Friday, January 16, 2015

Organisahin ang Sarili


Hintuang paramihin ang sarili sa maraming atensiyon. Kailangan mong balangkasin ang mga gagawin.
Kahit na ano ang trabaho o tungkulin sa alinmang larangan at industriya, kailangang nasa organisadong paraan. Kailangan unahin na organisado ang iyong kaisipan, upang magkaroon ng sistema ang bawat pagkilos. Kung may plano, kalahati ng gagawin ay natapos na. Walang paligoy-ligoy at padalus-dalus ang paggawa kung organisado ang sarili. Nasa tamang direksiyon pati na ang kapaligiran ay magagawang ayusin kung nakahanda sa gagawin.
   Kung tahasang hangarin mo ay magtagumpay, mainam na motibasyon ito upang isasaayos ang lahat ng makakayang gawin at maibahagi sa iba na magawa ang hindi makakaya. Hindi masama ang may takdang panahon, dahil may panahon ka na magplano at oraganisahin ang mga hakbang para madaling matapos ang gawain. Nakakatulong ito para mailagay sa tamang direksiyon ang iyong mga priyoridad sa buhay. Nakapag-aalis pa ito ng mga pagkainis at depresyon na nagpapabagal sa iyo. Kapag organisado, patuloy na itinutulak ka nito na tapusin nang mabilis ang mga trabaho.
   Ang makalat at magulong kuwarto ay tanda ng makalat at magulong tao. Hindi lamang mga basura, nagkalat na mga kagamitan, at magulong mga lalagyan ang sumisira ng isipan; pati na ang mga lumang ideya, maling paniniwala, nakakalasong relasyon, at negatibong mga saloobin. Lahat ng mga ito ay hindi nakakatulong bagkus ay mga nakapagwawasak pa. Kailangang hintuan at palitan ang mga maling isipan at walang mga kabuluhan para mabago ang kalagayan.
Organisahin ang mga bagay na nakapaligid sa iyo:
1)      Lagi mo ba itong ginagamit sa tuwina?
2)      Ito ba ay may sentimental na halaga pa sa iyo?
3)      Itinatago mo ba ito para magamit sa ibang araw?
4)      May isa ka pa bang katulad nito?
5)      Mayroon ka bang maipapalit dito?
6)      Makakaya mo bang ipagbili o ipamigay ito?
7)      Manghihinayang ka pa ba kung nawala na ito sa iyo?
Kapag may pag-aalinlangan at walang matibay na katwiran; tatlo lamang ang mainam na hakbang: ipagbili, ipamigay, at itapon. Sapagkat mga sagabal ito sa isipan, at pampasikip pa sa tirahan. Kung sadyang mahalaga, at hindi naman nagagamit pa, ito ay itago nang hindi makaabala. Kung nais ay simpleng pamumuhay, simplehan ang mga bagay. Kung hindi mahalaga at nakakapinsala pa, bunutin kaagad ang pahirap na tinik nang hindi na makasakit.
Nasa balangkas ang maunlad na bukas; at nasa organisadong buhay, nakahilig ang tagumpay. 


No comments:

Post a Comment