Tuesday, May 31, 2011

AKO nga Ito, Sino pa ba?




  Alam mo ba kung sino ka at bakit ka narito sa daigdig? Alam mo ba ang iyong misyon o dakilang hangarin sa buhay? Gising ba ang iyong diwa sa patnubay mula sa kaibuturan ng iyong pagkatao, at lalong higit mula sa iyong kaluluwa? Kapag wala kang kabatiran sa mga ito, malaking pagkakamali at kawalan ng pagpapahalaga sa iyong sarili ang namamayani sa ngayon.

   Dahil ba sa ang lahat ay nairaraos at kusa na lamang nagaganap? 

   O, wala kang inaala-ala kung basta nakasakay at nagpapatianod na lamang sa mga kaganapan sa iyong harapan?


   Kung ganito ang pagkakataon sa iyo, bakit malungkot ka pa at nagnanais na maging maligaya?

   Hindi pa ba sapat at nakagagalak ang mga nangyayari sa iyo ngayon?

   Sino ka nga bang talaga, alam mo ba ito?

   Ano ang nakapagbibigay sa iyo ng dahilan na maunawaan ang kahulugan ng iyong buhay?

   Ang pinakamahalaga ay ang mabatid mo ang pinanggagalingan ng iyong lakas at motibasyon. Ang pasiyon o simbuyo na kumakatawan sa iyo upang kumilos na may tinutungo. Ang magkaroon ng kahulugan, kahalagahan, at kawagasan sa bawa’t araw ng iyong buhay. Kailangan lamang na maging matapat na tuklasin ito sa iyong sarili, harapin ang mga pagkatakot, ang mga bagabag, iwaglit ang nakasanayan na mga negatibong pag-uugali, magkaroon ng motibasyon, at humakbang nang may katiyakan at ibayong kasiglahan sa iyong kinabukasan.

  Alam mo bang kapag nagawa mo ito, ang buong sanlibutan ay kusang makipagtutulungan sa iyo? 

 Napatunayan na ito sa maraming pagsasaliksik ng mga paham, na kapag positibo o pawang kabutihan ang iyong nagawa lalo kang lumalakas at nagkakaroon ng pagtitiwala sa iyong sarili. Subalit kapag negatibo o mga mali naman, lalong kang pinahihina at tuluyang nabibigo sa anumang iyong ginagawa. 


Ang bawa’t aksiyon ay may kaakibat na reyaksiyon. Walang bagay na lumitaw nang walang kadahilanan. At anumang iyong itinanim ay siya mo ring aanihin. Hindi magbubunga ng atis ang mangga. Mabuti ang iyong ginawa o pakikitungo, mabuti din ang isusukli sa iyo. Ang lahat ng ito'y katotohanan at sa araw-araw ay paulit-ulit na pinatutunayan sa iyong mga pakikipag-relasyon sa iyong kapwa.

Kung nasaan ang iyong intensiyon, naroon ang iyong puso at ibayong kalakasan.

    Ang maunawaan mo kung sino ka ay hindi kailanman na manggagaling sa iba. Ikaw lamang at wala ng iba pa ang higit na nakakaalam tungkol sa iyong sarili. At ito’y kung tutuklasin mo lamang sa kaibuturan ng iyong pagkatao, na kung saan ang iyong katotohanan ay nagkukubli at naghihintay anumang sandali.

   Pakalimiin na bawa’t isa sa atin ay tulad ng isang bahay na may apat na silid ---mental, emosyonal, pisikal, at ispiritwal --- at hanggat hindi natin napapasok, ginagalawan, tinitirhan ang mga silid na ito sa araw-araw, kailanman--- hindi tayo magiging kumpleto o mabubuo ang ating pagkatao. 

   Gaano man ikaw kaabala o maraming ginagawa sa ngayon, huwag palipasin ang mga sandali na hindi mo ito napag-uukulan ng atensiyon, sapagkat ito ang iyong mahalagang buhay at wala ng iba pa. Ito ang iyong panahon at pagkakataon. Ito ang iyong pinakamahalagang araw sa iyong buhay, ang araw na ito, ngayon! 

   Ang pagsisisi ay laging nasa huli. Anumang gulang ikaw mayroon sa ngayon, hindi pa huli ang lahat na magampanan mo ang iyong dakilang hangarin sa buhay.


  Alamin kung saan mo nais magtungo. Tiyaking ito talaga ang isinisigaw ng iyong puso, kaisipan, at kaluluwa.

   Anuman ang iyong magagawa, o pinapangarap na kayang magawa, simulan kaagad. Huwag mag-atubili, magsimula na ngayon, at ang kalahatan ay madali na lamang. 

   Sa araw na ito, maging tunay at matapat sa pakikiharap; kaninuman, saanman, at kailanman. 

   Hangad ko po ang inyong patuloy na tagumpay at kaligayahan bilang mga tunay na Pilipino. 

Paalaala:Kalakip din nito na mabalikan at matutuhan nating muli ang ating sariling wikang Pilipino. Marami na sa ating mga kataga ang hindi na ginagamit sa pangungusap. Pawang Taglish at Englog na lamang na pinaghalo ang namamayani ngayon sa telebisyon, radyo, at mga pahayagan. Marami ang hindi nakakaalam na isang uri ng pagkitil ito upang tuluyan nang mawala ang ating pagkakilala sa ating mga sarili, at mangahulugan ng pagkakawatak sa isa't isa. Ang bayang walang pagmamasalakit sa sariling wika at mga kultura ay walang pagkakakilanlan. Walang pinanggalingan, putok sa buho at lalaging nakikisakay sa mga banyagang kultura. Nasabi lamang silang mga Pilipino daw. Kapag Amerikano o alinmang banyaga ang kausap ko, English ang gamit ko, subalit kung Pilipino, tahasan na wikang Pilipino ang buong puso kong binibigkas. Sapagkat kapag ako'y nangungusap, kasama ko ang aking mga ninuno at mga bayaning naghandog ng buhay upang magkaroon ng isang bansang Pilipinas. Ipinagmamalaki ko ito at ipinapakita sa gawa.
   Sinasadya kong lagyan ng palabok at haplos na lalim, upang alamin ang tunay na kahulugan nito. Kung may mga katanungan na nais masagot ko, mangyari lamang na lumiham at makipag-ugnayan sa: atp412@yahoo.com


Mabuhay po tayong lahat!


Ang inyong kabayang Tilaok,


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan











Ang Tunay na Kayamanan



   Isa siyang masiglang batang babae na may mahabang buhok hanggang balikat, at halos limang taon ang gulang. Kasama ang Mommy niya na naghihintay sa kahera upang bayaran ang napamili sa supermarket, nang mamataan niya ang isang kuwintas na makintab ng mga puting plastik na perlas, nakapaibabaw ito sa isang dilaw na kahong karton.

   “Mommy, puwede po bang bilhin natin iyon? Sige na po Mommy, gustong-gusto ko po iyon!” Mabilis na dinampot ng ina ang kahon at tinignan ang presyong nakadikit sa ilalim nito, at tumingin sa nakikiusap na mga mata ng batang babae, na ang mukha ay buong siglang nagsusumamo.

   “Siyam na piso at singkuwenta sentimos. Bah, halos sampung piso na ito. Kung talagang ito'y nais mo, kailangang tumulong ka sa mga gawaing bahay at nang makaipon upang mabili mo ito. Ang iyong kaarawan ay sa susunod na linggo na, at natitiyak kong bibigyan kang muli ng iyong lola Carina ng limang piso.”

   Pagdating sa bahay mabilis na binuksan ni Kaira ang kanyang alkansiyang bungbong at binilang ang dalawang piso at beinte sentimos na mga barya. Kailangan pa niya ang karagdagang dalawang piso at otsenta sentimos. Matapos ang hapunan, masigla siyang tumulong sa mga gawaing bahay at nang makapagligpit, ay nagtungo kay Aling Tinay, isang kapitbahay, at nagpresintang pipitasin ang mga sampaguita sa hardin nito sa halagang singkuwenta sentimos. Sa kanyang kaarawan, tulad ng inaasahan, binigyan siya ng kanyang lola Carina ng isang malutong na limang pisong papel at sa wakas ay mayroon na siyang sapat na halaga upang mabili ang kinasasabikang kuwintas.

   Giliw na giliw si Kaira sa kanyang kuwintas na perlas. Isinusuot niya ang kanyang mga bestida kasama ang kuwintas at humahagikgik pa sa tuwa habang pinagmamasdan ang sarili sa tuwing humaharap sa salamin. Laging suot niya ito tuwing araw ng Linggo sa simbahan, sa pagpasok sa kindergarten, at maging sa pagtulog. Tinatanggal lamang niya ito kapag naliligo. Ang sabi daw ng Mommy niya; kapag ito’y nabasa, magiging kulay luntian ang kanyang leeg.

   Mayroon si Kaira na mapagmahal na Daddy, at sa tuwing matutulog na siya ay humihinto ito sa anumang ginagawa at pumapasok sa kanyang silid at nagbabasa ng kuwento hanggang sa siya ay makatulog. Isang gabi, nang ito’y matapos magkuwento, tinanong niya si Kaira, “Mahal mo ba ako?”

   “Oh, opo, Daddy. Alam ninyo naman po, na talagang mahal ko kayo.”
“Kung gayon, puwede bang ibigay mo na sa akin ang kuwintas mong perlas?”

   “Ay . . , Daddy, huwag ang mga perlas ko. Sa inyo na ang Prinsesa ko na nakasakay sa puting kabayo mula sa aking mga laruan. Mayroon itong rosas na laso sa buntot. Natatandaan ninyo Daddy, binili ninyo ito para sa akin noong kaarawan ko? Paborito ko ito, eh.”

   “Okey lamang, Honey, Daddy loves you. Good night.”  At hinalikan ng ama sa pisngi ang anak.

   Isang linggo ang lumipas, matapos ang pagbasa ng isang kuwento, tinanong muli si Kaira ng ama, “Mahal mo ba ako?”

   “Daddy, alam ninyo po na mahal na mahal ko kayo.”
   “Kung gayon, ibigay mo sa akin ang iyong kuwintas na perlas.”

   “Ay . . naku, Daddy, huwag naman ang kuwintas ko. Puwede ninyong makuha ang aking magandang manika na regalo sa akin ni lola Carina, galing pa ito sa Amerika. Nakakatuwa po ito at may kasamang dilaw na kumot at katerno pa ang kanyang padyama. Sa iyo na ito, Daddy.

“That’s okay. Sleep well. God bless you, little one. Daddy loves you.” At tulad ng dati, muli niyang hinalikan ng banayad sa pisngi ang naghihikab na anak.

   Maraming gabi ang nakalipas at nang pumasok muli ang kanyang Daddy sa kanyang silid, nadatnan niya na nakaupong pasalampak si Kaira sa kama. Napansin kaagad ng ama ang nanginginig na baba nito, at pagkakita sa ama, ang namumuong luha sa mga mata ay matuling umagos sa magkabilang pisngi.

“Anong nangyari, Kaira? Bakit ka lumuluha, anong dahilan?

   Walang itinugon si Kaira sa halip itinaas nito ang kanyang maliit at nakakimis na kamay at hilam sa luhang binuksan ito sa harap ng ama, ang kuwintas ng mga perlas ay nasa palad. At sa nanginginig na mga labi ay gumagaralgal na nagsalita ito, “Eto na, Daddy. Ito’y para sa iyo.”

Napaluha ang ama sa nasaksihan at hindi makapagsalita sa biglaang pangyayari. Tahimik na tinanggap ang kuwintas na iniaabot ni Kaira, subalit may dinukot ang isang kamay sa bulsa at inilabas ang isang bughaw na gamusang kahon na may isang kuwintas ng mga totoong perlas, at ibinigay ito kay Kaira bilang kapalit. Matagal na itong nasa kanyang bulsa at naghihintay lamang ng pagkakataon kay Kaira na mawalan ng interes sa plastik na kuwintas,  upang mapalitan ito ng tunay at mamahaling mga perlas.

---
   Sa paglalarawan ng maikling kuwento na ito, pinatutunayan ng AKO, tunay na Pilipino ang kasalukuyang nangyayari sa ating katauhan.  Mga paslit pa rin tayong naturingan at nasa ating tabi lamang ang katotohanan. Maraming ulit na kumakatok sa ating puso na pagbuksan ito; dangan nga lamang, nananatili pa rin sa atin ang pagkagiliw sa mga panadaliang aliw at makasariling pananaw. At higit pang nakapanghihinayang; doon sa iba na nahuhumaling sa walang katuturang mga palabas sa telebisyon at mga libangan, na pawang ninanakaw lamang ang kanilang mahahalagang sandali at maging ang kanilang buhay.

   Ang ating Ama ay hindi lumilimot at patuloy na tumutugon sa ating mga karaingan. Laging nakatitig at minsan ma’y hindi Siya kumukurap. Ang tunay at higit na mahalaga lamang ang makapagpapalaya sa atin. Ito ang katotohanan.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


Friday, May 27, 2011

Ang Durungawan




   Sa kasagsagan ng labanan sa Basilan sa pagitan ng mga tulisang Abu Sayyaf at mga kawal ng pamahalaan, marami ang nasawi at nasugatan sa magkabilang panig. Dalawang kawal ang seryosong nasugatan at mabilis na nilunasan at nakaratay sa isang silid ng ospital. Ang isa ay pinayagan na makaupo sa tabi ng kanyang kama nang isang oras tuwing hapon upang itagas ang likidong pumupuno sa kanyang baga. Ang kanyang kama ay nasa tabi ng kaisa-isang durungawan ng silid. Ang isa namang kawal ay nananatiling nakalapat ang likod sa kama sanhi ng pinsalang tinamo sa katawan nito.

   Malimit mag-usap ang dalawang kawal tungkol sa kanilang mga asawa at pamilya, sa kanilang mga tahanan, sa kanilang mga trabaho, at ang kanilang pagiging kasapi sa militarya, kung saan parehong silang nakadestino sa lugar ng huling sagupaan.
   Tuwing hapon kapag ang sundalo ay nakaupo sa kanyang kama sa tabi ng durungawan, nilulubos niya ang bawa’t saglit sa paglalarawan ng mga bagay na kanyang nakikita sa labas ng durungawan sa nakahigang kawal sa katapat na kama. Sa buong oras nang pagkakaupo nito ay masiglang inilalarawan ang mga kaaya-ayang tagpo, makukulay na bulaklak, mga naggagandahang paruparo at ibon na lumilipad sa labas ng durungawan. Pati na ang natatanaw na bulubundukin na may maraming punong-kahoy ay buong linaw niyang nailalarawan. Nagagalak naman at nawiwili sa pakikinig ang nakahigang kawal.
   Ang durungawan ay nakatunghay sa isang parke na nagsisilbing pook pasyalan ng bayan, mayroon itong isang lawa. Maraming bibe at gansa ang naglalaro sa tubig, samantalang ang mga masasayang bata naman ay nakasakay sa kanya-kanyang makukulay na bangka. May mga magkakasintahan na magkahawak ang mga kamay na namamasyal sa mga halamanan na may iba’t-ibang kulay ng magagandang bulaklak. Sa pinakanan na di-kalayuan ay matatanaw ang magandang kabisera ng bayan. Ang kawal na nasa tabi ng durungawan ay nailalarawan ang lahat ng ito hanggang sa maliliit na detalye. At ang kawal na nakahiga naman ay nakapinid ang mga mata at taimtim na nakikinig at nilalaro sa kanyang imahinasyon ang mga kahalina-halinang tanawin.
  
   Isang maaliwalas na hapon, ang kawal na nasa tabi ng durungawan ay tuwang-tuwa sa nakita sa labas. 
Isang parada tungkol sa agrikultura na may mga sumasayaw na magagandang dalaga at may mga hawak na bilao na naglalaman ng iba’t-ibang gulay at prutas. Sinusundan ito ng banda ng musiko at di-magkamayaw ang tuwa at palakpakan ng mga tao. Bagama’t hindi ito malinaw na naririnig ng nakahigang kawal dahil sa nakabalot na benda sa kanyang ulo; sa kanyang imahinasyon, nakikita at naririnig niya ang mga ito sa ginagawang paglalarawan sa masayang nangyayari sa labas ng durungawan ng nakaupong kawal.

   Maraming araw at linggo ang lumipas. Isang umaga, dumating ang pang-araw ng nars na dala ang palangganang may tubig na ipanghihilamos sa kawal na nasa tabi ng durungawan, nang mapansin niyang wala na itong pulso at mapayapang binawian na ng buhay habang natutulog. Napaluha ang nag-aalagang nars at kagyat na tinawag ang mga kasamahan upang isaayos ang bangkay.
   Nakamulagat at lumuluha din ang kawal sa katapat na kama. Lungkot na lungkot sa nasasaksihang kaganapan, kinagiliwan at lubos ding napamahal sa kanya ang namatay na kawal. Gayunman nang matapos at maisaayos ang lahat, nakiusap ang nakahigang kawal na ilipat siya sa tabi ng durungawan. Masaya siyang pinaunlakan ng nars. Matapos na tiyaking maayos at matiwasay ang kawal sa bagong kinalalagyan, ay nagpatuloy sa pagliligpit sa silid ang nars.
   Unti-unti, kahit makirot, pinilit ng kawal na itukod ang kanang siko hanggang sa makaupo sa gilid ng kama upang sa unang pagkakataon ay masilayan din niya ang magagandang tanawin sa labas ng durungawan.    
   Dahan-dahang itinaas niya ang kanyang ulo hanggang sa umabot ito at matanaw ang kabubuan sa labas ng durungawan. Napamaang at malaking pagkagulat ang nadama ng kawal sa natunghayan, isang malaki at blankong pader ang nakahalang at tumatakip sa durungawan. Mabilis na tinanong ng kawal ang nars kung anong dahilan at nagawa ng namatay na kawal ang lumikha at magtahi-tahi ng kung anu-anong magagandang tanawin, masasayang kuwento, at nakawiwiling pangyayari sa labas ng durungawan.
   Tumugon ang nars, at ang mga katagang binitiwan nito ay lubusang tumimo sa puso ng napaluhang kawal, kailanman ay hindi na niya ito malilimutan:

“Ang namatay na kawal ay bulag ang mga mata sa pinsalang tinamo nito; siguro, nais lamang niyang lumakas at sumigla ka upang magkaroon ng pag-asang mabuhay.”



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Ano ang Motibo Mo?



  
Kailanman na gumagawa ka ng mahalagang kapasiyahan, mayroon bang maliit na tinig na palaging bumubulong sa iyo at nagtatanong na, “Ang ginagawa ko ba’y tumpak at katanggap-tanggap?”

Kung ito’y naaayon at kalugod-lugod sa iba, anong puwersa at atas ng damdamin ang gumagabay sa iyo upang ito ay may katiyakang matupad?

 Ito ay ang iyong motibasyon.

  Ang motibasyon ang nagtutulak sa iyo na magpatuloy at gawing puspusan ang pagkilos upang makamtan mo ang iyong nilulunggati. Nag-uugat ito sa pangunahing pangangailangan na makaiwas sa mga balakid at matapos ang ginagawa ng matiwasay kalakip ang positibong kasiyahan. Kung wala ka nito, walang magaganap na mahalagang resulta sa anumang pinagkaka-abalahan mo. Patama-tama at pagbabaka-sakali lamang ang karaniwang mangyayari.  Kung anuman ang kalalabasan ng iyong ginagawa ay nagtatapos lagi sa bahala na o pwede na, at ang pinakapalasak na "Okey na ‘yan!"

   Ang “sana, dapat, marahil, siguro, baka, daw at sakali” ay mga mahihina at kaakibat ng hilaw na layunin. Wala itong mga buto, simbuyo, at laging nakalutang sa hangin. Laging nakaakma o nakaamba at batbat ng pag-aalinlangan. Kung sa paninimula ng isang gawain ay nababahiran ng walang katiyakan, makakabuting huwag itong umpisahan. Walang mahihita kapag mayroong agam-agam, pinahihina nito ang daloy ng kasiglahan upang mawalan ng interes, mabalam, at ihinto ang ginagawa.  Ang matinding pagnanasa lamang ang nagbubunsod upang patuloy na masiglang kumikilos at tinatapos ang anumang gawain o lunggati.

 
   Upang ganap ang motibasyon, kailangan na tahasang alam mo kung ano ang iyong motibo, mayroon kang matinding paghahangad, at nakahandang gawin ito nang buong lakas, tiyaga, at kakayahan. Kadalasan, ang kawalan ng pagnanais o paghahangad at maikling panahon na inilaan sa ginagawa ang nagpapahinto sa isang makabuluhang gawain. Magaling sa simula sa katagalan ay mahina. May taguri dito, ningas-kugon; madaling magliyab ngunit saglit lamang ang lagablab at kusa nang mamamatay. O dili kaya’y tulad ng isang ilawang may sindi na aandap-andap, naghihingalo at maya-maya pa ay tuluyang maglalaho.


Ang mga motibasyong ito ang nagpapakilos sa atin:
Pagtanggap – ang pangangailangan ng pagsang-ayon
Kabatiran – ang pangangailangan na matuto
Kumain -- ang pangangailangan ng pagkain
Pananagutan – ang pangangailangan ng katapatan sa mga tradisyonal na kaugalian
Adhikain – ang pangangailangan para sa makatarungan at bukas na lipunan
Kalayaan – ang pangangailangan para sa pansariling kaibahan
Kaayusan – ang pangangailangan para sa organisado, matatag at nakakatiyak na kapaligiran
Aktibidad – ang pangangailangan ng ehersisyo at malusog na katawan
Kapangyarihan – ang pangangailangan ng impluwensiya, karapatan, at katuparan
Pagmamahal – ang pangangailangan ng sandigan at karamay sa tuwina
Pag-iimpok – ang pangangailangan na may madudukot sa panahong ng kagipitan
Pagkakaisa – ang pangangailangan ng mga relasyon at mga kasamahan  
Paggalang – ang pangangailangan ng respeto, antas, at kabuluhan sa pamayanan
Katiwasayan – ang pangangailangan ng seguridad at kapayapaan
Pagmamalasakit – ang pangangailangan na makagawa ng kaibahan sa kapwa
Pananalig – ang pangangailangan ng patnubay na ispiritwal

 Nakapaloob ang lahat na ito sa tatlong mahalagang lunggati:
1-Ang makitang maliwanag kung ano ang iyong hangarin sa iyong pangunahing pakikipag-relasyon at madama sa araw-araw na ikaw ay papalapit sa katotohanang ito.
2-Ang pumaimbulog na balot ng ibayong pagmamahal sa buong buhay.
3-Ang maging inspirado sa araw-araw ng kapangyarihan ng iyong pangarap at pagkakataon na mapagtagumpayan ito.

Narito ang mga hakbang sa motibasyon:
1-Atensiyon o pagpansin
       Ang pag-ibig ay nagsisimula sa atensiyon. Ang simula ay kapag napansin mo ang iyong kapwa. Walang   magaganap kung walang iniukol na atensiyon para dito.
2-Panahon
      Anumang bagay na nakaligtaan, nakakatiyak kang malilimutan. Gulok man na nagtagal sa suksukan, bunutin mo’t tadtad ng kalawang. Ganito din sa relasyon; kapag wala kang panahon dito, kusa itong mapapanis at lilipas. Kung nais mong mapanatili ito, dinidiligan at pinayayabong ito sa araw-araw.
3-Masigasig
     Walang bagay na hindi makukuha sa pagtitiyaga. Wika nga, "kapag may tiyaga, may nilaga." Tikatik man ng ulan na mahina kapag patuloy ay lumulusaw sa isang matigas na bato. Matiyagang magpakita ng pagkagiliw at pagpapahalaga.
4-Koneksiyon
      Iwasan ang mga distraksiyon sa buhay sapagkat ang pangunahing sangkap o elemento ng kaligayahan, kahalagahan, at tagumpay ay nakapaloob lamang sa kapangyarihan ng pagsasama-sama sa isa’t-isa.
5-Laruin
     Huwag laging seryoso sa lahat ng bagay, napagpapatigas ito ng leeg. At lalo namang kapag ginawa itong personal at ang salita ay hindi mababali. Alalahanin, walang perpekto sa mundo kaya nilikha ang lapis na may pambura.

   Madaling ipakita ang motibasyon na kunektado sa isang gawain na mahalaga sa iyo. Kung talagang ninanais mo ito, subalit kung mapusyaw o kapos ang motibasyon mo at atubili ka, nangangahulugan lamang na tahasang hindi mo ito hinahangad. Sapagka t kung tunay at buo ang iyong loob na gawin ang bagay na ito, makikita ito sa iyong mga masisidhing pagkilos.
  Ang motibasyon ay mahalaga sa atin; malaki ang kaugnayan nito sa ating emosyon at imahinasyon, na kung saan kapag nais mong mapalakas ito at magkaroon ng simbuyo ng damdamin, kailangan lamang na bigyan mo ng ibayong pansin ang iyong pandama at imahinasyon.

   Pataasin ang iyong kabatiran sa motibasyon:

1-Alamin, maglimi, at tiyakin kung ano ang talagang hangarin o layunin mo sa buhay, kung ito’y nararapat pagtuunan ng isip, kabuhayan, at panahon.

2-Lumikha ng lunggati na maliwanag at makakaya. Magplano at isulat ito.

3-Ugaliing laging iniisip ang iyong lunggati o ninanasa.

4-Ilarawan ang iyong lunggati na napagtagumpayan na. Iwaglit sa iyong isipan ang mga balakid at sumasalungat upang ito’y hindi maganap.

5-Magsaliksik at magbasa ng mga aklat tungkol sa paksang ito ng iyong lunggati.

6-Hanapin, pamarisan o sumangguni sa mga huwarang tao na nagtagumpay na sa larangang ito.

7-Itanim sa isipan ang biyaya o benepisyong makakamtan sa tagumpay ng iyong lunggati.

8-Apuhapin sa iyong hinagap at pakaisipin ang iyong madarama matapos mong magtagumpay sa iyong lunggati.

9-Ulit-ulitin ang iyong pagpapatibay sa pahayag na, “Mayroon akong masidhing hangarin at katatagan ng kalooban na magtagumpay sa aking lunggati.” Laging ulitin ito nang may pananalig at simbuyo ng damdamin.

10-Magsimulang gumawa sa maliit tuloy sa palaki tungkol sa iyong lunggati. Ang maliliit na tagumpay ay humahantong at kabubuan ng higit na malalaki pang tagumpay.

   Ang motibasyon ay makapangyarihang lakas na magtutulak sa iyo na marating ang iyong pupuntahan at magtagumpay sa bawa’t larangang iyong pinagtuunan. Hindi tayo lumilikha ng mga malalaki at dakilang bagay bagkus maliliit na bagay lamang na may dakilang pagmamahal.

Pinatutunayan ng pahinang ito ang mensahe ng pag-asa. 

Tuwiran at matapat na pag-asa.

Ikaw ang may hawak ng susing ito sa anumang pakikibaka mo sa daigdig na ito. 

Maiiwasan mo ang mga nakalalasong mga bagabag at kapighatian.

Magagawa mo rin na laging sariwain ang uri at antas ng kaligayahan nagtutulak sa iyo upang magkaroon ng motibasyon.

 
Kapag minamasdan mo ang iyong buhay, ano ang iyong nakikita? 

Kapag minamasdan mo ang iyong sarili, ano ang iyong nakikita?

Kapag minamasdan mo ang iyong kapuso, ano ang iyong nakikita?

Kapag minamasdan mo ang inyong mga sarili na magkasama, ano ang iyong nakikita?

Kapag minamasdan mo ang inyong relasyon sa isa’t-isa, ano ang iyong nakikita?

 Ano talaga ang nilalaman ng iyong puso at ninanais na makamtan?
Ano ang higit na pinag-uukulan mo ng atensiyon ngayon?
Ano ang masidhing motibasyon na nagpapakilos sa iyo para dito?
Ito ba ang iyong tunay at pangunahing hangarin?

Alam mo ba ang mga ito?

 Anuman ang maging kasagutan mo dito ay ikaw lamang ang nakakaalam, nakauunawa, at may kakayahang gampanan sa ikakatagumpay nito.

   Ang paglalakbay upang tuklasin kung ano ang tunay mong pagkatao ay nagsisimula sa wagas na katapatan kung nasaan ka ngayon sa buhay; kalagayan, antas, mga relasyon, at kabuhayan. Maging matapat sa pagsusuri sa iyong sarili, sapagkat dito nakasalalay ang hinahangad mong kaligayahan sa iyong buhay.

   Maglaan ng panahon na repasuhin at ikumpara kung ano kalagayan mo noon at sa kalagayan mo ngayon. Mangyari lamang na isulat ang mga ito sa isang maiingatang kuwaderno. Isama ang tungkol sa iyong kalusugan, pinansiyal, trabaho, mga kinagigiliwan na makabuluhang aliwan, nililikhang bagay, at ispiritwal na kaganapan. Huwag kaligtaan na isulat kung ano ang nais mong mangyari sa susunod na isang buwan.

  Bakit kailangan na magawa mo ito?
    Dahil nais mong makatiyak at magtagumpay sa buhay. Kung sa simpleng pagdaraos ng piknik sa tabing-ilog ay napag-uukulan ng paghahanda, ibayong atensiyon ang kinakailangan pagdating sa iyong personal na buhay.

   Sa araw na iyo, at sa bawa’t araw pang mga susunod, harinawa’y umani ka ng maraming pagpapala sa mataimtim at maligayang relasyon na iginawad sa iyo at sa lahat nang iyong nakakadaupang-palad.



Ang inyong kabayang Tilaok,
 
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan