Wednesday, September 28, 2016

Panatang Makabayan




  Ito ang orihinal na bersiyon ng ating Panatang Makabayan na buong kagitingang binibigkas matapos kantahin ang ating Pambansang Awit. Bahagi ito ng paglilinang ng ating mga paaralan sa mga mag-aaral upang ikintal sa puso, diwa at kaluluwa, ang marubdob na pagmamahal sa ating Inang-Bayan at sambayanang Pilipino. 

   Kadalasan sa mga pagtitipon; sa panahon ng pagdiriwang sa ating kasarinlan tuwing ika-12 ng Hunyo, bahagi ng programa ang pag-awit nito, at sa mga paligsahan at pagsasaya, ay kung sino ang makakabuong awitin ang ating Lupang Hinirang. Matapos ito, ang susunod naman ay ang pagbigkas ng Panatang Makabayan. At kadalasan din, marami ang nakakalimot at hindi mabuo ang kanta at panata. Ang kanilang katwiran, para lamang ito sa mga bata. Sa ating henerasyon ngayon, lalo na doon sa mga nagsilaki at nagkaisip sa ibang bansa, tuluyan na itong nalimutan. Doon naman sa mga may kagulangan at mga magulang na, pawang pagkibit ng mga balikat at ismid ang ipupukol sa iyo. May iba naman, tinging Medusa ang magpapatigil at paparalisa sa iyo. Tila mga napapaso at kalabisan na sa kanila ang pag-ukulan pa ito ng pansin.
   Subalit ayon sa kanila, sila'y mga Pilipino. Kaya lamang, walang nalalaman o, pitak sa kanilang puso ang anumang kataga sa awitin at panata tungkol sa pagiging tunay na Pilipino

   Pilipino nga kaya sila? Katanungang pinipilit kong arukin. 

   Ang Lupang Hinirang at Panatang Makabayan ay mahalagang sangkap sa ating katauhan. Nanlulumo ako at hindi mapagtanto, kung bakit iilan at bihira ang nakakaalam ng mga ito. Gayong ito ang nagpapaala-ala, bumibigkis, at nagpapakilala sa atin kahit kaninuman, kailanman, at saan mang panig ng mundo. Pinatitibay nito ang ating pagiging makabayan at pagmamalasakit sa ating katutubong kultura at mga sining. Ito ang ating sandigan at personalidad na kumakatawan sa atin kung sino tayo, anong lahi at uri, at ang ating pinanggalingan. Hindi tayo mga putok sa buho na bigla na lamang lumitaw at walang nalalaman sa ating pinagmulan. 

   Nagiging katawa-tawa at nalalagay sa alanganin ang ilang Pilipino kapag nahihilingang awitin ang Lupang Hinirang at ipahayag ang Panatang makabayan, at hindi mapaunlakan ang mga banyagang humihiling. Gayong sila ang pasimuno at nangangasiwa sa mga pagdiriwang ng kani-kanilang mga pook sa ibang bansa. Higit pang nakakabalisa; maraming guro sa ngayon ang hindi rin maawit ng buo ang Lupang Hinirang at mabigkas ng tuwiran ang Panatang Makabayan, kapag tinatanong ng mga kabataang nagnanais na matutuhan ang mga ito. Sa maraming bansa na aking napuntahan at sinalihang mga pagdiriwang, laging bahagi ito sa mga kulturang pagtitipon. At bilang mga tunay na Pilipino, nakalaan tayong ibahagi ang ating awit at panata. Ito ang pambungad sa alinmang okasyon na nagpapakilala sa ating bansa, lalo na sa pandaigdigang paligsahan, mga palaro at mga kompetisyon.

   Magagawa mo bang awitin at bigkasin ang dalawang makabayang pagdakila na ito sa ating Inang Bayan? 

   Ito ang malaking pagkakaiba sa tunay na Pilipino at doon sa mga huwad at nagkakunwaring Pilipino. Ang pakilala nila mga Pilipino daw sila, subalit hindi maawit ang ating Pambansang Awit at mabigkas ang ating Panatang Makabayan.

   Ang makalimot sa ating nakaraan at pagkakakilanlan; ay masahol pa sa isang banyaga na naghahanap ng sariling lungga.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


Istorya ng Buhay

Minsan matapos likhain ni Bathala ang mga hayop, kanyang pinagmasdan ang mga ito habang gumagala sa kaparangan at kagubatan. Tinawag niya ang aso at nagpahayag, “Sa nakita kong kasiyahan at paggalaw ng buntot mo, bibigyan kita ng 20 taon para mabuhay. Wala kang gagawin kundi ang umupo sa maghapon at tahulan ang bawat nagdaraan sa iyong paligid.”
   Tumugon ang aso, “Panginoon, masyado namang mahabà ang 20 taon sa pagtahol. Nais ko ay 10 taon lamang at isinasauli ko ang 10 taon.”
   “Kung ganoon ay gagawin kong 10 taon na lamang para sa iyo,” ang tagubilin ni Bathala.
   Tinawag naman ni Bathala ang matsing, “Masigla kang naglalambitin sa mga sanga, umaaliw at nakikipaglaro sa mga kagaya mo, bibigyan kita ng 20 taon na mabuhay.”
   Mabilis ang sagot ng matsing, Anooo? 20 taon para lamang makipaglaro, makipaghabulan at umaliw? Hindi ko matatagalan ito, ‘yong aso nga, 10 taon lamang, sana ako ay 10 taon din tulad ng sa aso.” At ito nga ang ipinagkaloob ni Bathala sa matsing.
   Tinawag naman ni Bathala ang bakà, “Lumapit ka sa akin bakà, kailangang sumama ka sa magsasakà sa kabukiran. At sa maghapon ay tulungan mo siya na magbungkal ng lupà sa init ng araw, magkaroon ng mga supling na guyà, at magbigay ng gatas para suportahan ang magsasakà. Bibigyan kita ng 60 taon sa paglilingkod mong ito.”
  Napailing ang bakà sa narinig at kapagdaka’y nakiusap, “Sa hirap na dadanasin ko sa kabukiran at pagsasakà, bakit naman 60 taon ang babakahin ko? Bakit hindi na lamang 20 taon at isinasauli ko ang 40 taon, hindi ko matatagalan ito.”
   At pumayag muli si Bathala sa kahilingan.
   Aalis na sana si Bathala nang mapansin niya ang isang tao na nakaupo sa gilid at matamang nanonood at nakikinig sa mga pangyayari.
  Tinawag niya ang tao, at nagpahayag, “Sa nakita kong interes na ginawa mo, nais kong maging masaya ka sa tuwina, ang kumain, matulog, maglibang, mag-asawa at tamasahin ang kasiyahan sa buong buhay mo. Bibigyan kita ng 20 taon para mabuhay.”
  Nakakunot ang noo na tumutol ang tao, Anooo? Bakit 20 taon lamang? Puwede ba, …sa akin na ang 20 taon ko, kukunin ko rin ang 40 taon na isinauli ng bakà, at ang 10 taon na isinauli ng matsing, pati na rin ang 10 taon na isinauli ng aso. Sa kabubuang lahat ay 80 taon. Ito ang kahilingan ko para lalo akong maging masaya.”
   “Sige na nga,” ang pagsang-ayon ni Bathala, “Ibibigay ko sa iyo ang kahilingan mong 80 taon.”

…At ito nga ang siyang naghari sa daigdig, sa unang 20 taon walang ginawa ang mga tao kundi ang kumain, matulog, maglaro, at aliwin ang sarili; ang sumunod na 40 taon ay pawisang magpaalipin sa init ng araw tulad ng bakà para suportahan ang sariling pamilya; at ang sumunod na 10 taon ay tularan ang matsing na makipaglaro at aliwin ang mga apo, ang natitirang 10 taon ay gayahin ang aso na umupo sa silyang de-tugyà sa harapan ng bahay at tahulan ang sinumang nagdaraan.

Ito ang buòd na istorya ng ating buhay at simpleng kuwento para sa iyo.

Jesse N. Guevara
wagasmalaya.blogspot.com
Lungsod ng Balanga, Bataan

Mga Katatawanang may Aral ng Linggo


Huwag seryosuhin ang buhay. Kailanman ay hindi ka makakalabas dito nang buhay.

Hindi ba katatawanan ang mga ito:
Talaga namang nakakatawa kung bakit ang hello ay nagtatapos sa goodbye.
Talaga namang nakakatawa kung ang magagandang alaala ay nagagawa kang paluhain.
Talaga namang nakakatawa kung bakit ang magpakailanman ay nauuwi lagi sa pansamantala.
Talaga namang nakakatawa kung bakit madali ang magpatawad kaysa lumimot.
Talaga namang nakakatawa kung papaano nagsisitakas ang ilang mga kaibigan kapag ikaw ay nangungutang.
Talaga namang nakakatawa kung marami ang dahilan kapag ayaw na mapakiusapan.
Talaga namang nakakatawa kung bakit nakangiti ka na ay nakasimangot pa ang iba.
Talaga namang nakakatawa kung sino pa ang nakakatulong siya pa ang laging sinisisi.
Talaga namang nakakatawa kung masaya ka marami kang kasama at kung malungkot naman ay laging nag-iisa.
Talaga namang nakakatawa kung kayabangan ay ipinangangalandakan, at kapag napahiyà, nagtatago sa lunggà.
Talaga namang nakakatawa kung bakit marami ang may opinyon kaysa ang umaksiyon.
Talaga namang nakakatawa kung putàk at hindi tilaók ang namamayani sa isang bahay.
Talaga namang nakakatawa kung ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw. Ang taksil naman ay pinsang-buo ng mandarayà at kalaguyò ng bugáw.
Talaga namang nakakatawa kung bakit may respeto sa iba, ay suwail naman sa sariling pamilya.
Talaga namang nakakatawa kung bakit kung mayroong makukuha ay pinupuri at kung wala naman ay pinipintasán.
Talaga namang nakakatawa kung wala nang maisaing ay nagtatawag pa ng mga bisità.
Talaga namang nakakatawa kung wala ka namang kakayahan huwag namang maghamon pa.
Talaga namang nakakatawa kung ayaw mong magkamali, magtungo sa isang sulòk at mag-isang magmukmòk.
Talaga namang nakakatawa kung nangangarap nang gising, mahirap talaga itong gisingin.
Talaga namang nakakatawa kung maiksi ang kumòt, magsimulang mamaluktòt.
Talaga namang nakakatawa kung bakit laging naghihirap ang mahihirap, at laging yumayaman ang mayayaman. Ito ay dahil sa katamaran at walang pakikialam.
Talaga namang nakakatawa kung ang madaldal ay nahuhuli sa bibig, papaano naman kung makatà, ito ay nahuhuli naman sa dilà.
Talaga namang nakakatawa kung ang reputasyon ay madaling makuhá, ang karakter naman ay madaling mawalà kahit sa isang kamalian lamang.
Talaga namang nakakatawa kung bakit may dalawa tayong tainga, at isang bibig. 
Talaga namang nakakatawa kung ang may mabubuting puso ay ulirán, at ang may masasamang puso ay kabuktutan; papaano naman kung walang puso, huwag pamarisán, dahil wala nang ipagbabago pa ito.

Isang pilosopiya ang sinusunod ko pagdating sa mga katatawanang ito ng buhay: Magpunò kapag may kulang. Kalusin kapag puno o bawasan kapag umaapaw. At kamutin kung saan may kumakati.

Jesse N. Guevara
wagasmalaya.blogspot.com
Lungsod ng Balanga, Bataan

Bakit Minamahal ng mga Lalake ang mga Babae?


Sa mga umpukan at tagayan, marami ang nagtatanong, “Ano nga ba ang nakikita o nadaramà ng mga lalake sa mga babae at patuloy nilang pinakikisamahan, minamahal at pinagtitiisan ang mga babae sa kabila ng mga selos, hinala, at ‘abuso” (verbal abuse) na namamagitan sa relasyon?”
   Narinig na natin ito: “My way or the highway!” The best secret to a happy wife,  Yes, dear?” And the best answer of all times is, “O sige na nga, ikaw na ang bahala.”
   May nagpaskel pa ng ganito: Two Golden Rules to a Happy MarriageRule 1: The wife is always right. Rule 2: When you feel your wife is wrong, slap your face twice (both cheeks) and read rule number 1 again.
   Papaano nga ba mamahalin ng mga lalake ang kanilang kapareha o asawa, at kung bakit patuloy nilang ginagawa ang emosyonal na bagay na ito. Ito ba ay isang tungkulin o obligasyon na kailangang tahasan na gawin para magkaroon ng mabuti at matagalang pagsasama?   
   Bagamat marami ang nag-alinlangan sa kanilang pagsagot at mga pahayag, narito ang ilan sa kanilang mga komentaryo:
Nagmamahal ang mga lalake sapagkat ito talaga ang kanilang kalikasan. Lalo na kapag may mga pamilya na sila, sagradong tungkulin ito at tahasang obligasyón na kailangang magampanan nang mahusay.
Bakit nga ba hindi maintindihan ng mga lalake ang mga babae?

Sapagkat kalikasan nila ang magmalaki at ipakilala na sila ang ama ng tahanan at kailangang masunòd.
Sapagkat kalikasan nila ang iduyán at purihin na sila ang gumagawa at nakakagawa ng lahat sa pamilya.
Sapagkat kalikasan nila ang huwag ipantay ang sarili sa asawa at ituring na tagasumod lamang ito.
Sapagkat kalikasan nila ang huwag madungisan ang mga kamay lalo na sa trabahong bahay at pag-aruga sa nagsisilaking mga anak.
Sapagkat kalikasan nila ang magyabang, magpakalalake, kapag natatawag na ander-de saya o “Yukoza” (Yuko nang yuko sa asawa).
Sapagkat kalikasan nila ang makalimutan ang kaarawan ng kapareha at anibersaryo ng kanilang pagsasama.
Sapagkat kalikasan nila ang makipagbarkada, umuwi ng gabi (kung minsan ay lasing pa), at “arugain” hanggang maghilik sa higaan.
Sapagkat kalikasan nila ang manood sa telebisyon, uminom ng beer, at asahan ang asawa na siyang mag-asikaso ng lahat sa bahay.
Sapagkat kalikasan nila ang suyuin at regaluhan ang asawa, kapag may “kamalian” na nagawa.
Sapagkat kalikasan nila ang “magtaksil” at ikatwiran na natural lamang ito sa dahilang “by nature, men are polygamous.”
Sapagkat kalikasan nila ang mga detalye, mga kumplikado, mga matematika at pisikal na pagsuma, subalit waalang nalalaman tungkol sa mga babae.
Sapagkat kalikasan nila ang mga makina, mga sasakyan, mga kagamitan at kasangkapan tulad ng mga babae pagdating naman sa mga alahas.
Sapagkat kalikasan nila na mabatid ang kanilang iniisip at totohanin ang kanilang mga pananalita.
Sapagkat kalikasan nila ang makipagsapalaran, makipagtunggali (competition), at makipagtalo (arguMENtative).
Sapagkat kalikasan nila ang huwag umiyak nang harapan ngunit humahagulgol kapag nag-iisa.
Sapagkat kalikasan nila ang huwag maniwala sa horoscope (horror para sa kanila ito) at kinayayamutan ang magtungo sa shopping mall at maghintay.
Sapagkat likas na sa kanila na malaman ang katotohanan o dahilan sa tuwing binabanggit ng kapareha ang, “I love you.” Iniiwasan nila ang “bilmoko noon at bilmoko nito.”
Sapagkat likas na sa kanila ang manahimik at ipakita ito sa aksiyon. Naghihintay na laging pinupuri at hinahangaan kahit walang kakayahan.
Sapagkat likas na sa kanila na laging, inuunawa at binibigyan ng kaukulang pagpapahalaga.
Sapagkat likas na sa kanila ang isports, palakasan at adbenturura, kaysa mga paksà sa social media at mga chat blogs, o relihiyon.
Sapagkat likas na sa kanila ang magmahal huwag umunawa at magkunwari kaysa magpatianod sa agos.
…sa kabila ng lahat ng mga ito, sadyang hindi maintindihan ng mga lalake ang mga babae. Ang laging ipinapayo ng mga dumaan sa matinding mga digmaan sa relasyon; Huwag unawain ang mga babae, kundi ang mahalin lamang sila.

Jesse N. Guevara
wagasmalaya.blogspot.com
Lungsod ng Balanga, Bataan

Bakit Minamahal ng mga Babae ang mga Lalake?


Marami ang nagtatanong kung papaano magmahal ang mga babae, at kung bakit patuloy nilang ginagawa ang emosyonal na bagay na ito para sa mga lalake. Ito ba ay isang tungkulin o obligasyon na kailangang tahasan na gawin para magkaroon ng mabuti at matagalang pagsasama? Bagamat marami ang nag-alinlangan sa kanilang pagsagot at mga pahayag, narito ang ilan sa kanilang mga komentaryo:
Nagmamahal ang mga babae sapagkat ito talaga ang kanilang kalikasan. Lalo na kapag may mga anak na sila, sariling buhay at matagalang pagkalinga sa kanilang mga supling ang nakatayà.
Bakit nga ba hindi maintindihan ang mga babae?
Sapagkat kalikasan nila ang tahasang magmahal at mahalin.
Sapagkat kalikasan nila ang tumingin at hanapin ang higit na responsable at makapaglilingkod sa pamilya.
Sapagkat kalikasan nila ang paggalang at umunawa sa anumang mga pagkukulang.
Sapagkat kalikasan nila ang makiisa at tumulong sa ikakapayapa at ikakaunlad ng pamilya.
Sapagkat kalikasan nila ang sumanggguni sa anumang pasiya na makakatulong sa lahat.
Sapagkat kalikasan nila ang magmungkahi kapag may paroblemang kinahaharap.
Sapagkat kalikasan nila ang manahimik at maghintay kapag may sigalot na nagaganap.
Sapagkat kalikasan nila ang magturo ng magandang asal at mabuting pag-uugali.
Sapagkat kalikasan nila ang gumawa ng mga gawain sa bahay kahit na hindi inuutusan.
Sapagkat kalikasan nila ang magsilbi nang kahit na walang katumbas o anumang kapalit.
Sapagkat kalikasan nila ang palaging nasa iyong tabi lalo na sa panahon ng matinding krisis o pangangailangan.
Sapagkat kalikasan nila ang lumuhà at magdamdam kapag sila ay nakakalimutan (lalo na mga berdey at anibersaryo).
Sapagkat kalikasan nila ang magselós, dumaing, at dumaldal kapag napapabayaan.
Sapagkat kalikasan nila ang mag-akalà, ang maghinalà at maging personal sa lahat ng bagay.
Sapagkat kalikasan nila ang magtiìs at umasà na ang lahat ay mababago pa.
Sapagkat kalikasan nila ang pag-usapan ang mga nakaraan at isaayos ang hinaharap.
Sapagkat kalikasan nila ang sobrang atensiyon sa mga lakarán, mga pagtitipon, at usapan.
Sapagkat kalikasan nila ang magpaganda, mangarap, at makilala sa kanilang mga nagawa, ginagawa, at mga gagawin pa.
Sapagkat kalikasan nila ang pag-isahin ang magkabilang pamilya para sa ikakatagumpay ng lahat.
Sapagkat kalikasan nila ang mahalin ang sarili upang mahalin din sila.
Sapagkat kalikasan nila ang maniwala at manalig sa Diyos, kahit na mangahulugan pa ito ng upasala at mga kantiyaw ng mga kritiko.
… Sa mga nagpapayo kung papaano kailangang mahalin ng mga babae ang lalake? Simpleng kasagutan lamang po; “Huwag mahalin ang mga lalake, kundi ang unawain lamang.”

Jesse N. Guevara
wagasmalaya.blogspot.com
Lungsod ng Balanga, Bataan

Kailangan ang Paggalang


Ilang linggo nang nakaratay si Mang Gusting sa mabigat na karamdaman. Batid niya na hindi siya magtatagal pa, at kahit na pauntol-untol ay ipinatawag niya ang kanyang maybahay na si Aling Tindeng.
   Sa tabi ng kama, kahit paanas ang pananalita ay nagbilin si Mang Gusting sa asawa, “Mahal kong Tindeng, nais kong magpagawa ka ng testamento para mailipat ko ang ating mga ari-arian sa ating mga anak. Pakisulat mo ang aking mga habilin: para sa ating panganay na si Alex; ibinibigay ko ang kalahati ng lahat nating mga ari-arian at pera sa bangko. Dahil sa lahat ng ating mga anak, siya lamang ang patuloy na may pananalig sa Diyos.”
   “Ay naku! Huwag namang ganyan, Gusting! Hindi kailangan ni Alex ang ganyang kalaking kabuhayan, mayroon naman siyang sariling maunlad na negosyo. At isa pa, may pananalig siya sa ating relihiyon. Ang mabuti pa, ipagkaloob mo ‘yan kay Berting. Kasi, siya lamang sa mga anak natin ang hanggang ngayon ay hindi mapagpasiyahan kung may Diyos o wala. Hindi pa nga niya nasusumpungan kung saan direksiyon ang kanyang buhay talaga pupunta.”
   “Ahh, ganoon bah, O sige ibibigay ko ang kalahati ng lahat ng ating kabuhayan kay Berting.”
    Napangiti si Aling Tindeng at masuyong nagpatuloy, Gaya nang aking nasabi, Gusting, hindi kailangan ni Alex ang anumang bagay. Ako na lamang ang bahala sa mga ari-arian para magawa kong lagi na matulungan ang ating mga anak sa kanilang mga pangangailangan.”
   “Palagay ko ay tama ka Tindeng. Ngayon, tungkol naman sa malaking lupa na ating pag-aari sa Maynila, ang aking desisyon ay iwawanan ko ito kay Melba.”
   Nanlaki ang mga mata ni Aling Tindeng sa narinig, Anooh! Kay Melba??? Nababaliw ka na ba Gusting? Mayroon na siyang mga lupa sa Makati at San Juan, bakit pati ‘yong nasa Maynila ay ibibigay mo pa? Nais mo bang maging negosyante siya at masira ang kanyang pamilya? Ang aking iniisip ay si May Jane, siya ang higit na nangangailangan ng lupa para sa kanyang pamilya.”
   Bagamat nahihirapang huminga at paanas nang magsalita, pinilit ni Mang Gusting na itaas ang ulo at palakasin ang boses, “Mahal kong Tindeng, sadya kang mabuting maybahay at mapagmahal na ina, at nauunawaan ko na hinahangad mo ang makakabuti sa bawat anak natin, subalit, kung maaari lamang sana… magpakita ka naman ng paggalang sa aking mga mungkahi o mga opinyon. Kung tutuusin, sa pagitan nating dalawa sa mga sandaling ito, sino ba ang mamamatay sa atin, ikaw ba o ako?”

Jesse N. Guevara
wagasmalaya.blogspot.com
Lungsod ng Balanga, Bataan