Monday, September 03, 2012

Kailangan ang Mabuting Relasyon




Sa buhay, magkakamit ka lamang nang higit mula sa iyong ibinibigay. Kaya kung nais mo pang magkaroon, dagdagan pa ang iyong ibinibigay.


Naniniwala ka ba na 80 porsiyento ng satispaksiyon sa buhay ay nagmumula sa makahulugang pakikipag-relasyon?

Totoo nga ba ito at sadyang nararapat na magawa?

Nais mo bang magkaroon ng mainam na pakikipag-relasyon sa iyong kabiyak o kasintahan, sa iyong pamilya, mga kaibigan, sa iyong pinuno at mga kasamahan sa trabaho, o maging sa komunidad?


IGAWAD ang
PRINSIPYO ng
100/0

Simpleng aksiyon lamang ito . . .

Subalit ito ang  PINAKAMABISA
          at MAKAPANGYARIHAN sa lahat.

Narito ang pormula:
Ikaw lamang at wala ng iba pa
ang may buong responsibilidad
sa 100
at wala nang inaasahan o hinihintay
pang sinuman at kapalit na pakinabang
sa 0
Hakbang 1:
Ipahiwatig at ipadama ang RESPETO
at maging MAPITAGAN sa
ibang tao kahit na karapatdapat siya o hindi.

Hakbang 2:
Huwag umasa ng kahit anumang kapalit
-sero, hungkag, nada, rien, zip, blangko.


Hakbang 3:
Huwag hayaan ang anumang bagay
na sinasabi o ginagawa ng ibang tao
(kahit na ito’y nakakainis o nakakagalit)
na maapektuhan ka. Sa madaling salita,
huwag tanggapin ang inaalok na pagbabalatkayo
o patibong, dahil ito’y ikakapahamak mo.

Hakbang 4:
MAGPATULOY AT IBAYO PANG MAGSUMIGASIG
sa iyong pagka-MAGILIW at pagka-MAALALAHANIN,
at angking KABUTIHAN. Kadalasan, madali tayong
nawawalan ng pag-asa at tumitigil sa ating mga pagdamay,
lalo na kapag ang iba ay hindi tumutugon at nagpapahalaga
sa ating malasakit sa kanila.
   Pakatandaan lamang . . . HUWAG UMASA NG
   KAHIT anumang kapalit
   at magpatuloy na makagawa ng malaking kaibahan.

   May mga pagkakataon at bihira lamang, na ang mga relasyon ay nananatiling pagsubok, kahit na masalimoot, at maging 100 porsiyento ang iyong inilaang pagdisiplina at pagtupad nito. Kapag nagaganap ito, kailangan lamang na pakaiwasan ang maging”NAKAKAALAM” at ilipat ito na maging “NAG-AARAL.”  Iwasan ang mga kaisipan o mga pananalitang “may nalalaman o nakakaalam” tulad ng “hindi ‘yan mangyayari!” ‘Ako ay tama, at ikaw ang mali!” “Alam ko ito, at ikaw ay walang nalalaman.” “Makinig ka sa akin at tuturuan kita, para ka matuto!” “Alam ko, ito lamang ang tanging paraan.” “Kailangang sabihin ko sa iyo kung ano ang aking nalalaman.” “Wala akong pakialam kung ano ang iyong nadarama o sasabihin ng iba, basta kailangan mabatid mo ang nalalaman ko!”.., atbp. Ang mahalaga ay ang pag-aralan at limiin ang iyong intensiyon nang maunawaan ang patutunguhan nito kung makabuluhan o walang katuturan.
   May mga bagay na ayaw nating mangyari subalit kailangan nating tanggapin. At mayroon ding mga bagay na ayaw nating malaman subalit kailangan nating matutuhan, at mga taong hindi tayo magiging masaya kung wala sila, subalit . . . kailangan nating iwasan sila . . . kung pawang kapighatian ang idinudulot nila at hindi tayo maligaya.

Sa RELASYON . . .
Magmahal nang walang pagmamaliw
Magtiwala nang walang bahid ng mga pagkatakot,
Magsikhay nang walang inaalintana at buong makakaya.
Mangailangan nang walang mga kundisyon at kahilingan.
Magpaunlak nang walang pasubali at mabilisang mga kahatulan.
Maghangad nang walang pag-alala o munti mang pag-iimbot.
Manalig nang walang mga katanungan at batbat ng kaluwalhatian.

  Mahalagang TIP: Kailangang magkaroon ka muna ng mabuting pakikipag-relasyon sa iyong sarili bago ka magkamit ng mabuting pakikipag-relasyon sa iba. Kailangan maramdaman mo muna ang pagpapahalaga at pagtanggap sa iyong sarili, upang ganap mong maikunekta ito sa iba at magawang magmahal sa kanila.

Ano pa ang hinihintay mo?
Simulan na at madali na ang kasunod.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Halaw at pinalawak mula sa Simpleng Katotohanan
na ipinadala ni Jell M. Guevara ng Lungsod ng Dagupan, Pangasinan 

No comments:

Post a Comment