Ang pagkamulat ay ang
pagniniig sa lahat ng mga bagay.
Dalawang katotohanan ang mahalagang nakapaloob sa
isang ekstra-ordinaryong pagmamahal. Kailangang talos mo at inilalapat ang mga
ito, lalung-lalo na kapag umiibig ka. Ito ay ang ‘pagbibigay ng pahintulot’ at
ang ‘panindigan ang responsibilidad.’
Mabighani at napakasimple nito sa pakikipagrelasyon upang magpatuloy bilang mga
pangunahing sangkap sa matiwasay at mabulaklak na pagsasama.
Marami ang nagtataka, kung bakit kailangang
maunawaan at ipamuhay ang dalawang katotohanang ito. Sa relasyon, ito ang umiinog
na dalawang katotohanan na nakapaloob sa patuloy na kaligayahan, katiwasayan, kaunawaan,
at kapayapaan.
Bakit may pahintulot? Sapagkat kung hindi mo tatanggapin ang reyalidad at pahihintulutan itong mangyari, palagi kang mamimighati, sa dahilang pinipilit mong makontrol ito at pangunahan nang naaayon sa iyong kagustuhan lamang. Bagama't kapiling natin sa pagsasama ang mga alitan, magagawa naman itong mabawasan kapag lalong may mga pahintulot. Nangyayari lamang magpatuloy ang mga kagalitan, pagkainis, ligalig, walang pasensiya o pagkabigo, dahil hindi mo pinapayagan ang mga ito. Pilit mong ninanasang makontrol at maiwasan, subalit lalong nagiging mahapdi. Normal at karaniwan ang mga ito. Hangga't pinagtutuunan mo ng pansin lalong lumalaki.
Hindi kailangan na magbigay ng pahintulot sa isang bagay para matanggap ito. Malaki ang pagkakaiba ng pahintulot at pagtanggap. Ang pagbibigay ng permiso o pahintulot ay hindi para sa iba, bagkus ito'y tungkol sa iyo. Ang pagbibigay ng pahintulot ay ang proseso na kung saan ay binabago mo ang estado ng iyong emosyon mula sa pamimighati tungo sa walang kapighatian. Kahit hindi ka pumapayag, mababawasan ang iyong kapighatian kung matatanggap mo ito at pinapahintulutan. Kung problema na, huwag nang problemahin pa, ...bagkus ang humanap ng solusyon at malunasan ito.
Kailangan pa bang panindigan ang responsibilidad? Nararapat lamang, sapagkat ang magmahal ay isang responsibilidad. Kung pabaya ka, natural lamang na pabayaan ka din. Bagay na hindi mo inilagaan, ikaw ay iiwanan.
May responsibilidad ka sa iyong emosyon na ituon at pagyamanin ang iyong relasyon sa sarili at magawa itong maipadama sa iyong mga pakikipag-relasyon sa iba.
May responsibilidad ka sa iyong pakikipag-komunikasyon at nalalaman ang kapangyarihan ng mga salita at ipinapakitang mga pagkilos, kung nakakatulong o nakakapinsala. Pinapangalagaan ito kung tama at iniiwasan kung winawask ang relasyon.
May responsibilidad ka sa iyong mga kapasiyahan at maunawaan ang sariling kalayaan ng iyong damdamin at masuportahan ang kalayaan ng damdamin din ng iba. Lahat ng mga pagbabagong magaganap ay magmumula sa iyo at hindi mula sa iba. Ikaw ang makakagawa ng malaking kaibahan at hindi ang iba. Nasa iyong kapangyarihang lumikha ng mga solusyong iyong hinahanap. Kung nais mo ng pagbabago sa iyong kapaligiran, simulan ito sa iyong sarili.
Bawa’t bagay sa
pagdadala ng sarili ay umiinog sa mga relasyon.
Ang pinakapuso ng makataong karanasan ay mga
relasyon. Lahat tayo ay patuloy na nakikipag-relasyon; sa ating mga kapuso, sa
mga kaanak, sa mga alagang hayop, sa mga estranghero na nakilala, sa mga
kaibigan, sa mga kasamahan sa trabaho o maging sa paaralan; sa lahat ng bawa’t
aspeto ng ating kapaligiran. Anumang ating ginagawa, saanman tayo naroroon,
sinuman ang ating kasama; nakapangyayari at umiinog ang lahat sa relasyong namamagitan.
Kung wala kang kabatiran sa tamang pakikiharap sa
mga taong nakapaligid sa iyo, laging nakaumang ka sa mga panghihinayang o
pagsisisi tungkol sa nakaraan at mga pangamba sa hinaharap. Patuloy ang mga
pagkalito, mga pagkabugnot, at mga pagkabagot dulot ng walang katiyakang
paghihintay at kawalan ng pag-asa.
Hindi lamang ang magmahal, kailangan mayroon ding
mga abilidad at kakayahan kung papaano ito maipapadama. Kung nakakaranas ng mga
hindi pagkakaunawaan o alitan, ito’y dahil sa pagkontrol at pagtakas sa
responsibilidad.
Sa linya ng “It takes two to tango,” hindi
mangyayari ang alitan kung ang isa lamang ang pabaya. Kailangang parehong
nagpapabaya ang dalawa. Nagpapatuloy lamang ang pagtatalo, hindi
pagkakaunawaan, alitan, at humahantong sa hiwalayan, kung parehong nagmamatigas
ang dalawang panig at ayaw isuko ang pinanindigang mga katwiran.
Tatlong relasyon ang nakapaloob dito: Siya, Ikaw, at
ang Relasyon. Sa inyong pag-aaway ang higit na napipinsala ay ang relasyon. Dito
nakasalalay ang kakahinatnan ng pagsasama, kung magpapatuloy pa o wawakasan na
ang lahat.
Ang relasyon ay mistulang halaman na nasa paso;
inalagaan, dinidiligan, dinadamuhan, at pinayayabong, para patuloy na
mamulaklak. Kung wala kang abilidad o kakayahan para ito mapangalagaan,
talagang makakapiling mo sa tuwina ang mga pasakit at pangamba.
Kapag ang tanging pakay mo ay makatagpo ng tamang tao upang
makasama, pawang kabiguan lamang ang aanihin mo. Ang talagang hinahanap mo ay
ang tamang relasyon na
makapag-papadama sa iyo ng katiwasayan, kapayapaan, at kaligayahan. Ang tunay
na tanong ay hindi ang matagpuan ang tamang tao, bagkus kung papaano
matatagpuan ang tamang pakikipag-relasyon. Papaano ito magagawa? Sa mahusay at
tamang pakikipag-relasyon mo sa iyong sarili.
Lahat ng hinahanap mo ay matatagpuan lamang sa iyong
kalooban. Ito ang magsisimula sa lahat ng magaganap sa iyong mga pakikipag-relasyon. Lahat ay magsisimula sa
iyo. Ang pag-ibig ay manggagaling sa iyo. Kung wala kang pag-ibig sa iyong
sarili, wala kang kakayahan na maibigay ito sa iba. Hindi mo maaaring maibigay
ang wala sa iyo.
Kung batid mo na mayroon kang kakayahan na mapaganda
ang relasyon, ibubuhos mong lahat ang iyong makakaya para dito. Kung ito ang
tunay na itinitibok ng iyong puso, makakaya mong gawin kahit na mga imposibleng
bagay. Dahil kung nasaan ang iyong puso, naroon ang iyong kayamanan.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment