Buong pagmamalaking tinipon ang mga salawikaing narito upang maka- pag-bigay kaalaman at kasiyahan sa ating mga mahal na kababayan.
Hindi nawawala sa ating mga pangungusap ang mga salawikain. Malaki ang ginagampanang bahagi nito sa ating mga usapan, talakayan, talumpati, at panulat. Laluna't kung ang layunin ay pagandahin o pintasan, laruin o pagtawanan ang anumang bagay, sinumang tao, alinmang kalagayan, at maging mga napapanahong kaganapan sa ating mga kapaligiran. Nagsisilbi itong palabok na nagbibigay liwanag at dilim, indayog at kulay, tamis at pait sa ating mga pananalita.
Nagagawa nito na sa payak at pahapyaw na pagbanggit, ganap na mauunawaan ang mensaheng nais mong ipaalam sa iyong kausap. Hindi na nangangailangan pa ng paligoy-ligoy at mahabang pagtukoy o pagpapa-
liwanag. Isa itong mabisang elemento ng komunikasyon sa lahat ng larangan; panlipunan, edukasyon, at pulitika. Kung ang nais mo'y makilala ka ng lubusan, kalugdan, at pamarisan sa tamang kaparaanan, ang paggamit ng ating mga katutubong salawikain ay napakahalagang sandata sa komunikasyon.
liwanag. Isa itong mabisang elemento ng komunikasyon sa lahat ng larangan; panlipunan, edukasyon, at pulitika. Kung ang nais mo'y makilala ka ng lubusan, kalugdan, at pamarisan sa tamang kaparaanan, ang paggamit ng ating mga katutubong salawikain ay napakahalagang sandata sa komunikasyon.
Matutunghayan dito ang kasipian ng mga paalaala, pangaral, pahapyaw, patambis, parunggit, at pasaring minana at kinamulatan na natin mula pa sa ating mga ninuno, mga pantas, mga bayani, mga pilosopiya, mga panuntunan, mga karanasan, at mga araw-araw na kalakalan sa ating Lipunang Pilipino.
Sinadyang hindi isinama ang pangalan ng mga may-akda o nagwika nito upang ganap itong maisapuso ng bawat isa at maging bahagi ng sariling pananalita.
Ang luningning at kislap ng mga salawikaing narito ay buong pusong inihahandog sa mga tunay na Pilipino na nagmamahal, nagmamalasakit, at nagpapalaganap sa ating sariling wikang Pilipino.
Bilang 1-25
"Ang salawikain ay laging gamitin, sapagkat mahalaga ito sa anumang usapin."
01- Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.
02- Ang palay ay parisan, lalong nagpupugay habang nagkakalaman.
03- Ang paalaala ay mabisang gamot sa taong nakakalimot.
04- Ang tulog na hipon ay tinatangay ng agos.
05- Huli man daw at magaling, naihahabol din.
06- Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan.
07- Magsama-sama at malakas, magwatak-watak at babagsak.
08- Matibay ang tinting na walis, palibhasa’y nakabigkis.
09- Ang tunay na kaganapan ay matatagpuan sa kaligayahan, hindi sa kayamanan.
10- Ang pagsasabi ng tapat ay pagsasamang maluwat.
11- Ang umaayaw ay hindi nagwawagi, at ang nagwawagi ay hindi umaayaw.
12- Mainam pa ang pipit sa kamay, kaysa lawin sa alapaap.
13- Ang araw bago sumikat, makikita muna ang banaag.
14- Ang mabigat ay gumagaan, kapag pinagtutulungan.
15- Walang mahirap na gawa, kapag idinaan sa tiyaga.
16- Bihirang masilayan, agad nakakalimutan.
17- Kahoy man na babad sa tubig, kapag nadarang sa apoy, sapilitang magdirikit.
18- Walang sumisira sa bakal kung hindi, ang sarili nitong kalawang.
19- Ipakilala mo ang iyong mga kaibigan, at sasabihin ko sa iyo kung sino ka.
20- Ang hindi napagod mag-ipon ay walang hinayang magtapon.
21- Madaling aminin na ikaw ay tao, ang mahirap ay magpakatao.
22- Pagkahaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.
23- Naghangad ng kagitna, isang salop ang nawala.
24- Ang lumalakad ng mabagal, matinik man ay mababaw.
25- May tainga ang lupa, may pakpak ang balita.
Subaybayan, maraming pang kasunod na inyong kawiwilihan . . .
Laging tunghayan at paglimiin ang ating mga katangi-tanging sanaysay na nagbibigay inspirasyon at makabuluhang aral sa buhay.
Subaybayan, maraming pang kasunod na inyong kawiwilihan . . .
Laging tunghayan at paglimiin ang ating mga katangi-tanging sanaysay na nagbibigay inspirasyon at makabuluhang aral sa buhay.
Patuloy pang dinadagdagan ng iba't-ibang paksa na aantig at gumigising sa inyong kaalaman.
No comments:
Post a Comment