Monday, November 22, 2010

Salawikain: Bilang 76-100



Nakagawian na sa bawat talakayan at maging karaniwang usapan; ang mga salawikaing may patutsaba, pasaring, patudyo, at parunggit. Hindi mawawala ang nakasanayang paglalarawan, paghahambing o panunukso man. Kapag ang layunin mo’y palabasin ang kinikimkim na damdamin ng kausap, magbitaw lamang ng salawikain na angkop sa usapang nagaganap. At ang inaasahang katugunan ay iyong masusumpungan.
   Sadyang napakahalaga at nakakawili ang magsingit ng salawikain sa ating mga pananalita. Mahusay na palaman ito, na tumatalab at tuma- tagos sa ating kamalayan. Laging bahagi ito sa pangungusap ng mga
                                                                                      tunay na Pilipino.

Bilang 76-100  
"Kung sa sinigang ay mahalaga ang pang-asim, sa pangungusap naman ay salawikain."

76- Kapag hinog sa pilit, kainin mo at ito’y mapait.

77- Sakit ng kalingkingan, dinaramdam ng buong katawan.

78- Kung nais makarating sa paroroonan, simulan mo ang paghakbang.

79- Kapag dumura ka sa langit, sa mukha mo ito'y magbabalik.

80- Huwag bumato, kapag yari sa salamin ang bahay mo.

81- Iba ang tinitignan sa tinititigan.

82- Sa taong walang takot, walang mataas na bakod.

83- Walang saysay ang karunungan, kapag ito’y palamuti lamang.

84- Ang gawaing pili ng pili, madalas nauuwi sa bungi.

85- Walang mapait na tutong, sa taong nagugutom.

86- Anumang kasulatan, dapat mong lagdaan.

87- Bawat palayok ay may kasukat na tungtong.

88- Tikatik man at panay ang pag-ulan, malalim mang ilog ay aapaw.

89- Ang iyong tagumpay ay nasa dulo ng iyong mga kamay.

90- Ang nakasanayang taltalan, ay walang kakahinatnan.

91- Walang ligaya sa lupa na hindi dinilig ng luha.

92- Bagay na hindi mo alam, hindi mo mapanghahawakan.

93- Madaling sabihin, subalit mahirap gawin.

94- Ang bayani kapag nasugatan, nag-iibayo ang tapang.

95- Habang nabubuhay, may pag-asang naghihintay. 
 
96- Walang utang na hindi pinagbayaran.

97- Kapag nanggaling sa bula, sa bula rin mawawala.

98- Walang humawak ng lutuan, nang hindi naulingan.

99- Sugat na nagnaknak, gumaling man ay may peklat.

100- Kung nais mong igalang ka ng iba, ang iyong sarili ay igalang mo muna.


Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment