Monday, February 13, 2012

Si Pag-ibig at si Panahon


Maipipikit mo ang iyong mga mata sa mga bagay na iyong nakikita, subalit hindi mo magagawang ipinid ang iyong puso sa mga bagay na nais mong madama.

   Noong unang panahon, mayroon isang pulo na kung saan lahat ng mga damdamin ay naninirahan: Sila ay sina Masayahin, Malungkutin, Mayaman, Palalo, at maraming iba pa, kasama din si Pag-ibig. Isang araw, isang pantas ang dumating at nagbabala na ang pulo ay daraanan ng dambuhalang mga alon at ito’y lulubog. 

  Mabilis na gumawa ng mga bangka ang lahat at nag-alisan, maliban kay Pag-ibig.

   Si Pag-ibig lamang ang tanging naiwan, sapagkat sadyang minamahal niya ang pulo. Nais nitong makatiyak hanggang sa huling sandali kung magaganap ang paglubog at doon lamang siya kikilos. At ang sakuna ay nangyari, malalakas na daluyong ng rumaragasang mga alon ang tumama sa pulo at unti-unti na itong lumubog. Nagpasiya si Pag-ibig na humingi ng tulong sa mga bangkang inaanod ng mga alon.

   Isang malaki at magarang bangka ang naparaan na sakay si Mayaman. Mabilis na humingi ng saklolo si Pag-ibig at nakiusap, “Mayaman, maaari bang makasakay sa iyong Bangka? Tulungan mo naman ako.”

   Ang sagot ni Mayaman, Hindi maaari! Marami akong isinakay ng mga ginto at pilak, pati na ang mamahalin kong mga ari-arian. Wala ng paglalagyan dito para sa iyo!”

   Nanlulumo na napayuko si Pag-ibig, nang maulinigan niya ang tawa ni Palalo, nakita niyang mayabang itong nakasakay sa magandang bangka. Palalo, tulungan mo ako! Nais kong sumakay sa bangka mo,” ang pakiusap ni Pag-ibig.

Hindi kita matutulungan, Pag-ibig. Basang-basa ka na at makakasira ka lamang sa aking mga magagandang kasangkapan na narito. Isa pa, puno na ang bangka at wala ka nang masi-siksikan dito,” ang paiwas na paliwanag ni Palalo. 

   Napaluha si Pag-ibig sa narinig, nang mapansin niya si Malungkot sa parating na bangka. “Malungkot, maaari bang makisakay sa bangka mo? Maari ba, ha?ang pagsusumamo ni Pag-ibig.

Ay naku, hindi maaari, nais kong mapag-isa. Hindi ako makakatagal na may kasama sa aking bangka. Mababagot ako.” Ang mariing pag-iwas ni Malungkot.

   Umiiyak na si Pag-ibig nang maparaan ang bangka ni Masaya. Subalit sa matinding kasayahan nito, hindi man lamang niya naulinigan ang paghingi ng tulong at mga pagsusumamo ni Pag-ibig. 

   Marami pa ang inaanod na mga bangka ang napagawi sa palubog ng pulo. Subalit katulad ng mga naunang sakay, pawang pagtutol at mga kadahilanan din ang kanyang mga natanggap. Tuluyan nang napahagulgol sa pagtangis si Pag-ibig sa sinapit niyang kapalaran, nang biglang may narinig siyang tinig,Halika, Pag-ibig, sumakay ka sa bangka ko, at ililigtas kita!

   Isang matandang lalaki ito na mabilis na sumasagwan upang malabanan at makaiwas sa paghampas ng malalaking mga alon sa kanyang bangka. Sa tinamong pagpapala at matinding katuwaan, nakalimutan ni Pag-ibig na tanungin ang matanda kung saan sila patungo.


   Huminto na ang mga daluyong nang makarating sila sa isang pulo. Pagsadsad sa pampang, mabilis na lumisan ang matanda. Napamaang at naghinayang si Pag-ibig, nang hindi man lamang siya nakapagpasalamat sa kabutihan ng matanda. 

Maya-maya, isang matandang lalaki ang dumating, si Maalam, at inaanyayahan siya sa bahay nito upang makapagpahinga at may makain.

“May itatanong lamang po ako sa inyo,” ang samo ni Pag-ibig, “Sino po ang matandang lalaki na tumulong at naghatid sa akin dito?

 “Ah, ‘yon bang nagsakay sa iyo? Siya si Panahon,” ang tugon ni Maalam.

Si Panahon? Nagtatakang hindi kaagad makuro ni Pag-ibig. 

Bakit ako tinulungan ni Panahon? Bakit siya pa?


 Napangiti si Maalam, at makahulugan itong nagpahayag;

“Sapagkat si Panahon lamang ang may kakayahang makaunawa kung gaano ang kahalagahan ng wagas na Pag-ibig.






Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment