Sunday, January 11, 2015

Huling Araw Mo Na

Ipamuhay ang araw na ito ngayon, bago masayang ang lahat. 
Ang araw na ito, ang kaganapan ng lahat sa iyo, ngayon, …sa mga sandaling ito. Wala sa nakaraan, dahil lumipas na ito at hindi na maibabalik pa. At lalong hindi rin sa hinaharap, dahil hindi pa nangyayari ito at walang katiyakan. Kailan matatapos ang iyong buhay? Batid mo ba kung kailan mo lilisanin ang mundong ito? Sa darating na limampung taon? Sa dalawampung taon? Sa sampung taon? Sa taon na ito? O, mamayang gabi sa iyong pagtulog?
   Pansamantala muna tayong tumigil, saliksikin sa ating imahinasyon at linangin ito na hindi na tayo magigising pa bukas. Narito ang ilang katanungan na bihira nating laruin sa ating mga guni-guni. Magmuni-muni; Kung sakaliman na biglaan kang namatay, ikaw ba ay nakahanda para dito?
   Kung patungo ka sa iyong trabaho at inabot ka ng isang malagim na sakuna, nabanggit mo ba sa iyong asawa, anak o, kapamilya bago ka umalis ng bahay kung gaano mo kamahal sila?
   Namuhay ka ba nang matiwasay at may reputasyong kalugod-lugod?
   Nagawa mo bang magmahal nang walang hinihintay na anumang kapalit?
   Naglingkod ka ba ng tapat nang walang halong pandaraya o pagsasamantala?
   Naipamuhay mo ba kung sino kang talaga nang walang balatkayo o, anumang bahid ng pagkukunwari?
  Ang katotohanan, ay walang makapagsasabi kung hanggang kailan tayo mabubuhay. Sa pagiging abala, sadya nating nakakalimutan na sa anumang sandali ay maaaring matagpos ang ating hininga. Iwasan natin ang magpadalus-dalos at pakaisipin na tila mabubuhay pa tayo ng walang hanggan. Tanggaping maluwag sa kalooban na ang buhay ay hiram at panandalian lamang. Huwag katakutan ang kamatayan na siyang magwawasak ng lahat sa mundo mo. Hindi ito ang wakas kundi ang simula ng bagong buhay na nakatakdang maganap – manalig, at ang kaluwalhatian ay mapapasaiyo.
   Nasa pakikipag-ugnayan sa iba ang katotohanan upang malaman at maisasaayos ang ating mga sarili, bago pa mahuli ang lahat. Anumang sigalot, pighati, at mga pagdaramdam; ang mga ito ay lilipas din. At sa wastong pagtatama ng sarili doon lamang natin mapapaganda ang anumang pagsasama. Sa iyong pakikipag-relasyon, dito makikilala ang tunay mong nilalayon. Dahil nasa gawa at hindi sa salita nagkakakulay ang lahat sa atin.
Manatiling gising at harapin ang katotohanan, dahil pagdating ng katapusan, … tayo ay lilisan.


No comments:

Post a Comment