Tuesday, November 15, 2011

Pangulong Emilio F. Aguinaldo


Unang Pangulo ng Republika ng Pilipinas
(Marso 22, 1869- Pebrero 6, 1964)
Termino ng Panunungkulan: Hunyo 12, 1898 - Marso 23, 1901

   Isang heneral na Pilipino ng himagsikan, pulitiko, at nagtaguyod ng ating kasarinlan. Malaki ang ginampanang tungkulin sa matagumpay na rebulosyon laban sa kolonyal na pamahalaan ng Espanya sa Pilipinas, at sa sumunod na digmaang Pilipino-Amerikano.

Mga Personal na Kaganapan sa Buhay
Taguring pangalan: Don Emilio F. Aguinaldo
Araw ng Kapanganakan: Marso 26, 1869
Pook na Sinilangan: (dating Cavite El Viejo) Kawit, Kabite
Pangalan ng Ama: Carlos Aguinaldo
Pangalan ng Ina: Trinidad Famy
Unang Asawa: Hilaria del Rosario (1896-1921) Namatay sa sakit na ketong.
Pangalawang Asawa: Maria Agoncillo (1882-1963)
    Ikinasal noong 1896. May limang anak: sina Miguel, Carmen, Emilio Jr., Maria, at Cristina
Propesyon: Katipunero, tagapamahala, pulitiko, guro
   Naging cabeza de barangay ng Binakayan at noong 1895;
   at naging capitan municipal ng Cavite El Viejo na ngayong ay Kawit, Kabite.
Araw ng Kamatayan: Pebrero 6, 1964
Pook ng Kamatayan: Lungsod ng Quezon
Dahilan ng Pagkamatay: Atake sa Puso
Gulang ng Mamatay: 95
Pook ng Himlayan: Aguinaldo Shrine, Kawit, Kabite 
Relihiyon: Katoliko Romano

Edukasyon
Mababa at Mataas na Paaralan: Pambayang Paaralan ng Kawit
Kolehiyo: Pangatlong Taon, Colegio de San Juan de Letran

    Mula sa mariwasang angkan at may kapangyarihan sa Kabite sa tulong ng mga Kastila, ikapitong anak ni Carlos J. Aguinaldo, isang mestisong Tsino ( naging gobernadorcillo -town head) at Trinidad V. Famy. Naging alkalde si Aguinaldo ng Cavite Viejo (Kawit) noong 1896. Isa sa mga naging heneral ng Katipunan, na isang rebulosyonaryong kapatiran na nagdeklara ng kalayaan sa Espanya noong ika -12 ng Hunyo, 1898 at nagproklama ng bagong Republika ng Pilipinas, na kung saan si Hen. Aguinaldo ay naging Pangulo noong Enero 23, 1899. Ang Katipunan ay madugong nakipaglaban at nagtagumpay laban sa mga Kastila.


Sa panahon ng digmaang Amerikano at Kastila, nakipagtulungan ang Katipunan sa Amerika sa paniwalang kapanalig ito sa kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya. Subalit noong makubkob at tangka ng papasukin na ng mga katipunero ang Intramuros na siyang kabisera ng pamahalaang Kastila sa Maynila, hinadlangan ito ng mga Amerikano at sila ang nakipag-ugnayan sa mga Kastila. Nagkaroon ng kunwaring palabas na mga putukan at labanan, at tinanghal ang mga Amerikano ang siyang nagpasuko sa mga Kastila sa Maynila. Sa halip na bandilang Pilipino ang iwagayway sa Intramuros, ang bandila ng Estados Unidos ang pumagaspas. At ang inaasam na tagumpay na dapat mapasakamay ng mga Pilipino ay hindi nakamtan.

   Lumitaw ang tunay na hangarin ng mga dayuhang Amerikano bilang kahalili ng mga Kastila, nang bilhin ng Amerika sa halagang 20 milyong dolyar ang mga bansang Pilipinas, Puerto Rico, Cuba at pulo ng Guam mula sa Espanya noong ika-19 ng Disyembre, 1898 sa pamamagitan ng isang tratado sa pagitang ng Amerika at Espanya (Treaty of Paris), na kung saan nagsimula nang maging isang kolonista ng mga bansa ang Estados Unidos.

(Sa ngayon, nananatili pang United States Commonwealth ang uri ng pamahalaan ng bansang Puerto Rico, ang Guam naman ay isa ng United States territory, samantalang ang bansang Cuba naman ay nagtagumpay sa rebolusyon nito laban sa diktador na si Fulgencio Bautista at kapanalig ng Amerika, isa na itong malayang bansa. Ang ating Pilipinas lamang ang hindi pa nakakalaya mula sa mga makapangyarihang pamilya at kapanalig ng Amerika, na siyang nakapangyayari sa ating pamahalaan, ekonomiya, at lipunan.)

   Bilang pinuno ng rebolusyonaryong pamahalaan, matinding tinutulan ni Aguinaldo ang pataksil na pang-aagaw ng kapangyarihan ng mga Amerikano, at ang alitan sa pandarayang ito ay humantong sa digmaang Pilipino-Amerikano, at ito'y naganap noong ika-4 ng Pebrero, 1899. Mabilis itong naglagablab sa kamaynilaan at tinawag itong Battle of Manila 1899. Noong ika-2 ng Hunyo,1899 ang unang Republika ng Pilipinas, sa pamumuno ni Pangulong Aguinaldo ay opisyal na nagdeklara ng digmaan laban sa Estados Unidos, at opisyal itong natapos noong ika-4 ng Hulyo, 1902.


   Magkagayunman, nagpatuloy pa rin ang pakikidigma ng Katipunan laban sa hukbong sandatahan ng Estados Unidos sa Pilipinas. Ang bayaning si Hen. Macario Sakay, isang beteranong pinuno ng himagsikan at kasapi sa Katipunan ang humalili bilang Pangulo, nang mahuli si Hen. Aguinaldo sa Palanan, Isabela noong ika-23 ng Marso, 1901 ng ilang opisyal na Amerikano, sa tulong at pakikipagsabwatan ng mga Pilipinong Macabebe Scouts mula sa Pampanga.

   Pataksil na binitay si Hen. Sakay matapos himuking sumuko ng mga Amerikano sa kunwaring amnestiya para sa kanya. Hindi nagawang supilin ng mga Amerikano ang karamihang lalawigan sa buong katimugan at maging sa kabisayaan. Nagpatuloy ang mga paglalaban sa Mindanaw at sa mga Pulahanes, at natapos lamang ito sa Battle of Bud Bagsak noong ika-15 ng Hunyo, 1913. Nagpatuloy pa ito sa marami pang mga pagkakaisa at pakikihamok laban sa pamahalaang Amerikano sa Pilipinas. Isa na rito ang Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB) o sa katagang Huk. At mula sa mga alitan ng hanay nito, sa kalagitnaan ng dekada 1960, ay sumulpot ang Bagong Hukbo ng Bayan, o BHB, na kilala sa taguring NPA.

   Pinasumpa si Aguinaldo ng pakikipagkaisa sa Estados Unidos, at siya'y pinagkalooban ng pensiyon ng pamahalaang Amerikano. Noong 1935, sa pamahalaang United States Commonwealth ng Pilipinas na nilikha ng Tydings-McDuffie Act, na ipinasa sa Kongreso ng Estados Unidos noong 1934, ay nagpasiya si Hen. Aguinaldo na kumandidato bilang Pangulo sa halalan, subalit siya ay masaklap na natalo. Malaking dahilan ng kanyang pagkatalo ang isyu ng karumaldumal na pagpatay kina Gat. Andres Bonifacio at pati na  kapatid nitong si Procopio sa bundok ng Marogondon sa Kabite, ang pagpatay kay Hen. Antonio Luna at mga kawal nito sa Lungsod ng Kabanatuan, sa Nueva Ecija. Ibinintang ito sa pangkat Magdalo na kung saan siya ang pangkalahatang pinuno. Kasama din sa mga paratang ang pagkawala ng salaping ibinayad ng mga Kastila sa kanya nang ipatapon siya sa Hong Kong para mahinto ang mga labanan ng Pilipino-Kastila na napagkasunduan sa Biyak na Bato sa Bulakan.

Ang Masaklap na Alitan sa Kumbensiyon ng Tejeros

   Nangyari ito matapos ang pagpupulong at halalang ginanap sa hindi malilimutang Tejeros Convention, na kung saan nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng pangkat Magdalo (Aguinaldo Faction- Cavite) at Magdiwang (Bonifacio Faction - Manila & other provinces) tungkol sa pamumuno ng Katipunan. Dahil naganap ito sa Kabite at mayroong pandaraya sa halalan, nahalal si Bonifacio bilang pangalawa lamang na may pinakamaraming boto, at ipinayong igawad ang pangalawang pagka-Pangulo kay Bonifacio, subalit walang nagsusog dito at nagpatuloy ang halalan. Si Don Mariano Trias ang nanalo bilang pangalawang Pangulo.  At si Bonifacio ang huling nahalal bilang Kalihim sa Digma (Director of Interior). Mariiing tinutulan ito ni Daniel Tirona, ang nagpamudmod ng mga balota, at nagprotesta ito sa posisyong ibinibigay kay Bonifacio sa pagsasabing hindi nararapat na mahawakan ang posisyon ito ng sinuman na hindi nakapag-aral at walang diploma ng pagka-abogado. Iminungkahi ni Tirona ang isang prominenteng manananggol ng Kabite na siyang nararapat sa posisyon. Dinamdam at ikinagalit ni Bonifacio ang insultong ito sa kanya, subalit nagawang magtimpi nito at hiningi na lamang ang paumanhin ni Tirona, sapagkat napagkasunduan nila sa pagpupulong na igagalang ang kinalabasan ng halalan. Ngunit sa halip na magpaumanhin sa kanyang kalapastanganan sa Supremo, ay lumabas ng silid at umalis si Tirona. Lalong nagalit si Bonifacio at hinugot sa suksukan ang kanyang baril, ngunit mabilis itong hinawakan ni Artemio Ricarte, isa niyang kapanalig sa Magdiwang, na nahalal naman bilang Captain-General, ito'y nagsumamong huwag patulan ni Bonifacio si Tirona.

   Nawalan ng saysay ang mga protesta ni Bonifacio at pangkat ng Magdiwang, nang manaig ang kagustuhan ng pangkat ng Magdalo. At nang mag-alisan na ang mga tao, idineklara ni Bonifacio: "Ako, bilang pinuno ng asembliyang ito at inihalal na Pangulo ng Konsehong Supremo ng Katipunan, na hindi ninyo mapapasubalian, ay idinedeklara kong walang katuturan, at aking pinawawalang bisa kung anuman ang napagkasunduan at sinang-ayunan."

   Subalit kinabukasan, patago at panakaw na tinanggap ni Aguinaldo ang panunumpa bilang Pangulo sa isang kapilya na opisyal na isinagawa ng paring Katoliko na si Cenon Villafranca. Ayon kay Heneral Santiago Alvarez, maraming kawal ang itinalaga sa labas ng pintuan ng kapilya, na may mahigpit na kautusan na walang pahihintulutang makapasok sinuman na kaanib ng pangkat ng Magdiwang habang idinadaos ang panunumpa ni Aguinaldo. Bagama't tinanggap din ni Heneral Artemio Ricarte ang kanyang tungkulin na "mariing napipilitan lamang" ay sumulat at nagdeklara ito; na napatunayan niya na ang halalan sa Tejeros ay  "marumi at pandaraya" at "hindi naaayon sa tunay na hangarin ng sambayanan (Pilipino)."

   Samantala, nakipagkita si Bonifacio sa natitira pa niyang mga kasamahan at isinusog ang Acta de Tejeros (Act of Tejeros) na kung saan ipinapaliwanag nila ang kanilang pagtutol sa naganap na panlilinlang sa halalan. Ipinahayag ni Bonifacio na ang halalan ay isang katiwalian, dahil sa pandaraya at pinaratangan si Aguinaldo ng pakikipagsabwatan sa mga Kastila. Sa sinulat na alalala (memoirs) nina Santiago Alvarez (anak ni Mariano) at Gregoria de Jesus, ipinahayag ng dalawa na may nakasulat ng mga pangalan sa mga balota bago pa ito ipinamudmod ni Tirona, at buong pinagdidiinan ito ni Guillermo Masangkay na maraming balota ang inihanda kaysa sa mga botante o magsisiboto. Isinulat din ni Alvarez na pinagbilinan niya si Bonifacio tungkol sa mga inihandang pandaraya sa balota bago bilangin ang mga boto, subalit nanaig kay Bonifacio ang pagtitiwala na hindi siya magagawang dayain ng kanyang mga kapanalig sa Katipunan sa Kabite.

    Nagkaroon ng maramihang mga pagkalas sa pangkat ng Magdiwang at mga pag-anib sa pangkat ng Magdalo, dahil sa pananakot at panunuhol ng salapi. At ang sabwatan ng mga mayayamang nasa posisyon sa pangkat ng Magdalo ay siyang nangingibabaw. Sa nakapanlulumong pagkakawatak-watak ay nagpasiya si Bonifacio; malinaw na idineklara niya ang kanyang pagiging punong Supremo ng himagsikan sa Naik Military Agreement. Subalit malakas at nakahanda na ang puwersa ni Aguinaldo, at bago matapos ang Abril ay nagawa nitong makuha ang simpatiya ng karamihan sa mga taga-suporta ni Bonifacio sa kanyang pangkat na Magdiwang sa Kabite. At mula sa pamahalaang Aguinaldo, nagbaba ito ng kautusan na hulihin si Bonifacio, na nang mga panahong iyon ay paalis na ng Kabite.

   Isang pangkat ng mga kawal ni Aguinaldo na pinamumunuan ni Colonel Agapito Bonzon at Jose Ignacio Paua, bayaw ni Aguinaldo, ang nakatagpo kay Bonifacio sa kanyang kampo sa Indang, Kabite noong ika-26 ng Abril, 1897. Sa dahilang walang kaalam-alam si Bonifacio sa ginawang utos ni Aguinaldo sa pag-aresto sa kanya, magiliw niyang tinanggap ang dumating na pangkat sa kanyang kampo. Mag-uumaga na nang pataksil na salakayin nina Kol. Bonzon at Paua ang tinutulugan ni Bonifacio. Hindi nakipaglaban si Bonifacio at inutusan ang kanyang mga katipunero na huminto sa barilan. Subalit hindi huminto ang pananalakay at sa palitan ng mga putok, ay nasugatan sa bisig si Bonifacio. At nang makalapit ay tinaga ni Paua si Bonifacio sa batok at binawalan lamang na ihinto ito ng isa sa mga tauhan ni Bonifacio, at humiling itong siya na lamang ang patayin ni Paua sa halip na si Bonifacio. Isa sa mga kapatid ni Bonifacio, si Ciriaco ang binaril at napatay nang sumigaw itong hindi dapat magpatayan ang mga Pilipino. Ang isa naman na kapatid, na si Procopio ay walang awang binugbog nang tulungan ang agaw-buhay na si Ciriaco, at ang asawa ni Bonifacio na si Gregoria de Jesus ay iniulat na ginahasa ni Kol. Bonzon.
  
   Ibinalik sa Naik ang hinuling pangkat ni Bonifacio, na kung saan siya at ang kanyang kapatid na si Procopio ay isinakdal at nilitis sa hukumang militar na pinamumunuan ni Hen. Mariano Noriel. Inakusahan ang magkapatid ng pag-aaklas (sedition) at pagtataksil sa bayan (treason)  laban sa pamahalaang Aguinaldo, at idinagdag pa dito ang pagbalangkas na pagpapatay kay Aguinaldo. Ang lahat ng mga huwes ay pawang mga tauhan ni Aguinaldo, at maging ang inilaang abogado para kay Bonifacio ay idineklara ang pagpapatunay sa mga ibinibintang sa kanila; hindi pinahintulutan na konprontahin ni Bonifacio ang tumayong testigo laban sa kanya sa sakdal na pagbalangkas ng pagpatay kay Aguinaldo, sa kadahilanang ang testigong ito ay napatay sa isang labanan, subalit nang matapos ang paglilitis, nakita itong buhay at kasama ng mga abogadong taga-usig ni Aguinaldo.

   At noong ika-10 ng Mayo, 1897, ang magkapatid ay dinala ng mga tauhan ni Aguinaldo na pinamumunuan ni Major Lazaro Macapagal sa Mt. Buntis sa Maragondon, Kabite at malupit na pinatay. 
  
   Isinulat ni Apolinario Mabini na ang pagpaslang kay Gat. Andres Bonifacio ay nagpahina sa rebulosyon. Maraming katipunero ang dumating mula sa Maynila, Laguna, at Batangas at nais tulungan ang pangkat ng Magdiwang na pinangungunahan ni Bonifacio, subalit nang mapagtanto nila ang tunay na nangyari ay nagsipagkalas sa katipunan na pinamumunuan ni Aguinaldo.  Isa na rito ang kapanalig ni Bonifacio na si Emilio Jacinto, na hindi kailanman nagpailalim sa hukbong kapangyarihan na mga pag-uutos ni Aguinaldo.

   Naipakita ng hukumang militar ni Aguinaldo na may kasalanan sina Bonifacio at kapatid nito kahit na wala sa katuwiran at mahina ang mga ebidensiya upang mapatunayan ang mga paratang ng pagkakasala. At ang iginawad na mabigat na parusang kamatayan sa magkapatid ay sadyang hindi angkop sa ibinintang sa kanila.

    Maraming tagasulat ng ating kasaysayan ang tumalakay kung ano ang motibo o matinding hangarin ng pamahalaan ni Aguinaldo, at kung may karapatan man ito na isagawa ang pagpaslang sa magkapatid na Bonifacio. Isinaad ni Renato Constantino at Alejo Villanueva na si Aguinaldo at ang kanyang pangkat (Magdalo Faction) ay tahasang sumalungat at kumontra sa rebulosyon --- bilang nagkasala sa paglapastangan sa iginawad na kapangyarihan ng katungkulan ni Bonifacio bilang Supremo ng Katipunan, at sa kapasiyahan nilang nagkasala si Bonifacio sa kanila. Ang sariling tagapayo at opisyal ni Aguinaldo na si Apolinario Mabini ay sumulat na si Aguinaldo ay, "pangunahing nasasangkot sa hindi pagkilala at pagsuway laban sa Supremo ng Katipunan na kung saan si Aguinaldo ay isang kasapi."

   Isinaad pa rin sa sulat ni Mabini, na hindi kinikilala ng mga katipunero ang katungkulan ni Aguinaldo. At kung nakatakas lamang si Bonifacio mula sa Kabite, mayroon itong karapatan bilang Supremo ng Katipunan na isakdal si Aguinaldo ng pagtataksil sa bayan (treason) sa halip na hulihin at paslangin si Bonifacio. Ipinapakita rin dito ang pangingibabaw ng naghaharing uri laban sa mga mababang uri ng mamamayan sa Pilipinas. Anak-pawis, mahirap, at hindi nakapag-aral si Bonifacio, kaya hindi ito matanggap ng mga nakakariwasang sumapi sa Katipunan nang ito'y lumakas at kumalat na sa maraming lalawigan. Binansagan ni Mabini na ang pagpaslang kay Bonifacio ay isang uri ng "assasination ... the first victory of personal ambition over true patriotism." Magkatulong sina Don Emilio Aguinaldo at Don Mariano Trias ng Kabite na maganap ito, samantalang si Bonifacio, bagama't naipakita niya ang kanyang integridad sa pakikiisa sa mga Magdalo at nagawang pumunta sa pagpupulong sa Kabite, na kung saan si Bonifacio ay itinuturing na hindi mapagkakatiwalaan at hindi kalalawigan.

   Lumitaw din sa dakong huli na ang minimithi ni Aguinaldo sa kasunduan sa Biak na Bato, matapos ang pagpapatapon sa kanya ng mga Kastila sa Hong Kong ay ang mapanatili ang kapangyarihan at mga interes ng mga ilustrados na kanyang kinabibilangan sa pakikipagtulungan sa kolonyal na pamahalaang Kastila.

-------
   Malungkot at nakapanlulumong kasaysayan ito ng ating bansa. Maraming dekada na rin itong itinago at sinupil upang hindi mabatid ng ating sambayanan. Higit nating pinakinggan at isinaalang-alang ang mga nakasulat sa aklat na nilikha ng mga dayuhan at naghaharing uri sa ating lipunan. Itinuring natin itong katotohanan gayong mga alamat ito ng ating karuwagan at lantarang pakikiayon sa mga namumuno sa ating pamahalaan. Tulad ng pagkakamali na lantarang inaayunan natin na ang Pilipinas ay tinuklas ni Ferdinand Magellan noong 1521, at ang pagkakaloob (grant) sa atin ng ating kalayaan (independence) ng Estados Unidos. Pareho itong hindi tama at malaking panlilinlang.

   Ayon kay Rizal sa kanyang anotasyon sa Sucesos ni Morga, pinagtawanan niya ang mga Kastilang conquistadores na inaangkin ang 'pagkakatuklas' sa mga pulo natin na nauna at napuntahan na ng ibang mga banyaga noon pa man bilang isang pantakip (pretext) para makamkam (annex) ang mga ito ng Espanya. Sa katotohanan, ang bansang Espanya ay naging mga piyon o utusan ng mga Moors (mga muslim ng Morroco), at ang mga Moors ang kanilang naging panginoon sa loob ng pitong daang taon. At noong mga panahong ito, nakikipagkalakan na ang mga katutubo natin sa mga taga Cambodia, mga Tsino (China), mga taga Java (Indonesians, Malaysians) mga taga Indiya, at mga Arabo (Middle East countries) na siyang nagdala ng relihiyong Islam sa atin. Ang buo nating kapuluan noon ay sinusunod ang Islam. Kaya nang dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, binansagang mga moro ang hindi masupil na mga muslim sa Mindanaw.

   At nagtagumpay na sina Aguinaldo at ang Katipunan sa pamamagitan ng digmaan upang makalaya sa kolonyal na pamahalaang Kastila, nang pasiyahan ni Pangulong William McKinley ng Amerika na kamkamin ang ating bansa. Ang ginawa lamang ng Amerika noong ika-4 ng Hulyo ay ibalik ang kalayaang ito at hindi ang ipagkaloob. Hindi magagawa ng Amerika na ipagkaloob ang anuman na hindi sa kanya at ipamigay ito. Marami pa rin sa atin ang kinakapos at mangmang tungkol dito; kaya sa pangyayaring ito ay napahamak tayo noon sa nakaraang digmaan ng Hapon-Amerikano, na kung saan ginamit tayo ng Amerika upang mapigilan na malusob at sakupin ng mga Hapones ang Australia. Nadurog at marami ang nasawi sa lalawigan ng Bataan para lamang maantala ang plano ng Hapon sa digmaan.

   Isang malaking trahedya na ang ating kasaysayan ay sinulat ng mga banyaga para sa atin. Ginamit ang ilan nating mga kababayan sa panulat na lumikha ng mga kamaliang itinuturo sa ating mga paaralan. Higit na pinag-ibayong matutuhan natin na maging utusan, at hindi ang maging masigasig sa pag-unlad ng ating bansa. Hindi "Made in the Philippines" kundi maging "Maid in the Philippines." Ang maging tagapagsilbi at paunlarin ang interes ng iba bago ang ating mga sarili. Alam ito ni Rizal, nalalaman niya kung saan tayo patungo. Binuksan niya ang "aklat ng ating kahapon" upang magkaroon tayo ng sulyap sa ating nakalipas na kagitingan mula kay Lapu-lapu na lumaban at kumitil kay Magellan. Subalit patuloy tayong mababaw, mahina, at umaayon. Ito ang ating bangungot, isang sumpa, ang ating trahedya. Matapos ang lahat, sa isinulat niya sa El Filibusterismo, "ang mga indiyo (tayong mga Pilipino) ay hindi nagkasala ng anumang krimen maliban sa pagiging kahinaan nito."

  At kahit na may batas tayo na dapat ipabasa at maunawaan ang dalawang dakilang aklat ni Rizal na Noli me Tangere (The Social Cancer) 'Huwag Mo Akong Salingin' at El Filibusterismo (The Reign of Greed) 'Ang Paghahari ng Kasakiman'--- para sa ating mag-aaral, hindi ito sinunod at ipinagbawal sa mga parokyang paaralan ng simbahang Katoliko. 

*Hinango ang mga larawan at mga pahayag mula sa Wikipedia at philippine-history.org at maging sa About the Philippine-American War - Amigo (Google).

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment