Saturday, January 17, 2015

Tanggapin ang Iyong Katotohanan


Ang katotohanan kung minsan ay masakit at sandali lamang, subalit ang hapdi na dinaranas mula sa kasinungalingan ay magpakailanman. 
Ang paniwalaan ang sariling kaisipan, ang sundin kung ano ang katotohanang nadarama at umuukilkil sa buong pagkatao, ay siyang totoong nakapangyayari sa mga tunay na tao, - at ito’y isang taos na katalinuhan. Walang makakagawa nito sa iyo, maging ang mga propeta, mga pantas, tagapagturo, ministro, pari o pastor, at mga kinikilalang tao noon at ngayon. Dahil kung hindi ito makapangyayari para sa sarili, nabubuhay lamang ang isang tao na isang kopya, sulsulin at palaasa.
   Hanggat nakukulayan ng iba ang iyong mga kaisipan, mga opinyon, at mga pagkilos; kailanman mananatili kang palasunod sa kagustuhan at bisyo ng iba. Tahasang sinusupil mo ang naghuhulagpos na katotohanang umiiral sa iyong kaibuturan. Kahit na sinong estranghero (bulaang propeta) na masalubong mo at nakakakiliti ang pangungusap nito na tila idinuduyan ka nang sanlibong sarap, tuluyang makakalimot ka sa pansarili mong kaganapan kung sino kang talaga. Patunay lamang ito na isa kang salawahan at walang-bait sa sarili kung pikti-matang tagasunod ka lamang sa kagustuhan ng iba. Alalahanin na ang Kahariang ng Diyos ay nasa iyong kaibuturan at walang sinuman ang makapagpapalaya nito kundi ikaw lamang.
   Pag-aralan, maglimi, suriin at tiyakin ang mga bagay, huwag basta magpatianod at gumaya sa iba; subalit kapag ang isang bagay ay mabuti, may pakinabang, nakakatulong at makapag-papaunlad ng iyong kabuhayan, ito ang bigyan ng masusing atensiyon. Yakapin itong mahigpit at gawing patnubay at ang Kaharian ng Langit ay mapapasaiyo. Sapagkat nasa tao ang gawa at nasa Diyos ang awa. Huwag makinig at sumunod sa mga bugaw at mga tampalasan na nagpapayaman sa hirap at pawis ng iba.
   Kapag nakalimot ka sa iyong sarili, ito na ang simula upang magusot ang sariling buhay, ang makalimot na tuparin ang mga pangarap. Sapagkat makakasanayan na ang umasa at maghintay sa mga palabok at pangako ng kalangitan, na isinususóg ng iba para sa kanilang pansariling kapakanan. Dahil kung hindi makakasunod, impiyerno ang kanilang panakot. Hanggang sa tamarin na ang mag-isip, magmasid, at magmalasakit pa sa iba. Ito ang kritikong yugto upang mabigo sa buhay. Ang unti-unting panawan ng pag-asa at maging palaasa na maligtas sa paraisong naghihintay daw sa pangalawang buhay. Ang kahirapan ay nagpapatuloy lamang kung pulubi ang isipan.
   Bakit nga ba magpapakahirap pa, kung susunod lamang sa kagustuhan ng iba ay maliligtas din lamang. Hindi kataka-taka na tawagin ang mga tagasunod na mga maamong tupa, dahil marami din ang mga pastol na nakikinabang at nagpapasasâ sa patuloy na pagdami ng mga tupa. Kung totoo ang paniniwala ng isang tao, makikita ito sa tunay na kalagayan niya sa buhay. Kung maunlad ang isipan, maunlad din ang kabuhayan. Kapag ikinulong ang kaisipan sa maling paniniwala, kahirapan ang mapapala. Ang pinakamayamang tao sa balat ng lupa, si Bill Gates, ni minsan ay hindi ko pa narinig, na kailangang maging kristiyano, protestante, o maging muslim at magdasal palagi para umunlad, kundi ang magsikap at paunlarin ang sarili. Ang mga tupa ay pinapastol para pakinabangan.
   Bilang tao, sagradong tungkulin ang sundin ang itinitibok ng sariling puso, pag-aralang tuklasin at limiin kung sino kang talaga, ano ang iyong mga naisin sa buhay, at kung saan ka tahasang patungó. Panindigan ang kagalingang binubuo ng mga ito at puspusang maisagawa upang matupad kung bakit ka lumitaw pa sa mundong ito. Kapag hindi ito magagawa at iniaasa sa iba, ihanda ang sarili sa mga pagkabagot, pagkabugnot, at mga bangungot sa araw-araw. 
Kung may araw na sumisilay at buwan na tumatanglaw, sa tao ay may katotohanang umiiral.

No comments:

Post a Comment