Wednesday, July 08, 2015

Gumising Tayo!



Masiglang pagbati sa lahat, narito ang ilan sa mga patnubay na nakasanayan ko na. Pakibasa lamang at limiin ang mga ito. At higit na mahalaga, itanim sa isipan, isapuso at gawing bahagi ng pakikibaka sa buhay.
   Sa ating ginagawang paglalakbay, mahalaga na may mga tamang kaisipan na gumagabay sa atin sa mga panahong tayo ay nakakalimot at nawiwili sa mga panandaliang libangan.
------------
   Noong nagsimula akong mamasukan, napansin ko na sa siyam sa sampung ginagawa ko ay pawang mga kamalian, ngunit madalas kong binabago ang aking sistema sa bawat sitwasyon na ako ay nahaharap sa katulad na problema. Kahit magtagal ako sa aking ginagawa, pinipilit kong itama ang pagkakamali upang ito ay hindi na maulit pa. At sa ganitong paraan lamang napatunayan ko na lahat ng bagay ay posibleng mangyari kung tahasan mong ninanasa na magtagumpay sa buhay. Matututuhan mong kilalanin na ang bawat hadlang sa iyong daraanan ay mga paghamon upang lalo kang magsumikap at maging matatag. Ang mga pagkakamali ay sadyang nakaukol para lalong paghusayin ang iyong mga katangian at maging handa ka sa darating na malaking pagpapala.
   Pananatili, pagsisikhay at pagpupumilit sa kabila ng lahat ng mga balakid, kawalan ng pag-asa, at mga kaimposiblehan: ito ang nagpapatibay, na sa lahat ng mga bagay kapag masidhi ang iyong ninanasa, patuloy na maglalagablab ito hanggang sa makamtan ang tagumpay.

Mga Mahalagang Panuntunan



1.Kung hindi ka makalipad, tumakbo ka, kung hindi ka makatakbo, lakarin mo, kung hindi mo makayang maglakad, gumapang ka, kahit na anuman ang ginagawa mo kailangang tahasan at patuloy na kumikilos ka tungo sa direksiyong ikakatagumpay mo. 

2. Hindi mo makakamit ang isang milyong piso na pangarap kung ang patakaran mo ay manatiling empleyado at minimum ang suweldo. Magagawa mo ito; sa bawat araw na namamasukan ka, kahit paunti-unting pagsisinop, dagdag dito at dagdag doon na mga inpormasyong makakatulong sa iyong pag-unlad, sinisimulan mo nang itindig ang iyong mga pangarap.

3. Kung mayroon kang ideya sa nais mong gawin para sa iyong kinabukasan, kailangang matibay at masidhi ang iyong obsesiyon para ito ay matupad, kahit na ano pang larangan o kalagayan mo sa ngayon, ang iyong hangarin ito ay kusang makakamit mo kapag buong isipan at lahat ng atensiyon ay iuukol mo dito, at wala ng anumang bagay na makakahadlang pa sa iyo.

4. Kapag nalagay ka sa isang matindi at mahirap na tungkulin, isang bagay na wari mo’y imposibleng magawa, simulan kaagad kahit na sa mumunting mga pagkilos sa bawat araw, mamamangha ka na lamang na kusang matatapos ito. Hindi ang kaliitan ng nagagawa o kabagalan ng natatapos, hanggat patuloy ang iyong pagkilos, anumang gawain ay matatapos din.

5. Alalahanin na may dalawang benepisyo ang kabiguan. Una, kapag nabigo ka, natutuhan mo kung bakit at saan ikaw ay namalì; at pangalawa, ang kabiguang ito ay nakapagbigay sa iyo ng oportunidad na sumubok muli ng panibagong paraan. Subalit kung walang matibay na dahilan upang ipagpatuloy mo pa ang gawaing ito, lumilitaw lamang na libangan na ito sa iyo. Sapagkat ang pagkakamali ay minsan lamang, kapag ito’y naulit at nasundan pang muli, isa na itong bisyo.

6.. Ang pagkakaiba sa pagitan ng kung ano ang ating ginagawa at kung ano ang ating kakayahan para magawa ito ang siyang makakalunas sa maraming problemang nakaharap sa atin. Pansinin kung ano ang ating inaatupag sa araw-araw, narito ang tunay nating atensiyon kung bakit nahuhumaling tayong gawin ito. Ang tanong: Ito ba’y nakakatulong at nagpapaunlad ng iyong kapakanan? Kung hindi naman at walang katuturan ito, baguhin na ang libangang ito na umaagaw ng iyong panahon para sa iyong kabutihan.

7. Ibigay mo sa iyong mga pangarap ang lahat ng mayroon sa iyo nang walang pagtatangi. Kung ang iyong isipan, puso, at kaluluwa ay nakatuon dito, ikaw ay mamamanghĂ  sa kaganapan nito. Lalong pag-iibayuhin ang buo mong kalakasan at kasiglahan upang ang hangaring ito ay posibleng mangyari.

Huwag Sumuko



Karamihan sa mga kabiguan sa buhay ay nangyayari doon sa mga tao na madaling sumuko, hindi nila magawang patunayan kung gaano na sila kalapit sa tagumpay nang sila ay mawalan ng pag-asa at maaga pa ay tumigil na.
   Hindi ang kakulangan ng lakas o kakulangan ng kaalaman ang nagpapatigil para magpatuloy pa ang isang tao, kundi ang kawalan ng pagnanasĂ , intensiyon, at lunggati sa buhay.
   Kapag natutuhan mong sumuko kaagad, magiging ugali mo na ito. Nasa pagsuko ang kabiguan, at kawalan ng pag-asa ang aliwan nito

Isang mahalagang kaisipan …
  Kung saan mayroong dakilang pagmamahal, narito palagi ang mga milagro. Dahil kung nagmamahal ka at nais mong paligayahin ang mga mahal mo sa buhay, ito ang masidhing intensiyon na magtutulak sa iyo upang patuloy na magpunyagi ka para magtagumpay.

Mababaw na Isipan



Ang maniwala sa sabi-sabi, ay walang bait sa sarili
May dalawang uri ng pagkilos ang nangingibabaw upang madaling harapin ang buhay; ang paniwalaan ang bawat bagay, at ang pagdudahan ang bawat bagay. Sa parehong paraan nakakatulong ito para hindi na tayo mag-isip pa. Dangan nga lamang, madalas humahantong ito sa kapahamakan at kasawian. Gawain ito ng mga tao na may saloobing “bahala na” at may padaskol na desisyon. Pasige-sige lamang anuman ang maging direksiyon o resulta ng desisyon. Ganito din ang mga hindi makapaghintay, mga mainipin at mabilis kung magpasiya na kadalasan ay nagsisisi sa bandang huli.
   Higit na mainam ang magtimpi at pag-isipan muna kung saan hahantong ang kapasiyahan, kung makakatulong o makakasira ito. Hindi ang maniwala o magduda kaagad, bagkus ang magnilay at alamin ang ibubunga nito sa sariling kapakanan, maging sa mga mahal sa buhay at mga kasamahan.

Mahalagang mga Sandali



Iwasang ilagay sa kahon at itago ang mga pagmamahal at pakikisama ng iyong mga kaibigan upang ito ay magawang sambitin sakalimang magsiyao na sila sa daigdig na ito. Huwag ilaan ang mga matatamis na mga katagang ito sa panahon ng libing na kung saan hindi na nila ito maririnig pa.
   Habang nariyan pa sila sa ating tabi, busugin ang kanilang mga buhay na batbat ng pagmamahal at matalik na mga relasyon. Bigkasin ang mga kataga ng pagtanggap, pagdakila, pakikiisa, pagmamalasakit  at pasasalamat hanggat naririnig pa nila ito upang magbunyi sila at patuloy na sumaya.
   Ang mabubuti at nakakasiyang mga kataga ay nakakatighaw sa mga pusong nauuhaw. Bigkasin na ang mga pagsuyo at mga papuri ngayon na, hindi bukas o sa mga araw pang darating. Walang nakakaalam kung ito ay mangyayari pa o hindi. Sabihin na kaagad, bago pa mahuli ang lahat.