Bungisngis #012
Sa loob ng
eroplano,
nakaupo na si Tikboy sa may gilid ng bintana nang may umupong lalaki at iniupo
sa gitna nila ang isang maitim na asong Labrador. Bagamat nabigla, ay mabilis
na nagtanong si Tikboy, “Bakit pinayagan na isakay ang asong
iyan, kasama ng mga tao? Bawal ‘yan!”
“Huwag kang mag-alala, isa akong pulis at ang aso ay turuán, marunong
umamoy ng droga. Ang pangalan niya
ay Singhót at siya ang
pinakamagaling na aso sa Police Drug Enforcement Agency,” ang pagyayabang ng pulis, “Mamaya kapag lumipad na ang eroplanong
ito, makikilala mo si Singhót kung gaano siya kahusay!”
Nasa alapaap na ang eroplano nang magsalita
ang pulis, “Manood ka,” ang pahayag ng pulis kay Tikboy at kagyat na
inutusan ang aso, “Singhót, umamoy ka na ng droga!”
Biglang lumundag si Singhót at inamoy ang
bawat maraanang tao sa mga upuan, bigla itong huminto sa tabi ng isang babae
nang ilang sandali, at mabilis na bumalik sa kanyang upuan, ipinatong ang isang
paa sa braso ng pulis at umungol. Ang tugon ng pulis, “Good boy!” Tumingin ang
pulis kay Tikboy at nagpahayag, “Ang
babaeng ‘yon ay mayroong marijuana. Ang
trabaho ko ay isulat ang numero ng kanyang upuan at bahala na ang mga otoridad
na huhuli sa kanya paglapag ng eroplano sa destinasyon natin.”
“Wow!
Ang galing naman ng asong ‘yan!” ang paghangang
pakli ni Tikboy.
Minsan pa, inutusang muli ng pulis si Singhót
na umamoy ulit. Nagpabalik-balik sa mga upuan si Singhot, huminto minsan, at
nagpatuloy sa pag-amoy, may tinabihan itong lalake sa upuan, pinag-ibayo ang
pang-amoy, nang biglang kumaripas ito ng takbo pabalik sa kanyang upuan, at sa
puntong ito; dalawang paa ni Singhot ang ipinatong sa braso ng pulis, at
umungol ng dalawang beses.
“Kapag
dalawang paa at dalawang ungol, ang ibig sabihin nito ay may cocaine ang lalake,” ang pahayag ng pulis, “kailangang isulat ko ang numero ng kanyang upuan para sa mga huhuli sa
kanya paglapag natin sa ating desytinasyon.”
“Napakahusay naman ng asong ‘yan, pambihira
talaga,” ang natutuwang sambit ni Tikboy.
Muling inutusan ng pulis si Singhót, “Sige Singhót, umamoy ka pa.” Lumundag
ang aso at nagpatuloy sa pag-amoy hanggang sa hulihan ng eroplano. Huminto ito
sa gilid ng isang namumutla at nakatulalang lalake, inamoy-amoy ito ng maraming
beses, maya-maya pa ay nag-iikot ang aso, takut-na-takot, at bahag ang buntot na bumalik sa
kanyang upuan, sumandal at umungol nang walang hinto, umiihi, dumudumi, at
nag-iikot sabay ang pagpusit at pagkalat ng dumi nito. Nagulat si Tikboy at napatindig,
sabay iwas sa mga dumi na tumatama sa kanya, “Anong nangyari, bakit siya nagkaganyan!”
ang nanggagalaiting urirat ni Tikboy sa pulis.
Pinagpapawisan sa nerbiyos ang pulis, namumutla
itong tumiitig kay Tikboy, at bumunghalit, “Naaakkku pooo!
May naamoy si Singhot na bomba! At ito ay sasabog na!”
Kung minsan ang malabis na karunungan ay nakakapinsala kung sarado ang
isipan.
No comments:
Post a Comment