Ang katalinuhan ay hindi sapat na alam lamang kung ano ang kailangang gawin o magagawa, bagkus ang gising o mulat at nalalaman ang magagawa at ang hindi na kailangang pang gawin.
Dalawang uri ng pananaw ang nakatutok sa ating kaisipan; ang katalinuhan at kamulatan. Magagawa mong maging matalino subalit kung kapos ka naman sa kamulatan ay wala itong saysay, o mabagal kang magpasiya maging gising ka man at may malay, o sa anumang mga kumbinasyon sa pagitan nito. Totoong ang kamulatan ay may iba’t-ibang anyo at antas. Nasa iyong tamang pagkilos lamang kung ano ang higit na mahalaga para sa iyo. Ito ang magpapahiwatig ng ating angking talino at kamulatan sa mga nangyayari sa atin.
Ang katalinuhan ay nakukuha sa pag-aaral at matamang pagsasanay, samantalang ang kamulatan ay natutuhan sa sariling mga pagkakamali, mga kamalian ng iba, at mga karanasang natikman na nag-iwan ng ibayong aral upang hindi na itong muling balikan at ulitin pa.
"Matalino ka mang naturingan, ngunit kung kinakapos ka naman at hindi mulat sa iyong kapaligiran; at sakaling ikaw ay nasa bingit na ng kapahamakan, papaano mo ito matatakasan?"
-Agatona Alimorong Navarro
Magagawa nating ipagwalang bahala ang katotohanan at matapos ito ay iwaksi at kalimutan na ito. Dangan nga lamang ang balewalain ang mga nagdudumilat na katotohanan ay humahantong sa ibayong kapahamakan. Isang pandaraya ito sa ating mga sarili na kailangan nating supilin.
Ang manatiling gising at mulat sa mga kaganapan sa ating paligid ay napakahalagang pag-uugali. Matalino ang may nalalaman. Higit na matalino ang isinasagawa ang kanyang nalalaman. Subalit ibayong matalino ang may nalalaman, isinasagawa ito, at nananatiling gising sa magiging kaganapan nito kung makakatulong o makakapinsala ito sa maraming gagawing pakikibaka sa buhay.
GUMISING at TAMASAHIN ang Iyong KALIGAYAHAN
Nais mo bang magkaroon ng buhay na mariwasa, makahulugan, masagana, at batbat ng kaligayahan? Ang kailangan lamang ay mulat ka sa pagkakaroon ng mapagpasalamat na puso, at hangaring makapaglingkod sa iyong kapwa. Sapagkat kung magagawa natin ang mga ito, malaki ang ipagbabago ng ating buhay.
Hindi na kailangan pa ang katibayan upang paniwalaan ito. Subukan lamang, at tahasan matutunghayan at mararanasan mo ang mabilis na pagbabagong ito.
Isang Pagmumulat:
Narito ang ilang TIP 2012 (Tanging IsangPilipino) na magandang panimulan sa unang buwan ng taong ito. Magbulay-bulay at limiing maigi ang kapupulutang aral ng mga ito. Kopyahin, ipaskel sa kung saan na lagi mong makikita, ibahagi sa iba, at hayaan silang makatas ang tunay na mga katuturan nito sa ating buhay:
Ang matalinong tao ay alam ang lahat; ang tuso naman, ay kilala ang lahat. Ngunit yaong mga gising lamang ang nakauunawa kung anong ibubunga nito.
1-Alalahanin na ang kalidad ng iyong buhay ay pinangingibabawan ng kalidad ng iyong kaisipan.
2-Ikaw ay buhay. Isa itong handog sa iyo. Hangga’t gising ka, ang pag-asa at mga pagkakataon ay abot-kamay na lamang. Kumilos na, upang ito ay maging katotohanan!
3-Sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga wala sa iyong buhay, pahalagahan at tamasahin mo ang mga nasa iyo.
4-Ang iyong kalusugan ay pangunahin mong kayamanan. Hindi ito makakayang tumbasan kahit na anumang halaga. Pakaingatan ang ating katawan, dahil isa itong mahalagang sasakyan sa ating ginagawang paglalakbay.
5-Pagkagising sa umaga, ang magpasalamat ay isang kaluwalhatian.
6-Masusing tanungin ang sarili: “Papaano ba ako makapaglilingkod sa maraming tao?”
7-At bago matulog sa gabi, itanong ito sa sarili, “Anong limang mahalagang bagay na nagawa ko sa araw na ito?”
8-Paantukin ang sarili na iniisip sa tuwina bago matulog ang iyong mga pangarap na para bang nangyari at ipinamumuhay na. Kusa nitong isasanib sa iyong kamalayan at pakikilosin sa iyong panag-inip, at sa iyong pagkagising ay tahasan mo nang gagawin.
9-Ang iyong ginagawa ay hindi isang trabaho. Ito’y ang lumikha ng daan para sa mga sumusunod sa iyo.
10-Hangga’t nasisiyahan ka sa iyong ginagawa, hindi ka nagtatrabaho. Bagkus libangan na ito sa iyo, at ang sahod mo’y bonus na lamang.
11-Alam mo bang malaki itong pagkakataon upang mapatunayan mo kung gaano ang iyong talento at husay ng iyong mga katangian?
12-At kung may problema ka naman, ito ay isang paghamon lamang upang subukan ang anumang kagalingan na mayroon ka.
Ang matalino ay isang hangal kapag pumupuna, humuhusga, madaing at nagrereklamo. Nananatiling tulog at ipinagkakanulo sa pakikialam sa iba kung anong uri ng pagkatao ang nasa kanya.
13-Tuparin ang mga pangakong binitiwan sa iba---at maging sa iyong sarili.
14-Ang mga taong dumarating sa iyong buhay ay may dahilan at layunin, upang maging kumpleto ang nakatakdang mangyari sa iyo. Anumang relasyon ang ipagkaloob mo, sa bandang huli ay ikaw ang mag-aani.
15-Anumang bagay na higit nagpapabalisa sa iyo na kailangan mong gawin, ay siya mong unahin.
16-Huwag aksayahin ang iyong mahahalagang oras na ginagawa ang walang halaga na gawain at wala sa priyoridad.
17-Kapag sinagilahan ka ng takot at pag-aalinlangan, patunay lamang ito na wala kang interes sa iyong ginagawa.
18-Huwag personalin ang anumang lumiligalig sa iyo.
19-Gawing masigla ang lahat na makakaya at ang lahat ay magiging madali na lamang.
20-Hangga’t ikaw ay matiyaga, makakamtam mo ang nilaga.
Maraming hangal na matalino. Ginagawa nilang malaki, may kumplikasyon, mapanganib, at marahas ang mga karaniwang bagay at sitwasyon. Ang mga gising lamang ang may katapangang umiwas at lumihis ng landas.
21-Hanapin ang iyong layunin, mga lunggati, at tunay na adhikain sa buhay. Ito ang iyong tunay na misyon, kung bakit ka nilalang at lumitaw sa mundong ito.
22-Ibahagi ang mga katatawanan at maging tagapagpatawa. Mabisa itong panglunas sa katamlayan na humahantong sa karamdaman.
23-Ang maliliit na pagkilos tungo sa iyong lunggati, kapag pinagsama-sama ay siyang malaking resulta sa katapusan.
24-Maigting na ituon ang lahat ng iyong pagsisikap sa tunay mong lunggati. At iwasan ang mga walang katuturang mga libangan na gumagambala sa iyo para hindi ito matapos.
25-Huwag kalimutang basahin ang mga ito; Huling Paalam ni Gat Jose Rizal, at Pag-ibig sa Tinubuang Bayan ni Gat Andres Bonifacio. Mayroong pahina ang mga ito dito.
26-Sa mabilis na takbo ng teknolohiya ay nawawaglit na ang ating pagiging makatao. Maging mapagkumbabang tao na iyong nakikilala.
27-Kung sakaliman na ang iyong mga karaingan at dasal ay hindi natutugunan, nalilimutan mong sa iyong mga bangungot at mga bagabag; ikaw ay sinasagot at kinakausap na upang lunasan ang mga ito.
28-Iwasan ang mag-akala sa kahit anumang mga bagay, sitwasyon, at pagkakataon. Dahil ikapapahamak mo ang mga ito.
29-Laging mapag-isa. Ipinid ang pinto ng silid at magdasal na mag-isa. Tanging sariling ispirito lamang ang may kakayahang makipag-ugnayan sa Dakilang Ispirito.
30-Tandaan na yaong mga dakilang mga ideya at pangarap ay hinusgahan at pinintasan muna; bago ito naisakatuparan.
31-Walang bagay na nagsimulang malaki. Lahat ay nagsimula sa isang tuldok; at sa patuloy na pagkilos, ay unti-unti itong naging higante na kamangha-mangha.
32-Alalahanin lagi na wala pang rebutong naitayo upang parangalan ang mga kritiko at mapagpuna.
33-Ang gawin ang tamang bagay ay hindi problema. Ang malaman ang tamang bagay, ito ang humahamon sa iyo.
34-Huwag matakot na magtanong na may katangahan. Higit na mainam ito kaysa gumawa ng tangang kapasiyahan.
Walang makakaalam na ikaw ay matalino kung tulog ka.
35-At wala namang ipinagkaiba ang nakapag-aral at nakatapos sa hindi nakapag-aral; kung hindi naman niya ito nagagamit.
36-Marami ang tumatalino, kaya lamang, ay nawawala ang kanilang sentido comon at tamang pagdiskarte sa mga pag-iwas na magkamali. At lalong kahindik-hindik, wala silang pakialam sa kapakanan ng iba.
37-Higit na mabuti ang gumawa ng maling kapasiyahan kaysa walang anumang kapasiyahan. Laluna’t buhay mo ang nakataya. Laging nasa huli ang pagsisisi, kung sakaling nakaligtas ka man.
38-Kapag ikaw ay naligaw sa iyong patutunguhan, matututo kang bumasa ng mapa.
39-Kumilos ka, dahil kung hindi . . . ikay ay kikilosin ng iba.
40-Mapapansin mo siyang tulog, na nagsasalita habang natutulog, at nakikipagtalo sa iyo ng tulog na tulog. Huwag mabahala --- sadya lamang siyang mahimbing matulog. At lalo namang mahirap gisingin ang nagtutulug-tulogan.
41-Umawit. Sumayaw. Tumawa. Ngumiti. At isiping ito na ang iyong oras na magpakaligaya. Ngayon. Sapagkat ang araw na ito, ay tanging handog para sa iyo.
42-Kung nahalina ka sa kabutihang asal na nakita mo, mangyari lamang na pakatandaan at gayahin ito-- upang maging ugali mo.
Ang matatalino ay nakikinabang sa dami ng mga hangal kaysa mga hangal sa dami ng matatalino; dahil ang matatalino ay iniiwasan ang mga kamalian ng mga hangal, at ang mga hangal naman ay ayaw gayahin ang katusuhan ng mga matatalino. Ngunit kung mulat ka, madali mong mauunawaan ang kaibahan ng pagiging hangal at katusuhan ng iba.
43-Pagkalooban ang iyong mga mahal sa buhay, mga kaibigan, at kapwa katrabaho ng dakilang handog sa lahat ng panahon: ang handog mong atensiyon at pagpapahalaga sa kanila.
44-At kung nais mo namang laging talunan; piliting pagbigyan ang lahat sa kanilang mga kahilingan at mga kagustuhan.
45-Dahil kung hindi mo minamahal ang iyong sarili, ay walang magmamahal sa iyo.
.
46-Sapagkat yaong mga bagay lamang na mayroon ka, ang makakaya mong maibigay.
47-Kung magagawa mong bumangon mula sa higaan sa ika-lima ng umaga, mayroon kang 60 segundo upang ihanda ang iyong isip, katawan, mga emosyon, at ispirito na maging pambihira sa mga sumusunod na mga oras. Ang magagaling at laging panalo ay hindi mga katangian ng mga mapapalad …subalit ng mga nakahanda.
48-Panatilihing may ugnayan sa iyong mga mahal sa buhay. Sumulat, tumawag sa telepono, at magpadala ng pagbati …may okasyon man o wala. Sapagkat ang panahong lumipas ay hindi muling mababalikan pa.
49-Ugaliing nagsusulat ng mga kaganapan mo sa maghapon. Ang iyong buhay ay magandang nobela na ikaw lamang ang makagagawang sumulat nito. Isa itong pamana sa iyong pamilya at sumusunod na mga henerasyon.
50-Marami ang nagsasabi na ako’y tanga. Mabuti na ito, kaysa tawagin akong matalinong hangal.
51-Mainam pang wala akong nalalaman kaysa may matutuhan akong wala namang saysay at nakapipinsala pa.
52-Yaong maliliit na bagay na hindi mo binigyan ng pansin, sa katapusan ay siya palang malalaking bagay sa iyong buhay. Huwag kaligtaan ang mga ito; ang batang iyong nakikita ngayon ay magiging dalaga o binata na, na sa maikling panahon ay mag-aasawa, at hihiwalay na upang magbuo ng sariling pamilya. Samantalahin na siya ay nakatingala sa iyo, sapagkat sa isang araw, ikaw naman ang titingala sa kanya.
53-Kung ano ang turing mo sa iyong anak, ay siya ring ituturing niya sa iyo. Pakaingatan; sapagkat sa isang araw, siya ang may kapasiyahang pumili kung aarugain ka o ilalagak sa isang ampunan sa iyong pagtanda.
54-Manatiling nakangiti kahit na sa mga hindi kakilala. Pinalalakas nito ang iyong istamina at pinalilinaw ang iyong kaisipan upang maging masigla sa tuwina.
55-Kung wala ring lamang na saysay ang mga pinagtatalunan, makakabuting ihinto ito--- bago mauwi pa sa pagkakagalit at mga pagbabanta. Tiyaking mabuti ang intensiyon at magiging resulta nito bago pakawalan ang mga salita.
56-Marami ang hindi nakakaalam na bumubuhay ang mahinahong pananalita at nakakamatay ang marahas na pananalita. Maging maingat sa pagbitaw ng pangungusap, dahil nakasalang dito ang iyong ikaliligaya at ikasasawi.
57-Maligayang kaarawan! Sakali man na dakilang araw mo ngayon o sa susunod pang araw; dahil mayroon kang ispirito ng pag-asam at binabasa mo ngayon ang pahinang ito.
58-Sa araw na ito, ang buhay mo'y magbubukas ng maraming pintuan para sa iyo--- at lilikha ng pambihirang mga pagkakataon. Panatilihing bukas ang isipan upang makamtam mo ang mga pagpapalang ito.

59-Ikaw ay matapat, mapagkakatiwalaan, at mapagmalasakit. Ang pag-ibig mo ang nagpapalakas sa iyo upang maging positibo at umaayon sa iyong buhay ang hinahangad mong kaligayahan. Magpatuloy at mapapasaiyo ang minimithi mo.
60-Kung nais mo na ang iyong pananalapi ay nasa tama, tiyaking ang ginugugol at kinikita ay nasa wastong pamamaraan o balanse. Bago gumastos, tiyaking sapat ang kaalaman at tama ang kapasiyahan. Nakakasiya ng kalooban na sa iyong pagpili ay nararapat ang mga binili na sadyang kailangan, at tumpak ang mga halaga.
61-Ang buhay ay laging nagbabago. Bawa't araw, iba't-iba at samutsaring mga kaabalahan ang pumupukaw sa iyong atensiyon. Kung maghihintay ka, lilipas ang maghapon na walang magaganap sa iyo. Subalit sa pagharap sa salamin, mapapansin mong may nadagdag na kulubot sa iyong mukha. Paala-ala lamang ito na patuloy na lumilipas ang iyong pagkakataong magbago pa.
62-Kung hindi ka kakatok sa pintuan, magtatanong, hihingi ng karagdagang inpormasyon o tulong, walang mangyayari sa iyo. Ito ay nasusulat, yaon lamang masigasig sa larangang ito ang mabibiyayaan.
63-Magtanong sapagkat kailangan, upang pagkakamali ay maiwasan!
64-Nais mong makuha ang atensiyon at pagtitiwala ng iba? Madali lamang, magtiwala ka sa iyong sarili at paghusayin mo ang iyong pakikipagkapwa at pagkalinga. Bakit? Dahil kung panis ka at kapos sa larangang ito, makabubuti para sa iyo ang mamuhay sa bundok. Sapagkat doon, walang makakagambala sa iyo upang pakisamahan ang 'nakapanlulumo' mong pag-uugali.
65-Napangiti ka . . . dahil kung minsan nawawala ka sa iyong sarili at malimit na iniisip na para bang ikaw lamang ang tao sa mundong ito. Makasarili ang tawag dito. Aba'y gumising ka naman! Dahil kung hindi ka nakakatulong, tiyak problema at pabigat ka sa mga kasamahan mo!
66-Kung minsan ang brutal na tawag dito'y 'parasite' o parasito. Mga linta at ganid lamang ang may katangiang tulad nito. At kalimitan pinsan nila at malapit na kamag-anak ang mga mandarambong at malilikot ang mga kamay.
67-Hangga't naniniwala kang may puso kang mapagmahal at sa kapangyarihan ng positibong kaisipan, maraming mga pagkakataon ang inilalatag sa iyong daraanan. Napansin mo bang... kapag mayaman ang iyong kaisipan sumusunod ang kayamanan sa pananalapi at masaganang pamumuhay?
68-Dahil patuloy ang mayayaman sa pagyaman at ang mahihirap ay patuloy naman sa ibayo pang kahirapan. Bahagi ito ng katalinuhan at kamulatan.
69-Bigkas ng isang Tsino, "Liit isip, liit kita. Laki isip, laki kita. Kung ikaw dunong ... dunong din buhay mo. 'Wag kang tanga, kasi, tanga, walang pera!"
70-Totoong-totoo ito. Walang marunong na iskwater sa kanyang tinitirhan, laging nakapila sa anumang bagay, at laging nakaabang sa lahat ng pagkakataon. Pagmasdan ang mga taong sa araw-araw ay ginagawa ito at mapaglilimi mong, "Siyanga naman!"
71-Panoorin sa YouTube ang awitin na Pulubi ni Ka Freddie Aguilar. Isama na rin ang awitin niyang Bayan Ko.
72-At kung sadyang mapagmahal ka sa mga awiting Pilipino, simulang panoorin at pakinggan sa YouTube ang ating mga kundiman na inawit nina; Ruben Tagalog, Ric Manrique, Sylvia la Torre, at OPM (Original Pilipino Music).
73-Hindi maiiwasan ang pananamlay, kalungkutan, at pagka-bugnot. Patunay lamang ito, na buhay ka pa. Tulad ng baterya ng celfone o selpon mo, nauubusan ito ng lakas. Kailangan din mo ang mag-charge. Pahinga at makabuluhang libangan naman ang harapin mo.
74-Uminom ng maraming tubig sa maghapon. Malaking tulong ito upang ikaw ay mailigtas sa anumang karamdaman. Ito ang sumasala at nagpapalinis sa lahat ng daluyan sa loob ng iyong katawan.

75-Alam mo bang kailangan mong gamutin ang iyong sarili sa araw-araw? Hindi kung kailan lamang na maysakit ka. Katulad ng isang hardin, inaalagaan, dinadamuhan, dinidiligan, nilalagyan ng pataba, at pinayayabong ito nang walang hinto upang maging maganda at kaakit-akit sa tuwina. Bakit naman ang hindi, kung ang sariling katawan at buhay mo naman ang nakataya?
76-Bakit kaya . . . kapag may piknik o anumang mahalagang okasyon ay pinaplano at pinaghahandaan ang mga ito. Hindi ba mabuti namang ganito din ang gawin natin sa ating buhay, ang ibayong magplano at paghandaan din ito?
77-Ang kaligayahan ay isang seryosong tungkulin natin para sa ating sarili. Dito nakasalalay ang ating mga pagkakataon at pag-asa sa buhay. Kung wala ito sa ating hangarin, walang katuturan ang magpatuloy pang mabuhay. Hindi ito ipinagwawalang bahala. Hindi rin ito na para lamang masabing buhay ay nakatitiyak na tayong darating din at makakamtan natin ito.
78-Kailangang kumilos at gawin ang kaligayahan. Hindi kailanman ito masusumpungan, saanmang dako ito hanapin. Ito’y nakatago lamang sa kaibuturan ng ating mga puso. Maging matalino at gising sa mga kaganapan; at ang kaligayahang minimithi ay kusang aalpas upang pasiglahin ang iyong sarili.
79-Huwag kagyat na husgahan ang isang tao. Isang kamalian ang magmadali. Huminto at alamin ang iyong matututuhan sa kanya bago magpasiya. Kahit na alam mo ang hindi dapat gawin, ay isang mahalagang dahilan upang magtimpi.
80-Huwag paghimasukan ang mga bagabag ng iba; bigyan sila ng pagkakataon na lunasan ang sarili nilang mga hilahil. Sa halip ay maglibang at magpahinga ka, upang magkaroon ng kalakasang harapin ang sarili mong mga bagabag.
81-Manatiling bukas ang isipan tungkol sa pananalapi at mga relasyon. Kapag pinaghalo ang mga ito, anumang bagay ay mangyayari. Maging gising at may kamulatan sa iyong mga intensiyon. Sakalimang mapaniwala mo ang iba, kahit na ito’y hindi hinahangad o may nakatagong balak, maghahasik lamang ito ng pagkainis sa ibang araw.
82-Manatiling nakatuon sa iyong lunggati ng walang inaaksayang sandali. Magagawa mong mabago ang iyong buhay na may katiyakan at maligaya. Maging mataman at nasa istraheya ang iyong hangarin at mga pagkilos.
83-Kung nais mong makuha ang atensiyon at panahon ng isang tao, tatagan at linawin mo ang iyong sadya, kaysa hilaw, pauntol-untol, at lumilihis ang iyong pakay---walang magtitiyaga sa iyo. Panindigan at diretsuhin mo ang iyong hangad at makakamtan mo ito.
84-Kung ganap na gising ka, hindi mo magagawang huminto at maghintay na lamang. Hahanap ka ng mga kaparaanan upang mapadali ang iyong tagumpay. Ang masikap ay daig ang masipag.
85-Sa masikap, laging may paraan ito kapag namali at naharap sa napipintong kapahamakan. Sa masipag ... ah-h-h ... naroon pa rin at talaga namang masipag, palaging may ginagawa. Nasa resulta lamang sa dalawang uri na ito ang kasagutan.
86-May masipag at hindi lumiliban sa pagpasok sa paaralan o opisina. Mabuti ito, subalit may natututuhan ba o nakakatulong sa kompanya?

85-Simulan nang idilat ang iyong mga mata, at magmulat . . . ngayon na!
Ano pa ba ang hinihintay mo?
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Paalaala: Ang mga GABAY sa pahinang ito ay laging dinadagdagan ng mga makabuluhang inpormasyon para sa iyong nakatakdang tagumpay at kaligayahan. Patuloy na basahin upang ang nakalaang pagpapala ay mapasaiyo.
No comments:
Post a Comment