Friday, August 31, 2012

Duwag Ka ba?




 Ang katakutan ang magmahal ay pagkatakot na mabuhay, at yaong may mga kinakatakutan ay mistulang mga patay.

Pag-aralan ito:
Isaguni-guni ang iyong buhay isang taon mula ngayon. Kung ito ngayon ay katulad pa rin ng dati, makakaya mo bang tanggapin ito? O, balewalain na talagang ganito ang iyong kinasadlakang kapalaran?
   Kung ang kasagutan mo naman ay tahasang, “Hindi!” Ang kasunod na tanong naman ay, “Ano ang iyong ginagawa ngayon para mabago ang iyong buhay?  … Bakit “Wala,” naparalisado ka ba? At wala nang magagawa pa tungkol sa iyong hinaharap? Nais mong mabago ang iyong buhay, subalit hindi mo nalalaman kung papaano?
  

Lagi nating mapipili at isaisip na magkakaiba ang mga bagay. Magagawa mong pagtuunan ng pansin kung ano ang mga mali sa iyong buhay, o ... magagawa mong pagtuunan ng pansin kung ano ang mga tama sa iyong buhay.

Isipin ang mga ito:
1-Bakit may mga tao na nanatili sa kanilang mga trabaho o mga karelasyon na batid nilang walang kaligayahan o patutunguhan? Ginagawa nila ito sapagkat sila ay natatakot na hindi na makakakita pa nang higit na mainam at matiwasay na kalagayan.
2-Bakit may mga tao na kinakatakutan ang magsalita o magtalumpati sa harap ng madla o maraming tao? Ito’y dahil sa pangambang sila’y kukutyain at pagtatawanan kung magkamali.
3-Bakit may mga tao na natatakot magtanong, humiling, at makiusap para sabihin ang tunay nilang nadarama at mga naisin? Sila ay natatakot na hindi mapaunlakan, ang mapahiya, at magkaroon ng matinding bagabag na “baka” mapagkamalang palaasa at walang kakayahan.
4-Bakit may mga tao na nalalaman na mali at walang katuturan ang kanilang mga libangan at mga panoorin, ay patuloy itong kinahuhumalingan? Dahil kung sino ang kanilang mga kasama sa araw-araw at uri ng kanilang kapaligiran, ito din ang kanilang mga gagawin at kaugalian.
5-Bakit may mga tao na tinanggap nang kusa ang karukhaan at kawalang pag-asa? Sapagkat nanatili silang bulag, bingi, at pipi sa mga kaganapan sa kanilang mga kapaligiran.
6-Bakit may mga tao na tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan? Tinanggap at sapat na sa kanila ang tinamong kapalaran. Ayaw nang masangkot pa sa anumang bagay at walang pakialam kahit anuman ang mangyari.

   Lahat ng ito ay mga PAGKATAKOT. Hindi pa nila nalalaman kung papaano ito maiiwasan, malalagpasan, at malulunasan. Wala silang sapat na kabatiran kung ano ang pagkakaiba sa pagitan ng kaganapan at kapahamakan. Walang inaasahang bukas at walang pangamba na ang lahat ay mauuwi sa kapighatian. Maliban sa patuloy na pagpapabaya at kawalan ng pagmamalasakit sa sariling kapakanan. Ang mga duwag ay patuloy ang pagkatakot at sumuko na. Samantalang ang mga gising at matatapang ay nakikibaka at ginagamit ang pagkatakot na batayan para magsikap pa at umunlad.

   Magagawa mo rin ito. Sapagkat may mga likas kang katangian at potensiyal na magawa ang nais mo sa iyong buhay.Walang maliit o malaking pagtatangi sa iyong kapakanan, kundi ang lubos na kaganapan ng iyong tunay na pagkatao. May kakayahan kang magawa ito.
   Magagawa mong magkaroon ng ibayong kagitingan para magtagumpay. Magagawa mong tuparin ang iyong mga pangarap. Makakamit mo ang lahat ng iyong mga naisin. Malalagpasan mo ang anumang balakid na nakaharang sa pagitan mo at ng tagumpay, kaligayahan, at pagmamahal.
   Magagawa mong likhain ang buhay na nakatakdang maganap sa iyo.


Papaano? Ang kailangan lamang ay ang iyong tahasang pagkilos para ito maganap, ang . . .

Maging matapang.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Thursday, August 30, 2012

Positibong Pagpapahalaga sa Sarili



Magtatagumpay ka kahit walang naniniwala sa iyo, subalit kailanman ay hindi ka magtatagumpay kung wala kang positibong paniniwala sa iyong sarili.

22- Italaga na patuloy sa paglikha ng mga positibong bagay at sitwasyon na nagpapatibay ng iyong pagpapahalaga sa sarili.

   Huwag maghintay, kailanman ay walang “tamang panahon” o sa “ibang araw.” Magsimula na positibong titigan ang mga bagay na makakatulong sa iyo. Pag-alabin ang puso na tuklasin ang mga katangian at potensiyal na mayroon ka. Maging positibo at matatag na tumindig at tahasang tuparin ang iyong mga pangarap. Gamitin ang anumang kagamitan na mayroon ka, at ang mahuhusay pang kagamitan ay mapapasakamay mo habang patuloy ang iyong paggawa. Ang positibong kaisipan ay katulad ng pinalalakas na masel sa iyong katawan, pinagyayaman nito ang iyong isipan. Habang ginagamit mo ito, lalo kang nagiging mahusay. Inihahanda ka na malagpasan ang mga pagsubok sa iyong katatagan, pinapalitan ang iyong kaisipan ng mga mabubuting ugali, at inaakit nito ang mga positibong tao.
   Iwasan ang manisi sa mga panlabas na pangyayari na nagpapasama ng iyong pakiramdam tungkol sa buhay. Mga negatibo ito na humahadlang para maligaw ka at hindi makita ang mga positibong kaganapan.Walang bagay na nangingibabaw at komokontrol sa iyong kaisipan o maging mga pagkilos kundi ikaw lamang. Lalo na kung may sariling pagkakamali at ibinubunton ang pagsisi sa iba para makaiwas sa pananagutan. Manatiling positibo; harapin ng matapat ang responsibilidad at tanggapin nang maluwag sa puso ang anumang pagkakamali. Tandaan lamang; Hindi mo maiiwasan na lumipad ang ibon sa ibabaw ng ulo mo, ngunit mapipili mo kung saan ito maaaring gumawa ng kanyang pugad.
   Piliin ang tamang kataga para sa kabutihan na nakapag-aanyaya ng unawaan, pagtutulungan, at kaunlaran sa isa’t-isa. Isipin ang mga salitang nakapagbibigay ng pag-asa, kasiglahan, at pagmamahal. Kung may pagpapahalaga ka sa iba, ibayong pagpapahalaga din ang igagawad nila sa iyo. Isang adbenturura ang buhay; sa bawa’t paglabas mo ng bahay, ito ay isang pakikipagsapalaran. Isipin ang lahat ng mga posibilidad na magaganap sa iyo sa araw na ito. Nasa iyong pagpili lamang kung nais mong maging positibo. Sa perspektibong ito, hindi mapanglaw o nakakabagot ang buhay. Wala ka ng panahon para mabalisa, malito o mag-isip pa ng negatibo, sapagkat ang iyong isip ay nakatuon lamang sa mabuting buhay.
   Iwasan ang lubos na pagtatangi, pagkahumaling o maging kawalan ng atensiyon o pagpapabaya sa relasyon. Moderasyon at pagtitimpi ang kailangan para hindi mabulabog at mag-init ang isipan upang maiwasan na makita ang mga bagay sa tunay na anyo ng mga ito. Sa halip, sanayin ang sarili sa mga positibong bagay at taimtim na kapanatagan ng sarili. Anumang ugali na mali ay natutuhan mo sa nakaraan at ngayon ay pinipilit mong labanan at maiwasan ito. Para malunasan ito, kailangang palitan ng bago at mabuting ugali upang tuluyan nang malimutan.
   Magtalaga ng kahit isa man lamang na positibong tao sa iyong buhay, sapagkat ang mga tao na laging nasa iyong paligid ay siyang magtatakda sa uri ng iyong personalidad. At maging mga pagkilos, daloy ng pananalita, punto ng kataga, at mga pangangatwiran ay iyong magagaya. Mahalaga sa lahat ang ituon ang iyong atensiyon doon lamang sa mga positibo at makabuluhang panoorin, musika, talakayan, samahan, at mga libangan, sapagkat ito ang lumilikha ng iyong pagkatao at kapalaran.

“Huwag tularan kung ano ang masama, kundi kung ano ang mabuti.”  3 Juan 1:11

Tuklasin ang pakinabang ng pagiging positibo. 


Ang Dalawang Aso sa Ating Kalooban
   Lahat tayo mayroong dalawang aso sa ating kalooban. Ang isa ay ang puting aso na positibo, masayahin, maasam, matapang, at puno ng pag-asa. Ang isa ay ang itim na aso na negatibo, magagalitin, malungkutin, matatakutin, at puno ng mga bagabag, Madalas ang dalawang aso na ito ay naglalaban at matira ang matibay sa ating kalooban. Ang tanong; sino ang laging panalo sa labanang ito? Ang sinuman sa dalawa na lagi mong pinakakain nang madalas.


7 Mga Kagalingan ng Pagiging Positibo
1-Binabago nito ang iyong buhay sa pagkakaroon ng mga makabuluhang katangian.
2-Pinag-aalab ang iyong pananalig at pag-asa na makamit ang tagumpay.
3-Pinatatatag kang humarap sa mga paghamon, kasiphayuan, at pakikibaka sa buhay.
4-Pinagyayaman ang iyong mga relasyon sa pagsasama, pakikipagkaibigan, at trabaho.
5-Pinagtitibay ang iyong pagtitiwala sa sarili na magsumigasig pa at gawin ang lahat ng makakaya.
6-Pinalalawak ang iyong pananaw na lubos na makita ang buong larawan  para makagawa ng solusyon.
7- Pinasisigla, pinagaganda, at pinahahaba ang iyong buhay .

Ang karaniwang lapis ay may pitong pulgada ang haba, at may kalahating pulgada na pambura. Patunay lamang ito na positibo ang mangyayaring pagsulat.

Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
Nakahanda ka bang makagawa ng positibong pagbabago sa iyong katauhan?
Nakahanda ka bang magbago sa positibong paraan na iniisip mo?
Nakahanda ka bang isaayos ang iyong kaisipan sa mga positibong bagay na apektado ka, sa iyong kapaligiran, at sa mga taong nakapaligid sa iyo?
Alalahanain itong mabuti:
Mayroon ka bang sapat na kabatiran kung nasaan ka, ano ang iyong nalalaman, at ano ang iyong talagang nais sa buhay? Malinaw ba at tahasang nakahanda ka na matupad ang iyong mga pangarap?

Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian?
Alinman dito, ay nasa iyong kapangyarihan ang pumili. At ito ang iyong magiging kapalaran.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang 31 na mahahalagang mga paksa:
Matatag na Sariling-Pugay at Tanging Pag-ibig

Friday, August 17, 2012

Gampanan ang Iyong Katotohanan



Huwag manghinayang sa nakaraan, sapagkat ito ang eksaktong nais mo noon.

23- Italaga na lubusang madama ang iyong kaganapan, kailanman at saanman ikaw naroroon.

Ang pinakamahalagang bagay para sa iyo ay maging tunay na kaibigan ka ng iyong sarili. Walang sinuman na magmamahal sa iyo kung hindi mo tunay na minamahal ang iyong sarili. Maaaring nasa relasyon ka at nakakaranas ng iba’t-ibang emosyon na tulad ng pag-ibig, subalit kung hindi mo iniibig ang iyong sarili, kung wala kang paggalang, makakatiyak ka na walang sinumang tunay na magmamahal at gagalang din sa iyo. 
   Kailangan tanggapin natin kung anuman ang mayroon sa ating sarili, maging maganda o may kapintasan man ito, gayundin ang mga pagkakamali at mga pagtatagumpay. Kailangang tunay nating pagmasdan ang ating mga sarili sa salamin at kilalaning maigi ang taong nakatingin sa atin.
   Alalahanin din na anumang iyong ginagawa at sitwasyong kinakaharap – huwag mong maliitin at ipahamak ang iyong sarili. Pakaiwasan na malagay ka sa alanganin at mangako na hindi makakayang tuparin. Itanim sa isipan na lahat ng mga bagay ay hindi magaganap sa iyo kung wala kang kooperasyon. Unti-unti, simulang tuklasin ang mga bagay na umaayon sa iyo at nagpapahayag ng iyong kaganapan. Ilabas ang lahat ng nakatago mong mga potensiyal at masiglang damahin ang kaganapan nito.
   Kung ang iyong problema ay may solusyon, bakit ka naman nababalisa tungkol dito? At kung wala namang solusyon, bakit ka naman nababalisa pa rin? Nangyayari lamang ito, dahil nalilito ka pa at hindi nadarama ang tunay mong hangarin. Kung wala ka pang matibay na lunggati at direksiyong pupuntahan, saan ka man naroroon, pawang mga bagabag lamang ang iyong kaulayaw. Lunasan kaagad ito para luminaw ang iyong layunin sa buhay. Alamin kung sino ka, ano ang nais mo, at saan ka pupunta?   
   Hangga’t wala kang kabatiran sa mga ito, ang iyong paglalakbay sa buhay ay mananatiling urong-sulong. At kung mabatid mo naman, ay kusa mong madarama ang iyong kaganapan sa patuloy na pagsasaliksik nito saan ka man naroroon. Dahil nasa kaibuturan ng iyong puso ang mga hinahanap mong kaligayahan. Madali ang panghinaan ng loob kaysa pasiglahin ang layunin, subalit kung nais mong mahalin ang iyong sarili, kailangang baguhin mo ang iyong pananaw. Kailangang paniwalaan mo na ikaw ay karapatdapat sa pagmamahal na ito at nakahandang tuklasin ang mga positibong bagay at potensiyal na nasa iyo. Baguhin mo ang paraan kung papaano ka mag-isip tungkol sa iyong sarili at ang lahat ay aayon dito.
   Tamasahin ang mga sandaling ito. Lahat ng mga bagay na nangyari sa nakaraan ay hinubog ang iyong pagkatao kung sinuman ka ngayon, kailangan lamang yakapin at ipagdiwang ang makabuluhang nagawa nito para sa iyo. Buhayin ang kalooban at magsaya, libangin ang sarili nang matuto mula dito. Nang sa gayon, sa paglipas ng mga taon, hindi ka lamang liligaya, bagkus mapagyayaman mo pa ang mga ginintuang alaala ng kahapon. Ito ang mga katotohananang nagaganap tungo sa iyong kaganapan at nakatakdang kaluwalhatian.

Paminsan-minsan ang ating mga mata ay kailangang hugasan ng ating mga luha, upang magawa nating makita ang buhay na higit na maliwanag kaysa dati.

Pag-alabin ang Iyong Kaganapan
1-Paniwalaan ang iyong mga abilidad. Walang mahusay na maniniwala sa iyo nang higit pa kaysa iyo. Ikaw lamang ang makakagawa nito para sa iyo.
2-Pangalagaan ang iyong isipan at katawan. Kapag isinasaayos mo ang iyong isipan at katawan sa tamang pangangalaga, higit ang iyong pagtitiwala sa iyong mga kakayahan.
3-Pagtibayin ang iyong mga kalakasan. Ituon ang iyong buong atensiyon sa makabuluhan lamang at iwasang aksayahin sa mga walang saysay.
4-Lagpasan ang mga balakid. Iwasan ang mga tao na ayaw sumuporta sa iyo at mga gawaing hindi nagpapakita ng tunay mong kakayahan.
5-Durugin ang mga hadlang. Huwag paghinaan ng loob, harapin ang mga paghamon upang lalong tumibay at maging matatag na makamit ang pangarap.
6-Maging ikaw at wala nang iba. Kaisa-isa ka lamang at walang katulad, mahusay na gawin ang lahat nang makakaya mo na umaayon kung sino ka. Huwag yumao na isang kopya.
7-Tanggaping magiliw ang mga papuri. Karapatan mo ang mga papuri sa mahusay mong pagtupad sa tungkulin. Patunay ito ng iyong kahalagahan sa iba.
8-Ihayag ang iyong Ispirito. Apuhapin sa iyong kaibuturan ang tunay mong kaganapan. Pakinggan ang tunay mong pagkatao – ang diwa na naniniwala na makakamtan mo ang anumang iyong pinaniniwalaan na magagawa mo.

Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
   -Maligaya ka ba sa iyong gawain, sa pamilya, at sa mga relasyon?
   -Madalas ka bang may reklamo tungkol sa mga balita, pagtaas ng mga bilihin, pulitika, atbp?
   -Nakadarama ka ba ng pagod at pagkabugnot sa mga kausap mo?
   -May pagtitiwala ka ba sa iyong sarili na magagawa mo ang iyong pinaniniwalaan?
   -May nadarama ka bang ningning at kasiglahan sa iyong mga pagkilos?
   -Nag-aalala ka ba na ikaw ay mabibigo sakalimang may humadlang sa iyong pangarap?
   -Papaano ka mag-reaksiyon sa tagumpay, sa kabiguan, at mga bagabag?
   -Anong pagbabago ang iniiwasan mong gawin sa iyong buhay, at bakit mo ito iniiwasan?
   -Kilala mo bang mabuti kung sino ka, anong nais mo, at saan ka patungo?

Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian?
Alinman dito, ay nasa iyong kapangyarihan ang pumili. At ito ang iyong magiging kapalaran.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan ang 31 na mahahalagang mga paksa:
Matatag na Sariling-Pugay at Tanging Pag-ibig

Tuesday, August 14, 2012

Isang Leksiyon ng Buhay



    
 Ang walang hanggang debosyon sa mahahalagang bagay ay tungkulin ng isang tao. At ito'y mapapanatili lamang kapag tinalikdan ang mga mumunting bagay.

   May mga sandali sa iyong buhay na hinuhubog ka at itinatakda ang landas kung ano ang magaganap sa iyo. Kung minsan ay mga karampot, pahinay-hinay, at kung magkaminsa'y biglaan at sadyang nakakagulat. May maliliit at malalaking mga pagbabago. Walang sinuman ang humiling na baguhin ang kanyang buhay. Ito ay magmumula sa iyong mga piniling kapasiyahan at mga pagkilos. 
   At karamihan sa mga ito, ay nakasalalay sa iyong pagtunghay; kung ano ang higit na mahalaga sa lahat, kung alin ang may halaga, at kung ano ang mga mumunting bagay na maaaring isantabi.
   Narito ang isang pangyayari na mahusay ang paglalarawan sa ating mga tamang priyoridad sa buhay.

Ang Walang Laman na Garapon

   Sa isang pamantasan sa lungsod ng Balanga, isang propesor ang nakatindig sa harapan ng kanyang mga estudyante sa pilosopiya. Hawak niya sa kamay ang isang walang laman na garapon.

Nagpaliwanag ang propesor na isang pagtatanghal ang ipapakita niya sa umagang ito. Tumahimik ang mga estudyante at nagsimula na ang klase, mula sa isang kahon ay pinuno niya ng mga bola ng golf ang garapon.

At matapos ito, tinanong niya ang mga estudyante kung ang garapon ay puno na.
   At lahat sila ay sumang-ayon na ito’y puno na.

Kaya ang ginawa ng propesor ay kumuha ng isang kahon ng mga maliliit na bato at ibinuhos ang mga ito sa garapon.

Ang mga maliliit na bato ay nagsigulong sa mga puwang at walang laman na mga espasyo sa pagitan ng mga bola ng golf.

Muli niyang tinanong ang mga estudyante kung ang garapon ay puno na. At tumugon ang mga ito na puno na ang garapon.

Ang ginawa ng propesor ay kinuha ang isang kahon na may laman na puting buhangin at ibinuhos ito sa garapon. At tulad ng inaasahan, ang buhangin ay pinuno ang mga puwang at espasyo sa pagitan ng mga bola ng golf at mga maliliit na bato.

Minsan pa, ay muling nagtanong ang propesor kung ang garapon ay puno na. Malakas at sabay-sabay na sumagot ang mga estudyante, "Wala nang paglalagyan pa! Punong-puno na ang garapon!"

Sa tagpong ito, inilabas ng propesor ang isang bote ng inuming tsokolate mula sa ilalim ng lamesa.
At ito ay ibinuhos niya sa garapon. Matuling nagkulay tsokolate ang puting buhangin na nakasiksik sa mga siwang ng bola ng golf at mga maliliit na bato sa loob ng garapon.

Nagtawanan ang mga estudyante sa nasaksihan. Hindi nila sukat akalain na may mailalagay pa.

Ngayon,” ang paliwanag ng propesor, “Nais kong kilalanin ninyo na ang garapon na ito ay inilalarawan ang inyong buhay.”

Ang mga bola ng golf ay mga pinaka-importanteng bagay …
                     Ang inyong PAMILYA,
                                  Ang mga ANAK,
                                       Ang KALUSUGAN,
                                             at mga KAIBIGAN.

Ang mga maliliit na bato ay ang mga ibang bagay na may halaga …
              Tulad ng inyong TRABAHO,
                               ng inyong TAHANAN,
                                  ng inyong mga KAGAMITAN,
                                                      ng inyong mga KASAMAHAN.

Ang buhangin naman ay sinasagisag ang iba’t-ibang munting mga bagay na kadalasan ay tumatawag ng pansin sa inyong buhay.

Kung uunahin ninyong ibuhos muna ang buhangin sa garapon, wala ng espasyo pa para sa mga malilit na bato at maging sa mga bola ng golf.

At ito rin ang reyalidad na nangyayari sa ating buhay, higit na inuuna natin ang mga mumunting bagay.
   Tulad ng pagbabad sa telebisyon at telepono, kapipindot sa selpon,
       ng mga panoorin na walang katuturan, mga payabangan at kapalaluan,
           ng mga tsismisan at walang hintong taltalan ng mga buhay ng may buhay,
                ng mga pakikialam, pamumuna, pamimintas, pagkainggit, at pagkabugnot,
                    ng mga panggagaya, kumpetensiya, at walang saysay na mga pagtatalo.

Kung ang lahat ng inyong panahon at kalakasan ay magugugol sa mumunting mga bagay, wala na kayong panahon pang matitira o espasyo para sa mga bagay na magpapasaya sa inyo.

Kaysa inaaksaya sa mumunting mga bagay ang inyong mahahalagang sandali …
          Maglibang kasama ng inyong pamilya,
                Makipaglaro sa mga anak, maglakbay at pasyalan ang mga kaanak,
                     Mag-ehersisyo sa tuwina, regular na magpatingin tungkol sa kalusugan,
                        Masiglang maghapunan kapiling ang pamilya at mga matalik na kaibigan.

         Lumiban. Laging may nakalaang panahon para maglinis ng bahay, makibalita sa kapitbahay, magbasa ng dyaryo, makipaghuntahan sa barkada, at manood sa telebisyon. Ang nakaligtaang panahon ay hindi na muling mababalikan pa.

Unahing isaayos muna sa lahat ang bola ng golf, ang mga bagay na higit na mahahalaga at tamang priyoridad sa buhay. Isunod ang mga maliliit na bato.

Ito ang mga pagtuunan ng ibayong atensiyon
  At kung tahasang magagawa ang mga ito,

                           ANG NATIRA
            AY BUHANGIN NA LAMANG.

At puwede nang isantabi upang higit na mapagtuunan lamang ang MAHAHALAGA sa ating buhay.

Isang estudyante ang nagtanong,
   “Papaano naman ang inuming tsokolate?”

Ang propesor ay banayad at masiglang tumugon,
   “Kahit na tila puno na ang mga kaabalahan sa inyong buhay,
         mayroon pa rin kayong espasyo na magtsokolate.”

Tandaan na ang bawa’t araw ay isang regalo
   At ang kalidad ng inyong buhay ay ang regalo mo para sa iyong sarili.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Halaw at pinalawak mula sa Simpleng Katotohanan
na ipinadala ni Jell M. Guevara ng Lungsod ng Dagupan, Pangasinan