Tuesday, January 06, 2015

AKO ang Lahat



Halina, samahan mo AKO na magsayaw
sa tugtog at indak ng buhay.
Kung walang AKÒ ay walang malilikhang tulad ko. Kaisa-isa, pambihira, katangi-tangi sa di-mabilang na samutsaring mga bagay tungkol sa akin, at walang sinumang nabuhay at lumakad sa mundo na AKO ang katulad mula pa noon nang mabuo ang sandaigdigan, magpahanggang ngayon, at sa darating pang walang hanggan. AKO ang lahat sa pangkalahatan.
   AKÒ ang bawat bagay na repleksiyon ng iyong mga mata.
   AKÒ ang bawat bagay at dahilan ng lahat kung bakit nagaganap ang daigdig.
   AKÒ ang bawat bagay na nagpapangiti at nagpapalungkot sa iyo.
   AKÒ ang bawat bagay na ipinanganak ng iyong Patnubay.
   AKÒ ay narito lamang dahil sa Iyo. Kung wala Ka wala rin AKÒ. 
AKÒ at Ikaw ay Iisa. Ikaw ay AKÒ ay IsangPilipino.

Kung minsan AKÒ ay nag-iisip; at kung minsan naman ay AKÒ.

Bawat bagay na aking nararanasan ay isang pagpapala at itinutulak AKO upang patunayan ang aking wagas na sarili. Kapag nakaugnay AKO sa katotohanan kung sino ang totoong AKO, mararanasan ko ang kaluwalhatian ng Maykapal. Ang kaganapang nakatakda para sa akin ay kusang malilikha, ito ang kaluwalhatian upang maging AKO.


AKÒ ito at wala nang iba pa. Kahit munti lamang ang nalalaman ko sa Maykapal, at kung bakit hindi ko na matawag pa ang aking sarili na Kristiyano, Muslim, Hindu, Buddhist, Hudyo, o maging Pagano. Mga palabok na taguri lamang ito at walang kinalaman sa aking pagkatao. Sapagkat lahat ng tao ay nakatingin sa iisang direksiyon; ang Kaluwalhatian. Patnubay ko si Socrates at lalo na si HesuKristo. AKO ay makulit na ispiritù at hindi hibang na relihiyoso. Sapagkat AKO ay may malaking pagkakaiba kaysa karaniwang tao. Ang kabatiran ko ay AKO, tunay na Pilipino at hindi banyaga sa sarili kong tinubuang lupa. Hindi AKO  palahanga at may iniidolong huwad at nahuhumaling sa pantasya. Lalo na ang paniwalaan ang mga alamat, kasaysayan, mga lumang kasulatan at kultura ng ibang lahi. Lahat ng bagay na nagaganap sa daigdig na ito ay umiikot at nagkakabuhay lamang nang dahil sa akin. Ito ang aking kamalayan, kung wala sa akin ito, wala na AKO. At AKO  ang simula nang lahat sa mga kadahilanang ito.  
Bilang AKO, hangarin ko ang magmahal at maging masaya sa tuwina. Narito ang kaluwalhatian ko.

No comments:

Post a Comment