Friday, May 27, 2011

Ang Durungawan




   Sa kasagsagan ng labanan sa Basilan sa pagitan ng mga tulisang Abu Sayyaf at mga kawal ng pamahalaan, marami ang nasawi at nasugatan sa magkabilang panig. Dalawang kawal ang seryosong nasugatan at mabilis na nilunasan at nakaratay sa isang silid ng ospital. Ang isa ay pinayagan na makaupo sa tabi ng kanyang kama nang isang oras tuwing hapon upang itagas ang likidong pumupuno sa kanyang baga. Ang kanyang kama ay nasa tabi ng kaisa-isang durungawan ng silid. Ang isa namang kawal ay nananatiling nakalapat ang likod sa kama sanhi ng pinsalang tinamo sa katawan nito.

   Malimit mag-usap ang dalawang kawal tungkol sa kanilang mga asawa at pamilya, sa kanilang mga tahanan, sa kanilang mga trabaho, at ang kanilang pagiging kasapi sa militarya, kung saan parehong silang nakadestino sa lugar ng huling sagupaan.
   Tuwing hapon kapag ang sundalo ay nakaupo sa kanyang kama sa tabi ng durungawan, nilulubos niya ang bawa’t saglit sa paglalarawan ng mga bagay na kanyang nakikita sa labas ng durungawan sa nakahigang kawal sa katapat na kama. Sa buong oras nang pagkakaupo nito ay masiglang inilalarawan ang mga kaaya-ayang tagpo, makukulay na bulaklak, mga naggagandahang paruparo at ibon na lumilipad sa labas ng durungawan. Pati na ang natatanaw na bulubundukin na may maraming punong-kahoy ay buong linaw niyang nailalarawan. Nagagalak naman at nawiwili sa pakikinig ang nakahigang kawal.
   Ang durungawan ay nakatunghay sa isang parke na nagsisilbing pook pasyalan ng bayan, mayroon itong isang lawa. Maraming bibe at gansa ang naglalaro sa tubig, samantalang ang mga masasayang bata naman ay nakasakay sa kanya-kanyang makukulay na bangka. May mga magkakasintahan na magkahawak ang mga kamay na namamasyal sa mga halamanan na may iba’t-ibang kulay ng magagandang bulaklak. Sa pinakanan na di-kalayuan ay matatanaw ang magandang kabisera ng bayan. Ang kawal na nasa tabi ng durungawan ay nailalarawan ang lahat ng ito hanggang sa maliliit na detalye. At ang kawal na nakahiga naman ay nakapinid ang mga mata at taimtim na nakikinig at nilalaro sa kanyang imahinasyon ang mga kahalina-halinang tanawin.
  
   Isang maaliwalas na hapon, ang kawal na nasa tabi ng durungawan ay tuwang-tuwa sa nakita sa labas. 
Isang parada tungkol sa agrikultura na may mga sumasayaw na magagandang dalaga at may mga hawak na bilao na naglalaman ng iba’t-ibang gulay at prutas. Sinusundan ito ng banda ng musiko at di-magkamayaw ang tuwa at palakpakan ng mga tao. Bagama’t hindi ito malinaw na naririnig ng nakahigang kawal dahil sa nakabalot na benda sa kanyang ulo; sa kanyang imahinasyon, nakikita at naririnig niya ang mga ito sa ginagawang paglalarawan sa masayang nangyayari sa labas ng durungawan ng nakaupong kawal.

   Maraming araw at linggo ang lumipas. Isang umaga, dumating ang pang-araw ng nars na dala ang palangganang may tubig na ipanghihilamos sa kawal na nasa tabi ng durungawan, nang mapansin niyang wala na itong pulso at mapayapang binawian na ng buhay habang natutulog. Napaluha ang nag-aalagang nars at kagyat na tinawag ang mga kasamahan upang isaayos ang bangkay.
   Nakamulagat at lumuluha din ang kawal sa katapat na kama. Lungkot na lungkot sa nasasaksihang kaganapan, kinagiliwan at lubos ding napamahal sa kanya ang namatay na kawal. Gayunman nang matapos at maisaayos ang lahat, nakiusap ang nakahigang kawal na ilipat siya sa tabi ng durungawan. Masaya siyang pinaunlakan ng nars. Matapos na tiyaking maayos at matiwasay ang kawal sa bagong kinalalagyan, ay nagpatuloy sa pagliligpit sa silid ang nars.
   Unti-unti, kahit makirot, pinilit ng kawal na itukod ang kanang siko hanggang sa makaupo sa gilid ng kama upang sa unang pagkakataon ay masilayan din niya ang magagandang tanawin sa labas ng durungawan.    
   Dahan-dahang itinaas niya ang kanyang ulo hanggang sa umabot ito at matanaw ang kabubuan sa labas ng durungawan. Napamaang at malaking pagkagulat ang nadama ng kawal sa natunghayan, isang malaki at blankong pader ang nakahalang at tumatakip sa durungawan. Mabilis na tinanong ng kawal ang nars kung anong dahilan at nagawa ng namatay na kawal ang lumikha at magtahi-tahi ng kung anu-anong magagandang tanawin, masasayang kuwento, at nakawiwiling pangyayari sa labas ng durungawan.
   Tumugon ang nars, at ang mga katagang binitiwan nito ay lubusang tumimo sa puso ng napaluhang kawal, kailanman ay hindi na niya ito malilimutan:

“Ang namatay na kawal ay bulag ang mga mata sa pinsalang tinamo nito; siguro, nais lamang niyang lumakas at sumigla ka upang magkaroon ng pag-asang mabuhay.”



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment