Tuesday, September 18, 2012

Iwasan ang Humatol




Hindi tayo ipinagkakanulo ng ating mga pakiramdam; kundi ng ating mga kahatulan.

Bahagi ng ating buhay ang humatol. Walang sinuman ang magagawang magpasiya nang walang kahatulan kung makabuluhan at walang saysay ang anumang bagay. Subalit kung ang pangmasid sa kapwa ay nakasalang, ang paghatol ay kailangang pigilan. Ito ay nasusulat:
7 "Huwag humatol upang hindi ka mahatulan.
 2  Dahil sa paghatol na iyong iginawad ikaw ay hahatulan; at kung anong panukat ang iyong ginamit, ito ang muling isusukat sa iyo. –Mateo 7:1-2
20- Italaga na mabuhay sa isang araw nang walang kahatulan.

Napakadali ang humatol laluna’t wala kang tiwala at kinaiinisan mo ang isang tao. Wala ng puwang para mahalin mo pa siya. Subalit sa sitwasyong ito, ang sarili mo ang nahihirapan at nababalisa. Dahil lisya ito sa iyong mga patakaran. Isaalang-alang na ang makatarungang paghatol ay siyang sukatan ng iyong mga personal na karanasan, at ang lahat ng mga karanasang ito ay tamang sukatan kung sino ka. Hindi mo magagawang maging parehas sa iba kung hindi ka parehas sa iyong sarili. Ang mga kapangitan na iyong nakikita sa labas ay nagsimula muna kung ano ang mayroon sa iyong kalooban. Sakalimang may kasamaan kang napapansin, alamin sa iyong sarili kung bakit nararamdaman mo ito. Sapagkat kung pawang kabutihan at makabuluhan lamang ang nasa iyong kaisipan, ito ang sadyang lalabas mula sa iyo. Makikilala ang isang tao sa kanyang iniisip, binibigkas, at ginagawa. Narito ang batayan ng kanyang tunay na pagkatao.
   Ihinto ang mga paghatol at pangangatwiran ng mga negatibong pananaw. Laluna’t hindi mo naisuot ang sapatos ng taong iyong pinupuna. Magkaiba ang inyong kinalakihan, pinagdaanan, at mga karanasan. Kung wala ka pang nagagawa, wala kang karapatan na hatulan ang may mga nagawa na. Hangga’t hindi mo nakikilala ang iyong sarili, hindi mo magagawang punahin at hatulan ang iba, dahil wala kang sapat na kabatiran para humatol. Ang tunay na kaalaman ay nasa ulo, ang kawagasan ay nasa puso, at tiyak na magkakamali tayong humatol kung hindi tumpak at saliwa sa ating iniisip ang ating nadarama.
   Marami ang mahilig humatol at magmalasakit na may mabuting intensiyon, ngunit ang pamamaraan ay brutal at dumudurog sa pagkatao ng isang tao. Kung hindi mapagbigyan at masunod ang hangarin ay ginagawang personalan ang relasyon, na kadalasan ay nauuwi sa mga bangayan at alitan. Hindi natin mahahatulan ang naging mga buhay ng ibang tao, sapagkat bawa’t isa, ay siya lamang nakakaalam sa kanyang pinagdaanan, mga pagkakamali, at kapighatian. Maaaring tama at napapanahon ang mungkahi mo, subalit hindi lamang sa iyo ang tamang daan. Higit na mainam ang maging mabuti kaysa maging tama kung nakakapinsala ito sa relasyon at respeto ng isang tao. Kadalasan ay huli na kung matuklasan natin; na kailangang huwag hatulan, maluwag na tanggapin at pagkatiwalaan ang mga tunay na kaibigan.
   Madali ang maging kritiko, ngunit hindi sa paraan na nangungutya at humahamak. Huwag ipalagay na isang kahinaan ang kabaitan ng isang tao, at abusuhin ng mga pamimintas at wala sa lugar na pagpuna. Wala ding idudulot na mabuti ang pintasan ang kapasiyahan ng iba, dahil lamang na kaiba at salungat ito sa kagustuhan mo. Tatlo ang batayan para dito kung sino ang tama: Ang katwiran niya, ang katwiran mo, at ang tamang katwiran. Kaya nga nagkaroon ng mga hukuman, para may kumilatis at magpasiya ng tamang katwiran (paghatol) ang namamagitang hukom sa pagitan ng dalawang nagtatalo. Sa halip, ang pagtuunan ng pansin ay kinisin at pagyamanin mo pa ang iyong sarili para maging abala at wala ka ng panahon pang humusga sa iba. Tandaan lamang: Hinahatulan natin ang ating mga sarili kung ano ang makakayang nating gawin, at hinahatulan naman tayo ng iba kung ano ang ating mga nagawa na.

Huwag hatulan ang bawa’t araw kung ano ang iyong mga inaani, bagkus sa mga binhi na iyong ipinupunla.

   Hindi tungkulin ng isang tao ang disiplinahin at kontrolin ang iba. Mapanganib ito, sapagkat walang perpektong tao na masusunod ang bawa’t naisin mo. Ang tangi mo lamang makakayang disiplinahin at kontrolin ay ang iyong sarili. Ito ang iyong personal na desisyon na makakayang gawin saan ka man narooon at kung sino ang mga nakapaligid sa iyo. Ang panahon ay patuloy na nagbabago at nagagawa pang baligtarin ang karamihan sa iyong mga opinyon. Umiwas na malagay sa alanganin ang iyong reputasyon kung mahilig kang pumintas, makialam, at humatol sa iba. Sa dahilang kapag hinatulan mo ang iba, hindi mo inilalantad sila, ang nailalantad mo ay ang iyong sarili para ikaw ang mahatulan.



             Bago ka HUMATOL
Bago maghinala, pag-aralan ang mga pangyayari.
Bago magpasiya, alamin ang katotohanan.
Bago magsalita, makinig nang mabuti.
Bago mag-reaksiyon, mag-isip muna.

Bago HUMATOL, unawain ito kung bakit.

Bago pumuna, maghintay ng paliwanag.
Bago makapanakit sa kalooban ng iba, 
 damahin muna  ito sa iyong sarili.
Bago masuklam, magpatawad at magmahal.
Bago lumisan, minsan pang sumubok at manatili . . .
… at ang katotohanan ang magpapalaya sa iyo.

Tandaan ito:
Ang panahon ang magpapasiya kung sino ang iyong makakatagpo sa buhay.
Ang iyong puso ang magpapasiya kung sino ang iyong magugustuhan at mamahalin.
Ang iyong asal ang magpapasiya kung sino ang mananatili at patuloy na magmamahal sa iyo.
 … At ang iyong mga paghatol ang magtatakda kung matagumpay ka sa iyong mga kapasiyahan.

Huwag hatulan at magpasiya hinggil sa katanyagan at mga papuri. Hindi sapat na paniwalaan ang ibang tao na ang iminumungkahi nito ay siya nang mahusay at katotohanan.

7 Patakaran sa matiwasay na buhay: 1. IWASANG HUMATOL; 2. Mamuhay nang simple; 3. Huwag umasa; 4. Magpasalamat sa tuwina; 5. Mabuhay nang may pagmamahal; 6. Maging masaya; at 7. Gampanan ang kaluwalhatian ng Maykapal.

7 Mga bagay na hindi mo na maibabalik pa: 1. Ang paghatol na walang katibayan; 2. Ang ipinukol na bato; 3. Ang binitiwang salita; 4. Ang hindi nasaluhang okasyon; 5. Ang nagdaang panahon ; 6. Ang kamusmusan ng iyong mga anak; at 7. Ang pagtitiwalang nawala.

4 ang titik na P sa Buhay: Pagpili, Pagkakataon, Pagbabago, at Paghatol. Ang kailangan ay may pagpili kang gawin upang magkaroon ng pagkakataon ang pagbabago sa iyong buhay, at nasa iyong paghatol lamang ang lahat tungkol dito para ito tahasang maganap.

  Matuto ng mga bagay mula sa mga nakapaligid sa iyo, tamasahin ang buhay sa iyong mga kapiling, at huwag maliitin o hatulan ang mabababa sa iyo. Alalahanin na kapag ikaw ay nadapa at nagbalik sa dati, sila ang iyong unang makakasalubong. 

   Hinahatulan ka ngayon, ngunit kakailanganin ka nila kung matagumpay ka. Iniiwasan ka ngayon, ngunit hahabulin ka nila kung matagumpay ka. Pinipintasan ka ngayon ngunit, hahangaan at pupurihin pa kung matagumpay ka. Ito ang iyong nakatakdang buhay … at mangyayari lamang ito kung tahasan mong tutuparin ang iyong mga pangarap. Sa buhay, makakatagpo mo ang dalawang uri ng tao: 1) Yaong walang paghatol; nagmamahal, nagpapahalaga, at pinagyayaman ka; at 2)  Yaong may paghatol; naninibugho, namimintas, at ipinapahamak ka. Alinman sa mga ito, maging mabuti pa rin at gawin ang lahat mong makakaya sa pakikipag-kapwa. Sa paniwalang ito, ang siyang makapagdudulot ng magandang kalidad sa iyong buhay. 
   Mapapatunayan mo na may hangarin ang bawa’t taong nakakatagpo mo. May tuwiran, may matapat, at may balat-kayo. Dito sa huli ay ibayong mag-ingat, dahil nakakubli ang napipintong kapahamakan mo. Mayroong idinadaan ka sa pagsusulit o eksamen nila, may gagamit sa iyo, may magtataksil, mayroon ding magtuturo, manghahamak, at higit sa lahat, kapag nalagpasan mo ang iba at naging maunlad kaysa kanila, hahatulan ka sa tuwina. Huwag kalimutan:Kapag ang punong-kahoy ay mabunga, binabato ito sa tuwina.
 
Alam kong hindi ako perpekto at wala akong hangarin  na magawa pa ito, ngunit bago ka magsimulang itutok sa akin ang hintuturo mo, tiyakin lamang na malinis ito, dahil ang tatlong daliri mo ay nakaturo din sa iyo.   –Arnie M. Guevara

Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
-Papaano ka humatol, doon ba sa nagawang tagumpay o natanggap na kabiguan?
-Ano ang inuuna mong tignan sa isang tao, ang negatibong katangian o positibong katangian?
-Inaalam mo ba ang tunay na dahilan bago hatulan ang isang bagay o sinuman?
-Sang-ayon at pinaniniwalaan mo ba ang paghatol na mula sa kaaway at kagalit ng isang tao?
-Ang tagubilin ay,“Huwag hatulan ang aklat sa pabalat nito,” bakit batayan ang taong maganda at guwapo para mabili ang isang produkto? Hindi ba tamang batayan ang uri ng pagkatao at hindi ang panlabas na kaanyuan?
-Sino ang may kasalanan, kapag ang hukom ay pinawalang sala ang kriminal?
-Kung may lumapit sa iyo at may masamang tsismis, tinatanggap mo at nasisiyahan ka ba?
-Alam mo bang kapag hinatulan mo ang isang tao, ay hindi mo na magagawang mahalin pa siya?
-Hinahatulan mo ba ang mga bagay mula sa kanilang mga depekto?
-Kung ayaw mong hatulan ka ng iba, bakit mahilig kang pumuna, pumintas at makialam sa buhay ng iba? Alam mo bang pinapabayaan mo ang iyong sarili kung laging nakatingin ka sa iba, at ikinukumpara mo ang iyong kalagayan sa kanila?
   Alinman sa mga nabasa mo sa itaas ay walang halaga, kung wala kang paghatol para ito ay bumukol. Dahil hindi naman ito sa iyo nakaukol, at doon lamang sa hindi mapaghatol.

Ang mga tao ay hahatulan ka, batay sa iyong mga kahatulan.

Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian?
Alinman dito, ay nasa iyong kapangyarihan ang pumili. At ito ang iyong magiging kapalaran.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan