Wednesday, May 31, 2017

Sino Ka nga ba?


  Alam mo ba kung sino ka at bakit ka narito sa daigdig? Alam mo ba ang iyong misyon o dakilang hangarin sa buhay? Gising ba ang iyong diwa sa patnubay mula sa kaibuturan ng iyong pagkatao, at lalong higit mula sa iyong kaluluwa? Kapag wala kang kabatiran sa mga ito, malaking pagkakamali at kawalan ng pagpapahalaga sa iyong sarili ang namamayani sa ngayon.
   Dahil ba sa ang lahat ay nairaraos at kusa na lamang nagaganap? 
   O, wala kang inaala-ala kung basta nakasakay at nagpapatianod na lamang sa mga kaganapan sa iyong harapan?
   Kung ganito ang pagkakataon sa iyo, bakit malungkot ka pa at nagnanais na maging maligaya?
   Hindi pa ba sapat at nakakagalak ang mga nangyayari sa iyo ngayon?

   Sino ka nga bang talaga, nababatid mo ba ito?
   Ano ang nakapagbibigay sa iyo ng dahilan na maunawaan ang kahulugan ng iyong buhay?
   Ang pinakamahalaga ay ang mabatid mo ang pinanggagalingan ng iyong lakas at motibasyon. Ang pasiyon o simbuyo na kumakatawan sa iyo upang kumilos na may tinutungo. Ang magkaroon ng kahulugan, kahalagahan, at kawagasan sa bawa’t araw ng iyong buhay. Kailangan lamang na maging matapat na tuklasin ito sa iyong sarili, harapin ang mga pagkatakot, ang mga bagabag, iwaglit ang nakasanayan na mga negatibong pag-uugali, magkaroon ng motibasyon, at humakbang nang may katiyakan at ibayong kasiglahan sa iyong kinabukasan.
  Alam mo ba na kapag nagawa mo ito, ang buong sanlibutan ay kusang makipagtutulungan sa iyo? 
 Napatunayan na ito sa maraming pagsasaliksik ng mga paham, na kapag positibo o pawang kabutihan ang iyong nagawa lalo kang lumalakas at nagkakaroon ng pagtitiwala sa iyong sarili. Subalit kapag negatibo o mga mali naman, lalong kang pinahihina at tuluyang nabibigo sa anumang iyong ginagawa. 
Ang bawa’t aksiyon ay may kaakibat na reaksiyon. Walang bagay na lumitaw nang walang kadahilanan. At anuman ang iyong itinanim ay siya mo ring aanihin. Hindi magbubunga ng atis ang mangga. Mabuti ang iyong ginawa o pakikitungo, mabuti din ang isusukli sa iyo. Ang lahat ng ito'y katotohanan at sa araw-araw ay paulit-ulit na pinatutunayan sa iyong mga pakikipag-relasyon sa iyong kapwa.
    Kung nasaan ang iyong intensiyon, naroon ang iyong puso at ibayong kalakasan.
    Ang maunawaan mo kung sino ka ay hindi kailanman na manggagaling sa iba. Ikaw lamang at wala nang iba pa ang higit na nakakaalam tungkol sa iyong sarili. At ito’y kung tutuklasin mo lamang sa kaibuturan ng iyong pagkatao, na kung saan ang iyong katotohanan ay nagkukubli at naghihintay anumang sandali. Buksan mo ito at kusang palayain, dahil narito ang iyong potensiyal upang magtagumpay sa buhay.
   Pakalimiin na bawa’t isa sa atin ay tulad ng isang bahay na may apat na silid ---mental, emosyonal, pisikal, at ispiritwal --- at hanggat hindi natin napapasok, ginagalawan, tinitirhan ang mga silid na ito sa araw-araw, kailanman--- hindi tayo magiging kumpleto o mabubuo ang ating pagkatao. 
   Gaano man ikaw kaabala o maraming ginagawa sa ngayon, huwag palipasin ang mga sandali na hindi mo ito napag-uukulan ng atensiyon, sapagkat ito ang iyong mahalagang buhay at wala nang iba pa. Ito ang iyong panahon at pagkakataon. Ito ang iyong pinakamahalagang araw sa iyong buhay, ang araw na ito, ngayon na! 
   Ang pagsisisi ay laging nasa huli. Anumang gulang ikaw mayroon sa ngayon, hindi pa huli ang lahat na magampanan mo ang iyong dakilang hangarin sa buhay.
  Alamin kung saan mo nais magtungo. Tiyaking ito talaga ang isinisigaw ng iyong puso, kaisipan, at kaluluwa.
   Anuman ang iyong magagawa, o pinapangarap na kayang magawa, simulan kaagad. Huwag mag-atubili, magsimula na ngayon, at ang kalahatan ay madali na lamang. 
   Sa araw na ito, maging tunay at matapat sa pakikiharap; kaninuman, saanman, at magpakailanman. 
   Hangad ko po ang inyong patuloy na tagumpay at kaligayahan bilang mga tunay na Pilipino. 

Paalaala:Kalakip din nito na mabalikan at matutuhan nating muli ang ating sariling wikang Pilipino. Marami na sa ating mga kataga ang hindi na ginagamit sa pangungusap. Pawang Taglish at Englog na lamang na pinaghalo ang namamayani ngayon sa telebisyon, radyo, at mga pahayagan. Marami ang hindi nakakaalam na isang uri ng pagkitil ito upang tuluyan nang mawala ang ating pagkakilala sa ating mga sarili, at mangahulugan ng pagkakawatak sa isa't isa. Ang bayang walang pagmamasalakit sa sariling wika at mga kultura ay walang pagkakakilanlan. Walang pinanggalingan, putok sa buho at palaging nakikisakay sa mga banyagang kultura. Nasabi lamang silang mga Pilipino daw. Kapag Amerikano o alinmang banyaga ang kausap ko, English ang gamit ko, subalit kung Pilipino, tahasan na wikang Pilipino ang buong puso kong binibigkas. Sapagkat kapag ako'y nangungusap, kasama ko ang aking mga ninuno at mga bayaning naghandog ng buhay upang magkaroon ng isang bansang Pilipinas. Ipinagmamalaki ko ito at ipinapakita sa gawa.
   Sinasadya kong lagyan ng palabok at haplos na lalim, upang alamin ang tunay na kahulugan nito. Kung may mga katanungan na nais masagot ko, mangyari lamang na lumiham at makipag-ugnayan sa: atp412@yahoo.com
 

Mabuhay po tayong lahat!

Ang inyong kabayang Tilaok,

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Friday, May 05, 2017

Minamahal Kita


  Sa isang palaruang pambata isang araw, isang babae ang nakaupo sa mahabang bangko at katabi ang isang lalaki na nakatanaw sa anak na naglalaro sa pala-dausdusan.
   “Anak mo ba ang batang lalaki na kulay dilaw ang kamiseta? Ang tanong nito sa lalaki.
   “Oo, medyo may kalikutan kasi, kaya lagi kong tinitignan. Kung hindi ako nagkakamali, ang kalarong batang lalaki ng aking anak ay, . . . anak mo? Ang tugon na may pagtatanong nito.
   “Oo, ‘yong may pulang kamiseta. Bakit, nag-aalangan ka ba . . . dahil mukhang bata pa ako? Maaga akong nag-asawa kaya maaga din akong nasabak sa buhay may-asawa,” ang pabirong tambis ng babae.
   Napatitig at kagyat na sumagot ang lalaki, “Sa tingin ko parang magkapatid lamang kayo, kaya alanganin ako.” At ipinagpatuloy ang pagtingin sa anak, maya-maya'y mabilis na tumayo ito at tinawag ang anak na paakyat sa hagdan ng pala-dausdusan, “Boyet, anak, tayo nang umuwi, kanina pa tayo dito.”
   “Sandali na lang Tatay, aakyat pa ulit ako sa hagdan," ang pakiusap ng anak.
   Mga ilang sandali ang nakalipas, "Boyet, tama na ‘yan! Halika na at umuwi na tayo," ang pag-uulit na pakiusap ng lalaki sa anak.
   Tumatakbo si Boyet nang lumingon ito at sumagot, “Sandali lang Tatay, iikot pa ulit ako."
   "Umuwi na tayo Boyet, kanina pa tayo dito." ang mahinahong pag-uutos ng ama.

    Huminto sa pagtakbo ang anak at tumitig sa ama, 
"Puwede po ba? Sandali lamang. Please . . .
    “Okey,” ang sagot ng ama.
   Maraming sandali ang matuling lumipas, “Boyet, tayo na! Hindi ka pa ba napapagod?”
   “Hindi pa Tatay,” ang masiglang tugon ni Boyet.
   “Sige, limang minuto na lamang, pagkatapos nito uuwi na tayo ha?” ang pakiusap ng ama.
   “Opo, Tatay sandali na lamang po,” ang may pagsuyong pahayag ng anak.
   “O, sige, dalian mo ha? Ang pakiusap ng ama.
    “Pambihira din naman, mahaba ang pasensiya mo . . . bilang Tatay,” ang patudyong saklit ng babae.
   Bumaling ng tingin ang lalaki sa narinig, may nasaling sa kanyang alaala ang pasaring ng babae. Lumapit ito sa pagkakaupo sa babae at nagsalaysay;
    “Mayroon pa akong isang anak na lalaki, ang aking panganay na si Jun-jun. Masayahin din itong bata at napaka-bibo sa eskuwela. Mabait at laging matulungin, lalo na sa kanyang bungsong kapatid na si Boyet. Siya pa nga ang nagpapaligo at nagtuturo kay Boyet sa lahat ng mga aralin sa eskuwela. Kaya lamang, ay . . .”
    “Bakit? Ituloy mo at makikinig ako,”ang susog ng babae.
   “Nagbibisikleta ito ng madumog at mapatay ng lasing na drayber. Nangyari ang sakuna malapit lamang sa palaruang ding ito. Wala ako noon at laging abala sa aking trabaho. Halos gabi na ako kung umuwi sa bahay. Malimit, isinasama niya akong maglaro at magbisikleta dito, ngunit hindi ko siya mapagbigyan. Kung maibabalik ko lamang ang nakalipas, kahit ibigay ko ang lahat, makapiling ko lamang sana siyang muli.”
   Huminto saglit, at tila may inaapuhap sa pagkakatingin sa malayo, nagpatuloy ang lalaki,
   'Sabado noon, tandang-tanda ko, at kailanma'y hindi ko malilimutan, nasa kuwarto ako nang pakiusapan niyang makipaglaro sa kanya sa palaruang ito. Sa pangungulit niya'y sinigawan ko at binantaan na papaluin kapag inistorbo niya akong muli sa pagbabasa ng pahayagan. Hindi ko siya inunawa, iyon na pala ang huling sandali ng aming pagkikita.  
   Bakit higit ko pang pinahalagahan ang mga balita sa diyaryo kaysa makapiling ang aking anak? Sa halip na gampanan ko ang aking tungkulin sa panahong kailangan niya ako, nasa dyaryo ang aking buong atensiyon. Malaki ang nagawa kong pagkukulang na humantong sa kanyang kamatayan. Kung nakinig lamang ako kahit, sandali lamang . . .
   Disin sana'y buhay pa siya ngayon . . . Buhay na buhay pa, . . . sana siya ngayon. Kahit maghapon at magdamagan pa kaming maglaro ay hindi ako hihinto makasama ko lamang siya kahit . . .
Sandali lamang . . .
  Napansin ng babae ang nangingilid na luha sa mga mata ng lalaki at pagngangalit ng bagang nito habang nagsasalita, ngunit hindi siya kumibo. Siya man ay nagsisimula ng pumatak ang luha na kanina pa niya pinipigilan.
  Nagpatuloy sa pagsasalaysay ang lalaki, “Isinumpa ko noon sa libing ni Jun-jun na hindi na mauulit pang muli ang kapahamakang tulad nito sa aming mag-anak!” Simula noon iniwasan ko na ang maging abala sa lahat ng bagay, maliban sa pagmamahal sa aking pamilya. Sa aking paglilibang lagi kong isinasama ang aking mga mahal sa buhay. Dito ko lalong nadarama ang tunay na kaligayahan, hindi sa opisina, aliwang makasarili o mga kabarkada.”
   Huminto sa pagsasalita ang lalaki, tumitig sa babae at paanas na nagpahayag;
   “Ang alam ng anak kong si Boyet ay may limang sandali pa siya para magpa-dausdos, ang katotohanan ay mayroon pa akong limang sandali na pagmasdan, ingatan, at makapiling siyang lubos.”

~~~~~~~
   Ang buhay ay ang masusing alamin ang iyong mga lunggati, ano ang pinakamahalaga sa lahat? Ano ang iyong mga prioridad, pinag-uukulan at pinag-uubusan ng panahon sa ngayon? Ito ba talaga ang nais mong pangarap na maganap bilang ikaw?
   Kamusta ang iyong pamilya, sila ba'y nakakatanggap ng pagmamahal mula sa iyo? 
  Ang pinakamahalagang bagay na maibibigay mo sa iyong anak ay ang maglaan ng panahon para sa kanya, at ito'y hindi sa pamamagitan ng salapi at mga regalo. Lahat ng ito'y nawawala at kumukupas, at ang tangi lamang nananatili ay ang mga masasayang alaala sa kanyang kamusmusan na ikay ay kanyang nakapiling.

   Masdan mo ngayon ang iyong anak; sa araw-araw, malaki ang nagiging pagbabago niya. Samantalahin ang pagkakataong ito na makapiling siya. Hindi na ito muling babalik pa bukas. Iba na namang pagkakataon ang haharapin mo. Walang balang araw o isang araw na maggiging katulad muli ng araw na ito.
   Sa bawat yugto ng kanyang buhay iba't-ibang mga katauhan ang kanyang nakakaharap, umaaliw, tumutukso, at umaagaw ng kanyang puso, diwa, at kaluluwa.
   Kung wala kang naitanim at pag-aaruga sa kanyang murang isipan na magsisilbing gabay at kalasag niya sa mga kapahamakang kanyang susuungin sa buhay. Paano niya ito magagawa, sa pamamagitan ng kanyang mga kakilala, nakasama, o ang madalas niyang mga kinagigiliwan, maliban sa iyo? 

Nasaan ka sa mga panahong kailangan ka niya?
Ito ay nasusulat;  
Kung yaong mga malalapit sa iyo at lagi mong kapiling ay hindi mo magawang mahalin, AKO pa kaya na hindi mo nakikita? 
Huwag tayong makalimot sa katotohanan, harapin natin ito ng tuwiran. Hindi tayo ipagkakanulo, itatatwa, ilalagay sa mga panganib at mga kapighatian. Sapagkat ito ang magpapalaya sa atin.

Ngayon, Bukas, at Magpakailanman



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Wednesday, May 03, 2017

Pilipino PO AKO

AKO, tunay na Pilipino

 Ika-3 ng Mayo, 2017

  AKO, tunay na Pilipino, nananalaytay sa aking mga ugat ang diwang kayumanggi, sa kaibuturan ng aking puso, kaisipan, at kaluluwa, ay taga- pagpatuloy  ng magiting  at makulay kong kasaysayan noon,  ngayon, at magpakailanman. Masikhay kong tinutupad ang aking likas na tungkulin alang-alang sa kapakanan ng aking Inang-bayan. Laging akong handa na ipagtanggol  ang aking  lahi  at  pamayanan  nito  sa  anumang  kapahamakan,  kalapastangan,  at kapighatian.
   Ako ay wagas na mapagmahal, dumaramay, at kapanalig ng mga simulaing nagtataguyod tungo sa malayang pagkakaisa na; makaDiyos, makaPamilya, makaBayan, makaKalikasan, at maKatarungan. Iisa lamang ang aking nilulunggati at pinakamimithi, ang makita’t maranasan na maging isang tunay na bansang malaya ang Pilipinas; demokratiko, maunlad, makatarungan at may bukas na lipunang Pilipino.
   Likas ang yaman ng aking bayan, mula sa mapanlikha at mapagtaguyod na mga kamay ng mga mamamayan nito, sa 7,197 naggagandahang mga pulo na naglalaman ng mga masaganang lupain, sa mga ilog, lawa, at nakapalibot nitong mga karagatan na mabiyaya sa isda at kayamanan nito, sa mga kagubatang nagbibigay-buhay at pangangalakal, sa mga kabundukang nagtataglay ng mga mineral at yamang-likas, at sa pagiging pangunahing sentro nito sa Asya at pandaigdigang kaganapan. Karampatan lamang na tawagin ang aking bansa na, Perlas ng Silangan.  

   Aking pinahahalagahan at ipinamamalaki ito, saan mang sulok ng daigdig, sinuman ang aking kaharap, at anumang panahon. Kailanman ay hindi ako nangingimi na ipakilala ang aking lahing kayumanggi.

   Maraming ng dayuhang banyaga na may kanya-kanyang ideolohiya at relihiyon ang nabighani nito; Magmula sa Islam ng mga Arabo, Katoliko ng mga Kastila, Protestante ng mga Amerikano, nasyonalismong pasista ng mga Hapon, sa mga pansariling kalipunan at pulitikang banyaga ng mga ito, na nagpasiklab ng himagsikan; mula kay Raha Lapu-lapu sa Mactan, Gat JoseRizal sa Bagumbayan, Gat Andres Bonifacio sa Balintawak, Hen.Gregorio del Pilar sa Pasong Tirad, Hen.Macario Sakay sa mga kabundukan, at marami pang iba. Patuloy pa ang laban. Hanggat may mga sakim na dayuhang banyaga at huwad na mga Pilipino na patuloy na nagsasabwatan at nagpapairal ng buktot at bulok na sistema sa lipunang Pilipino, ay nag-aalimpuyo ang aking dugo sa ipinunlang binhi ng kagitingan ng aking mga ninuno. Ang silakbo nito ang siyang nagpapaalab na,    

AKO, tunay na PILIPINO

 Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan