa bawa’t pagkakataon, maging karaniwan, nakatutukso, at lalo na, sa matinding kagipitan at pangangailangan. Ang iyong buong buhay, karangalan, at pagmamahal ng iyong pamilya at angkan, ay hindi makakayang tumbasan ng isang kamalian lamang.
4 – Bigkasin at Isulat Lamang ang Mabubuting mga Kataga
May bumubuhay, nakakagiliw, at nagpapalakas na mga kataga, gayundin ang mga nakakamatay, pumipinsala, at nagpapahinang mga kataga. Piliin lamang yaong mga tama, gumigising, nagpapaunlad, nakakabuti, at nakapagpapaligaya. Nasa ating kapasiyahan kung anong intensiyon ang paiiralin natin sa ating puso. Yaon bang Matiwasay o Masalimoot? Yaong bang Kaligayahan o Kapighatian? Yaon bang may Buhay o may Kamatayan? Alinman ang piliin mo dito ay siya ring magiging kapalaran mo.
5 – Tumitig sa mga Mata ng Kausap
Sa harap ng computer, kung walang video, hindi mo nakikita ang iyong kinakausap o sinusulatan. Ang magagawa mo lamang ay iparamdam ito sa kanya na parang tunay na kaharap mo siya. Huwag akalain na ang kahong kaharap mo’y bagay lamang at walang damdamin. Sapagkat sa isang pagpindot lamang, ang iyong buhay, karangalan, trabaho, pamilya, at lahat ng tungkol sa iyong pagkatao ay lumipad na; at hindi na magagawa pang maibalik. May pakpak ang balita, at ang nahayag ay hindi na muling maihahayag na katulad ng nauna. Ang mata ang salamin ng lahat ng kaganapan.
6 – Magpasalamat ng may Ngiti sa Labi
Sa lahat ng pagkakataon o anumang sitwasyon ay kailangan ang pasasalamat. Bigkasin ang dalawa na pinakamahalagang mga kataga, “Maraming salamat.” Malaki ang nagagawa nito sa relasyon. Ito ang susi ng tagumpay sa anumang larangan na iyong ginagalawan. Kapansin-pansin na yaong mga taong nakalugmok sa kahirapan at patuloy ang mga kabiguan sa buhay; ay laging panis, kinakapos, at maramot na mabigkas ito. Kaya nga ang kapalaran, ay laging maramot din sa kanila.
7 – Tahakin ang Tamang Landas
Kung tama ang ginagawa mo, tama din ang magiging resulta nito. Kung mali ang ginagawa mo. Mali din ang magiging resulta nito. Kung tama ang iyong pakikipag-relasyon, tama din ang kahahantungan nito. Hindi maaaring magbunga ng mangga, ang bayabas. Kung ano ang iyong itinanim, ay siya mo ring aanihin. Ito ay nasusulat at nakatakdang mangyari.
Papaano ito makakamit?
Magkaroon ka ng pananalig sa Makapangyarihan sa Lahat.
Ano ba iyon?
Ito ang laging bumubulong sa iyo, ng tama at mali.
Papaano ba malalaman ang tama at mali?
Simpleng-simple lamang ang kasagutan dito; Magkaroon ng patnubay na higit na makapangyarihan kaysa iyong sarili. Sapagkat kailanman, hindi mo magagawa ang lahat. Sa dahilang hindi perpekto ang pagkakalikha sa iyo. At anumang sandali, at dito'y walang nakakaalam . . . kung ano ang iyong magiging kapalaran.
At kung mali naman, malungkot ka, nahihirapan ang iyong kalooban, at hindi mapakali ang iyong nararamdaman, na tila may umuusig sa budhi mo.
Bah . . . Anong madarama ko kung tama at mali ang nagawa ko?
Naisin mo man o hindi, mararamdaman na tama ang nagawa mo, kung maligaya ka at may kalakasang naghahari sa iyong kalooban.At kung mali naman, malungkot ka, nahihirapan ang iyong kalooban, at hindi mapakali ang iyong nararamdaman, na tila may umuusig sa budhi mo.
Aba, ... papaanong nangyari 'yon?
Kapag nakagawa ka ng kamalian, namintas, nagmura, at nakapanakit; Matapos gawin ang mga ito, may kapaguran kang madarama. Mahapdi ito na nagpapadilim ng iyong isipan at nais pang ulit-ulitin para makaganti. May masamang Ispirito na umaaliw sa iyo.
Kapag nakagawa ka naman ng kabutihan, may natulungan, at nadamayan; Matapos ito ay may kaginhawahan kang nalalasap sa kaibuturan ng iyong puso. Luwalhati ito na may magandang Ispirito na sumasanib sa iyo.
Ha…ispirito? . . . Ano 'yon, paki-paliwanag nga?
Madali lamang, marami itong pangalan; Konsensiya, Kaluluwa, Enerhiya, Elektrisidad, Ispirito, Dakilang Lumikha, Panginoon, atbp.
Ow . . . siyanga? ... paano ba ‘yon?
Hindi mo pa rin ma-get? . . . Hindi ba ang tama, sa Inggles ay Right? At ang mabuti, sa Inggles ay Good.
Ang tamang solusyon lamang dito; ... ay bawasan mo ng isang letrang o ang Good at ang tamang kasagutan ay na-get mo na.
Hanggang sa muli, at napahaba na naman ang ating talakayan.
Maraming Salamat Po!
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment