Wednesday, January 21, 2015

Pasayahin ang Buhay



Magagawa mong sumayá kung laging kasayahán
ang iniisip mo.

Hindi natin makaailâ o maiiwasán ang kapangyarihan ng isipang positibó. Kung palaging iniisip natin ang maganda at mabuting mga bagay, hindi natin magagawang mag-isip pa ng mga negatibó o mga pangit na bagay, pati masamang mga imahinasyon. Sapagkat kapag lagi tayong natatakot at nangangamba; pawang mga bagabag at samutsaring mga pangitain ang ating iisipin. Mga pag-aakala ito na walang batayan at sumisira sa katinuan ng ating isipan
   Hindi ka mapaparusahan magalit ka man, ang magpaparusa sa iyo ay ang galit mo, ito ang lason na unti-unting wawasak sa iyo upang masira ang iyong relasyon sa iba. Madaling masupil ito; ang susi nito – tahasang palitan lamang ang negatibo o pangitaing iniisip ng mga positibo at makakatulong na mga pagkilos, kahit na anuman ang iyong iniisip o nadarama. Kumilos kaagad at gawin ang nararapat kaysa mabagabag ng mga maling pag-aakala o hinalà, at kusang mawawala ang nagpapagulo sa iyong isipan.
   Talos natin na kapag ang isang bagay ay patuloy mong iniisip, palaki ito nang palaki hanggang maging laman at ugali na ito ng iyong isipan. Mapabuti o mapasama man ito, ito ang magpapasumod sa sarili. Higit na mabuti na palitan ang pagkasuklam at pagkainggit ng pagmamahal at paghanga. Kung nais ng rosas na bulaklak, huwag hawakan ang tinik kundi samyuin ang bango nito. Kung may makitang maganda at kaibig-ibig gayahin at ipamuhay ito. Kung pangit naman at nakakasira sa pagkatao, suriin ang sariling kaisipan, nakatanim ito sa iyo at anumang nakikita mo ay repleksiyon nito.
   Isa sa mga pinakamasayang sandali kailanman ay kapag matapang na natanggap mo at hinayaan ang mga bagay na hindi mo na mababago. Wala kang kontrol sa iba, ang tanging may kontrol ka lamang ay sa sarili mo. Tandaan lamang; kapag pinalungkot ka ng mga nakikita mo, hintuan ito, hindi ito ang problema. Ang kaisipan mo ang problema.
Hinuhubog tayo ng ating mga kaisipan, anumang ating iniisip; magiging ito tayo.

No comments:

Post a Comment