Ang tagumpay ay
hindi mararating, ito ay pagsasanay.
Ang matalo sa paligsahan ay karaniwan,
ngunit ang mabigo sa labanan ay talunan. Kung walang kabiguan, walang tagumpay.
Ang tagumpay ay hindi nasusukat ng mga titulo, posisyon o kapangyarihan,
salapi, mga ari-arian o karangyaan; at maging destinasyon at pook na nais manirahan. Upang tahasang magtagumpay; kailangang lubos nating alam ang tunay
na kahulugan nito para sa ating buhay. Bawat tao ay may kanya-kanyang hangarin
at mga lunggati, at magkakaiba ang mga paraan kung papaano ito tutuparin. Nasa
motibo ito kung kabutihan o kabuktutan ang nasa isipan.
Ang mga pangarap ay nagkakatotoo
kapag may katapangan itong habulin. Mailap man ito at mahirap maabot, kung
masikhay ay magtatagumpay. Mula sa mga kabiguan ay patuloy na tumitindig nang
walang pagsukô. Sa bawat yugtô, sinasanay ka ng mga paghamon para tumibay at
tumalím sa pakikibakâ. Ang tagumpay ay binubuô ng maliliit na gawaing inuulit
sa araw-araw hanggang makasanayan ito, tulad ng maraming sinulid na binuô para maging
lubíd.
Walang hangganan ang bawat
pagkilos, at walang katapusan ang mga pagnanasâ. Dahil hindi tayo mga
perpektong tao; kaya wala tayong satispaksíyon anuman ang matapos o makamtan natin.
Sa simula nais lamang natin ay bisikleta, nang may tumabi sa gilid na
motorsiklo, ang nais naman natin ay kotse, kapag Kia ito at may nakita tayong Lexus
(Toyota), sana; (panalangin) ay
ganoon din ang kotse ko. Walang pagkasawâ, kahit ano ang makita at nakakasiya ay
nais mapasakanyâ. Ang landas patungo sa tagumpay at kabiguan ay magkatulad
ngunit tagumpay ka kung nakakaiwas sa mga tuksô at hindi nakabilanggo sa mga
paghahangad.
Ang tototo, ang tagumpay ay patuloy na
paglalakbay at hindi isang destinasyon. Dahil kapag nakuha mo na ang iyong
hinahangad, kailangang patuloy na sanayin mo ang iyong sarili na panatilihin
ito at madagdagan pa. Hindi ang magpabaya at bumalik muli sa dating abang
kalagayan – ang talunin ang nagawa mo kahapon nang mahusay at higit na may pakinabang.
Tagumpay kang naturingan, kapag natalo mo ang iyong mga kahinaan at nagagawang
kontrolin ang sarili sa walang mga katuturan. Iwasan ang maging tao na
matagumpay, sa halip ay maging tao na may kahalagahan.
Ang kahulugan ng buhay ay hanapin ang iyong regalo. Ang layunin ng buhay
ay ipamahagi ito.
No comments:
Post a Comment