Friday, May 05, 2017

Minamahal Kita


  Sa isang palaruang pambata isang araw, isang babae ang nakaupo sa mahabang bangko at katabi ang isang lalaki na nakatanaw sa anak na naglalaro sa pala-dausdusan.
   “Anak mo ba ang batang lalaki na kulay dilaw ang kamiseta? Ang tanong nito sa lalaki.
   “Oo, medyo may kalikutan kasi, kaya lagi kong tinitignan. Kung hindi ako nagkakamali, ang kalarong batang lalaki ng aking anak ay, . . . anak mo? Ang tugon na may pagtatanong nito.
   “Oo, ‘yong may pulang kamiseta. Bakit, nag-aalangan ka ba . . . dahil mukhang bata pa ako? Maaga akong nag-asawa kaya maaga din akong nasabak sa buhay may-asawa,” ang pabirong tambis ng babae.
   Napatitig at kagyat na sumagot ang lalaki, “Sa tingin ko parang magkapatid lamang kayo, kaya alanganin ako.” At ipinagpatuloy ang pagtingin sa anak, maya-maya'y mabilis na tumayo ito at tinawag ang anak na paakyat sa hagdan ng pala-dausdusan, “Boyet, anak, tayo nang umuwi, kanina pa tayo dito.”
   “Sandali na lang Tatay, aakyat pa ulit ako sa hagdan," ang pakiusap ng anak.
   Mga ilang sandali ang nakalipas, "Boyet, tama na ‘yan! Halika na at umuwi na tayo," ang pag-uulit na pakiusap ng lalaki sa anak.
   Tumatakbo si Boyet nang lumingon ito at sumagot, “Sandali lang Tatay, iikot pa ulit ako."
   "Umuwi na tayo Boyet, kanina pa tayo dito." ang mahinahong pag-uutos ng ama.

    Huminto sa pagtakbo ang anak at tumitig sa ama, 
"Puwede po ba? Sandali lamang. Please . . .
    “Okey,” ang sagot ng ama.
   Maraming sandali ang matuling lumipas, “Boyet, tayo na! Hindi ka pa ba napapagod?”
   “Hindi pa Tatay,” ang masiglang tugon ni Boyet.
   “Sige, limang minuto na lamang, pagkatapos nito uuwi na tayo ha?” ang pakiusap ng ama.
   “Opo, Tatay sandali na lamang po,” ang may pagsuyong pahayag ng anak.
   “O, sige, dalian mo ha? Ang pakiusap ng ama.
    “Pambihira din naman, mahaba ang pasensiya mo . . . bilang Tatay,” ang patudyong saklit ng babae.
   Bumaling ng tingin ang lalaki sa narinig, may nasaling sa kanyang alaala ang pasaring ng babae. Lumapit ito sa pagkakaupo sa babae at nagsalaysay;
    “Mayroon pa akong isang anak na lalaki, ang aking panganay na si Jun-jun. Masayahin din itong bata at napaka-bibo sa eskuwela. Mabait at laging matulungin, lalo na sa kanyang bungsong kapatid na si Boyet. Siya pa nga ang nagpapaligo at nagtuturo kay Boyet sa lahat ng mga aralin sa eskuwela. Kaya lamang, ay . . .”
    “Bakit? Ituloy mo at makikinig ako,”ang susog ng babae.
   “Nagbibisikleta ito ng madumog at mapatay ng lasing na drayber. Nangyari ang sakuna malapit lamang sa palaruang ding ito. Wala ako noon at laging abala sa aking trabaho. Halos gabi na ako kung umuwi sa bahay. Malimit, isinasama niya akong maglaro at magbisikleta dito, ngunit hindi ko siya mapagbigyan. Kung maibabalik ko lamang ang nakalipas, kahit ibigay ko ang lahat, makapiling ko lamang sana siyang muli.”
   Huminto saglit, at tila may inaapuhap sa pagkakatingin sa malayo, nagpatuloy ang lalaki,
   'Sabado noon, tandang-tanda ko, at kailanma'y hindi ko malilimutan, nasa kuwarto ako nang pakiusapan niyang makipaglaro sa kanya sa palaruang ito. Sa pangungulit niya'y sinigawan ko at binantaan na papaluin kapag inistorbo niya akong muli sa pagbabasa ng pahayagan. Hindi ko siya inunawa, iyon na pala ang huling sandali ng aming pagkikita.  
   Bakit higit ko pang pinahalagahan ang mga balita sa diyaryo kaysa makapiling ang aking anak? Sa halip na gampanan ko ang aking tungkulin sa panahong kailangan niya ako, nasa dyaryo ang aking buong atensiyon. Malaki ang nagawa kong pagkukulang na humantong sa kanyang kamatayan. Kung nakinig lamang ako kahit, sandali lamang . . .
   Disin sana'y buhay pa siya ngayon . . . Buhay na buhay pa, . . . sana siya ngayon. Kahit maghapon at magdamagan pa kaming maglaro ay hindi ako hihinto makasama ko lamang siya kahit . . .
Sandali lamang . . .
  Napansin ng babae ang nangingilid na luha sa mga mata ng lalaki at pagngangalit ng bagang nito habang nagsasalita, ngunit hindi siya kumibo. Siya man ay nagsisimula ng pumatak ang luha na kanina pa niya pinipigilan.
  Nagpatuloy sa pagsasalaysay ang lalaki, “Isinumpa ko noon sa libing ni Jun-jun na hindi na mauulit pang muli ang kapahamakang tulad nito sa aming mag-anak!” Simula noon iniwasan ko na ang maging abala sa lahat ng bagay, maliban sa pagmamahal sa aking pamilya. Sa aking paglilibang lagi kong isinasama ang aking mga mahal sa buhay. Dito ko lalong nadarama ang tunay na kaligayahan, hindi sa opisina, aliwang makasarili o mga kabarkada.”
   Huminto sa pagsasalita ang lalaki, tumitig sa babae at paanas na nagpahayag;
   “Ang alam ng anak kong si Boyet ay may limang sandali pa siya para magpa-dausdos, ang katotohanan ay mayroon pa akong limang sandali na pagmasdan, ingatan, at makapiling siyang lubos.”

~~~~~~~
   Ang buhay ay ang masusing alamin ang iyong mga lunggati, ano ang pinakamahalaga sa lahat? Ano ang iyong mga prioridad, pinag-uukulan at pinag-uubusan ng panahon sa ngayon? Ito ba talaga ang nais mong pangarap na maganap bilang ikaw?
   Kamusta ang iyong pamilya, sila ba'y nakakatanggap ng pagmamahal mula sa iyo? 
  Ang pinakamahalagang bagay na maibibigay mo sa iyong anak ay ang maglaan ng panahon para sa kanya, at ito'y hindi sa pamamagitan ng salapi at mga regalo. Lahat ng ito'y nawawala at kumukupas, at ang tangi lamang nananatili ay ang mga masasayang alaala sa kanyang kamusmusan na ikay ay kanyang nakapiling.

   Masdan mo ngayon ang iyong anak; sa araw-araw, malaki ang nagiging pagbabago niya. Samantalahin ang pagkakataong ito na makapiling siya. Hindi na ito muling babalik pa bukas. Iba na namang pagkakataon ang haharapin mo. Walang balang araw o isang araw na maggiging katulad muli ng araw na ito.
   Sa bawat yugto ng kanyang buhay iba't-ibang mga katauhan ang kanyang nakakaharap, umaaliw, tumutukso, at umaagaw ng kanyang puso, diwa, at kaluluwa.
   Kung wala kang naitanim at pag-aaruga sa kanyang murang isipan na magsisilbing gabay at kalasag niya sa mga kapahamakang kanyang susuungin sa buhay. Paano niya ito magagawa, sa pamamagitan ng kanyang mga kakilala, nakasama, o ang madalas niyang mga kinagigiliwan, maliban sa iyo? 

Nasaan ka sa mga panahong kailangan ka niya?
Ito ay nasusulat;  
Kung yaong mga malalapit sa iyo at lagi mong kapiling ay hindi mo magawang mahalin, AKO pa kaya na hindi mo nakikita? 
Huwag tayong makalimot sa katotohanan, harapin natin ito ng tuwiran. Hindi tayo ipagkakanulo, itatatwa, ilalagay sa mga panganib at mga kapighatian. Sapagkat ito ang magpapalaya sa atin.

Ngayon, Bukas, at Magpakailanman



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment