Hindi madadampot ang isang dulo ng patpat nang hindi
sasama ang kabilang dulo nito. Tulad ng pag-aasawa, hindi lamang ang iyong
minamahal ang iyong pinakasalan, kundi maging ang kanyang pamilya at mga
kaanak. Naisin mo man o hindi, bagamat hindi ito inihayag sa kasunduan ng
pag-aasawa, sa panahon ng inyong pagsasama, kailangan mo ding pakisamahan ang kanyang
pamilya, at kadalasan, pati na ang kanyang angkan.
Paglimiin
ang mga ito:
Ang Kaligayahan ay nangangailangan ng Kapighatian.
Daranas ka muna
ng ibayong mga kalungkutan bago mo ganap na maranasan
ang minimithi
mong kaligayahan.
Ang Tagumpay ay nangangailangan ng Kabiguan.
Ibayong
sakripisyo, mga pagpupunyagi, mga kabiguan at mga kapaitan ang iyong sasagupain
bago mo marating
ang tamis ng tagumpay.
Ang Kabutihan ay nangangailangan ng Kasamaan.
Hindi mo ganap
na mauunawaan ang kabutihan kung walang kaakibat itong kasamaan. Makikita
lamang natin ang liwanag matapos ang kadiliman. Papaano natin higit na makikita ang ningas o lagablab ng isang kandila?
Ilagay ito sa dilim.
Ang Pagmamahal ay nangangailangan ng Pagkasuklam.
Anumang bagay na
iyong hindi pinahalagahan, ikaw ay iiwanan. Bago maranasan ang tunay na
pag-ibig, dumaraan muna ito sa mga baitang ng pagsuyo, pagtatangi, pakikisama,
walang pagkakaunawaan o walang kibuan, mga pagtatalo at awayan, pagkakagalit at
hiwalayan, susundan ng poot at pagkasuklam, bago maunawaan at madama ang
kawalan para patamisin ang pagmamahalan. Kung walang pait, hindi makakamit ang
tamis.
Ang Panalo ay nangangailangan ng Pagkatalo.
Hanggat hindi mo
nararanasan na matalo, kailanman ay hindi mo makakamtan ang tunay na kahulugan
at tamis ng panalo.
Ang Kasiyahan ay nangangailangan ng Kalungkutan.
Upang ganap mong
madama ang kasiyahan mong ninanasa, kailangan munang dumanas ka ng mga pagsubok
at maraming pakikibaka, at ibayong mga pasakit bago matupad ang mga pangarap.
Kailangan munang
maranasan
at matanggap ang mga ulos at mga pasakit ng tadhana. Sapagkat kung walang
kaakibat na pighati sa ligaya,
ang mabigo bago ang tagumpay,
ang mali sa tama, at ang lungkot sa saya; mawawalan ka ng
pagpapahalaga sa mga ito. At kung wala kang pagpapahalaga, mawawalan din ng halaga
ang bawat bagay na nagaganap sa iyo. Kung ito ang mangyayari, matutulad ka sa
isang karaniwang patpat na inaanod ng rumaragasang agos at ipinupukpok saanman
ito sumalpok.