Saturday, October 31, 2015

Hindi Mabigkas na Katotohanan



Kapag nasupil mo ang iyong sarili, wala nang makakapigil pa sa iyo para magtagumpay.

Sa mundong ito, mayroong maraming bagay na hindi natin makakayang kontrolin. Subalit napatunayan ko mismo, anuman ang iyong binibigyan ng atensiyon at patuloy na ginagawa, ito ang may kontrol sa iyo. Isa na rito kung papaano ka mag-reaksiyon sa anumang nagaganap sa iyong buhay. Nakabatay ito sa iyong paniniwala. Natutuhan ko, ...na anuman ang iyong pinapaniwalaan, ito ang eksaktong magiging ikaw. Kaya nga, kapag naniniwala ka na magagawa mo ang mga bagay, dahil pinagkalooban ka ng kapangyarihan na nagmumula sa kaitasan na may pagpapala ng Diyos. Naniniwala ka, na ikaw ay lumalakad sa mundong ito na hindi nag-iisa.Taimtim ang iyong pananalig na anumang problema o balakid na masasalubong mo ay mayroong Diyos na kumakalinga sa iyo na lagi mong masasandalan.
   Habang ako ay gumugulang, ang aking pang-unawa at pagkilala sa Makapangyarihang Diyos ay kusang sumisibol sa akin. Pinalawak ko pa ang aking pangmasid kung bakit ako, siya, at ikaw ay iisa. Tayong lahat ay bahagi ng umiiral na enerhiya na siyang naghahari sa buong sansinukob. Marami ang naniniwala na ang Diyos ay nasa lahat ng bagay, ngunit hindi naniniwala na ito ay nasa kaibuturan nila. Masasabi ko bilang pagpapakumbaba, subalit sa katunayan ay isang matinding kapalaluan na isipin ang Diyos ay naroon kahit saan man sa sansinukob maliban sa ating mga sarili. Lagi tayong nakatanaw sa itaas, sa mga santo at santa, at sa labas kaysa apuhapin ito mula sa ating puso.
   Kung tatanggapin lamang, ang makaluma nating relihiyon ay nagsasabi; Ang Diyos ay siyang Alpha at Omega, ang simula at katapusan. Ang Lahat-sa-Lahat, kung kaya't kinakailangan maunawaan natin na siya ay nasa atin. Ito ang pinakamalinaw na kasagutan, at ito sa aking pagkakaalam at mga nararanasan sa lahat ng sandali habang ako ay humihinga, sapagkat ito ang pinakatumpak sa lahat, dumating na tayo sa makabuluhang intriga at pagsisyasat: Saan sa atin naroon ang Diyos? Sa ating kalingkingan? Sa ating hinlalaki? Sa ating utak? Sa ating puso? Nasa ating kaluluwa? (Kung mayroon tayong kaluluwa?) (Oo.)
   Ang kasagutan: kung ang Diyos ay tunay na nasa Lahat-sa-Lahat, at Siya ang Alpha at Omega, kung gayon walang lugar o pook sa atin na hindi naroon ang Diyos. Sa katunayan, at hindi mapapasubalian ito, walang saanman o anumang bagay na wala ang Diyos doon. Ang Diyos ay nasa lahat ng dako, at lahat ng ating nadarama, nadidinig, nakikita, nalalasahan, at iniisip ay naroon ang Diyos. Ito ang nagbabalik sa atin doon sa Hindi Mabigkas na Katotohanan. Kung ang Diyos ay nasa lahat ng dako, Siya ay nasa iyo, kung lahat ng nasa iyo, mula paa hanggang ulo ay naroon ang Diyos, samakatuwid nito, ...ikaw ay Diyos.
Ito ay nasusulat: Ang Kaharian ng Diyos ay nasa iyong kaibuturan.
   Kaya nga ang pananalig ko ay nagmumula sa kaalaman na may higit na Makapangyarihan kaysa akin at ako ay bahagi nito at bahagi ko din Siya. Ang taguri ko sa kanya ay Bathala. At bilang ako, ...ay walang magagawa kung hindi ko ito mauunawaan.
Kapag nabatid mo ang pagitan ng karaniwang nais at kailangan makamit, may kontrol ka sa makabuluhan.


Narito ka sa Mundo sa Kadahilanang Ito



Mga produkto tayo ng ating nakaraan, ngunit hindi kailangan na maging bilanggo tayo nito.

Ang layunin sa bawat hakbang at mga kabanata na nagaganap sa aking buhay ay ang maunawaan na nililikha mo ito na kasama ang Ultimong Tagalikha. Kung wala kang kabatiran tungkol sa bagay na ito, inilalagay mo lamang ang iyong sarili sa isang kahapis-hapis at nakakaawang kalagayan. Kapag sa sarili mo lamang ikaw laging nakatuon, patuloy kang nakikipagsapalaran anuman ang maging kahinatnan nito. Natanggap ko na hindi ko ito makakaya na magawang mag-isa. Hindi ako makakaligtas sa mundong ito kung ang sarili ko lamang ang paniniwalaan ko. Wala akong sapat na kakayahan na gampanan ito. Wala akong kapangyarihan na magawa ito, Kahit sinuman ay walang kapangyarihan na makagawa nito. Sino sa atin ang may kapangyarihan na piliin ang kanyang magiging mga magulang? Papaano mo magagawa o mapipigil man lamang ang punlay na nanggaling sa iyong ama at pumisa sa itlog ng iyong ina upang lumitaw ka sa mundong ito? Hindi ba isang malaking kababalaghan ito? Napakaraming mga pagpili at mga kapasiyahan ang mga nagdaan at pinagtagpo ang lahat ng mga kaganapan, para lalangin ka at narito sa mundong ito, ngayon. Ito ay himala at isang pagbubunyi.
   Kapag kinikilala mo ang misteryo ng paglalang, lahat ng mga kaganapan sa pinagmulan nito, saliksikin mo man nang maraming ulit at piliting maunawaan para mabatid ang lahat ng mga ito, pawang mga katanungan lamang ang tanging maiiwan na walang mga kasagutan. Kailangan na malaman mo ito, ang katunayan na narito ako at humihinga pa, ang siyang mahalaga. Ikaw na nariyan na ang siyang mahalaga. Lahat tayo, ...ngayon, sa mga sandaling ito, ang mahalaga.  
   Walang bagay sa aking buhay ang naganap dahil sa suwerte o kapalaran, wala. Anuman ang mayroon ako, ito ay nanggaling sa biyaya at pagpapala, karamihan ay mula sa banal na kaganapan. Hindi ako naniniwala sa suwerte. Sa ganang akin, ang suwerte ay isang preparasyon para masunggaban ang oportunidad kapag tinukso ka nito. Magiging mapalad ka kung ikaw ay nakahanda sa anumang oportunidad na dumarating sa iyo.
Hindi mo magagawang tuparin ang iyong layunin kung lagi kang nakatuon sa pagpaplano.



Bukas ang Palad



Kapag maramot ka, kusang lumilihis at sadyang iniiwasan ka ng kasaganaan.

Ang biyaya at mga pagpapala ay patuloy. Wala itong humpay doon sa mga nakabukas ang mga palad. Subalit maramot ito para doon sa mga nakakimis; mga kamao ito na nakahandang manuntok. Wala kang bagay na masasapo kung matigas na nakabigkis ang iyong mga palad. Ang kasaganaan ay nakalutang at patuloy na naghahanap ng lalagpakan. Kung hindi ka nakahandang sapuhin ito, lalaging mailap sa iyo ang kasaganaan. May mahiwagang kamay na nagpapala, at may mga kamay ka para tanggapin ito nang higit pa sa inaasahan mo. Maraming bagay ang kusang nagaganap na hindi mo nalalaman na ikaw ay inihahanda para dito. At ang katotohanan para sa akin, at sa bawat isa sa atin, bawat bagay maliit o malaki man ito na nangyayari sa iyong buhay ay isang paghahanda para sa iyo sa nakatakdang pagpapala na darating.
   Maraming tao ang nakakaalam ng kanilang layunin kung bakit narito sila sa mundong ito. At kung ang mga ito ay hindi mo pa alam; kung sino ka, ano ang mga naisin mo, at saan nais mo pumunta, ito ang pangunahin mong lunggati na kailangang puspusan na alamin. Sapagkat kung hindi mo papahalagahan ito, patuloy lamang na paikut-ikot at bahala na ang aatupagin mo. Sa sandaling mabatid mo kung ano ang dapat gawin at magampanan ito kaagad nang maaga, walang balakid ang makakapigil pa sa iyo para makamit mo ang tagumpay na iyong minimithi.

Ang mahusay na paggamit sa buhay ay aksayahin ito sa bagay na walang hanggan.


Pakinggan ang mga Bulong



Kapag malinaw kang makinig, pinasisigla nito ang iyong buhay.

Ang sansinukob ay patuloy na kinakausap tayo. Una, sa mga bulong. Kasunod nito ang mga sitwasyon, mga kalagayan at kundisyon, at mga oportunidad para gisingin tayo sakalimang patuloy tayo sa pag-idlip. Kung tayo naman ay nakatulog, kinakausap tayo sa panag-inip. At kung talagang tulog, bangungot ang kaulayaw mo at gigising sa iyo.  
   Dito sa bulong, nakabatay ito sa iyong pakiramdam, binibigyan ka ng pagkakataon na maglimi, tulad ng "Ano ba 'yan?" "Bakit ganito 'yan?'  "Sino ba 'yan?" "Papaano 'yan?" "Walang saysay 'yan." O, "Makabuluhan ba 'yan." "May mapapala ba ikaw dyan?" "Mapapahamak ka dyan", "Kung gagawin mo 'yan, masaya ka ba?" Ikaw higit sa lahat ang tanging masusunod para dito. Ang tanong; Sino ang nagpapadala nito at ibinubulong pa sa iyo? Kung hindi mo papahalagahan at ipagwawalang bahala ang mga bulong na ito, lalakas ito, palakas nang palakas, dumadagundong at rumirindi sa iyong utak. At kung patuloy pang ayaw mong intindihin, at tumatakas ka sa mga panandaliang aliwan, mistula na itong malaking bato na winawasak ang katinuan ng iyong isipan. Hindi ka ba nagtataka kung laging bugnutin, at nababagot ka na sa buhay? Ito ang dahilan kung bakit nawawalan ka na ng pag-asa, malungkot at laging masalimoot ang iyong buhay. Sapagkat wala kang sapat na atensiyon sa mga bulong na ipinapadala sa iyo bilang sagot sa iyong mga panalangin.
Ang pinakamatalinong mga sandali ay yaong sumang-ayon ka sa Diyos.


Tanikala ng Bilangguang Walang Rehas



Ang balatkayong pamumuhay ay isang hungkag na buhay; ang simple at karaniwang pamumuhay ay isang mapayapang buhay.
 Marami ang hindi nakakaalam at kung alam naman ay hindi nakahanda sa mga patibong na nagkalat sa paligid. Nagugulat na lamang sila kung bakit napatali sa isang relasyon na hindi inaasahan, sa trabahong hindi naman pinangarap, sa usapin na kinasangkutan nang wala namang kinalaman, at sa buhay na pawang pagkukunwari, sa mga pretensiyon at sa mga ipokritong asal na nagpapahamak. Gayong madalas na may nagbubulong, ano ang nararapat gawin, at papaano magagawa ito. Mahirap ang magsinungaling kapag budhi na ang humihiyaw. Lalo na ang magpanggap ng isang pagkatao na hindi naman ikaw.
   Huwag piliting manggaya at tumulad sa iba, isa kang pambihira at hindi isang kopya. Kailanman ay hindi mo mailalabas ang nakatago mong potensiyal upang makarating sa iyong patutunguhan. Hindi mo magagawa ito. Sa dahilang gaano man kalaki ang natanggap mo, o maging mataas na posisyon ang nahawakan mo, ganito ding sakripisyo ang isusukli mo. Subalit lahat ng ito ay mapapasaiyo kung gagamitin mo sa kagalingang panlahat. Ang intensiyon mo ang namamatnubay at nagdedetermina ng mga resuta nito. Simulan at ang lahat ay madali na lamang.
Doon sa mahilig sumunod at gumaya sa iba, lagi silang naliligaw ng landas.