Monday, January 12, 2015

Gawin Kaagad!



Makatwirang gawin kaagad upang
ang pangarap ay matupad.
Kapag nakatanggap ka ng regalo na nasa kahon, masigla kang binubuksan ito at umaasa na may kabutihan itong maidudulot sa iyo. At kung hawak mo na ito, kasiyahan at pasasalamat ang madarama mo. Isang magiliw na pasasalamat ang maiparating ang kagalakang ito sa nagpadala. Subalit, hindi natin magawa ito sa sarili nating buhay, gayong isang regalo ang buhay na ipinagkaloob sa atin. At masaklap pa nito; hindi natin magawang magpasalamat sa araw-araw kung bakit patuloy tayong nagigising tuwing umaga.
   Ang buhay ay maikli; anumang sandali, sa isang pitik o kisapmata, ito ay matatapos. Ipinahiram at panandalian lamang ito sa atin, ...at may nakatakdang katapusan. Kung mapagkumbaba, tumatanggap tayo ng pagpapala, katulad ng silahis ng araw na tumatagos sa salamin. Habang nagliliwanag ang pagsilay ng araw, lumilinaw ang salamin hanggang hindi na makita pa ito, at ang higit na nakikita ay ang araw. Subalit kung mapagmataas, pinalalabo ng mga alikabok at dumi ang salamin, at ang araw ay tinatabingan ng madilim na ulap.
   Bilang tao; saanmang pamayanan, tayo ay bahagi ng sangkatauhan, walang nabuhay na nag-iisa. Nararanasan lamang natin ang ating mga sarili kapag naka-ugnay sa iba. Ang ating mga kaisipan at mga nadarama, kailanman ay nakakabit at hindi humihiwalay sa iba. Dahil sa koneksiyong ito, bawat bagay na may buhay ay magkakaugnay. Ang hangin na labas-masok sa mga katawan natin ay siyang ding hininga na nagbibigay buhay sa ating lahat. Isang katotohanan na ang hapdi ng kalingkingan ay kirot sa buong katawan. Sinuman ang napabayaan at hindi tinulungan, lahat ay apektado sa kasalanang ito. Sa lipunan na walang kapwa-tao, ang kabuktutan, kahirapan, at kapighatian ay siyang kaganapan.
   Tungkulin natin na palayain ang ating mga sarili sa bilangguang makasarili na patuloy nating nililikha. Sa halip ay palawakin ang sirkulo ng pagmamalasakit at yakapin ang lahat ng may buhay at kagandahan ng kalikasan. Ang maging makatao ay hindi nasusukat kung gaano karami ang ating mga nagawa, kundi kung gaanong pagmamahal ang ating ibinuhos para magawa ito.
Ang mabisang paraan na matagpuan ang iyong sarili ay iwaglit ito sa paglilingkod sa iba.

No comments:

Post a Comment