Tuesday, July 05, 2011

Pagkilatis sa mga Kakilala


   Minsan may isang tanyag na matandang Maestro at tagapagturo ng kabutihang-asal sa isang pamantasan ang nagpasyal sa Barangay Kupang nang tanungin nito si Jose, ang punongbarangay, kung saan mayroong kainang mapupuntahan sa kanilang pook. Iminungkahi nito ang isang kinagigiliwang hapagkainan sa may wakas ng barangay. Sa pagnanais ng Maestro na makilala nang lubusan ang punongbarangay ay inanyayahan niya ito na saluhan siya sa tanghalian. Pinaunlakan naman ni Jose at sinamahan ang matandang lalaki sa kalapit na kainan, na kung saan ay tinanong nila ang tagapag-silbi kung ano ang espesyal na lutong ulam sa araw na ito.

   “Isda, sariwang isda po! Kahuhuli lamang po diyan sa ilog ng Talisay.” Ang pagmamalaking pahayag ng tagapag-silbi.

   “Bigyan mo kami ng dalawa,” ang nasasabik na bigkas ng matandang Maestro.

   Ilang sandali pa ang nakalipas, at lumabas mula sa kusina ang tagapag-silbi na may dala-dalang nalutong dalawang isda sa malaking bandehado. Ang isa ay malaking banak at ang isa naman ay ang maliit na talilong. Dahilang katanghaliang tapat na at kapwa nagugutom, walang pag-aatubili, sinungggaban agad ni Jose ang malaking banak at inilagay ito sa kanyang plato. Matalim na napatitig ang Maestro at matinding hindi makapaniwala sa nasaksihan kay Jose. Subalit mahinahong nangusap ito at nagpaliwanag na ang ginawa ng punongbarangay ay hindi lamang mapaghangad at makasarili, bagkus ay nilalabag nito ang mga panuntunan sa halos lahat ng moralidad, batas ng relihiyon, at sistema ng kabutihang-asal.

   Nanatiling tahimik na nakikinig; at malumanay na tatango-tango lamang si Jose, habang patuloy na nagsesermon ang matandang lalaki. Nang matapos ito sa mga pangangaral ay nagtanong si Jose, “Dakilang Maestro, kung kayo ang nasa kalagayan ko, ano ang inyong kukunin sa dalawa, ang malaking banak o ang maliit na talilong?”

   “Ako, bilang mapagparaya at nakakaalam sa mga 'pakiramdaman' ng mga tao, ay kukunin ko ang maliit na talilong.” Ang buong pagpapaubayang pahayag nito sa kaharap.

   “Eh, kung ganoon po, susundin ko po ang inyong kahilingan,” ang mapitaganang pagpapaunlak ni Jose. At kapagdaka’y kinuha ang maliit na talilong at inilagay ito sa plato nang nabigla at napangangang Maestro. Bubulong-bulong ito na nagkamot sa kanyang makintab na ulo.

-------
Si Jose, ang punongbarangay ay ang aking ama. Malaki ang natutuhan niya at ginawang gabay mula sa karanasang ito. Nakagisnan ko noong ako’y bata pa na siya ay naging tenyente del barrio (ang halalan ay sa pagtaas lamang ng kamay) sa mahabang panahon hanggang sa maging Kapitan sa aming Barangay Kupang dito sa Lungsod ng Balanga, sa Bataan. Hindi ko nalilimutan ang sanaysay na ito na ipinamana niya sa akin, noong minsan na ako’y nanggagalaiti sa makasariling pag-uugali ng isa kong naging kaibigan. Tinawag niya ako at pinilit na inalam kung ano ang aking ikinagagalit. Nagugunita at nararamdaman ko pa ang masuyong pagsuklay ng kanyang mga daliri sa aking tuktok habang masayang nagsasalaysay.

   Matapos ito, ay dinugtungan pa niya ng isang mahalaga at huwarang panuntunan, “Jesse, sa iyong tatahaking buhay at nais mong makatiyak sa tunay na magiging kaibigan mo, idaan mo sila sa isang pagsubok!”
   “Ano pong pagsubok ito?”  Ang may pagnanais kong tanong.
  “Maghain ka ng isang bibingka o kalamay at imungkahi mong siya ang humati at kunin ang ibig niya. Kapag kinuha ang higit na malaki at iniwan sa iyo ang maliit, huwag kang makikisama sa mga ganitong uri ng tao, dahil lagi kang mawawalan.”
   Maigi kong pinakatandaan ito, at sa tuwing may mga kakilala ako na aking pinag-aaralan ang mga pagkilos at pag-uugali lalo na pagdating sa negosyo at mga kasunduan; napapatunayan ko ang bisa at kahalagahan ng panuntunang ito na mula sa aking ama.
   Madali itong masasaksihan at mararanasan, kapag may nauna sa iyong sumandok sa kaldero o maging bandehado ng pagkain at inuunang kunin lahat ang malalaki at malalaman para sa kanya at iniwan sa iyo ang maliliit at puro buto. Laging para sa kanya ang lahat ng magaganda, masasarap, at maginhawang kalagayan kaysa iyo na siyang magbabayad pa naman. Tinalo mo pa ang nadukutan; hindi ka na nabusog, nag-iwan pa ito sa iyo ng sama ng loob na matagal ding panahon bago malimutan.
   Iwasan ang mga suwapang, mga ganid, mga sakim, mga linta at mga mapagsamantala sa ating buhay, kung nais nating maging maligaya sa tuwina. At ito’y magagawa lamang kung tayo ay laging gising at nakatitig (hindi nakatingin)sa mga nakapaligid sa atin.
  

No comments:

Post a Comment