Saturday, March 09, 2013

Nasa Disiplina Lamang

Naging islogan noong panahon na may batas militar sa Pilipinas, ang “Sa ikakaunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.”  Ito ang pangunahing elemento ng tagumpay. Nakapaloob dito ang pagsisikap, pagtitiyaga, at pagpapanatili ng iyong mga lunggati. Kung walang disiplina, walang matatag na pamantayang susundin. 
 
Isa sa mga kulturang aking kinalulugdan ay tungkol sa bansang Hapon. Nakaugalian ko nang pagmasdan ang mga Hapones. Talaga namang may disiplina at organisado ang kanilang mga pagkilos. Napanood ko nang nakaraang linggo, sa YouTube, ang ‘Japan From Inside Le Japon A double Tour’ na ipinapakita ang nagagawa ng disiplina. Ito’y tungkol sa kanilang sistema sa loob ng kanilang bilangguan sa Fuchu, Japan. Saludo at talagang humanga ako sa kanilang pamamalakad. Kung ganito ang magagawa sa mga bilangguan sa ating bansa, ay mababawasan ang mga lumalayang bilanggo na makagawa pa ng krimen at maging kriminal muli sa ating lipunan.

Kagabi, napanood ko naman ang dokumentaryong ‘Jiro Dreams of Sushi’ Ito’y isang kuwento tungkol sa naging buhay ng 85 taong gulang na Hapones, si Jiro Ono, na itinanghal ng marami bilang pinakamagaling na Sushi Chef sa buong mundo. Siya ang may-ari at punong kusinero sa likod ng matagumpay na kainan na Sukibayashi Jiro, mayroong 10 upuan lamang ito, at ang pagkaing sushi lamang ang inihahain. Nasa isang maliit na panig ito ng isang istasyon sa subway ng tren sa Tokyo. Bagama’t karaniwan ang pagkakakilanlan, ito ang kauna-unahang restoran sa ganitong uri, na pinagkalooban ng 3-star na parangal ng tanyag na Michelin Guide rating. Ito ay bihirang igawad, at siyang pinakamataas na parangal na maipagkakaloob sa mga pangunahing at nagpapaligsahang restoran sa buong mundo.

3-Star
First in quality
First in originality
First in consistency

Paulit-ulit at patuloy na dinarayo ang Sukibayashi Jiro, ng mga mahiligin sa pagkaing sushi sa buong mundo. Kailangan mong magpalista (in advance), maghintay ng maraming buwan, at kayang gumastos para lamang magkaroon ng karapatang makaupo, at matikman ang pambihirang linamnam ng mga pagkain sa restorang ito.
Ang kuwentong ito ay isang makahulugan at marangyang meditasyon tungkol sa trabaho, pamilya, at sining ng disiplina para makamit ang perpeksiyon ng iyong gawain o ambisyon sa buhay.

Limang atribusyon, ayon kay Jiro para ito magampanan:
1.Kailangang seryosuhin ang trabaho at gawin ang lahat sa abot nang makakaya.
2. Pinagsusumikapang paunlarin ang mga kakayahan.
3. Pagpapanatili ng kalinisan sa lahat ng bagay.
4. Pagka-mainipin at makulit na magawa ang mga bagay sa sariling pamamaraan.
5. Kailangang nalulukuban ito ng pasiyon.

Ang kanyang tagubilin: 
Laging magsumikap na paunlarin ang sarili. 
Palaging nakatuon sa magagawa pa at magpapataas sa antas ng trabaho.
Kailangan ang tatlong P: Pagtuon, Pagpapahalaga, at Pagmamalasakit

Mga pambihira at kamangha-manghang mga tao lamang ang may kakayahang magawa ito.
Tinataglay din natin ang mga kakayahang ito, at kung talagang nais natin ay magagawa din natin, ang susi ay nasa disiplina lamang.


Jesse Guevara 
Lungsod ng Balanga, Bataan

Buhay-Tanaw 113



Umiinog ang Lahat sa Relasyon


Ang pagkamulat ay ang pagniniig sa lahat ng mga bagay.

Dalawang katotohanan ang mahalagang nakapaloob sa isang ekstra-ordinaryong pagmamahal. Kailangang talos mo at inilalapat ang mga ito, lalung-lalo na kapag umiibig ka. Ito ay ang ‘pagbibigay ng pahintulot’ at ang ‘panindigan ang responsibilidad.’ Mabighani at napakasimple nito sa pakikipagrelasyon upang magpatuloy bilang mga pangunahing sangkap sa matiwasay at mabulaklak na pagsasama.
Marami ang nagtataka, kung bakit kailangang maunawaan at ipamuhay ang dalawang katotohanang ito. Sa relasyon, ito ang umiinog na dalawang katotohanan na nakapaloob sa patuloy na kaligayahan, katiwasayan, kaunawaan, at kapayapaan. 

Bakit may pahintulot? Sapagkat kung hindi mo tatanggapin ang reyalidad at pahihintulutan itong mangyari, palagi kang mamimighati, sa dahilang pinipilit mong makontrol ito at pangunahan nang naaayon sa iyong kagustuhan lamang. Bagama't kapiling natin sa pagsasama ang mga alitan, magagawa naman itong mabawasan kapag lalong may mga pahintulot. Nangyayari lamang magpatuloy ang mga kagalitan, pagkainis, ligalig, walang pasensiya o pagkabigo, dahil hindi mo pinapayagan ang mga ito. Pilit mong ninanasang makontrol at maiwasan, subalit lalong nagiging mahapdi. Normal at karaniwan ang mga ito. Hangga't pinagtutuunan mo ng pansin lalong lumalaki. 
Hindi kailangan na magbigay ng pahintulot sa isang bagay para matanggap ito. Malaki ang pagkakaiba ng pahintulot at pagtanggap. Ang pagbibigay ng permiso o pahintulot ay hindi para sa iba, bagkus ito'y tungkol sa iyo. Ang pagbibigay ng pahintulot ay ang proseso na kung saan ay binabago mo ang estado ng iyong emosyon mula sa pamimighati tungo sa walang kapighatian. Kahit hindi ka pumapayag, mababawasan ang iyong kapighatian kung matatanggap mo ito at pinapahintulutan. Kung problema na, huwag nang problemahin pa, ...bagkus ang humanap ng solusyon at malunasan ito.

Kailangan pa bang panindigan ang responsibilidad? Nararapat lamang, sapagkat ang magmahal ay isang responsibilidad. Kung pabaya ka, natural lamang na pabayaan ka din. Bagay na hindi mo inilagaan, ikaw ay iiwanan.
May responsibilidad ka sa iyong emosyon na ituon at pagyamanin ang iyong relasyon sa sarili at magawa itong maipadama sa iyong mga pakikipag-relasyon sa iba.
May responsibilidad ka sa iyong pakikipag-komunikasyon at nalalaman ang kapangyarihan ng mga salita at ipinapakitang mga pagkilos, kung nakakatulong o nakakapinsala. Pinapangalagaan ito kung tama at iniiwasan kung winawask ang relasyon.
May responsibilidad ka sa iyong mga kapasiyahan at maunawaan ang sariling kalayaan ng iyong damdamin at masuportahan ang kalayaan ng damdamin din ng iba. Lahat ng mga pagbabagong magaganap ay magmumula sa iyo at hindi mula sa iba. Ikaw ang makakagawa ng malaking kaibahan at hindi ang iba. Nasa iyong kapangyarihang lumikha ng mga solusyong iyong hinahanap. Kung nais mo ng pagbabago sa iyong kapaligiran, simulan ito sa iyong sarili.

Bawa’t bagay sa pagdadala ng sarili ay umiinog sa mga relasyon.

Ang pinakapuso ng makataong karanasan ay mga relasyon. Lahat tayo ay patuloy na nakikipag-relasyon; sa ating mga kapuso, sa mga kaanak, sa mga alagang hayop, sa mga estranghero na nakilala, sa mga kaibigan, sa mga kasamahan sa trabaho o maging sa paaralan; sa lahat ng bawa’t aspeto ng ating kapaligiran. Anumang ating ginagawa, saanman tayo naroroon, sinuman ang ating kasama; nakapangyayari at umiinog ang lahat sa relasyong namamagitan.

Kung wala kang kabatiran sa tamang pakikiharap sa mga taong nakapaligid sa iyo, laging nakaumang ka sa mga panghihinayang o pagsisisi tungkol sa nakaraan at mga pangamba sa hinaharap. Patuloy ang mga pagkalito, mga pagkabugnot, at mga pagkabagot dulot ng walang katiyakang paghihintay at kawalan ng pag-asa.

Hindi lamang ang magmahal, kailangan mayroon ding mga abilidad at kakayahan kung papaano ito maipapadama. Kung nakakaranas ng mga hindi pagkakaunawaan o alitan, ito’y dahil sa pagkontrol at pagtakas sa responsibilidad.
Sa linya ng “It takes two to tango,” hindi mangyayari ang alitan kung ang isa lamang ang pabaya. Kailangang parehong nagpapabaya ang dalawa. Nagpapatuloy lamang ang pagtatalo, hindi pagkakaunawaan, alitan, at humahantong sa hiwalayan, kung parehong nagmamatigas ang dalawang panig at ayaw isuko ang pinanindigang mga katwiran.

Tatlong relasyon ang nakapaloob dito: Siya, Ikaw, at ang Relasyon. Sa inyong pag-aaway ang higit na napipinsala ay ang relasyon. Dito nakasalalay ang kakahinatnan ng pagsasama, kung magpapatuloy pa o wawakasan na ang lahat. 

Ang relasyon ay mistulang halaman na nasa paso; inalagaan, dinidiligan, dinadamuhan, at pinayayabong, para patuloy na mamulaklak. Kung wala kang abilidad o kakayahan para ito mapangalagaan, talagang makakapiling mo sa tuwina ang mga pasakit at pangamba. 

Kapag ang tanging pakay mo ay makatagpo ng tamang tao upang makasama, pawang kabiguan lamang ang aanihin mo. Ang talagang hinahanap mo ay ang tamang relasyon na makapag-papadama sa iyo ng katiwasayan, kapayapaan, at kaligayahan. Ang tunay na tanong ay hindi ang matagpuan ang tamang tao, bagkus kung papaano matatagpuan ang tamang pakikipag-relasyon. Papaano ito magagawa? Sa mahusay at tamang pakikipag-relasyon mo sa iyong sarili.

Lahat ng hinahanap mo ay matatagpuan lamang sa iyong kalooban. Ito ang magsisimula sa lahat ng magaganap sa iyong mga pakikipag-relasyon. Lahat ay magsisimula sa iyo. Ang pag-ibig ay manggagaling sa iyo. Kung wala kang pag-ibig sa iyong sarili, wala kang kakayahan na maibigay ito sa iba. Hindi mo maaaring maibigay ang wala sa iyo.
Kung batid mo na mayroon kang kakayahan na mapaganda ang relasyon, ibubuhos mong lahat ang iyong makakaya para dito. Kung ito ang tunay na itinitibok ng iyong puso, makakaya mong gawin kahit na mga imposibleng bagay. Dahil kung nasaan ang iyong puso, naroon ang iyong kayamanan.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Wednesday, March 06, 2013

Ang Maging Pilipino



Kahalintulad ng ating ina, anumang kahinatnan ng ating bansa maging mabuti o masama man ay hindi natin maipagkakaila bilang mga anak. Dito tayo nagmula at sa kalaunan ay dito rin uuwi. Huwag nating kalimutan saan man tayo naroroon, sinuman ang ating kaharap, dala-dala natin ang ating lahi at bansa. Kasamang dumadaloy sa ating mga dugo ang lahing kayumanggi na ipinamana ng ating mga ninuno. Mula kay Lapulapu, Andres Bonifacio, Jose Rizal, at maraming iba pa, .... nananatili ang ating pagdakila at pagmamahal sa ating bayan.

Likas lamang na ipaglaban natin ito. Magpasiya at makialam kung ano ang tama at mali, kung ano ang nakakatulong at kung ano ang nakakapinsala. 

Makibaka huwag matakot. Kaya lamang may nag-aapi, umaabuso, at nagpapasasa ay may pahintulot tayo. Kung hindi natin pinapayagan walang masamang kaganapan. 

Ang ating ina ay nag-iisa lamang, walang katulad at walang katumbas. Walang makakapalit sa kanya magpakailanman. Pilipinas ang pangalan at ating Inangbayan. Ang pintasan, itatwa, at aglahiin siya ng kanyang mga anak ay tahasang pagpapahintulot sa mga banyaga o ibang lahi na gawin tayong mga alipin.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Friday, March 01, 2013

Umunawa Nang Maunawaan


Patungo noon si Maestro Jose kasama ng kanyang disipulo sa Barangay Central, ang kanugnog na barangay ng Barangay Kupang, nang mabungaran nila sa isang sangang-daan ang isang magsasaka na pinipilit isingkaw ang kanyang kalabaw sa hihilahin nitong karomata.

Hindi tumitinag ang kalabaw kahit na buong lakas na hinahatak ito ng magsasaka. Sa matinding inis nito ay humulagpos sa kanyang bibig ang maraming tungayaw na ipinapangalan sa kalabaw, mga nanggagalaiting pagmumura na tila kulog na umaalingaw-ngaw at bumabulabog sa katahihimikan ng paligid. 

Hindi pa ito nasiyahan sa walang habas na panglalait, ay mabilis na pumulot ng kaputol na kahoy. Nang akmang papaluin na ang walang imik na kalabaw ay marahang lumapit si Maestro Jose sa magsasaka at mahinahong nangusap, “Huwag naman sa ganyang paraan. Kailanman ay walang kakayahan ang kalabaw na maintindihan anuman ang iyong binibigkas. Hindi iyan marunong ng ating wika,” at ang dugtong pa ng Maestro, “Higit na mainam kung magagawa mong maging mahinahon at pag-aralan ang kanyang lenguwahe.”

Matapos ito ay tumalikod na ang Maestro, at habang naglalakad ay nagbilin sa disipulo:
“Bago ka makipagtaltalan o makipagtalo sa isang kalabaw, tandaan mo ang tagpong iyong nasaksihan kanina, … at sa buong buhay mo ay makakaiwas ka sa kapighatian.”

"Tatandan ko pong maigi ito Maestro," ang nakangiting pakli ng disipulo habang patango-tango ang ulo.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan