Monday, September 17, 2012

Paigtingin ang Iyong Pagtitiwala




Kailanma'y huwag iyuko ang ulo. Lagi itong itaas. Tuwirang tumitig sa mundo at kahit kaninuman. Isa kang pambihira at walang sinuman na lumakad sa ibabaw ng mundo na katulad mo.

 Lahat tayo ay nakakaranas ng mga balakid at hilahil sa mga pakikibaka sa buhay. Hindi laging nasa hardin tayo ng mga rosas at tila namamasyal sa parke. Madalas na pinupukol tayo ng mga paghamon at sinusubukan upang higit na maging matibay at matatag. Ang mga karanasang dulot nito ang nagpapalakas sa atin na magsumigasig pa at gawin ang lahat ng makakaya.
   Ang tanong; Papaano mo mapapanatiling positibo ang iyong pananaw kapag dumarating ang matitinding pagsubok sa iyong kakayahan, at sa mga problemang tila wala nang katapusan?
    
   Isang katatagan ang harapin ito nang walang pag-aalinlangan at may pag-asam na ang lahat ay may solusyon. Ang susi ay nakatuon sa ikakalutas at hindi ang problemahin pa ito. Walang idudulot ang mabalisa at sisihin ang sarli o ang iba, kundi ang simulan nang mabilisan ang problema bago pa ito makapinsala.
   Narito ang mga mainam na panukala para mapanatiling positibo ang pananaw sa buhay kahit na anuman ang nangyayari sa iyong kapaligiran:
1-Kung napansin mong pawang negatibo at mga pag-aalala ang inuusal o bukambibig ng iyong mga kasamahan, iwasan at lumayo sa mga ito. Ang mga taong negatibo at galit sa mundo ay mapaghanap ng mga karamay. Nagpupumilit na maisama ka pababa at maging katulad nila. Dahil kung masikap ka, ang iyong kaunlaran at kaibahan, ay isang patunay ng kanilang kapabayaan at katamaran. At doon sa mga kritiko at may ugaling talangka, wala pang estatwa o monumento ang naitayo para sa kanila.
2-Iwasang umupo sa harap ng telebisyon nang maraming oras, sa mga panooring walang katuturan, sa pagbasa ng mga nakakalunos na balita sa internet o pahayagan, pagbabad sa telepono at pagteks sa selpon. Sa halip, ituon ang panonood sa mga dokumentaryo, mga nagdudulot ng inspirasyon, mga makabuluhang libangan, at mga kahanga-hangang paglalarawan sa kalikasan ng ating daigdig.
3-Maglaan ng gintong panahon sa pamilya at mga mahal sa buhay. Magkakasamang tamasahin ang bawa’t sandali, dahil hindi na ito muling magbabalik pa. Ang alaala nito ay magsisilbing tanglaw sa kalidad at pananalig ng bawa’t isa. Walang sinuman ang makapagdudulot nito kundi ikaw lamang.
4-Magtalaga ng mga lunggati. Planuhing mabuti ang mga gagawin sa maghapon. Mahalaga ito para maiwasan ang pagkalito at maituon lamang ang iyong panahon doon sa mga bagay na makapag-papaunlad sa iyo. At kung makatapos sa gawain, gantimpalaan ang iyong sarili sa pagtupad nito.
5-Gumawa ng mga bagay na hindi mo karaniwang ginagawa at binabago ang iyong nakasanayan na. Magsimula ng bagong libangan o palakasan, at gawain  na hindi mo pinangarap na magagawa. Nakapagbibigay ito ng panibagong pakikipagsapalaran at pinalalawak ang iyong kaisipan.
6-Sa harap ng masamang sitwasyon, harapin ito nang may mabisang intensiyon. May mga bagay na hindi umaayon sa ating kagustuhan gaya nang ating inaasahan, subalit kung pakakalimiin lamang natin, mababatid na hindi naman pala ito mahirap na lunasan.
7-Gumamit ng mga apirmasyon sa maghapon upang maitanim sa isipan ang pagtitiwala, masiglang emosyon, at positibong pananaw. Pinalalakas nito ang iyong pananalig na makakaya mong tuparin ang anumang nais mong mangyari. 
8-Maglaan ng sandali na makapaglibang. Magsaya at gumawa ng bagay na nakawiwili at hindi nangangailangan ng paghatol o kapasiyahan, mga bagay na nakapagpapayapa ng kalooban at nagdudulot nang ibayong kasiyahan.
9-Kung nalulungkot at may bumabagabag sa iyo, manood o magbasa ng mga katatawanan at may inspirasyon, makinig sa mga paboritong kanta at musika, at balikan sa alaala ang mga magagandang pangyayari sa iyong buhay.
10-Tandaan lamang na ang lahat ay matatapos din. Lahat ay panandalian lamang. Anumang iyong nakikita ngayon; sa loob lamang ng sandaang taon ay mawawalang lahat. Mapapalitan ito ng bagong mga henerasyon. At ngayon, sa sandaling ito, may pagbabago ring nagaganap sa iyo, bagama’t hindi mo napapansin. Nagbabago ang iyong anyo, kalagayan, at kaisipan. At ito ay magiging maganda, matuwid, at matiwasay . . . kung tahasang tinatalunton mo ang kaganapan ng iyong mga pangarap.

Kung wala kang pagpapahalaga at makatarungang pagtitiwala sa iyong mga kakayahan, kailanma'y hindi ka magtatagumpay o magiging masaya.

   Ang isang mahalagang susi sa tagumpay ay sariling-pagtitiwala. At ang mabisang paraan na magawa ang makatarungang pagtitiwala sa sarili ay preparasyon. At mula dito, ay positibong aksiyon at eksaktong kapasiyahan kung ano ang iyong nais na makamtan sa buhay, at masimulang isaayos ang iyong mga lunggati para ito maganap.

Ano pa ang hinihintay mo?
Simulan na, at ang lahat ay madali na lamang.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment