Friday, February 27, 2015

Matutong Magbigay


Higit na may pagpapala ang nagbibigay, kaysa nanghihingi.

May isang kabataan na estudyante sa Balanga Community College ang naglalakad na kasabay ng kanyang propesor sa pilosopiya. Tinagurian ang propesor na "kaibigan ng mga mag-aaral" sa kanyang kabaitan at pagiging maunawain sa kanyang mga estudyante.
   Sa kanilang paglalakad, naparaan sila sa isang ginagawang bahay at sa labas nito ay may punongkahoy. Nakita nila ang nakasabit na damit sa mababang sanga, at sa ibaba ng puno ay may isang pares ng sapatos. Naisip nila na ito’y kasuotan ng isa sa mga karpinterong gumagawa sa loob ng bahay. Dahil dapithapon na, matatapos na sa ginagawa ang karpintero at uuwi na ito. 

   Mabilis na nagpasiya ang estudyante at nagpahayag sa propesor, “Maestro, magandang pagkakataon ito na maging halimbawa sa ating talakayan tungkol sa “Pagtulong sa Kapwa.”Ating paglaruan at subukang itago ang mga sapatos at magtago din tayo. Alamin natin kung ano ang gagawin ng may-ari, kapag hindi niya nakita ang kanyang mga sapatos. At kunwari ay tutulungan natin siya sa paghahanap ng kanyang sapatos.”

“Aking batang kaibigan,” ang tugon ng propesor, “huwag nating gawing libangan ang kasiphayuan ng mga dukhà. Subalit ikaw ay nakakariwasa, magagawa mong lalo tayong masiyahan pati na sa mahirap na taong ito, kung maglalagay ka ng pera sa bawat sapatos, at tayo ay magtatago sa talahiban. Mula doon ay panoorin natin kung ano ang magagawa nito para sa kanya.”

   Naglagay ng tig-iisang limampung pisong papel sa bawat sapatos ang estudyante. Kasama ang propesor ay nagtago sila sa kalapit na talahiban. Maya-maya pa ay lumabas na ang karpintero, hinubad ang maruming kasuotang panggawa at isinuot ang kanyang damit, subalit nang ipinapasok niya ang kanyang paa sa isang sapatos ay nasalat nito ang pera. Kinapa at inalis niya ito mula sa sapatos nang magulat ito sa hawak na limampung piso. Pinagmasdan niya itong maigi, binaligtad, at sinuri nang maraming ulit. Tumingin sa kanyang kapaligiran at nang walang makitang tao na mapagtatanungan tungkol sa pera, ay masaya itong ibinulsa. At ipinagpatuloy ang pagsusuot sa isa pang sapatos. Laking gulat muli nito nang makakuha ng isa pang limampung piso. Hindi na nakayanan pa ang nadaramang kagalakan at bigla itong napaluhod; pinagdaop ang mga kamay at tumingala sa kalangitan, at bumigkas nang malakas at walang hanggang pasasalamat sa biyaya na kanyang natanggap--sa magagawa nito sa kanyang asawang maysakit na naghihirap at hindi makabangon, sa mabibiling tinapay na mapapakain sa kanyang nagugutom na tatlong anak, at sa mabibili nitong kaunting pagkain na mababaon niya kinabukasan sa pagpasok muli sa kanyang trabaho. Anupa’t tigib sa luha itong nagpapasalamat sa hindi nakikitang kamay na tumugon sa mga karaingan ng kanyang pamilya.

   Mula sa kanyang kinalalagyan ay hindi makahuma ang estudyante sa narinig at nasaksihan. Damang-dama niya ang sumasapusong damdamin ng karpintero. Napansin na lamang ng estudyante na siya man ay lubos na napaluha nang punasan ng propesor ang kanyang mukha na nabasa ng luha.

  “Ngayon,” ang bigkas ng propesor habang tinitiklop ang ipinunas na panyo, “hindi ba higit kang naliligayahan sa iyong nagawa kaysa paglaruan natin siya sa isang pagsubok?”

   May kagalakang sumagot ang mag-aaral, “Ang karanasang naituro ninyo sa akin ngayon, kailanma’y hindi ko na malilimutan. Nadarama ko ang katotohanan, na noon ay hindi ko ganap na nauunawaan:Higit na pinagpapala ang magbigay kaysa ang manghingi.”

--------------------------------

Ibigay mo nang may pagmamahal ang anumang mayroon sa iyo, at ibayong higit pa ang iyong makakamtan. Ito ay nasusulat at tunay na nagaganap sa araw-araw ng ating buhay. Wala nang hihigit pang ligaya sa karanasang nililikha ng paglilingkod sa kapwa. Sapagkat kung wala kang itinanim, wala ka ding aanihin. Nasa pag-iimpok kung nais mong may madukot. Maibibigay mo lamang ang mga bagay na mayroon ka.

   At pakatandaan: Makapagbibigay ka ng walang pagmamahal, subalit hindi mo magagawang magmahal nang hindi ka magbibigay.


Ang Tamang Landas



Sisirin ang iyong kaibuturan, naritong lahat ang iyong mga kasagutan.
Marami akong nakasabay at nakasalubong sa aking paglalakbay sa buhay patungo sa direksiyon na nais kong marating . May nakita akong nakahinto, may tumigil na, ngunit ang karamihan ay bumabalik. Marami din ang nagpapahayag na sa kalagitnaan ng kanilang buhay, napatunayan nila na hindi nila ninanais ang kanilang napuntahan o kalagayan ngayon sa buhay. Nakaharap sila sa isang krisis na laging umaalipin at nagpapahirap sa kanila. Bagamat tinahak nila ang napiling landas, ang nadatnan nila ay masamang kapaligiran o isang patibong na ibinilanggo sila. Hindi mga nasisiyahan at may mga hinahanap na makapagpapaligaya sa kanila.
   Bagamat ang buhay ng bawat tao ay magkakaibá, naniniwala ako na ang makataong paglalakbay, ay napapalooban ng kaluwalhatian para magampanan kung bakit lumitaw at narito  pa tayo sa mundong ito. Kahit saan mang panig ng mundo o kulturang ginagalawan ng sinuman sa atin, may mga aspetong panuntunan na namamayani sa ating mga kalooban upang ipamuhay ang mga kalidad ng katotohanan, pagmamahal, kapayapaan at kaligayahan. Bawat isa sa atin ay ito ang matayog na hinahangad; mga kinakailangang sangkap para mabuó ang ating mga tahanan, pamayanan at ang pinakamabuting bersiyon ng ating tunay na pagkatao.
   Marami tayong taguri o ipinapangalan dito; Kalangitan, Paraiso, Nirvana, Hardin ni Bathala, Pagkamulat, Kamalayan, isang kundisyon na nagreresulta ng pinakamataas na kaligayahang hindi makakayang mailarawan ng mga kataga. Para sa akin, hanggat may nararamdaman akong hindi malirip at walang hanggang kaluwalhatian para mailabas ang nakatago kong mga potensiyal para sa kabutihan at kaligayahan, ito ang aking susundin at walang sawang tatahakin.
Sapagkat, "Ito ang tamang landas para sa akin."
   Natitiyak ko na ang kaalaman sa pinakaduló ng ating ginagawang paglalakbay sa buhay ay upang ganap na maisakatuparan at mapatunayan ang ating mga potensiyal para sa kaligayahan. Nabubuhay tayo upang ganap na maranasan ang kaligayahang nakatakda para sa atin. Kaysa nagmumukmók, dumaraing, naninisì, at nababagót sa buhay; sa halip, kilalanin nating maigì kung sino tayo at halukayin ang ating mga puso kung bakit patuloy tayong nabibigo na makita ang liwanag na siyang magpapaligaya sa atin. Nasa ating motibasyon makikilala ang tunay nating intensiyon sa buhay kung bakit binibigyan natin ng atensiyon ang mga bagay. Sapagkat sa lahat ng sandali, ay nililikha natin ang ating kaganapan.
   Ang tagumpay ay abót-kamay, ngunit makakamtan lamang ito kapag napatunayan mo ang Kaharian ng Langit na nasa kaibuturán mo.


Ang Iyong Daigdig ay Repleksiyon Mo



Hindi kung saan ka nakatingin ang mahalaga, kundi ang iyong nais na makità.
Hindi lamang sinusulyapan o tumitingin ka, tinititigan mo ang inaasahan mong nais na makita. Anumang kalakasan o enerhiya na ipinupukós mo isang bagay, ito ay bumabalik sa iyo. Paglimiin ang mga ito: Kapag umaasa at naghihintay ka ng ibayong pagmamahal, pakikipag-kaibigan, magiliw na pagtanggap, suporta, kasaganaan at patuloy na tagumpay – at masikhay mong pinangangatawanan ang mga kalidad na ito sa iyong sarili – mabilis na ipinagkakaloob ng Sansinukob ang mga ito sa iyo. Katulad ito ng batís na hindi matapus-tapos at walang pagkaubos.
   Kung ikaw ay magalang, sinusuklian ka din ng mga nakapaligid sa iyo ng paggalang. Kung marunong kang magmahal, marami din ang magmamahal sa iyo. Kapag mapaglingkod ka, higit kang paglilingkuran ng mga natutulungan mo. Anumang bagay, aksiyon at alingawngaw na ginagawa, ibinibigay, at ibinabato mo, maraming ulit na ibinabalik sa iyo.
   Sakalimang mga kabaligtaran ang iyong ipinamumuhay katulad ng pagiging maramót sa mga bagay at walang pakialam sa iba, magiging mailáp din ang mga tutulong sa iyo at pati na mga oportunidad ay kusang lalayo sa iyo. Kung hindi ka magiliw o may pagsuyó, ang tiyak na makakamit mo ay ganito ding damdamin, at malamang pa na iwasan at tuluyang layuan ka ng iyong mga kasamahan.
   Ito ay nakasulat: Anumang iyong itinanim, ito rin ang iyong aanihin. Kung ano ang iyong iniisip, ito ang iyong gagawin. Imposibleng santol ang itinanim mo ay mag-aani ka ng kaimito. May ngiti ka sa labi, may ngiti din itong sukli. May simangòt kang sinimulan, may simangòt din sa iyo ay iiwan. Matiwasay ang buhay mo, kapayapaan ang idudulot nito. Sa sipag at tiyaga, kapalit ay buhay na masagana. Kapag tamad naman at pabayà, ang katumbas nito ay kahirapan at kapighatian. Anupat bawat kilos mo ay may katumbas na kakahinatnan. At kung nais ay kaligayahan, magsakripisyo na maging ulirán! Dahil narito ang kapayapaan. 
   Totoo ito: Ang mga tao na may depresyon, hindi malimutan ang nakaraan; Ang mga tao na may mga bagabag, ay natatakot sa hinaharap; Subalit yaong mga tao na may kapayapaan, ay masaya sa kasalukuyan.
Walang kinalaman ang mundo na nakikita mo, dahil ikaw mismo ang tagalikhà ng sarili mong mundo.

Thursday, February 26, 2015

Sino Ka nga Ba?


Supilin at ikubli mo man, kusang lilitaw at ipagkakanulo ka ng iyong tunay na pagkatao.
Patuloy at walang hanggan ang iyong kaganapan. Ang sansinukob ay laging lumalawak at walang hinto sa paglaki, at bilang bahagi ng sansinukob, ikaw din ay patuloy sa paglawak at pagyabong, upang magkaroon ng mga bagong sibol na mga ideya, mga hangarin at mga pangarap. Habang nabubuhay ka, walang hinto din ang iyong mga oportunidad, upang ang iyong mga potensiyal na nakakulong sa iyong kaibuturan ay lubusang makawala at magampanan mo nang mahinusay ang tunay na dahilan kung bakit lumitaw ka sa mundong ito.
   Ang problema lamang, maraming tao, mga pangyayari, at regular na mga kundisyon at sitwasyon ang nag-uunahang pakialaman ka; mula sa pagkabata ay tinuruan ka na ng iyong mga kinagisnan, mga kapaligiran, edukasyon, at ng mga nakakatanda sa iyo na isantabì ang iyong mga ninanasá at umayón sa kalakaran (staus quo) ng lipunan at mga inaasahan ng ibang tao tungkol sa iyo. Ang iyong personalidad at karakter ay dalawang mahalagang katauhan na bumubuo ng iyong pagkatao. Subalit, … ito nga ba ang tunay at wagas mong katauhan na talagang ninanasà mo?Maligaya ka ba sa katauhang ito na ginaganap mo sa ngayon?
   Ang puwáng sa pagitan kung ano ang talagang nais ng iyong kalooban at pagsunod sa mga kagawian at panuntunan ng iyong kapaligiran kung papaano mo ipapamuhay ang iyong buhay ay lumilikha ng mabigat na pagkaligalig at kapanglawan sa iyong sarili. Ito ang dahilan kung bakit hindi ka maligaya.
   Kung nais mong ipamuhay ang iyong buhay nang naaayon sa iyong kagustuhan, nang hindi umaasa at pinapakialaman ng ibang tao para mapatunayan mo nang lubos ang iyong potensiyal na mga katangian, kailangan takasan mo sila at lalo mo pang paghusayin ang iyong sarili. Maraming tao ang hindi magugustuhan ang iyong mga ginagawa, lalo na doon sa mga nalagpasan at nahigitan mo sa buhay, subalit ang mga tao na ito ay hindi ipinamumuhay ang iyong buhay, wala silang pakialam kung ano ang mangyayari sa iyo. Hindi sila ang mapapahamak sakalimang magkamali ka, kundi ikaw, dahil sarili mong buhay ito!

Banal na tungkulin mo ang alamin kung sino kang talaga.

Walang Kang Hangganan



Tanging ikaw ang tagalikhà ng iyong sarili at ang langit ang iyong hangganan.
Ang enerhiya na kumikilos sa iyo, kailanman ay hindi mawawalá. Ito ang kalakasan na patuloy na nagbibigay buhay sa iyong pisikal na katawan. At ang kalakasan o enerhiya na ito ay magpapatuloy matapos mong maranasan ang buhay at lisanín ang iyong pisikal na katawan.
   Wala kang kontrol at kakayahan na pigilan ang anumang nangyayari sa iyo, ngunit magagawa mong kontrolin ang iyong mga saloobin tungkol sa mangyayari sa iyo, at dito lamang mo tahasang mababago ang iyong sarili, kaysa ikaw pa ang baguhin ng mga pangyayari.
   May nagsabi; hanggat may buhay, may pag-asa. Hanggat may enerhiya, may nagpapasiya. Habang kumikilos, lahat ng bagay ay umaayos. At kung ito’y magpapatuloy, ang kaligayahan ay malulubós. Hanggat ang enerhiya na ito ay kumikilos sa iyo, wala kang hangganan.
   IKAW (Isang-isa, Katangi-tangi, Angkop, at Wagas) ang maestro at may responsibilidad sa mga nangyayari sa iyong kapaligiran. IKAW ang lumilikha ng mga reaksiyon sa bawat aksiyon ng mga tao at pangyayari na inihaharap sa iyo. Magagawa mong maging negatibo o positibo ang pagtanggap; Panalo o Talunan. Masaya o Malungkot. Kapighatian o Kaligayahan. Anumang piliin mo dito ay siyang masusunód, at walang kinalaman ang iyong enerhiyá tungkol dito. Ang tungkulin niya ay sumunod lamang sa iyong mga kagustuhan. Isa siyang puwersá at ikaw ang nagbibigay ng kalakasan na magpatuloy, o kahinaan para humito at huwag nang umasa pa. Magagawa mong kontrolin, supilin, at paralisahin ito, subalit kailanman ito ay lalaging nasa iyo at naghihintay sa lahat ng sandali sa iyong mga ipag-uutos.
  Ang di-matiwasay at diskuntentong kalagayan o mga panghihinayang na iyong nadarama at lumiligalig sa iyo ay ikaw ang may likhà. Ito ang mga kaganapang binigyan mo ng permiso para guluhin at iligaw ka sa tunay mong hangarin. Kung ang hangad mo'y matiwasay na buhay, kailangan nasa matuwid kang landas para makamit mo ang tagumpay.
Ang mga isipan ay mistulang mga bulaklak, bumubukadkad lamang ang mga ito kapag nasa tamang sandali.