Friday, January 09, 2015

Tumawa Tayo

Sa pagtawa, ang problema ay inaalis, 
at mabuting panlunas sa mga sakit.


Ang pagtawá, upang makahawá ay kailangang bukal sa puso nang sumayá. Dahil kahit na ngumiti kung nakasibî, ay bahaw at hilaw na ngiti. Kung impit at pilipit ang bunghalit, ang bungisngis ay nakakainis. Wala pang tunay na tumatawá ang hindi nakakahawá. Dahil kung hindi ka marunong umiyak; kailanman hindi mo magagawa na masiglang tumawá. Kahit papaano sa tindi ng pagtawá, ay mapapaluhá ka, upang maibsan ang mga problema.
   Ang buhay ay maikli, at mapanglaw ang lubhang seryosó sa lahat ng sandali. Sakalimang hindi mo magawang tawanan ang iyong sarili, tawagin lamang AKÒ at tatawanan kita. Nang sa gayon ay maaliw ka, at malimutang sarilinin ang mga problema.  
Palaging tumawa upang sumaya, nang lumigaya sa tuwina.
Tawanan ang mga problema:
Tumawa kahit may dinaramdam, matamlay at pagod na. Dahil ang tawa ay pampasigla.
Ngumiti, kahit na nanlalabo ang paningin at pinipigil ang pagluha sa mga mata.
Kumanta, kahit na nakakunot ang noo ng iba, maging ang boses mo ay sintunado talaga.
Umindak, umindayog at magsasayaw kahit may nakakakita sa pagkilos na magaslaw.
Magtiwala, kahit na pagtutol ang nasa puso mo. Dahil ang matapat ay pagsasamang maluwat.
Magmahal, kahit na ang iba ay abala at nais mapag-isa. Dahil ang Pag-ibig ay ligaya ng Langit.
Hayaan, at huwag pansinin, ito man ay lilipas din. Kung matiisin ikaw ay pagpapalain.
Magpatawad, upang maibsan ang kirot, at huwag matakot upang makalimot.
Manalig,  na ang mga bagay ay kusang nagaganap, sapagkat ito'y para sa kabutihan ng lahat.
…at Tumawa, narito ang himala at mabisang panlunas sa mga problema.
Mula sa pagngiti, AKO ay tumawa hanggang sa may halakhak pa, dahil sabi nila AKO ay sadyang kakaiba. Patuloy AKO na natatawa sa iba, sapagkat sila ay magkakatulad at laging maproblema. Maraming silang karaingan kaya hindi matawa. Pagngiti at pagtawa ito ang tahasang mahalaga.

Ang sabon ay para sa katawan, ang pagtawa naman ay para sa kaluluwa.


No comments:

Post a Comment