Sunday, January 04, 2015

Mahirap Ka Ba?


Ang tunay na trahedya ng mga mahirap 
ay ang kahirapan ng kanilang mga aspirasyon.
Tinanggap na natin na ang kahirapan kapag hindi nilunasan ay kapighatian. Mga karaingan na bukambibig natin sa tuwina, maliban ang kumilos at iahon ang sarili sa kinasadlakan. Kailanman ay hindi magagawang busugin ang sarili sa kaiisip, kung walang mga pagkilos at laging umaasa, … patuloy na naghihintay nang biglaang milagro na pagbabago. Ang tunay na pagbabago ay nagsisimula mismo sa sarili. Kung hindi ka kikilos at magbabago para sa iyong sarili, ikaw ang kikilosin at babaguhin ng mga nakapaligid sa iyo para sa kanilang kapakinabangan.
   Ang larawan ng paghihirap ang nagpapagulo sa isipan kung bakit nakakaapekto ito. At napipinsala ka lamang nito kung papahintulutan mo. Ang tunay na Pilipino, kailanman ay hindi naaapektuhan ng mga panlabas na kaanyuan at panandaliang mga kaganapan. Anumang uso at kinahuhumalingan ng kanyang mga kasama o kapitbahay ay walang halaga para sa kanya. Kuntento siya sa buhay at walang anumang repleksiyon sa ganitong mga bagay kung siya ay mahirap o hindi. Nasa isipan lamang niya ito.
   Subalit kung may magtatanong sa karaniwan nating kababayan,  kung iniisip nito na mahirap siya at ano pa ang kailangan niya sa buhay, masasagot lamang niya ito kung susukatin niya ang kanyang kalagayan kumpara sa mga mariwasa o nakakahigit ang kalagayan kaysa kanya. At sa puntong ito, doon niya mararamdaman ang mga kakulangan niya sa buhay na nagpapahirap sa kanya. Normal lamang sa isang tao ang makadama ng inggit at selos sa karangyaan ng iba, ngunit hindi dahilan ito na pati ang isipan niya ay maging “mahirap” din.
   Masdan ang isang magsasaka, simpleng buhay at mababaw ang kaligayan; kuntento ito sa bukid, kumakain ng mga gulay, isda at kanin. Siya ay nabubuhay nang walang ligalig, subalit kung patuloy na papakitaan siya (bugbugin ng palabas sa telebisyon at humahalinang mga karatula ng karangyaan) tulad ng mga pagkaing Jolibee o, McDonald  na wala siyang kakayahang bilhin, normal lamang na masiphayo at maging malungkutin siya sa buhay.
   Higit na mahapdi kung pati ang kaluluwa nito ay mahirap din. Binanggit ito at nasusulat bilang babala: “Huwag maging hungkag at busabusin ang inyong mga kaluluwa, sa halip tuklasin ang karangyaan ng ispiritú; kung nasaan ang inyong kayamanan, naroon din ang inyong puso. Matutuklasan lamang ito sa Kaharian ng Diyos na nasa kaibuturan ninyo. Pagpalain ang mga mahirap sa ispiritú, nakalaan para sa kanila ang Kaharian ng Langit.” Ano ang ibig sabihin nito? Simpleng kasagutan lamang: Kailangan ang mga ispiritú natin ay mapagkumbaba. Kung papalitan ng katagang ‘mababang-loob’(hindi mapagmataas) ang katagang ‘mahirap,’ mauunawaan natin ang pahayag na ito.
Mahirap man ang kalagayan ngunit kuntento sa buhay, ay mayaman. Ang masaklap; ang mayaman na diskuntento, ang mahirap ang buhay.


No comments:

Post a Comment