Sunday, February 12, 2012

Iniibig Kita



  Ang pag-ibig ay isang pinakadakilang handog na maaasahan nating ipadama at matanggap. Ang pag-ibig ay isang damdamin na may kapangyarihang malampasan ang anumang pagsubok at  kapighatian na ating nararanasan sa buhay. Ito lamang ang nakapagbibigay ng ibayong kasiglahan upang magpatuloy at umasang ang lahat ay tahasang magaganap.

Makapangyarihan ito – sa isang iglap, ang simangot ay nagagawang mapangiti. Ito ay tumutulong na lunasan ang nasiphayong puso. Nagagawa nito na maging kulay rosas ang kapaligiran at batbat ng kaligayahan ang bawa’t sandali. Napapalitan nito ang mga kapangitan saan mang sulok ng daigdig ng pinakamagandang larawan na kaibig-ibig at nakalulugod na yakapin. Ito ang pag-ibig -

 Ang mabisang mga kataga ng pag-ibig ay, “Iniibig kita, maging sinuman ikaw.”

   Ang pag-ibig ay mayroong pagnanais na maibigay sa iba kung anuman ang nasa atin at ang kasiyahan dulot nito sa kanya ay madama din natin.

   Kapag ang pag-ibig ang nasasangkot, wala kang kinaliligtaan o pinanghihinayangan. Ito lamang ang siyang tanging nangingibabaw sa iyo.

KUNG NASAAN ANG PAG-IBIG, NAROON ANG MUSIKA.

   Mahirap makamit ang pag-ibig, at higit na mahapdi ang iwasan ito.

   Hindi kailanman natin masasaid ang pag-ibig; anumang gawin para dito, naroon pa rin ito sa iyong puso at nagpupumilit na pagbuksan upang makalaya.

   Ang wagas na pag-ibig ay tulad ng multo, marami ang bumabanggit nito ngunit iilan lamang ang nakakakita.

   Hindi sinasarili ang pag-ibig o mistulang bagay na pag-aari. Sa dahilang ang pag-ibig ay yumayabong lamang kapag ipinadarama ito sa iba. Kahalintulad ito ng may sinding kandila na nagagawang sindihan ang libong mga kandila nang walang pagbabago sa kanyang ningas.

   Iisa lamang ang tunay na kaligayahan: ang magmahal ka at ang mahalin ka.

  Hangga’t umiibig ka, ang kaligayahan ay sumasaiyo.

Ang mga pangunahing sangkap ng umiibig na damdamin ay:
Paghanga        "Wala ng ibang katulad mo."
Pagkilala            “Turan mo giliw ko, kung papaano pa kita mapapaligaya."
Pagtingin              "Hindi kita ipagpapalit kahit kaninuman."
Pagkagiliw          “Masaya ako kung lagi kitang nakikita at nakakasama.”
Pagsuyo              “Kahit anumang mangyari, hindi kita iiwanan.”
Pagmamahal   “Minamahal kita, nang walang anumang pag-aalinlangan.
Pag-ibig          “Iniibig kita, maging sinuman ikaw.”

Panginoon, gawin mo akong instrumento ng iyong kapayapaan
kung saan mayroong pagkasuklam, hayaan mo akong magpunla ng pag-ibig
kung saan mayroong pagkasugat, kapatawaran
kung saan mayroong paghihinala, pananalig
kung saan mayroong panggigipuspos, pag-asa
kung saan mayroong kadiliman, kaliwanagan
kung saan mayroong kalungkutan, kaligayahan.


   Ang mainam na kataga ng pagmamahal ay, “Minamahal kita, nang walang anumang pag-aalinlangan."

   Ang pagmamahal kailanman ay hindi itinuturo bagkus ito ay kailangang matutuhan; hindi ito kailanman mabibili bagkus ito ay ipinapadama; hindi rin ito magagawang maitago, supilin, at kitilin dahil ito’y malaya at kusang sumisibol; at kailanman ay hindi tumatanda bagkus nagpapatuloy na masigla nang walang hanggan.

   Ang pagmamahal ay kawangis ng isang rumaragasang ilog; hadlangan mo man ito, lilikha pa rin ng mga kaparaanan upang magpatuloy .

   Ako ba’y mahal mo dahil maganda ako; o, maganda ako sapagkat minamahal mo?

   Ang pagmamahal ay mananatiling kataga lamang hangga’t hindi nalalakipan ng wagas na pag-ibig.

   Kung nagagawa mong mahalin ang sinuman nang walang pag-aalinlangan at nakahandang magpakasakit  at ibigay ang anumang nasa iyo para sa kanya, at kung siya naman ay ganoon din sa iyo, hindi niya magagawang hilingin ang mga ito mula sa iyo.

   Kung magagawa mong pangibabawan ang iyong damdamin, magagawa mong higit na magmahal.

   Kailanman ang buhay ay hindi laging abala, at wala ka ng sapat na panahon upang magmahal.

   Minamahal ang iba hindi kung sino sila bagkus kung gaano ang kanilang ipinadarama.
 
   Walang kaligayahang makakapantay sa kaligayahang nagmamahal ka ng iba.

   Ang mga matang hindi lumuluha, ay hindi nakakakita. At ang pusong walang nadarama, ay manhid at mapanganib.
 
   Nagmamahal tayo kapag tayo ay umiibig. Hindi tayo nagmamahal upang mahalin; mahal natin ang magmahal.

Natutuhan ko na malilimutan ng mga tao kung ano ang iyong binigkas, malilimutan din nila ang iyong mga pasakit, subalit ang hindi nila malilimutan kailanman ay kung papaano mo nagawang sila’y magmahal.


   Ang magiliw na mga kataga ng pagsuyo ay, “Kahit anumang mangyari, hindi kita iiwanan.”

   Ang pagsuyo ay mistulang sanggol; nangangailanagan ito ng magiliw na pag-aaruga.

   Sumusuyo ka kung ang lahat ng iyong atensiyon ay nakatuon lamang sa ikaliligaya ng iyong minamahal. At ayaw mong makatulog, sapagkat ang reyalidad ay higit na kasiyasiya kaysa ang manag-inip.

   Hindi ang aking damdamin ang iyong sinusuyo; kundi ang aking kaluluwa.

   Nasa iyong pagsuyo mararamdaman ang iyong pagmamahal at pagpapahalaga.

   Makapagbibigay ka ng atensiyon, bakit nga ba hindi, subalit kung may lakip ito ng pagsuyo, nakakatiyak kang mananatili ang pagkagiliw na inaasahan mo para sa iyo.

   Sakaliman na may pagmamaliw sa iyong relasyon, pagdingasin ito ng higit pang mga pagsuyo upang patuloy na maglagablab. Alalahanin lamang na dalawang paraan para isilay ang liwanag – maging kandila na nagliliyab o maging salamin na may repleksiyon nito.


Ang maigting na kataga ng pagtingin ay; “Wala akong pakialam sa mga pamumuna at katwiran ng iba, ang alam ko lamang ay kung papaano ko pa higit na maipadarama ang pagtinging iniuukol ko sa iyo.”
  
   Hangga’t namamahay ang pagtingin sa iyong puso, mananatili ang magiliw na paglingap at pagmamalasakit.

  Hindi ang iyong pakikipag-kaibigan ang aking napansin, kundi ang pumukaw sa aking puso ay ang iyong pagtingin.

    Kung ang gagawin mo’y sumulyap lamang, wala itong kahalagahan. Ngunit kung may pagtingin, nakatitiyak kang ikaw ay diringgin.





  Ang akmang mga kataga ng pagkagiliw ay, “Masaya ako kung lagi kitang nakikita at nakakasama.”

Hindi lamang tayo nagkakagusto sa isang tao, dahil kapag nasaling nito ang ating puso at nagkaroon ng koneksiyon, nagiging magiliw tayo sa kanya.

  Malaki ang ipinagkaiba ng pagkagiliw at pagkagusto, sa pagkagusto ay may pagkasawa, sa pagkagiliw may kalakip at patuloy na pagmamahal.

  Hangga’t kinagigiliwan mo ang isang tao, umuusbong ang iyong pagtingin at nadarama mo ang pagmamahal na sa kalauna’y humahantong sa pag-ibig.

  Kapag mahal mo ang isang tao, nagiging magiliw ka sa kanya.


   Walang pag-ibig na uusbong, kung wala kang maipadaramang pagkagiliw.



   Ang patunay na mga kataga ng pagkilala ay, “Turan mo giliw ko, kung ano ang nararapat ko pang gawin upang mapaligaya kita.”

   Hindi mo magagawang ibigin o mahalin ang hindi mo kilala.

    Hangga’t nakikilala mo ang iyong sarili, makikilala mo ang iba. At sa dahil dito matututo kang kilalanin at ipadama ang damdaming ginising nito sa iyong puso.

   Nasa pagkilala lamang nagsisimula ang lahat. Habang nakaakma at naghihintay ay walang magaganap.

  
Ang pagkilala at pagkilatis ay magpinsan.
    


    Ang lapat na mga kataga ng paghanga ay, "Wala ng ibang katulad mo."

   Nagiging kahanga-hanga lamang ang lahat kapag umiibig ka. 

     Ang mataos na mga kataga ng paghanga ay, “Ang mga katangiang hinahanap ko sa isang kasuyo ay natagpuang kong lahat sa iyo.”

  Hindi ko magagawang magmahal kung walang paghanga akong nararamdam. Dahil kapag hamak sa tingin, walang sinuman ang makakapansin.

   Sa pakikipag-relasyon, kailangang makamit ang sitwasyon na kung saan ang katapatan at pagiging makatotohanan sa iyong sarili ay higit na mahalaga kaysa mapanatili ang relasyon. Nakabatay ito sa pitong pangmasid at pagkakakilanlan:

 Mga sangkap ng Paghanga
Pagpansin        Sadya kahanga-hanga ang iyong pagkatao.
Pagnanais         Palagay ko, kailangang higit pa kitang makilala.
Pag-asa            Umaasa akong nadarama mo din ang nadarama ko sa iyo.
Pakilatis           Nakikita ko ang kagandahan at kawagasan sa iyong puso.
Paghihinala     Sana naman tanging ako lamang ang nasa iyong puso.
Pagkatakot     Huwag mo sana akong malimutan.
Pagkagalit       Naiinis at nagagalit ako kapag hindi mo ako pinapansin.

   Kung pipilitin mong tanungin ako kung bakit humanga ako sa kanya, ay wala akong masasabi kundi ang siya ay ako at ako ay siya.

   Bawa’t hakbang niya ay sinusundan ko, bawa’t yapak niya ay tinatapatan ko, at bawa’t pagkilos niya’y ginagaya ko, dahil hinahangaan ko siya ay nais kong makapiling siya sa tuwina.

   Ang pag-ibig na walang paghanga ay damdaming nakakabalisa.

   Ang mga lalaki ay humahanga mula sa kanilang mga nakikita, ang mga babae mula sa kanilang mga naririnig.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment