Friday, February 27, 2015

Matutong Magbigay


Higit na may pagpapala ang nagbibigay, kaysa nanghihingi.

May isang kabataan na estudyante sa Balanga Community College ang naglalakad na kasabay ng kanyang propesor sa pilosopiya. Tinagurian ang propesor na "kaibigan ng mga mag-aaral" sa kanyang kabaitan at pagiging maunawain sa kanyang mga estudyante.
   Sa kanilang paglalakad, naparaan sila sa isang ginagawang bahay at sa labas nito ay may punongkahoy. Nakita nila ang nakasabit na damit sa mababang sanga, at sa ibaba ng puno ay may isang pares ng sapatos. Naisip nila na ito’y kasuotan ng isa sa mga karpinterong gumagawa sa loob ng bahay. Dahil dapithapon na, matatapos na sa ginagawa ang karpintero at uuwi na ito. 

   Mabilis na nagpasiya ang estudyante at nagpahayag sa propesor, “Maestro, magandang pagkakataon ito na maging halimbawa sa ating talakayan tungkol sa “Pagtulong sa Kapwa.”Ating paglaruan at subukang itago ang mga sapatos at magtago din tayo. Alamin natin kung ano ang gagawin ng may-ari, kapag hindi niya nakita ang kanyang mga sapatos. At kunwari ay tutulungan natin siya sa paghahanap ng kanyang sapatos.”

“Aking batang kaibigan,” ang tugon ng propesor, “huwag nating gawing libangan ang kasiphayuan ng mga dukh√†. Subalit ikaw ay nakakariwasa, magagawa mong lalo tayong masiyahan pati na sa mahirap na taong ito, kung maglalagay ka ng pera sa bawat sapatos, at tayo ay magtatago sa talahiban. Mula doon ay panoorin natin kung ano ang magagawa nito para sa kanya.”

   Naglagay ng tig-iisang limampung pisong papel sa bawat sapatos ang estudyante. Kasama ang propesor ay nagtago sila sa kalapit na talahiban. Maya-maya pa ay lumabas na ang karpintero, hinubad ang maruming kasuotang panggawa at isinuot ang kanyang damit, subalit nang ipinapasok niya ang kanyang paa sa isang sapatos ay nasalat nito ang pera. Kinapa at inalis niya ito mula sa sapatos nang magulat ito sa hawak na limampung piso. Pinagmasdan niya itong maigi, binaligtad, at sinuri nang maraming ulit. Tumingin sa kanyang kapaligiran at nang walang makitang tao na mapagtatanungan tungkol sa pera, ay masaya itong ibinulsa. At ipinagpatuloy ang pagsusuot sa isa pang sapatos. Laking gulat muli nito nang makakuha ng isa pang limampung piso. Hindi na nakayanan pa ang nadaramang kagalakan at bigla itong napaluhod; pinagdaop ang mga kamay at tumingala sa kalangitan, at bumigkas nang malakas at walang hanggang pasasalamat sa biyaya na kanyang natanggap--sa magagawa nito sa kanyang asawang maysakit na naghihirap at hindi makabangon, sa mabibiling tinapay na mapapakain sa kanyang nagugutom na tatlong anak, at sa mabibili nitong kaunting pagkain na mababaon niya kinabukasan sa pagpasok muli sa kanyang trabaho. Anupa’t tigib sa luha itong nagpapasalamat sa hindi nakikitang kamay na tumugon sa mga karaingan ng kanyang pamilya.

   Mula sa kanyang kinalalagyan ay hindi makahuma ang estudyante sa narinig at nasaksihan. Damang-dama niya ang sumasapusong damdamin ng karpintero. Napansin na lamang ng estudyante na siya man ay lubos na napaluha nang punasan ng propesor ang kanyang mukha na nabasa ng luha.

  “Ngayon,” ang bigkas ng propesor habang tinitiklop ang ipinunas na panyo, “hindi ba higit kang naliligayahan sa iyong nagawa kaysa paglaruan natin siya sa isang pagsubok?”

   May kagalakang sumagot ang mag-aaral, “Ang karanasang naituro ninyo sa akin ngayon, kailanma’y hindi ko na malilimutan. Nadarama ko ang katotohanan, na noon ay hindi ko ganap na nauunawaan:Higit na pinagpapala ang magbigay kaysa ang manghingi.”

--------------------------------

Ibigay mo nang may pagmamahal ang anumang mayroon sa iyo, at ibayong higit pa ang iyong makakamtan. Ito ay nasusulat at tunay na nagaganap sa araw-araw ng ating buhay. Wala nang hihigit pang ligaya sa karanasang nililikha ng paglilingkod sa kapwa. Sapagkat kung wala kang itinanim, wala ka ding aanihin. Nasa pag-iimpok kung nais mong may madukot. Maibibigay mo lamang ang mga bagay na mayroon ka.

   At pakatandaan: Makapagbibigay ka ng walang pagmamahal, subalit hindi mo magagawang magmahal nang hindi ka magbibigay.


No comments:

Post a Comment