Tuesday, January 20, 2015

Ngayon Na!




Ngayon ang pinakamahalagang sandali sa iyong buhay; wala sa nakaraan at wala rin sa hinaharap.
Bahagi ng pagkabagot at pagkabugnot natin sa bawat araw ang tatlong personalidad na gumigising sa atin kung sino ang dapat masunod sa ating sarili; kung sino tayo noon, kung sino ka ngayon, at kung sino ikaw sa hinaharap. Nakakalimutan na ang bawat sandali ay mahalaga; laging bagung-bago, subalit kadalasan ay pinupuno ito ng hapdi ng kahapon at pagkatakot sa hinaharap, kaysa simpleng tamasahin ang kasalukuyan.
   Marami sa atin ang buhay ngunit patay ang diwâ. “Zombie” ang taguri nila, nabubuhay pero kinukunsumo ang buong araw sa mga hinagpis ng nakaraan, laging may kinatatakutan at ayaw harapin ang bukas, nakababad at nasanay na sa mga pagka-inggit, selos, mga panghihinayang, at mga pagkagalit. Laging tumatakas sa kasalukuyan, nasa mga idolo, mga panandaliang aliwan, eat bulaga, artista, basketbol, huweteng at lotto. Hindi sila mga buhay, mga bangkáy silang gumagalâ sa ating paligid.
   Pag-aralang mabuhay sa kasalukuyan; walang nakaraan, dahil lumipas na ito at walang hinaharap, dahil hindi pa ito nagaganap at walang katiyakan na mangyayari pa. Ang tangi lamang na may kontrol tayo ay NGAYON, sa mga sandaling ito. Sapagkat narito ang uri at antas na masusukat ang kapayapaan sa isip, kaunlaran, at kaligayahan na ating hinahangad sa buhay . At  mapapatunayan lamang ito kung magagawa nating buhayin ang mga sandaling ito nang walang inaala-ala at inaakala. Sapagkat gaano mang kalalim nating alalahanin ang kahapon, o ang hinaharap, pag-aaksaya lamang ito ng makabuluhang panahon, Sa halip, harapin ang araw na ito, ngayon, nang nakabukas ang isipan.
   Kaysa manghinayang at sisishin ang nakaraan, o mangamba kung ang hinaharap ay bubutí o sasamá, higit na mainam ang damahin ang kasalukuyan, ngayon na. Unawain na ang lahat ng naganap ay dinala ka sa sandaling ito; sa kalagayan mo ngayon, upang makagawa ng higit pa kaysa dati upang lalong paghusayin at pagandahin pa ang iyong hinaharap.
   Ang buhay ay nagaganap kahit tayo abala sa pagpaplano. Ito ay patuloy at hindi ka kailanman hihintayin nito. Tumatanda tayo, nagbabago ang ating kapaligiran, nagiging abala din ang ating mga anak, maninirahan sila sa malalayong pook, ang iba naman ay yumayao na nang hindi nakapag-paalam, at ang marami sa ating mga pangarap ay hindi natutupad. Sadyang nakakalimot tayo na mabuhay nang ganap at patuloy sa walang hintong paghahanap.
Ang tunay na kapangyarihan ay nasa kaibuturan mo, at ito ay hawak mo na… Ngayon.
   Walang garantiya ang bukas, ito na ang araw na may magagawa tayong pagbabago. Kung papahalagahan natin ang sandaling ito, wala na tayong maa-alaala pa ng kahapon o ng anumang pangamba sa hinaharap. Dahil patuloy tayong nakatuon sa NGAYON, at laging abala sa mga bagay na magpapaunlad at magpapaligaya sa ating mga sarili. Batas ito na hindi mababali: Nais mong malaman ang nakaraan? Tignan ang kasalukuyang buhay. Kung nais naman na malaman ang hinaharap, tignan ang ngayon.
Ang mainam na preparasyon para sa kinabukasan ay magagawang mahusay na ngayon!

No comments:

Post a Comment