Naganap
ito, maraming taon na ang lumipas, nang may isang lalake na palaging nagdarasal sa
araw-araw, at humihiling na sana ay magpakita sa kanya ang Diyos.
“Ama kong Diyos, nais kong makita kita
ng personal at makausap. Maghahanda ako ng malaki at masaganang piging para
makasalo kita sa pagkain,” ang pakiusap nito.
Dahil sa patuloy na pakiusap at pagmamakaawa
niya, isang araw, ay nagpakita ang Diyos at nagsalita, “Oo, ako ay darating.”
“Oh, Diyos ko, pinaligaya po ninyo ako. Kailan po Kayo darating? Kailangan bigyan po
ninyo ako ng panahon para maihanda ang lahat para sa Inyo.”
“Kung gayon,
darating ako sa Biyernes, sa katanghaliang
tapat.”
Bago umalis ang Diyos, ang lalake ay
nagtanong, “Maaari ko po bang maanyayahan
ang aking mga kaibigan?”
“Bakit naman hindi, sige anyayahan mo sila,” ang tugon ng
Diyos. At madali Siyang naglaho.
Inanyayahan ng lalake ang lahat niyang
kaibigan at kakilala. Sinimulan niyang ihanda ang pinakamasasarap na pagkain.
Ginastusan ng malaki at pinaganda ang pagdarausan ng dakilang piging. Pagdating
ng Biyernes, isang malaking hapag-kainan ang nakahanda. Punong-puno ito ng masaganang tanghalian. Bawa’t isa ay naroon
na, naggagandahan ang mga kasuotan na mamahaling terno at bestida. Kumikinang
ang mga alahas na suot. Nakahanda na rin ang magandang kuwintas na mga bulaklak
na isasabit sa Diyos at ang pabango na ipanghuhugas sa paa. Alam ng lalake na
darating ang Diyos sa katanghalian, kaya lumabas silang lahat ng gusali at
naghintay sa labas, subalit nang tumunog ang orasan sa ganap na alas-dose, ay
nag-aalalang nagsalita ito, “Ano ang nangyari? Hindi magagawa ng
Diyos na sumira sa aming usapan. Hindi Siya mahuhuli sa oras. Ang mga tao ay mahuhuli
na dumating, ngunit hindi ang Diyos.”
Bagama’t alinlangan at nababalisa na,
nagpasiya siya na maghintay pa ng kalahating oras bilang paggalang. Subalit
wala pa rin ang Diyos. Sa puntong ito, nag-anasan at nanggagalaiti na ang mga
panauhin, “Hangal ka, ang sabi mo ay
darating ang Diyos. Nagdududa na kami, na kalokohan ang lahat ng ito. Lubha namang
kataka-taka na darating ang Diyos at sasalo pa sa iyo sa pagkain? Umalis na
tayong lahat, walang mangyayari sa paghihintay natin!”
“Hintay,
huwag muna kayong umalis! Pumasok tayo sa loob ng gusali at tignan natin baka
naroon na Siya,”
ang pakiusap ng lalake.
Sa malaking pagkabigla at galit, nakita niya
ang isang itim na aso na kumakain sa lamesa, lahat ng pagkain ay ginalaw at
tinikman.”Naku po! Kaya siguro hindi nakarating ang Diyos ay sinalaula ng
asong ito ang mga pagkain.” Kumuha ng malaking panghambalos ang lalake at
sinimulang pagpapaluin ang aso. Bugbog sa palo at umiiyak na tumakas ang aso.
Humarap ang lalake sa kanyang mga panauhin
at nagsalita, “Ano ang aking magagawa ngayon? Maging ang Diyos at pati kayo ay hindi na magagawang kumain pa, dahil
nalawayan at nasalaula na ng aso ang ating mga handa. Alam ko kung bakit hindi
nakarating ang Diyos, dahil sa nangyaring ito.” Sa matinding pagdaramdam ay
pumasok sa silid ang lalake at lumuhod, sinimulang manalangin, nagtatanong kung
bakit hindi nagpakita ang Diyos. Matapos ito, ay muling nagpakita sa lalake ang
Diyos. Dangan nga lamang, marami Siyang mga sugat at nakabalot ng mga benda ang
katawan.
“Ano ang nangyari sa Inyo?” ang
tanong ng lalake. “Naaksidente ba Kayo at
lubhang nasaktan?
“Hindi ako
naaksidente,” ang
tugon ng Diyos. “Ang mga sugat ko ay ikaw
ang may kagagawan!”
“Bakit
ako ang sinisisi Ninyo, wala akong kinalaman sa nangyaring kapahamakan sa
Inyo!” ang katwiran ng lalake.
“Sapagkat
dumating Ako sa tamang sandali ng katanghalian at sinimulan Ko nang kumain.
Nang bigla kang dumating at pinagpapalo Ako. Hinambalos mo Ako nang paulit-ulit,
kaya nabali ang mga buto Ko,” ang pahayag ng Diyos.
“Ngunit
hindi ko naman Kayo nakita, at talaga namang wala Kayo sa piging na
inihanda ko,”
ang paliwanag ng lalake habang kinakamot nito ang ulo.
“Nakakatiyak
ka ba na talagang walang kumain ng iyong handa?” ang tanong ng
Diyos.
“Mayroon
po, may isang asong itim na kumain. Kaya lamang tumigil sa pagkain ay nang
pagpapaluin ko,”
ang may pagtatakang pahayag ng lalake.
“At Sino naman ito, sa iyong palagay kung
hindi Ako? Ang nais Ko lamang naman
ay tunay na malasap ang linamnam ng iyong mga pagkain, kaya dumating Ako bilang
aso.”
----------------------------
Idilat natin ang ating mga mata, bawa’t isa at bawa’t bagay ay
nakapaloob ang Diyos o ang Batis, kailangan lamang ay manatili tayong handa
para sa mga pagpapalang kaloob Niya mula sa bawa’t nabubuhay na bagay. Tuklasin
kung papaano ang puwersa na ito ay inihahandog sa atin na nagkukubli bilang mga
biyaya.