Tuesday, March 15, 2011

Matalik na Kaibigan


   Papaano ba natin makikilala ang isang kaibigan? Lalo na kapag ito'y may katuwang na 'matalik.' Ano ba ang talaga ang kahulugan nito para sa atin? 

"Kaibigan ko siya," ang paliwanag ng isa. "Bakit naging kaibigan mo siya?" ang tanong naman ng nakarinig. "Nakasabay ko siya sa biyahe," ang tugon nito.

   Marami sa atin ang madalas na banggitin ang katagang kaibigan, gayong itaas man ang kanang kamay sa pagbilang ng ating limang daliri, hindi ito lalampas kung ilan ang tunay na kaibigan kinalulugdan natin sa buhay.

Hindi kaya namamali lamang tayo?
   Sapagkat, iisa lamang ang ating laging binibigkas,  'kaibigan.' 
Bakit hindi ang mga ito; kakilala, kasama, katuwang, kapanalig, kaklase, kauri, kasangga, kabagang, kasabay, katulong,  kalukob, katipan, kawaksi, kasambahay, katangkilik, kasanib, kabiruan, kalaro, kaulayaw, katalik, kapitbahay, kalaguyo, kababayan, kapisan, kapalad, katuwaan, kabit, kasabay, kausap, katabi, kaisahan, kalakbay, katutsaba, kakampi at katakot-takot pang mga pang-ukol na katawagan sa uri ng pakikipag-kapwa.
   Subalit ito ang masaklap; palagi---kapag binabanggit at ipinakikilala ang isang tao, kadalasan ang ginagamit na kataga ay 'kaibigan.' Gayong sangkatutak ang maaaring gamitin sa tamang kaurian ng relasyon. Ito ang nagpapahirap sa atin, hindi natin matiyak ang tunay sa huwad, ang katotohanan sa kababalaghan, at pagkilatis sa akmang katawagan. Lahat ay pawang kaibigan. Nakasama lamang sa ilang sandali, kaibigan na. Nabigyan lamang ng kaunting pansin, kaibigan na. Nakausap sa isang pook, kaibigan na. Nakilala sa paglalakbay, kaibigan na. Palatandaan lamang ito na hindi tayo maingat; kahalintulad ng isang patibong, upang tayo ay sakmalin. Palakaibigan tayo, at hindi mapili.
   Mababaw ang ating kaligayahan; kaya malimit, nagiging biktima tayo ng mga mapagsamantala. Sa kaunting pabalat-bunga, bumibigay tayo. Sa kababaan ng ating kalooban, marami ang nahuhumaling upang pakinabangan ito. Ito ang sanhi, kung bakit nawawalan tayo ng pagtitiwala sa isa't-isa. Nalilito tayo sa nangyayari, gayong nagmumula ito mismo sa atin.
   Hangga't hindi natin nalalapatan ng wastong pangalan ang isang bagay, pangyayari, at relasyon. Wala tayong katiyakan kung papaano ito haharapin, itatama, at pagpapasiyahan.
   Kung maaari lamang, pakitama nga natin ito. Sa susunod, gamitin naman natin yaong angkop sa tagpong kinasangkutan; sa paglalapat ng tamang taguri sa relasyon. Dahil kapag hindi natin ito binago, inililigaw nito ang ating kabatiran sa tunay na kahulugan ng katagang kaibigan.

Ano ba ang kahulugan ng katagang kaibigan?
   Ang kaibigan ay isang tao na nagagawa kang maging matapat sa kanya, Hindi mo kailangan ang mangatwiran at magpaliwanag pa. Maging sa harapan at talikuran ay nakahanda kang ipagtanggol nito. Walang pagkukunwari at panlabas na anyo ang inyong samahan. Nagagawa mong ilahad sa kanya, kahit na anumang tungkol sa iyo nang wala kang pinangangambahan. Hindi ito isang taksil na madali kang ipagkakanulo. Siya ang laging kumakalaban sa iyo, kapag namamali ka ng patutunguhan o naliligaw ng landas. At siya ang unang lumuluha at kakampi mo, kapag ikaw ay inaapi at talunan. Hindi ka nito pinagsasamantalahan, sa salapi, papuri, kalayawan, at anumang mga bagay na nauukol sa iyo, dahil may tiwala  ka sa kanya. Kinagigiliwan at ikinagagalak mo siya. Masaya ka, kapag siya ay iyong ipinagdiriwang. Ito ang hinahanap mo sa isang matalik na kaibigan, at ang pagiging matalik din ang isinusukli mo sa kanya.
   Ngayon, kapag wala ang mga katangiang ito sa nakilala mo, maaari bang gamitin ang ibang kataga at huwag ang palasak na taguring 'KAIBIGAN.' Kasi, nagiging katawa-tawa tayo sa paningin ng iba. At ang paggalang na pinahahalagahan natin ay kusang naglalaho. 

Narito ang tatlong batayan ng kaibigan:
             Natatangi at espesyal  (mataas ang pagpapahalaga)
  Matalik na kaibigan  - Laging magkasama, may damayan, magkatulad ang prinsipyo
             Itinatangi  (katamtaman ang pagpapahalaga)
   Malapit na kaibigan  - Madaling kausap, kaisa sa hangarin, bihirang magkita
             May pagtatangi  (karaniwan ang pagpapahalaga)
   Mataman na kaibigan - Nananatiling kaibigan kahit matagal nang hindi nagkikita
  
   Bilang tunay na mga Pilipino, maging masinop tayo sa paggamit ng wastong kataga. Yaon lamang nararapat sa naganap na relasyon.
   Isa lamang itong pagmamalasakit, mula sa inyong kababayan.

Sunday, March 13, 2011

AKO ay Tunay na Mayaman


   Ang salapi ay isang nakakaaliw na batubalani at malimit ay nakakalasing. Nabibili nito ang maraming bagay na magpapasaya sa iyo; karangyaan, libangan, papuri, palamuti, at mga kakilala. Subalit ang pagkakaroon ng maraming salapi ay hindi nangangahulugan o magagawang matagumpay ka. At lalo naman, ang bigyan ka nito ng hinahangad mong kaligayahan. Ang tunay na kailangan ay magkaroon ng kaganapan ang iyong buhay ayon sa nais mong mangyari sa iyo.
   Papaano ito?
   Tunay nating kailangan ang salapi, bakit nga ba hindi? Subalit gayundin ang makahulugan at makabuluhang buhay, dahil ito ang magpapatunay kung sino ka.
    Kailangan natin sa ating gawain, anumang larangan ang ating kinalalagyan ang maging makabuluhan ito. Sapagkat dito nakasalalay ang tunay na kayamanan na siyang magpapaligaya sa atin. Sa salapi, mabibili natin ang anumang ating naisin, subalit hindi nito mabibili ang mga bagay na hindi nakikita na siyang pinakamahalaga sa lahat. Dahil ang mga ito ay sumisibol mula sa kaibuturan ng ating puso.
   Ano ang mga ito?
   Pagmamahal, Katapatan, Pakikiisa, Kalinga, Pagtingin, at Pagmamalasakit, mula sa matalik na Kaibigan. Ang tunay na pangangailangan natin ay ang palibutan tayo ng mga taong may ganitong mga kalooban. Tanging  kayamanan na hindi matutumbasan ng anumang halaga. Higit tayong maligaya kapag kapiling natin sila. Mga taong nagagalak tayong makita. Mga taong ipinagdiriwang anuman ang mayroon tayo. At ipinagbubunyi nila, maging sinuman tayo. Sa lahat nang sandali; sa hirap man o ginhawa, kasayahan man o kapighatian, ay nananatiling tapat at kapiling natin sa tuwina.
   Masasabi kong ako'y tunay na mayaman sa pagkakaroon ng mga kaibigan na mayroong ginintuang kalooban na tulad ng mga ito. 

   Hindi lamang mayaman ako, bagkus ako'y mapalad pa. At bilang pagpapatunay; kaya ito nakapangyayari, sapagkat kailanman, ang Dakilang Diyos ay hindi natutulog. Dagdag pa dito, minsan ma'y hindi ko Siya nakitang kumurap man lamang.
    Kaya nga, AKO, ay tunay na MAYAMAN.

Tayo ay IsangPilipino


"Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagka-dalisay at pagka-dakila gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? Alin pag-ibig pa? Wala na nga, wala."
                                                                  Gat Andres Bonifacio

Saturday, March 12, 2011

Ito ang Katotohanan



Ang Aking Naging Panuntunan

   Noong ako'y nag-aaral sa kolehiyo sa gabi, tinustusan ko ito sa pamamagitan ng trabaho sa aking pinapasukan sa araw at paggguhit ng disenyo sa tatakan ng kamiseta. Palagi akong kulang sa tulog sa pagnanais na matapos ang aking mga ginagawa. Isang gabi sa kapuyatan, napasubsob ako sa lamesa habang gumuguhit at nakatulog. Ito ang tulog na hindi ko malilimutan. Dahil may napag-inipan ako na ginawa kong gabay magmula pa noon. Isang panag-inip na pambihira at sadyang nararapat isagawa.
   Sa panag-inip, naglalakad ako sa gubat at ito'y pabalik-balik, hindi ko makita ang aking pupuntahan. Iba't-iba ang nagiging kasama ko. Minsan nakasakay ako sa dyip, sa kotse, sa tren, at sa huli ay bisikleta na umiikot lamang. Palagi akong pasahero kaysa sa nagmamaneho. Napagod ako at naiwang nag-iisa. Umupo na lamang ako sa isang silya sa may pintuan, nang may paos na tinig akong narinig. Una, natakot ako dahil hindi ko mawatasan ito. Palakas ng palakas at nangagaling sa langit.  Ngunit wala akong nakikita na anyo. Nagtatanong ito, at tatlong katanungan ang aking narinig. Dumadagundong at paulit-ulit, hanggang sa humina at mawala.
   "Bakit kita nilikha na Pilipino?"
   "Bakit kita nilikha na mabuti?"
   "Ano ngayon ang iyong ginagawa tungkol dito?"
   Buhat pa noong magising ako, palagi nang umuukilkil ito sa aking isipan. Kaya't sinimulan ko kahit na sa mumunting paraan, ay maipakilala ko at magampanan nang taos sa puso ang kasagutan. At malaking bahagi nito ang Lingkod Bayan na sinimulan ko noon pa, at ipinagpapatuloy hanggang ngayon.
   Dalawa lamang ang kailangang pagsusulit na haharapin kung nais kong mabuhay ng matiwasay.
   Una: Ang buhay bang ginagawa ko'y katulad nang nais kong maganap sa akin?
   Pangalawa: Nagagalak ba ang mga tao sa aking paligid para dito?
   Ito ang lagi kong inuuna, bago ako magsimula kahit na anong bagay. Dito nakasalalay ang lahat kong mga pagkilos. Hindi buo ang aking pagkatao, kapag sa maghapon ay wala akong nagawang kabutihan. Hindi ako makakatulog ng mahimbing.

Thursday, March 10, 2011

Magpahalaga Tayo

 
 Sa araw na ito, mahalagang gawin na pansinin ang isang tao, na ang kahalagahan ay hindi ganap na napag-uukulan ng pansin; maglaan ng ilang sandali at ipahayag ang iyong pagpapahalaga. Higit sa lahat at anupamang bagay, ito ang nagbibigay kalakasan sa kanya upang magpatuloy at magkaroon ng pag-asa. Siya man ay mayroon ding kasiya-siyang katangian; ipaalam ito sa kanya. 

Sa mabuting pakikitungo; Narito ang ilang bagay na maaaring gawin:
  • Hanapin ang mabuting katangian at bigyan siya ng papuri. 
  • Hangga't maaari, purihin siya sa magagandang bagay na ginagawa niya.
  • Maglaan ng panahon na pakinggan siya. Mayroon itong maitutulong.
  • Makinig upang makaunawa, hindi ang humanap ng kamalian at humatol.
  • Gumamit ng aktibong pakikinig, hindi ang pangunahan o sansalain ang kanyang mga salita. Hintaying makatapos, bago mo ipahayag ang iyong saloobin.
  • Makipag-ugnay na ginagamit ang "Ako," sa mga pangungusap. Hindi ang mga paligoy-ligoy na paraan o mga palabok. Ipaalam ng tuwiran, ang tungkol sa iniisip at nadarama.
  • Kung sakali at may mga isyu na sumusulpot, iwasan ang sisisihan o pamumuna. Bagkus, unahing lutasin ang inaalaala.
  • Bigyan ang relasyon ng katulad ng pakikitungo mo noong siya ay una mong nakilala.
  • Unahing umunawa muna, kung nais mong maunawaan ka.                                          

Wednesday, March 09, 2011

Ako'y Lingkod Bayan



AKO, tunay na Pilipino at isang Lingkod Bayan.
Ang maglingkod sa aking kapwa Pilipino ay likas kong katungkulan.
Buong puso at kagitingan ang aking hangarin na makatulong sa
kapayapaan, katatagan, at kaunlaran ng aking bansa.
AKO, mismo ang magsisimula sa kaayusang
Nais kong makita at maranasan.
AKO, mismo ang gagawa ng mga kaparaaanang
makakatulong sa bayan, masunurin, at tumatangkilik
sa makabayang panuntunan, para sa kagalingang panlahat.
Pagyayamanin ko ang aking kabatiran tungkol sa kasaysayan
ng aking lahi at diwang kayumanggi. Ipinagmamalaki ko ito
saanman, kailanman, at anupaman, na 
AKO, ay may Isang lahi, Isang wika, IsangPilipino;
ngayon, bukas, at magpakailanman, sapagkat
AKO, ay wagas at masugid na Lingkod Bayan.

Tuesday, March 08, 2011

Ang Kaligayahan Ko



   Ang kaligayahan ay hindi nasusukat sa dami ng salapi, mga materyal na bagay, mataas na katungkulan, at mga masigabong palakpakan at papuri. Sapagkat ang maligaya ay yaong nagagawang patas at banayad ang kabatiran at paghahangad. Ito ang kumakatawan sa marangal na pagkilos, kahit na maraming pamantayang nagbibigay kahulugan para dito. Hangga’t ang pagkilos na ito’y nauukol sa kapurihan, pagtulong, katarungan, at mga makabuluhang bagay tungo sa kabutihan, nagbubunga ito ng walang kahulilip na kasiyahan at kaligayahan.
   Hindi ito hinahanap, kusa itong nagaganap saanman, kailanman, at alinman pook ang kinalalagyan o kinatatayuan mo. Nasa iyong kapasiyahan at pagtingin sa mga kaganapan sa iyong paligid, ang nagbabadya kung nais mong maging maligaya o malungkot man. Baliw lamang ang umaasang ang kaligayahan ay patuloy at walang katapusan, o kaya’y magagawang hawakan ito kapag natagpuan.
   Ang kaligayahan ay simbuyo ng damdamin at ng makabuluhang pagkilos. Kahit marami ang nakakaalam nito, lahat sila’y inaaksaya ang mga buhay sa masugid na paghahanap ng kasiyahan, at nagpapatuloy ang kahangalan na matatagpuan ang kaligayahan sa patutunguhan. Laging binabagabag at binibigkas na ang buhay ay puno ng lumbay at pawang kapighatian. Sinisisi nila ang relasyon na panis at walang pagmamaliw. Kumikilos sila sa pag-asang ang mga bagay na ito ay matatagpuan sa ibang pook. At bihira na masumpungan sa kanilang imahinasyon na ang kaligayahan ay mismong nasa kanilang puso’t kaisipan.
   Ang pangunahing lihim ng buhay ay tuklasin ang kapangyarihang ito mula sa iyong sarili, sa kaibuturan ng iyong puso. Kailanman hindi ito masusumpungan sa mga bagay, kahit sinong tao; kapuso, kapamilya, kapatid, o kaibigan man. Tayo ang lumilikha ng ating kaligayahan. Saan mang dako tayo makarating, dala-dala natin ang ating sariling daigdig.
   Ang kaligayahan ay hindi tulad ng nawalang kasangkapan na magagawang hanapin. Tayo ang nagbibigay ng pambihirang kahulugan at karanasan nito sa ating sarili. Walang sinuman ang magiging masaya para sa atin o magsasabi kung ano ang magpapasaya sa atin, kahit ipagpilitan pa nila ito. Lalong malaking kaligayahan ang nawawaglit sa pagnanais ng matagpuan ito sa iba. Kahibangan lamang ito.
   Matatagpuan lamang ang kaligayahan sa paggawa ng kabutihan. Ito ang nagpapaligaya sa atin. Ang marangal na mga pagkilos na may dakilang patnubay ng sariling puso’t kaisipan. Hindi lamang isang damdamin upang magawa ang hangarin, bagkus ito ang siya mismong kaganapan. 

Ang inyong kabayangTilaok,

 Lungsod ng Balanga, Bataan

Sunday, March 06, 2011

Pumili Tayo



Sa Paggawa ng Kabutihan at Kasamaan
 
   Maraming taon na ang nakalilipas, doon sa bundok ng Mariveles, sa lalawigan ng Bataan, ay may isang matandang lalaki na laging nakasabit araw-araw sa sanga ng isang mataas na punong-kahoy. Nakagawian na niya ito upang magbulaybulay. Kahit na umiindayog ang sanga sa tuwinang may malalakas na hagupit ng hangin at ulan, ay nananatiling itong matiwasay at tahimik sa pagkakasabit . Dahil dito, tinagurian siyang si “Salay” ng mga taga-nayong nananahan sa ibaba ng bundok. Sapagkat mistula siyang pugad ng ibon na nakasabit sa sanga.
   Marami sa mga taga-nayon ang dumaraan sa ilalim ng puno, kapag nanghuhuli ng hayop at namumulot ng panggatong. Sa kalaunan, nakasanayan na rin nila ang kakaibang pag-uugali ng matanda. Ang iba sa kanila ay nahabag at nakiusap kay Salay, na hintuan ang ginagawa at baka magkasakit pa ito. Naibigan nila ang kababaang-loob nito sa pagtugon, pati na ang mga pananalita na kapupulutan ng magagandang aral.
   Ang pambihirang katalinuhan ni Salay ay kumalat sa maraming dako. Tinawag siyang pantas at naging timbulan sa pagbibigay ng mga magagandang panuntunan sa buhay. Marami ang naganyak at dumarayo sa liblib na gubat na nanggagaling pa sa lungsod ng Balanga, at karatig na lalawigan. Maging ang gobernador ng Bataan, ay nagpasiyang pumasyal kay Salay. Isang umaga ng tag-araw, sinimulan ng gobernador ang paglalakbay. Matapos ang tatlong araw, natagpuan niya ang punong-kahoy ni Salay sa makapal na kakahuyan sa tuktok ng kabundukan. Ang matanda ay taimtim na nakasabit sa pinakamataas na sanga, nakapikit na nilalanghap ang halimuyak ng mga bulaklak sa kanyang paligid, at maligayang pinakikinggan ang masasayang huni ng mga ibon sa tag-araw.
   Nakatingala, pahiyaw na tumawag ang gobernador, “Salay!” “Salay, ako ang gobernador ng lalawigang ito, nanggaling pa ako sa malayong pook upang makipag-usap sa iyo. Mayroon akong napakahalagang katanungan!” Naghintay ang gobernador ng katugunan, subalit ang narinig niya ay pawang tunog ng banayad na indayog ng mga sanga at kiskisan ng mga dahon, sanhi ng paghaplit ng hangin. Nagpatuloy ang gobernador, “Ito ang katanungan ko: "Turan mo, Salay, ano ang pinakamabuting aral na maituturo mo sa akin? Nais kong ibigay mo sa akin, ay yaong tulad sa ginto ang kahalagahan." Muli, patuloy ang langitngit at wasiwas ng mga sanga at pagaspas ng mga dahon.
    Sa kalaunan, tumugon si Salay mula sa itaas ng puno, “Gobernador, ang kasagutan para sa iyo ay ito; Huwag gumawa ng masasamang bagay. Manatili sa paggawa ng kabutihan. Ito lamang ang ginintuang panuntunan.” Nagumilahanan ang gobernador, at naisip na ang kasagutang ito ay napakaikli at pangkaraniwan lamang, upang pag-aksayahan ng tatlong araw na paglalakbay at paghahanap. Naiinis, pauntol-untol itong nagpatudya,"Huwag gu-ma-wa ng ma-sa-samang ba-gay; ma-na-tili sa  pag-gawa  ng ka-bu-tihan! At nayayamot itong humiyaw, "Hoy, Salay! Matagal ko nang alam ito, noong ako’y tatlong-taon gulang pa lamang!"
   Napakunot-noo si Salay, masusing tumitig sa gobernador sa ilalim ng puno at paismid na nangusap, “Oo ngat nalalaman ito ng tatlong-taong gulang, subalit ang pitumpong-taong gulang, ay patuloy pang nananaliksik at naghihirap na magawa ito!”  

                                                            ====================

Makabuluhang Aral: Gawin nating panuntunan ito: 
Gumawa ng mabubuting bagay, at huwag gumawa ng masasamang bagay!  
Ang masamang kaisipan, ay nagtutulak upang gampanan at makasanayan ang mga maling pagkilos at kapahamakan, na pawang humahantong sa kapighatian. Samantalang ang mabuting kaisipan,
ay umaalalay sa iyong mga tamang naisin at kakayahan na mamuhay sa pinakamataas na antas ng kaligayahan, tagumpay, at pananatili ng angking kalusugan.
Saan ka man naroroon, lagi mong dala ang iyong sariling daigdig. Ang kaligayahan mo ay nasa iyo at hindi masusumpungan mula sa iba. Ikaw ang higit sa lahat ang nakakaalam at makakagawa ng sariling kaligayahan at maging kalungkutan.
Pananaw: Anuman ang iyong kalagayan o katayuan sa buhay, laging dalawa lamang ang iyong pagpipilian: Kalungkutan o Kaligayahan? Tagumpay o Talunan? Karukhaan o Kasaganaan? Kapighatian o Kapayapaan? Pagkakaisa o Paglalaban? Buhay o Kamatayan? Mamili ka. Ikaw ang masusunod at wala ng iba pa. At ito ang iyong magiging tadhana.
Panambitan: May dalawa tayong kapangyarihan sa pagpili; Una, ang kapangyarihan na pumili. Pangalawa, ang kapangyarihan na piliin ang kung ano ang tama. Ito ang sagradong panuntunan na sinusunod ng buong puso ng mga tunay na Pilipino.

Monday, February 28, 2011

Mga Pagsusulit: Sino ka nga ba?



Tanging sa iyo,

   Marami na akong naisulat tungkol sa mga kaganapan sa ating paligid, kamulatan at mga inspirasyong kapupulutan ng aral, minsan may kalungkutan at may kasayahan. Ngunit sa araw na ito, ay iuukol ko sa natatanging pinakamahalaga sa ating buhay. Mga katanungang bihira natin nabibigyan ng pansin. Kung ating susuriin, naaangkop lamang na ito ay lagi nating isaisip at ipamuhay. Mga katanungan itong magpapakita kung saan nakapaling at nakatuon ang ating pang-unawa:


 

Pagsusulit Tungkol sa Pinakamahalaga sa Buhay

HINDI mo na kailangan pang sagutin ang mga katanungang ito. Basahin lamang, makukuha mo na ang paksa o punto— na napakahalaga sa araw-araw ng ating buhay.

1. Magbigay ng limang pangalan ng pinaka-mayayamang tao sa mundo?

2. Magbigay ng limang pangalan ng mga huling nagwagi ng "Nobel Peace Prize"?

3. Magbigay ng limang pangalan ng mga huling naging "world heavyweight boxing champions"?

4. Sabihin ang limang pangalan ng mga huling nanalo sa "Manila Film Festival's best actors or actresses"?

5. Sabihin ang limang pangalan ng mga huling naging Binibining Pilipinas?

6. Sabihin ang limang pangalan ng mga huling naging kampeon ng "Philippine Basketball Association"?

7. Ilan ang naging Pangulo ng Pilipinas magmula kay Emilio Aguinaldo hanggang sa kasalukuyan?
 

   Hindi mo kaya, ano? Kasi, wala sa ating nakaka-alaala sa "headline-makers" ng kahapon. Hindi sila mga ordinaryo o mga pipitsugin, sila'y mga numero uno sa kani-kanilang piniling larangan. Subalit wala tayong panahon at mga panandalian lamang ito. Dahil napapawi ang pagbubunyi at mga palakpakan. Kumukupas ang medalya at plake. At nakakalimutan ang mga gantimpala at papuri. Inililibing ang mga tropeo at sertipiko kasama ng mga yumaong may-ari nito. 
   Sa loob lamang ng 50 taon, sinuman sa atin ay wala ng makaka-alaala sa mga ito. Gawin pa itong 100 taon, lahat ng ating nasasaksihan sa ngayon ay lilipas na at tuluyang maglalaho. 

Papaano natin ito haharapin? 

Ano ba ang tamang gawin?
 
Paminsang-minsan kailangan nating pigain ang ating isip, sapagkat kapag nakaramdam tayo ng kasakitan, mapipilitan tayong gumising at harapin ang katotohanan.


   Narito pa ang ilang katanungan: Madali itong masasagot ng nakakaraming Pilipino. Dahil ito ang pinili nilang pangunahing libangan.

1. Ano ang ibig sabihin ng mga ito; 
FPJ, FVR, at GMA; PBA at Azkal, sino naman ang mga ito;  Erap, Pambansang Kamao, at si Kabayan?

2. Sino ang tatlong kalog sa "Eat Bulaga"na may initial na T,V, & J?

3. Ano ang pangalan ng anak ni Sharon Cuneta kay Gabby Concepcion?

4. Sino ang kinakasama ni Dolphy bilang kabit sa ngayon?

5. Ano ang pangalan ng nanay ni Manny Pacquiao?

6. Sino ang lalaki na pangunahing "host" ng "Willing-Willie"?

7. Sino ang bunsong anak ni Cory Aquino na pasimuno sa malaganap na tsismisan sa telebisyon at pelikula?
  
   Kayang-kaya ba ito? Dahil ito ang laging nilalaman ng mga magasin, pahayagan, radyo at telebisyon sa ating bansa. Malaking porsiyento ng inpormasyon sa atin ay pawang artista, basketbol, at pulitika. Isama na rin natin dito, pati na ang uso ngayong boksing.

Narito pa ang isang pagsusulit:
   Bilang Pilipino, tiyak kong lagi mo itong nahahawakan; ang ating mga salaping papel at mga barya: Malalaman natin dito kung talagang nararapat kang tawaging Pilipino. Sapagkat araw-araw ay hawak mo ang mga ito, laging nasa iyong bulsa mula pa noong bata ka, at magpahanggang ngayon.

Tungkol ito sa ating pera:

1. Sinu-sino ang mga Pangulo sa ating salaping papel?

2. Saang salaping papel makikita ang gusali ng Bangko Sentral?

3. At saan naman ang gusali ng Malacanang?

4. Sino ang tatlong bayani na nasa isang libong salaping papel?

5. Saan makikita ang larawan ng bayaning si Lapu-lapu?

5. Kung si Rizal ang nasa pisong 'coin,' o barya, saang panig siya nakaharap, sa kaliwa o sa kanan?

6. Mayroon pa tayong 25 sentimos na barya sa sirkulasyon, ano ang nakalarawan dito?

7. Saan makikita ang sikat na "Banawe Rice Terraces"? 

8. Saan nakalarawan ang pambansang kalabaw?
 
9. Ano ang halaga ng salapi na may larawan ni Juan Luna?

10. Sa 500 pisong papel, naroon ba ang makinilya na ginamit ni Benigno 'Ninoy' Aquino?

   Ang mga perang ito ang nagpapatakbo sa ating buhay. Lahat ay ito ang pinakahahangad, ang magkaroon ng yaman. Karampatan lamang na nalalaman natin kung ano ang ating hinahawakan. Sapagkat ganito din ang ating gagawing pakikitungo sa marami nating pakikipag-relasyon at mga tungkulin sa buhay. Kapag pawang "bahala na" at pagsulyap lamang ay ganoon din ang kapalaran na darating sa atin. 
   Kapag ang salapi ay hindi natin tinitigan o iningatan at minahal, hindi madaragdagan at uunlad ang ating kabuhayan. Kung papaano ang ating pagturing, ganoon di ang ating makakamtan. Makikita sa ating mga gawi at pamumuhay kung saan tayo nakasulyap at kung anong mga bagay ang higit na nagpapasaya sa atin. Dahil ito ang ating ginagawa sa araw-araw. At ang mga ito ang lumilikha ng ating kalagayan sa buhay.

Ito ang katotohanang bumabalot sa ating pagkatao. Mapait man, kailangan nating harapin at itama upang magkaroon ng pagbabago at magtagumpay.
 
Narito ang isa pang pagsusulit. Magbalik-tanaw lamang kung maipapasa mo ito. Sapagkat dito nakasalalay kung ano ang kinalabasan, o narating mo sa iyong buhay. 

Tandaan lamang, "Banggitin mo sa akin, kung sino ang mga kaibigan mo at malalaman ko --- kung sino ka."

1. Maglista ng limang guro na tumulong sa iyo sa paglalakbay mo sa edukasyon, noong ikaw ay nag-aaral pa.

2. Maglista ng limang kaibigang tumulong sa iyo sa panahon ng kagipitan.

3. Maglista ng limang tao na may naituro sa iyong kapaki-pakinabang at siya mong ipinamumuhay.

4. Isipin ang limang tao na pinaramdam kang espesyal at may mabuting pakikitungo sa iyo.

5. Isipin ang limang tao na masayang kasama sa tuwi-tuwina, kapag kayo ay nagkakatipun-tipon.

6. Isipin ang limang bayani na nakapagbigay ng inspirasyon sa iyo.

7. Kapag dumating ang takdang sandali at ito na ang iyong huling araw sa daigdig, sino ang mga nais mong makapiling?
 
Matapos ito, ano ang iyong nadama, inisip, at nauunawaan?

May bagay bang gumising sa iyo? 


   O, di ba madali? Isa lamang itong Aral na Panggising: (Upang hindi tayo makalimot)

    Ang mga tao ang pinakamahalaga sa atin at hindi yaong mga maraming titulo, panalo, karangyaan o salapi. Manapa'y ang mga taong nagmamalasakit at gumagabay para marating natin ang tagumpay. 
    Sila ang naging tuntungan mo sa iyong kinalalagyan sa ngayon. Kasama na rito ang mga taong laging nakasubaybay, gumagalang, nagmamahal, at nagbubunyi para sa iyo. 
    Sila ang laging nasa iyong tabi sa panahon ng iyong karamdaman at mga kapighatian sa buhay. Anuman ang mangyari sa iyo, sila ang kauna-unahang tumutulong at kumakandili para sa iyong kapakanan. Nararapat lamang na tumbasan natin sila ng ibayong pansin hanggat hindi pa huli ang lahat.
   Ito ang katotohanan. Maliban dito, ay pawang komentaryo na lamang.


 Lungsod ng Balanga, Bataan
wagasmalaya.blogspot.com

Kawikaan 401: Patnubay sa Buhay


Tinipon at Isinaayos ni Jesse N. Guevara              wagasmalaya.blogspot.com
Lungsod ng Balanga, Bataan

   Naritong muli ang isa pang lupon ng mga Pambihirang Kawikaan at patutsaba upang bigyan kayo ng panibagong lakas at pananaw sa magiting na pagkikibaka sa buhay. Pinatutunayan nito ang pagkakaroon ng malayang paglilimi at kaisipang kailangan natin sa tagumpay.

401- Ang una at pinakamahalaga sa lahat ng kayamanan, ay ang kalusugan.

402- Huwag hayaan na ang mga bagay na hindi mo magagawa ay makagambala sa mga bagay na kaya mong magawa.

403- Lahat ng paninisi ay pag-aaksaya ng panahon. Anumang kasalanan ang hinahanap mo sa iba, at gaano man katinding kamalian ang isisi mo dito, hindi pa rin mababago nito ang iyong pagkatao.

404- Huwag humanap ng kamalian, ang hanapin ay ang kalutasan.
 
405- Ang pinakamalaking mga bagay na nagawa sa daigdig ay sinimulan mula sa maliit, unti-unti, palaki nang palaki hanggang sa ito ay ganap na matapos.

Para sa iyo ---
406- Saliksikin ang bawat araw. Inihandog ito sa iyo upang pagyamanin.

407- Kapag inihalintulad ang sarili mo sa iba, pawang panggipuspos at kapighatian ang sasaiyo. Sapagkat laging may nakakahigit at nakakababa kaysa sa iyo.

408- Tamasahin ang nasa iyo habang patuloy ang hangarin mong makamtan pa ang iba.

409- Bawat bata ay makasining, dangan nga lamang kung papaano ito pananatilihin hanggang sa kanyang paglaki.

--sa mga kabutihan mo sa akin.

410- Ang makata ay isang tao na naglagay ng hagdanan patungo sa bituin. At habang umaakyat siya ay tumutugtog sa biyolin.

411- Dalawang aso ang nag-away sa kapirasong buto, nang malingat ay itinakbo ito ng pangatlong aso.

412- Ibahagi anuman ang iyong nakamtan. Maliit o malaki man ito, ay mahalaga sa nangangailangan.

413- Maging masaya sa bawat sandali, ito ang magpapaligaya sa iyo sa habang buhay.

414- Kung wala kang panahon na magawa itong tama, kailan ka magkakaroon ng panahon na muling itama ito? Ngayon? Bukas? Balang araw? Mamili ka, alinman dito ay masusunod.


Humalakhak ---

415- Kung maaari sana, huwag turuang kumanta ang mga baboy, pag-aaksaya ito ng panahon at ikinaiinis ng mga baboy.

416- Ang pumipigil lamang na maisakatuparan ang kinabukasan ay ang ating mga pag-aalinlangan sa araw na ito.

 417- Maging ikaw nang lahat na nasa iyo, at ipagbunyi ito.
 
418- Pakiusap: Huwag pagbawalan ang mga kaaway habang sila'y abala sa paggawa ng kamalian.

--at sila'y hahalakhak din. . .


419- Ang pagkakaiba sa pagitan ng hindi mangyayari at mangyayari ay nasusukat sa matinding hangarin.

420- Natutuhan ko; na ang pinakamalaking bahagi ng ating kapighatian o kalungkutan ay hindi nasasaklaw ng mga pangyayari, bagkus ito'y bunga ng ating mga naging kapasiyahan.

421- Maraming taon na hindi ko kinakausap ang aking asawa, ayaw ko kasing sumagot habang siya ay nagsasalita.
 
422-Walang buhay na naaaksaya, kahit na masamang damo ay nagagawang pataba.


423- Sa alaga kong aso, ako ay hari. Kaya nga pinili ko ang aso kaysa maraming kaibigan.

424- Ang kuwago, bagama't panggabing ibon, ay nangangailangan pa rin ng liwanag sa kanyang paningin.

425- Upang maging maingat, tinatanggap ko lamang ang isang uri ng kapangyarihan; ang kapangyarihan ng sining kaysa basurang panoorin, at tagumpay ng imahinasyon kaysa paggamit ng dahas.

426- Siya na napapangiti sa panahon ng krisis ay may nakahandang iba na sisisihin.

427- Ang mga aso ay maraming kaibigan, sapagkat ang buntot nila ang malikot hindi ang dila.

428- Alam kong nakamit ko na ang kawagasan ng disenyo, hindi sa wala na akong maidadagdag pa, at ito'y kapag wala na akong babawasin, aalisin, o tatakpan pa dito.

429- Sa buhay na ito ay walang mga gantimpala o kaparusahan man, bagkus mga kinalabasan lamang ng ating mga naging kapasiyahan.

430- Huwag laging binabanggit ang "Hindi ko inaasahan ito!" Ang buhay ay laging ibinibigay sa iyo katulad ng anumang inaasahan mo sa kanya . . . Palagi ito.

431- Anuman ang nakuha mo sa iyong pinaroonan ay hindi higit na mahalaga; kaysa kung anong magaganap sa iyong pagkatao, kapag narating mo ito.

432- Sa pagragasa ng tubig at paghaplit sa bato; ang tubig ang siyang laging nananalo --- hindi ang matibay at malakas, bagkus ang walang humpay na pagdaloy.


Alay ko sa iyo ---
433- Gawin ang iyong bahay na maging tahanan. At punuin ito ng pag-ibig na walang pagmamaliw.

434- Inaasam-asam kong makatapos ng isang dakila at marangal na tungkulin, subalit pangunahin kong katungkulan ang unahing matapos ang maliliit na mga bagay na itinuturing kong dakila at marangal.

435-Tuklasin ang kapangyarihan ng imahinasyon, at iwasan ang maging bihasa sa maraming bagay. 

--sapagkat ikaw ang buhay ko. 

436- Ang kasiglahan ang nagpapahiwatig ng pagkakaiba sa pagitan ng katamtaman at kaganapan.
                                           
437- Pakantandaan, walang alinmang bagay maging ito ma’y katiting na kagandahan ng loob. Bawat pagkilos ay lumilikha; tulad ng paglabusaw ng tubig, lahat ng maalunan nito ay nababago.

438- Ang unang hakbang na ito ---sa pagpili ng lunggati at hangaring magtagumpay ---ay siyang nagpapabago sa lahat ng bagay.

439- Kung may katotohanan na ang paglangoy ay maganda sa katawan, papaano ang nangyari sa balyena?

440- Ang lihim kung papaano magsisimula ay ang basagin ang kabubuan, malalaking tungkulin sa maliliit at makakayang gawin, at simulan kaagad ang pinakauna.

441- Tamasahin ang iyong mga tagumpay, lalo na ang iyong mga balakin.

442- Sana ay maging tunay ako, gaya ng iniisip ng aking alagang aso sa akin.

443- Humayo na mahinahon sa gitna ng kaingayan at pagmamadali, at pakatandaan; ang maging mayapa ay nasa katahimikan.

444- Nais mong maging maligaya? Magsagawa ng lunggati na mangingibabaw sa iyong kaisipan, magpapasigla sa iyong lakas, at magbibigay ng inspirasyon sa iyong pag-asa.

445- Lahat ng tao ay nagiging masaya kapag isinaisip nila itong mangyayari.

446- Upang mapagtagumpayan ang mga dakilang gawain, hindi lamang tayo dapat kumilos, manapa'y ang mangarap, at hindi lamang ang magbalak, bagkus ang maniwala.

447- Magagawa mong mapunit ang tambol, at paluwagin ang kuwerdas ng gitara, subalit hindi mo mapipigilan ang pag-awit ng malayang ibon.

448- Talaga namang pangit ako. Noong ako'y ipanganak; sa halip na ako ang paluin, ang nanay ko ang pinalo ng doktor.

449- Kapag nagawa mo nang pagkatiwalaan ang iyong sarili, matututuhan mo na kung papaano mabuhay.


 Gagawin ko ito ---
 450- Mahalin at kahiligan ang iyong gawain; ito ma’y karaniwan, ay tanging sa iyo sa pabago-bagong kasaganaan at kasalatan ng panahon.

451- Ang tao na gumagawa na gamit ang kamay, ay manggagawa; ang gumagawa na gamit ang kamay at kalakip ang isip, ay manlilikha ng maraming bagay; at yaong gamit ang kamay, kalakip ang isip, at may kasiglahang ng puso, ay alagad ng sining.

452- Kapag nakarinig ka ng tinig mula sa iyong sarili na nagsasabing "hindi ka makapagpipinta," anumang mangyari ay magpinta ka, at ang tinig na ito ay patatahimikin.

--dahil nais kong magtagumpay at lumigaya.


453- Ang inaalaala ko lamang sa kuting, kapag ito'y lumaki na at maging pusa.

454- Talos natin na ang sining ay hindi katotohanan. Ito ay isang kasinungalingan na nagagawang matanggap natin ang katotohanan.

454- Isaalang-alang na huwag magkunwari sa pagtatangi. Lalo na ang maging mapaghinala tungkol sa pag-ibig. Sapagkat sa kabila ng tigang nito at di-pagkagiliw, ito ay nagpapatuloy tulad ng damo.

455- Ang pagsasama ni Adan at Eba ay huwaran. Hindi nagselos si Eba sa ibang babae at nakisama sa biyenan. Samantalang si Adan ay hindi naranasan ang ipantay sa ibang lalake, at laging magtungo sa mga tindahan upang mamili ng iba't-ibang regalo sa ibat-ibang pagdiriwang.

456- Ang tumatahol na aso ay hindi nangangagat.

457- Maging maingat sa pag-aasikaso ng iyong pangangalakal, sa dahilang ang daigdig
         ay nababalot ng pandaraya. Subalit huwag pahintulutan na ang iyong paninindigan
         ay bulagin nito.

458- Sakali man na kakaway ka, lahat ng daliri mo'y isama.

459- Ihinto ang pagharap sa buhay na laging batbat ng pagkaawa at paninisi sa sarili, maging ang pagtanggap sa lahat ng kamalian. Hindi tayo likas na masama tulad ng ating iniisip.

460- Kailanman ang hiwalayan, pag-aaway, at pagtatalo ay hindi malulutas ang iyong mga suliranin;
          Mabuti pang subukan ang umunawa, nakabukas ang puso, at maalab ang hangarin na 
          magkasundo.

461- May mga panahong nais mong matapos na ang isang relasyon, datapwat huwag tapusin kailanman ang makipagrelasyon.

462- Iwaksi ang kapalaluan; kalimita’y kamalian ito, bagkus lumikha ng hangganan at pigilan ang maging malapit.

463- Kung sa akala mo'y walang magagawa ang maliliit, subukan mong matulog sa isang silid na maraming lamok.

464- Panatilihin ang bata na nasa iyo ay laging buhay, tumatawa, masigla at naglalaro.


 Hindi ako tumitingin ---
465- Pahalagahan ang sarili. Ang mga taong nagpapahalaga lamang sa pamahiran ng paa sa may pintuan ay yaong may maruruming sapatos.

466- Lumikha ng hardin, tamnan at payabungin. Palalawigin nito ang mga taon sa iyong buhay.

467- Sa paningin ng pusa, lahat nang makita nito ay kanya.

 468- Gaano man ang katapangan ng usa, natatakot ito sa gutom na leon.

--tumititig ako . . .

469- Libu-libong matatalino ang nabubuhay at namamatay nang hindi natutuklasan --- dahil sa kapabayaan nila o pag-iwas sa kanila.

470- Ang lahat ng likhang sining ay pamana; sa talaba, ang perlas ang kanyang pamana.

471- Ang magaling na tao ay banayad sa kanyang pananalita, subalit maliksi sa kanyang mga pagkilos.

472- Biskasin ang katotohanan ng tahimik at malinaw; at makinig sa iba, maging sa mapurol
          at mangmang; sila man ay may sariling salaysay.

473- Gumawa ng kabutihan nang walang hinihintay na gantimpala; ligtas sa inaalaala, at isang araw may isang makakagawa din nito para sa iyo.

474- Masuyong tanggapin ang pangaral ng mga taon, at mapitagang ipagkaloob ang mga bagay ng kabataan.

475- Hanggat maaari, walang pag-aalinlangan o pagsuko man, makipagmabutihan sa lahat ng tao.

476- Ang panahon lamang na nawawalan ako ng pag-asa ay kapag naiisip ko ang lahat ng bagay na nais kong magawa at sa kakarampot na nakalaang panahon upang magawa ko ang mga ito.

477- Siya na huling tumawa, ay maaaring hindi naunawaan ang patawa.

478- Kinalulugdan kong higit ang taong may isang ideya na nagawa niya,  kaysa sa taong may maraming ideya na walang isa man na nagawa. 

479- Ang tunay na alagad ng sining ay yaong ginagawang libangan o pagdiriwang ang kanilang gawain. 


Humarap sa salamin ---
481- Kailanma’y huwag humingi ng paumanhin kung nagpapahayag ka ng iyong damdamin. Dahil kapag ginawa mo ito, ipinagpapaumanhin mo ang katotohanan.

482- Ang mga tao ay makakagawa ng pamayanan, subalit ang mga institusyon lamang ang makakagawa ng isang bansa.

483- Ang pangunahing tatlong bagay upang magtagumpay ay mabuting pang-unawa, ibayong paggawa, at matinding pagtitiyaga.


484- Hangga’t talos ng tao ang kanyang nagawa, nag-iibayo ang kanyang kabatiran  kung anong dapat na gawin para dito.

  --at alamin kung may nagbago sa iyo.


485- Ang pinakadakilang kabutihan na magagawa mo sa isang tao ay hindi ang ibahagi mo ang iyong kayamanan, bagkus ang ipabatid mo sa kanya ang kanyang pagkatao.

486- Maraming tao ang nagpapakasakit sa matayog na mga pangarap; at alinman, saanman, at kailanman, --- ang buhay ay kinapapalooban ng mga kabayanihan.

487- Lagi kong napapansin na ang mga bagay na hindi ko binanggit, kailanma’y hindi nakapinsala sa akin.

488- Buksan ang mga durungawan, at langhapin ang sariwang hangin. Pinahuhupa nito ang simbuyo ng damdamin.

489- Maglaro tulad ng bata at masayang tumawa. Ito ang susi ng kabataan.

490- Ang nauna ang siyang nakakuha ng talaba, at ang nahuli ang nakakuha ng talukap nito.

491- Huwag tumingin sa mga papuri maliban sa pagnanais na gampanan ang lahat mong makakaya.

492- Banayad na inumin ang tsaa, may angking ligaya ito kapag nalalasahan.

493- Makipagtalastasan nang may paggalang at malumanay na mga salita.


Hindi na muling magbabalik pa ---

494- Iwasan ang maiingay at mararahas na mga tao; sila’y pangsilab at pampagulo sa iyong pagkatao.

495- Ang saging ay panglunas sa tagiyahawat. Kasi, wala pa akong nakitang matsing na may tagiyahawat.

496- Mabuhay na parang mamamatay ka bukas. Mag-aral na parang mabubuhay ka sa habang panahon.

497- Walang tao ng binigyan ng pagpupugay sa kanyang natanggap. Ang pagdakila ay nakakamit bilang gantimpala sa kanyang naibigay.

--pagyamanin natin ito. . .



 498- Ang mga taong matatagumpay at mga nabibigo ay walang gaanong pinagkaiba sa kanilang mga kakayahan. Nagkaiba lamang sila sa kanilang matayog na hangarin na tuklasin ang kanilang kagalingan.

499- Magkaroon ng pusong kailanma’y hindi tumitigas, at paghaplos na kailanma’y hindi nakakasakit, at kalakip ang pagmamahal na kailanma’y hindi napapagod.

500-  Ang hapdi ng paghihiwalay ay walang anuman sa kaligayahang makakamtan kapag nagkitang muli.


 Marami pang kasunod, laging subaybayan.

Ang inyong kabayang Tilaok,
 Lungsod ng Balanga, Bataan