Tuesday, March 22, 2016

Magbago na Tayo



Ang pagbabago ay batas ng buhay. At doon na laging nakatingin sa nakaraan at hinaharap ay makakatiyak na makakaligtaan ang nagaganap ngayon.



Sa ngayon, napakaraming bagay sa ating kapaligiran ang nag-aagawan para makuha ang ating atensiyon. Halos hindi na natin malaman kung ano ang ating dapat na unahin. Nariyan ang selpon na kung saan sa isang saglit lamang at pindot ay puwede mo nang makausap at makateks ang sinuman saan mang panig ng mundo. Nariyan ang sosyal media tulad ng Facebook, Twitter, Google, at iba pa sa internet para sagutin anuman ang hinahanap at itinatanong mo. Dangan nga lamang nakakaligtaan natin kung para saan ang lahat ng mga ito. Sa kabila ng mga makabagong teknolohiyang ito, sa halip na mapabilis at gumaan ang ating mga gawain may mga bagabag pa tayo na palaging nagpapasakit sa ating mga ulo. Nakakalimutan nating sumabay at maging bahagi ng mabilisang mga pagbabagong ito sa ating paligid.

3 Susi na Nagtutulak para Magbago
Mga TAO
Narito ang hayagang dahilan kung bakit kinakailangan nating makipagsabayan at sumama sa agos. Parami nang parami ang mga tao ngunit pangunti nang pangunti ang mga oportunidad at mga panustos sa mga pangangailangan sa ating kapaligiran. Patuloy ang pagyaman ng iilan at walang hinto sa pagdami ang naghihirap. Kung hindi ka gagawa ng mga kaparaanan upang maiba ka sa karamihan, magiging katulad ka rin nilang hindi makaahon sa kinasadlakan.
Kung hindi ka kikilos para paunlarin ang iyong sarili, paghusayin ang iyong mga kakayahan at dagdagan pa ang iyong mga kaalaman, maiiwanan ka sa karera ng buhay. Katulad ng itak na hindi mo hinahasa, kakalawangin ito upang pumurol.

Teknolohiya
   Talos natin na ang teknolohiya ay produkto ng nag-uunahang karera ng mga tao para umunlad, maaasahan natin na ang mabilisang pagbabago ay sinusunod ang mabilis ding pagdami ng mga tao. Hanggat patuloy ang paghahanap ng mga bagay para matugunan ang mga pangangailangan ng lahat, patuloy din ang mga pagsasaliksik, mga paggawa, at mga inbensiyon. Yaon lamang mga tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan ang palaging napag-iiwanan.
Inpormasyon
   Ito ang pangatlong pangunahing nagtutulak para sa pagbabago. Batid natin na higit na marami at malawak na inpormasyon ang naipamahagi sa loob ng 45 taon sa pagitan ng 1970 at 2015 kaysa noon pang nakalipas na 3,000 taon hanggang 1970. Sa katunayan ang bilang ng inpormasyon na magagamit natin sa ngayon ay nagiging doble sa bawat 5 taon lamang. At karagdagan pa, lahat ng mga kaalamang ito at inpormasyon ay nakalaan sa lahat ng tao at makukuha anumang naisin nila sa lahat ng oras.
   Ibayong kaalaman na patuloy na dinadagdagan, at walang hintong nakukuha ng mga tao sa lahat ng panig ng mundo nang higit na mabilis kaysa dati. Ang punto dito? Ang higit na inpormadong mga mamamayan ay may malaking oportunidad at mga pagkakataon para magbago para sa kaunlaran. Kung wala kang nalalaman wala kang masisimulan para makagawa tungo sa kaunlaran.


   Marami ang hindi nakakapansin na ang pagbabago ay patuloy at hindi ka nito hihintayin. Pagmasdan lamang ang iyong sarili, hindi na ito katulad pa noong dati. Malaki na ang ipinagbago nito. Maging ang dating paniniwala mo ay nagbabago na rin at sumasabay sa makabagong panahon. Subalit ito ang reyalidad: kailanman, saanman, at anupaman hindi na mababago pa ang iyong mga prinsipiyo at mga patakaran sa buhay.

Kung nais mong magbago ang mga nasa paligid mo, simulan mo sa iyong sarili mismo.



Sunday, February 28, 2016

Mga Sangkap ng Pagmamahal



Magagawa mo na ipikit ang iyong mga mata sa mga bagay na ayaw mong makita, subalit hindi mo magagawang bawalan ang iyong damdamin sa mga bagay na nagpapatibok sa iyong puso.

1. Makirot ang magmahal sa sinuman nang walang katumbas o katugon ito na pagmamahal. At higit namang mahapdi pa ang magmahal sa sinuman na walang kakayahang maiparating ang nadarama sa napupusuan. Nagkakasya na lamang sa patingin-tingin, mga nakaw na pagsulyap, mga panghihinayang, mga himutok at paninikis sa sarili.

2. Ang malungkot na bagay sa buhay ay kapag nakatagpo ka ng isang tao na napakahalaga sa iyo at pinag-ukulan mo siya ng ibayong pagmamahal, para lamang malaman sa bandang huli na hindi pala kayo nakaukol sa isa’t-isa at kailangang magpaubaya ka na para sa kanyang kaligayahan.

3. Ang matalik na kaibigan ay yaong uri na magagawa mong umupo sa kanyang tabi nang wala anumang alinlangan, magiliw, tahimik at walang kataga na namamagitan sa inyong dalawa, at masigla kang tatayo at aalis na tila isang masayang pag-uusap ang namayani sa inyo.

4. May katotohanan na hanggat hindi nawawala ang bagay na ito sa atin, hindi natin malalaman ang kahalagahan ng bagay na ito para sa atin, subalit totoo din na hindi natin malalaman kung ano ang nawawala sa atin hanggat hindi pa ito dumarating.

5. Anumang bagay na hindi mo minahal o iningatan man lamang, ikaw ay iiwanan. Hindi mo malalaman ang kahalagahan nito hanggat nakikita mo o na tabi mo lamang. Subalit kapag ito ay nawala na sa iyo, doon mo mapapatunayan kung gaano kasakit ang pagkawala nito.

6. Sandali lamang ang magkaroon ng crush o interes sa isang tao, isang oras para magustuhan siya, at isang araw para mahalin ito, subalit kailangan mo ng mahabang panahon at kung minsan ay buong buhay pa ang malimutan siya.

7. Huwag tumingin sa panlabas na kagandahan, ito ay mandaraya. Huwag umasa sa kayamanan, ito man ay nauubos din. Sumama doon sa nagpapangiti at nagpapasaya sa iyo, sapagkat ang ngiti at mga tawanan ay tanda ng maligayang pagsasama. Umiwas sa mga bagabag at mga kalituhan dahil narito ang mga kapighatian.

8. Mangarap anuman ang iyong nais na pangarap, pumunta sa pook na nais mong marating, at puspusang gawin kung sinuman ang nais mong maging ikaw. Sapagkat mayroon ka lamang isang buhay at isang pagkakataon lamang sa buhay na ito para magawa ang lahat ng nais mong mangyari sa buong buhay mo. Simulan na, at ang lahat ay madali na lamang.

9. Palaging ilagay mo ang iyong sarili na suot ang sapatos ng iba. Kung sakalimang ito ay masikip at nagpapasakit sa iyo, gayundin ang nadarama ng may suot nito.

10. Kung wala kang pagmamahal para sa iyong sarili, wala ka ring maibibigay na pagmamahal sa iba. Hindi mo maaaring ibigay ang bagay na wala sa iyo.

11. Ang walang ingat at padalus-dalos na kataga ay pinagmumulan ng sigalot at mga alitan. Ang malupit na salita ay nagwawasak ng buhay. Ang napapanahong pang-unawa at mga pagsuyo ay nakababawas ng pighati. Subalit ang magiliw at mapagmahal na salita ay nakalulunas sa anumang hilahil at mga kalituhan. Kapag ito ang namayani sa isang pagsasama, ang pagpapala ay patuloy na makakamtan.

12. Ang pagmamahal ay nagsisimula sa isang ngiti, nadaragdagan ng isang halik, sinusuyo ng isang haplos, at nagtatapos sa pagluha. Noong ipinanganak ka, ikaw ay umiiyak at lahat ng nakapaligid sa iyo ay nakangiti. Ipamuhay ang iyong buhay na kapag ikaw ay yumao na o lumisan na dito sa daigdig, ikaw ay nakangiti at ang lahat ng nakapaligid sa iyo ang siya namang umiiyak.

jesguevara
wagasmalaya.blogspot.com


Mailap na Kaligayahan

Sinuman ay nangangailangan ng bahay upang may matirhan, subalit ang matulunging pamilya ang siyang nagpapatibay ng tahanan.

Sa gulang kong ito, at sa buong buhay ko, ang lahat ng aking kalakasan ay nakatuon kung papaano ko mapagbubuti ang aking mga kaalaman at mga kakayahan. Bawat sandali ay mahalaga at nakapokus palagi sa pag-unlad ng aking sarili at mga pagkakataon sa aking paligid. Sa dahilang iniisip ko, para ako pahalagahan ng iba kailangang paghusayin at paunlarin ko ang aking sarili.
   Subalit sa maraming panahon na pagpupumilit na makilala ako, upang lingunin at bigyan ako ng atensiyon at pagpapahalaga, sa mga nagdaang paninikis at pagtitipid na makaipon pa, kung minsan ay pagpapabaya sa aking sarili na makagawa pa sa ikasisiya ng iba, naroon pa rin ang mga kakulangan, mga pagpuna, at mga kapintasan. Sadyang hindi mo mapapasaya nang tuluyan ang puso ng iba. Sapagkat mayroon din silang hinahanap na hindi matagpuan; ang mailap na kaligayahan.
   Napatunayan ko ang tudyò o panunuyâ: Hindi ko kailangan ang iba o magpunta pa sa malayo para lamang makuha ang nais ko. Ang mahusay at mabisang paraan lamang ay matutuhan kong tanggapin kung sino ako ay tindigan nang puspusan ang aking kinatatayuan. Ito lamang ang sekreto, para pumayapa nang lubusan ang aking mga bagabag at mga kalituhan.
Bakit po?
Sapagkat ngayon, sa mga sandaling ito... habang ako ay nakapukos sa sosyal media at pindot dito at pindot pa sa aking selpon o computer, ... kailangan ako ng aking pamilya, ng mga kaibigan na naghihintay, ng mga kasamahan na kailangang tulungan, at mga kaanak na may pangangailangan. Maraming bagay na mapaglalagyan ng aking makabuluhang sandali, kaysa nakapukos lamang ako sa aking sarili at sa panandaliang aliwan na walang kapupuntahan kung wala rin lamang na maitutulong ito para sa kapakanan ng aking mga mahal sa buhay.
Bakit nga ba hindi?
Marami akong pagmamahal at kailanma'y hindi ito mauubos, kung lagi lamang na naghahanap ako ng mababaw na kaligayahang ibibigay sa akin ng iba. Ang kailangan lamang ay harapin ko nang nakabukas ang aking isipan, na walang katapusan ang mga bagabag kapag naghahanap ako ng pagmamahal na hindi ko naman ibinibigay.
jesseguevara
wagasmalaya.blogspot.com

Saturday, February 13, 2016

Ang Wagas Kong Pag-ibig



Ang aking pag-ibig ay kusang bumubukal nang walang pagmamaliw. Tinatanggap ko ang iyong pagmamahal anumang bagay ito at patuloy kong iginagawad ang sa ganang akin. Hindi ito katulad ng pagmamahal ng isang lalake para sa isang babae, lalo namang hindi ng isang asawang lalake sa kanyang asawang babae, hindi rin ito kaparis ng pagmamahal ng isang ama sa kanyang anak, o kawangki ng pagmamahal ng Diyos sa kanyang mga nilikha.
   Wala itong kahalintulad na uri ng damdaming iniuukol sa aking itinatangi. Sa katunayan, wala itong pangalan o taguri man, at walang paliwanag na sasapat upang ito ay tahasang mailarawan. Mistula itong ilog mula sa walang hintong batis na hindi makayang maipaliwanang kung bakit may sinusunod itong tahasang pag-agos; kundi ang magpatuloy sa iisang direksiyon, ang maipahayag ang tanging layunin nito: ang magmahal nang walang pagmamaliw. Isang pag-ibig na walang hinihingi, hinihintay o inaasahan man lamang. At walang ibinibigay bilang kapalit; ito ay simpleng nasa aking kaibuturan at kusang bumubukal.
   Tayo ay malaya. Kailanman, hindi ako magiging iyo at ikaw, kailanma’y hindi magiging akin. Magkagayunman, iisa at walang sawa, ...at buong katapatan kong paulit-ulit na bibigkasin ito sa iyo: Iniibig kita.

Hindi Basta Nagkataon Lamang



Marami ang hindi nakakabatid kung bakit kinakailangang maganap ang isang sitwasyon, at kung bakit ang mga pagkakataon ay pinahihintulutan ang mga kundisyon na umiiral sa ating buhay. Kung minsan may mga tao na dumarating sa ating buhay, at madalas alam na natin kaagad na ito ay nakatakda para sa atin; upang maglingkod sa natatanging layunin, ang magturo ng leksiyon, o ang matulungan ka na makilala kung sino kang talaga, o magampanan ang nais mong maging ikaw.
   Bawat tao ay may kanya-kanyang katangian; mapabuti o mapasama man ito, nakakatulong o nakakasakit, nakakasiya o nakakalungkot, lahat ng mga ito ay nag-iiwan ng aral para sa atin. At kung walang leksiyon tayong matututuhan mula sa mga ito, mulit-muli tayong ibabalik sa mga sitwasyong ito para matuto. Mistula itong mga pagsubok para tayo ay patatagin at maging matibay sa mga susunod pang mga pakikibaka sa ating buhay.
   Hindi natin kilala ang mga tao na ipinapadala sa ating buhay (maaaring nakasabay sa sasakyan, kaeskwela, nakilala sa isang piging, isang kapitbahay, isang guro, isang katipan, o maging isang kumpletong estranghero) subalit nang magtama ang inyong mga paningin, batid mo na sa sandaling ito na may malalim na koneksiyong darating sa pagitan ninyo. Karaniwang nangyayari sa atin, na magaan at magiliw na kaagad ang iyong nadarama na tila matagal na kayong magkakilala, na may magandang kapalaran na makakamtan sa inyong pagsasama. Sa kabilang dako naman, may mga tao na makaharap mo lamang ay nakadarama ka na kaagad ng inis o iritasyon at madali mong tinatalikuran, na may mga pangitaing darating na magpapahamak sa iyo. Subalit matapos ang isang repleksiyon, napaglimi mo kung hindi mo malalagpasan ang mga ito, ...hindi mo mapapatunayan ang iyong totoong potensiyal, nakatagong kalakasan, tibay ng isipan at itinitibok ng iyong puso.
   Lahat ay nagaganap nang may kadahilanan. Walang nangyayari dahil nagkataon lamang, sinuwerte o minamalas. Maging sa lotto ng sapalaran, kung hindi ka tataya o bibili ng tiket, hindi ka mananalo. Tanungin lamang ang sarili, ikaw ba ay isang puslit? Isang bagay na bigla na lamang lumitaw sa mundo; na ang layunin kaya ka narito, ang kumain para mabuhay, o ang mabuhay para kumain?
   Hindi natin nililikha ang ating kapalaran; tayo ay sumasali sa kaganapan nito, naisin man natin o hindi sapagkat bahagi tayo ng patuloy na kalikasan nito.


Friday, January 29, 2016

Paglalakbay sa Buhay

Gawing ritwal ang magpasalamat pagkagising tuwing umaga. Sapagkat mayroon ka na namang 24 na oras na pagpapala upang gampanan ang kaluwalhatian ng Dakilang Maykapal.

Huwag maliitin ang iyong halaga sa pagkukumpara ng iyong sarili tungkol sa iba.
Sapagkat lahat tayo ay magkakaiba, at bawat isa sa atin ay uniko, wagas, natatangi, at sadyang espesyal at pambihira.

Huwag isagawa ang iyong mga lunggati nang naaayon sa sulsol at kagustuhan ng iba.
Ikaw lamang mismo ang higit na nakakaalam kung ano ang makakabuti para sa iyo.
Huwag ipagwalang bahala ang mga bagay na itinitibok ng iyong puso.

Hawakan at yakapin itong mahigpit tulad ng pag-iingat sa iyong buhay, dahil kung wala ang mga ito sa iyong buhay, mistula kang tuyot na patpat na inaanod ng rumaragasang tubig para isalpok sa mga batuhan.

Iwasang aksayahin ang iyong buhay na inaaliw mo ito ng mga nakaraan at ng mga hinaharap. Ang tunay na mahalagang sandali ay ngayon na, ang araw na ito. Ito ang siyang tanging magtatakda ng iyong kapalaran. Kung magagawang mabuhay nang minsan lamang sa isang araw, nagawa mo nang mabuhay sa lahat ng araw sa iyong buhay.

Huwag magmaramot kung mayroon ka namang maibibigay. Huwag sumuko, kung may natitira ka pang lakas, Dahil abot-kamay mo na ang tagumpay. Natatapos lamang ang mga bagay kapag nasiraan ka ng loob at kusa nang huminto. Ang marupok na sinulid ang nagtatali sa isat-isa sa atin.

Huwag matakot na humarap sa mga paghamon at mga pagsubok, dito makilala nang higit kung sino kang talaga. Sa pagsalunga sa mga balakid dito natin mababatid kung hanggang saan ang ating mga kakayahan, Huwag ipagpaliban ang pag-ibig sa iyong buhay sa dahilan na imposibleng matagpuan ito.

Huwag balewalain ang iyong mga pangarap; kahit lakad pagong, kung ito nama'y puspusan makakatiyak ka na posibleng matupad ito. Kung wala kang pangarap, makakatiyak ka na wala kang pag-asa. Mistula kang zombie, buhay na patay. Kung walang pag-asa, wala kang layunin na mabuhay pa. Tulad ka ng robot na de-susi, na kinokontrol ng iba.

Ang madaling paraan para huwag umiral ang pagmamahalan ay kataksilan, kawalan ng pagtitiwala at respeto. Ang susi o sekreto naman para sa nagmamahalan; ay dalawang kataga lamang ang kailangan para magtagal ang pagsasama, "Yes, dear?"

Huwag magmadali sa buhay para makalimot kung saan ka nanggaling, at kung saan ka papunta. Huminto paminsan-minsan at alamin ang iyong progreso at kung nasa tama kang landas. Sapagkat ang buhay ay hindi isang karera, bagkus ito ay isang paglalakbay na tinatamasa ang bawat hakbang at sinasamyo ang mga bulaklak sa tabi ng daan. Ang tunay na kaligayahan ay nasa paglalakbay at hindi sa destinasyon.

Sumandaling Kabatiran

Maraming tao ang darating at lilisan sa iyong buhay,
subalit yaong mga tunay na kaibigan lamang ang mag-iiwan ng tanda sa iyong puso.

Upang ganap na mahawakan mo ang iyong sarili, gamitin ang iyong isipan; upang mahawakan naman ang iba, gamitin ang iyong puso.

Ang galit kapag ipinilit, makakatiyak ka sa resulta nitong pait.

Kapag mayroong nagtaksil sa iyo nang minsan, ito ay ay kasalanan niya.
At kung ito ay inulit niyang muli sa iyo, ito ay kasalanan mo na.

Ang mga dakilang isip, ang tinatalakay nila ay mga ideya;
Ang mga karaniwang isip; ang tinatalakay nila ay mga kaganapan o mga kasayahan.
Subalit yaong mga makikitid ang isip, ang pinag-uusapan nila ay mga tao.

Ang Bathala ay nagbibigay ng pagkain sa mga ibon,
ngunit hindi Niya inilalagay ito sa kanilang mga pugad.

Siya na nawalan ng pera, ay talagang nawalan.
Siya na nawalan ng isang kaibigan, ay lalong nawalan.
At siya, na nawalan ng pananalig, ay nawala na ang lahat sa kanya.

Kung ang mga magaganda at batang tao ay gawa ng kalikasan,
ang mga magaganda at matandang tao ay likha naman ng sining.

Matuto sa mga kamalian ng iba.
Hindi mo magagawang mabuhay nang matagal para mtutuhan itong lahat mula sa itong karanasan.

Ang dila kung tutuusin ay wala namang kabigatan kapag tinimbang,
subalit ang kamandag nito ay simbigat ng daigdig kapag marahas na pinawalan.
...iilang tao lamang ang may kakayahang hawakan ito at kontrolin upang hindi makapinsala.

Magsabi Lamang

Habang patuloy ang iyong paghiling, patuloy din ang iyong makukuha. May nagwika, "Humiling ka at ito'y ibibigay sa iyo." Kung hindi ka magsasabi, wala kang mapapala. Kung hindi ka magsasalita at ipapaalam ang nais mo, ang kasagutan dito ay tiyak na, "Hindi!" Subalit nangangailangan ito ng puspusang pagsasanay para maging mahusay sa pagbigkas nito. Ang tagumpay ay isang laro ng paramihan. Tulad ng payo ng aking ama, "Ang bawat busog na itinudla mo at tumama sa gitna ng target ay resulta ng sandaang paltos at pagsasanay."
   Sa taong ito, gawing resolusyon ang 5 Paraan na Mapabuti ang Pakikipag-relasyon
1. Patuloy na maging mapagmalasakit. Walang sinuman na humiling na maging maramot kung alam niyang siya ay lilisan na sa daigdig na ito. Ang mabisa at pinakamahalagang bagay na magagawa ko ay mabuhay na dakilang kumikilos, nagsasalita, at namumuhay mula sa aking puso. Ito lamang ang magpapabago sa daigdig na aking ginagalawan.
2. Maging mapagkumbaba. Mabuhay ng tulad ng sinasabi ng mga pantas na Isipang Simulanin. Tandaan na ang sinuman na dumarating sa aking buhay ay may sariling istorya na ikukuwento at isang leksiyon na nakapagtuturo kung bukas ang aking isipan at kawatasan para dito. Lagi ko ring tatandaan na ang bawat isa ay dumarating sa aking buhay sa takdang sandali para sa aking kagalingan sa panahong kinakailangan kong may matutuhang leksiyon sa buhay.
3. Maging mahusay na maging hindi komfortable. Ang kagandahan ng buhay ay pamumuhay na nakadapo sa maliit at maikling sanga. Iwasang mabugnot at mabagot sa kaunting biyaya, sa kalagayang nakakasuya, at trabahong nakakasawa. Hindi ka makakarating sa iyong paroroonan nang hindi ka magsisimula sa maliliit na hakbang. Hindi mo mararating ang itaas ng hagdanan, kung hindi mo aakyatin ang bawat baitang. Anumang leksiyon ay kailangang mong ipasa, dahil patuloy mong uulitin ito kung hindi mo ito natutuhan.
4. Maging makatao at ilaw na nagbibigay ng liwanag. Ang kahusayan ng aking mga relasyon, lalung-lalo na sa aking sarili, sa aking mga mahal sa buhay ay patunay ng aking maligayang pakikipag-relasyon. Ang kaligayahan ko ay tunay na nagaganap sa antas ng ipinadarama kong koneksiyon sa mga tao sa aking buhay. Hanggat patuloy ang aking pagtitiwala at katapatan patuloy ding namamagitan ang pagmamalasakit at pagmamahalan. Kailangang patuloy na magning-ning ang aking ilaw upang manatiling tanglaw ng pagkakaibigan.
5. Sisirin ang budhi. Laging maglimi, saliksikin ang puso, alamin nang higit ang nadarama. Sundin ang nagbibigay sigla at itinitibok ng puso. Kailanman ay hindi ka maliligaw sa landas na iyong nilalakbay. Hanggat hindi ko nagagawang kontrolin ang aking sarili, wala akong kakayahan maging halimbawa para sa iba. Huwag umasa na ang aking buhay ay magbabago kung magbabago lamang ang mga tao sa aking kapaligiran. Magpatuloy na magpahalaga at magbigay ng kaukulang atensiyon sa iba nang higit sa kanilang inaasahan. Bawat bagay ay posibleng mangyari kung puso ang umiiral at siyang sinusunod.

Bagong Taon, Bagong Pag-asa

Mayroon na naman tayong bagong pakikibaka at pakikipag-sapalaran. Sa pagkakataong ito, higit na mainam na makagawa ng naiibang pagkilos upang lalong mag-ibayo ang ating pagtuon sa mga bagay na higit na makakatulong sa ating pag-unlad. Lalung-lalo na ang mga bagong pagtunghay at pamamaraan sa buhay.
Bakit? Sapagkat napatunayan ko na sa pagdaan ng mga taon, lalong bumibigat ang mga pakikibaka sa buhay. Kung hindi ka maalam, maiiwanan ka sa pansitan. Kailangang nakakasabay ka sa maraming mga pagbabago sa iyong kapaligiran. Lubhang masalimoot ang mga sitwasyon at paliit ng paliit ang kinatatayuan mong ispasyo, patuloy ang pagdami ng mga tao subalit pakaunti ng pakaunti ang mga pagkakataon para mapabilis ang iyong pag-unlad. Parami nang parami ang mga naghihirap at laing iilan lamang ang yumaman.
   Sa aking paglilimi, natutuhan ko ...Hindi ko na magagawa pa ang maging manedyer ng sansinukob. Ang maging magiliw at pagbigyan ang bawat isa ay hindi lunggati at nauuwi lamang sa kabiguan. Wala akong kontrol sa mga bagay at hindi ko magagawang patakbuhin ang sitwasyon ayon sa aking kagustuhan. Ang magkaroon ng otoridad ay masyadong magastos, Kapag mataas ang posisyon malawak ang responsibilidad. Mahirap mabatid and bawat sitwasyon kung ano talaga ang nagaganap tungkol dito. Anuman ang aking ginagawa, palagi akong nagpapadala ng mensahe kung sino ako. Kapag pumili ako ng nais ko, binabago ko ang aking hinaharap. Kung may nais akong makuha, kailangan ko munang ibigay ito. Hindi ako ang boss, narito ako sa daigdig para gampanan ang aking pagkakalalang.
   At, AKO ay tao lamang, hindi perpekto at kaakibat na ang mga pagkakamali. Ngayon ay Bagong Taon, at mayroon na namang Bagong Pag-asa. Nakakatiyak ako, na ang kasaganaan ay patuloy kong makakamit kapag buong katapatan kong hiniling ang mga bagay na aking ninanasa, at buong pagpupunyagi ko itong isinasagawa. Anumang nililikha ko para sa aking ikakaunlad ay AKO mismo ang tahasang makakagawa nito para sa aking sarili.