Tuesday, July 05, 2011

Isang Libo at Laksang Biyaya


   Sa Barangay Panilaw, sa bayan ng Pilar dito sa Bataan, ay may isa akong kaibigan na madalas kong katalakayan sa iba’t-ibang paksa. Minsan, habang kumakain kami ng ‘pinitak', ito’y nilagang mga butil ng mais na binudburan ng sariwang kinadkad na niyog ay napadako ang aming usapan sa isang sanaysay tungkol sa mais.

   Isang matalino na matandang pantas ang naninirahan sa tuktok ng bundok ng Mariveles; ang nagpatawag sa tatlong mahihirap na binatang lalaki, na nanggaling pa sa iba’t-ibang barangay sa ibaba ng bundok. Bawa’t isa ay binigyan niya ng tigatlong kakaiba at malulusog na butil ng mais. At ipinagbilin ng matanda na humayo ang mga ito at makipagsapalaran sa mundo, at gawin ang nais sa mga butil ng mais na makapagbibigay ng ibayong kaligayahan sa kanila.

   Ang unang binata ay mabilis na nakauwi sa kanilang barangay. Masusing tinignan ang mga butil, pinag-aralan, pinaikot-ikot sa hapag at sa katagalan ng paglalaro sa mga ito ay ginutom. Nagluto ng sopas at isinahog ang tatlong butil na mais. Nagagalak nang matapos kumain, ay padighay na naibulong sa sarili, “Ito marahil ang ibig sabihin ng dakilang pantas, ang mabusog at masiyahan sa sarap na dulot ng mga butil ng mais.”

   Ang pangalawang binata naman ay nakauwi na rin sa kanyang barangay at kaagad nagtungo sa kanyang likod-bahay, naghukay, at itinanim ang tatlong butil ng mais. Makalipas ang maraming linggo ay namunga na ito ng tigisang malalaking sukat na puso ng mais. Sa bangong nalanghap nang pitasin niya ang mga ito ay nanigid sa kanyang ilong ang pambihirang tamis nito. Mabilis niyang nilaga ang mga ito, at talaga naman siyang nabusog sa ginawang pagkain ng isa sa agahan, isa sa tanghalian, at isa sa hapunan. Tuwang-tuwa ito sa naranasang kakaibang lasa at nausal sa sarili na; “Palagay ko’y matutuwa rin ang dakilang pantas, sapagkat tunay naman akong nabusog at lubhang nasiyahan sa tatlong butil na kanyang ibinigay. Ito siguro ang sinasabi niyang makapagpapaligaya sa akin."

   Ang pangatlong binata ay gabi na nang makauwi. Dumaan pa ito sa kanyang nililiyag na kasintahan at isinalaysay ang kinalabasan ng kanyang lakad sa tuktok ng bundok. Nang ipakita niya ang tatlong butil ng mais, ay kinuha at inilapit ito ng dalaga sa kanyang mga labi at pinaghahagkan. At nangingilid sa luhang nakiusap ito sa binatang kasintahan, “Irog ko, pakaingatan mo ang tatlong butil ng mais na ito, masidhi mong pag-aralan kung saan natin ito magagawang pakinabangan. Pakaisipin mo kung gaano katagal na makapagpapaligaya ito sa atin.”

  Tumango lamang ang binata, at habang bumabaybay ito sa mga liko-likong dakdak pauwi sa kanyang bukid ay naalaala niya ang huling pakiusap ng katipan, “Pakaisipin mo kung gaano katagal na makapagpapaligaya ito sa atin.” Inulit niyang muli ang mga kataga, at minsan pa, hanggang tumining ito sa kanyang kaisipan. At sumilay ang kakaibang ngiti sa kanyang mga labi, naunawaan niya ang ibig mangyari ng kanyang katipan.

   Kinabukasan, maaga pa’y naitanim na niya ito, at sa loob ng ilang buwan ay mayroon na siyang tatlong matataas at malulusog na halamang mais na may mga bunga. Pinitas niya ang mga ito, binalatan ang isa at pinagulang. Iniluto ang natirang dalawa at magkasalong kumaing tigisa sila ng kanyang kasintahan. Ang mga butil mula sa natirang isang puso ng mais ay kanyang itinanim lahat, at naging 200 daang puno ng mais na mabunga. Muli niyang itinanim ang lahat ng mga butil nito sa isang higit na malaking bukid. Mula dito ay nagpatuloy ang maganda niyang kapalaran at nabili niya ang bukid pati na ang mga karatig bukid nito. Pinakasalan ang magandang dalaga na laging kaagapay niya sa kanyang mga gawain. At namuhay silang wala nang kagutuman, maunlad, at maligaya sa habang panahon.
-------
Tatlong uri ng pagharap ito sa katotohanan;
Una: Ang biglaang kasiyahan o ang tinatawag na instant gratification na laging humahantong sa pagkawala ng lahat. Hindi makapaghintay at nais kaagad na makinabang. Lahat ng bagay ay may kanya-kanyang pamamaraan at tamang takdang panahon; paghahanda ng mabuting binhi, pagsasaayos ng tataniman, pagtatanim, pag-aalaga at pagpapayabong, pagpapahinog ng bunga, at pamimitas sa mga bunga. Bawa’t bagay upang maging makatotohanan ay sadyang dumadaan sa prosesong ito.
   Marami ang ayaw at hindi kayang harapin nang matagalan ang mga hakbang na ito. Higit ang panghalina ng panandaliang aliw kaysa sa magtiyaga at unti-unting makatiyak nang matagalang kasiyahan.

Pangalawa: Mga ningas-kugon lamang. Marami ang nagsisimula at talagang naghahangad, subalit iilan lamang ang masigasig na nagpapatuloy hanggang sa makamit nila ang minimithing tagumpay. Higit na inuuna ng iba ang mga kalayawan at libangan sa sarili kaysa ang tahakin ang landas ng kaunlaran na magdadala sa kanila ng ibayong kaligayahan. Pawang magagaling sa simula ngunit walang pananalig sa sariling kakayahan at disiplina na kadalasa’y nauuuwi lamang sa bula ang lahat ng mga pagsisikap.

Pangatlo: Lahat ng makabuluhang pagkilos ay may katumbas na pagpapala. Habang mapagbigay ka, lalo kang mabibiyayaan at magkakaroon nang iyong hinahangad. Higit na mabuti ang nakabukas na palad kaysa nakatikom. Walang mahihita sa pagiging maramot at makasarili, ang tadhana ay kusang ginagaya lamang ang lahat na iyong mga ginagawa at ito mismo ang ipinagkakaloob sa iyo.
    Kung ano ang iyong itinanim ay siya mo ring aanihin. Mabuti o masama man ito. Kailanman hindi maaaring magbunga ng mangga ang santol. Maramot ka, maramot din ang magiging kapalaran mo. Subalit kung mapagbigay ka, maraming pintuan at mga pagkakataon ang mabubuksan para sa iyo upang higit kang pagpalain at magtagumpay sa iyong buhay. Ito ay nasusulat at nakatakdang mangyari sa iyo.
   Magsimula na ngayon at ang lahat ay magiging madali na lamang.

No comments:

Post a Comment