Thursday, July 07, 2011

Pahabain ang Iyong Buhay


   Ang ating buhay ay napakahalaga. Dito nakasalalay ang kabubuan sa lahat nang ating mga pagkilos, mga kaganapan, at mga kapasiyahang ating ginagawa sa bawa’t araw. Ito ang tahasang magbabadya ng kaligayahan o kapighatian. Kung hindi natin ito susupilin, kokontrolin, at isasaayos sa tamang buhay, kusa itong magpapasiya para sa ating mga sarili tungo sa mga kabiguan at kapahamakan na kadalasa’y humahantong sa mabilis na kamatayan.

   Kung ang ibig mo naman ay pahabain ito nang naa-ayon sa iyong kagustuhan, madali lamang ayon sa mga eksperto ng medisina at napatunayang mga pamamaraan hinggil sa kalusugan.

   Alam mo bang alinsunod sa iyong sistema ng pamumuhay at pananaw sa buhay, ay magagawa mong pahabain o sadyaing paikliin ito? Ating alamin at limiing mabuti ang mga ito:

Mayroon ka bang magulang, mga lolo, at lola na lumampas ang gulang sa 85 taon ng kanilang buhay?
   Kung mayroon ka; madaragdagan ng 2 taon ang iyong buhay, dahil mahaba din ang naging buhay ng iyong angkan.

Nakapag-aral ka ba sa mataas na pamantasan, o nagtapos sa kolehiyo, at kung hindi naman ay mahilig magbasa at inaalam ang mga inpormasyon tungkol sa kalusugan?
   Kung nagagawa mo ito, madaragdagan pa ng 2 taon ang iyong buhay, dahil may kabatiran ka sa kalinisan at mabuting pagsunod sa panuntunang nauukol sa kalusugan.

Mahilig ka bang mag-ehersisyo, magpapawis, at laging naglalakad?
   Kapag nagagawa mo ito; dagdagan pa ng 3 taon ang iyong buhay, dahil ito ang kailangang-kailangan upang tumibay ang iyong puso, mga kalamnan, at pagiging aktibo sa bawa’t araw.

Paborito mo ba ang mga luntiang gulay, makukulay na prutas, halamang dagat, mga sariwang isda, at paminsan-minsang inihaw na manok?
   Kung ito ang uri ng iyong mga pagkain, dagdagan pa ng 3 taon ang iyong buhay.

Mahiligin ka ba sa mga karne ng baboy; crispy pata, sitsarong bulaklak, bopis, longganisa, dinuguan, karne ng baka: bulalo, papaitan, beefsteak, kamto, sisig, kare-kare; karne ng kambing: kaldereta, sinabawang utak at bituka, kinilaw na balat, at masebong mga putahe ng mga ito?
   At kapag, oo dito, aba’y bawasan mo ng 7 taon ang iyong buhay. At kung mayroon kang lahi mula sa magulang pati na sa mga lolo at lola mo na inatake sa puso. Bawasan pa ng 5 taon ang iyong buhay.

Palagaya at sumusunod ka ba sa nauusong mga diyeta o ang tinaguriang yoyo diet, at pikit-matang gumagamit ng mga pampapayat na diet pills at kung anu-ano pang mga suplemento?
   Kung manggagaya ka at basta nakikisunod sa mga uso at may mga crash diet pa, bawasan pa ng 5 taon ang iyong buhay.

Nagpapatingin ka ba o kumukonsulta sa doktor sa bawa’t taon? Lagi ba itong may blood test? At kung mayroon kang nararamdaman kakaiba sa iyong kalusugan ay ipinasusuri mo ba kaagad ito?
   Kung mahusay at patuloy na tinutupad mo ito, dagdagan pa ng 3 taon ang iyong buhay. At kung hindi naman, at ipinagwawalang-bahala ang lahat sa iyong kalusugan, bawasan pa ng 6 na taon ang iyong buhay.

Mahilig ka bang manood ng mga katatawanan, mapagpatawa, palabiro, at laging tumatawa?
   Kung ganito ikaw, dagdagan pa ng 3 taon ang iyong buhay. Subalit kung malungkutin ka naman at libangan mo na ang pagdaing, pamumuna, pamimintas, paninisi, at magreklamo sa araw-araw, aba’y bawasan mo ang iyong buhay ng 8 taon pa. Kasi po, miyembro na kayo ng ‘Kalawit Gang’ ni Kamatayan, at mananatili kayong bata at hindi na TATANDA PA. kasi po sa inyong inpormasyon, hindi na kayo humihinga, nasa loob ng isang kahon, at nakabaon.

Tungkol naman sa pananalig; madasalin ka ba at may taimtim na pananampalataya?
   Kung makaDiyos ka, dagdagan pa ng 5 taon ang iyong buhay. Sapagkat yaong hindi mga nakikita, ang mga pangunahing kailangan ng iyong kalusugan at kapayapaan ng isipan. Datapwa’t kung ikaw at makasarili, walang pananalig, at maramot sa iyong kapwa, bawasan pa ng 6 taon ang iyong buhay.

Mayroon ka bang samahan , kapisanan, organisasyon, kapatiran, o alinman sa mga ito na miyembro ka?
   Kung kasapi ka sa ganitong bigkisan na may pagdadamayan, dagdagan mo pa ng 3 taon ang iyong buhay. At kung wala kang kinaa-aniban at walang pakialam, bawasan pa ng 3 taon ang iyong buhay.

Nag-iisa ka ba sa buhay, hindi nag-asawa, balo (biyudo o biyuda), at namumuhay na mag-isa?
   Kung ito ang pinili mong buhay, bawasan pa ng 3 taon ang iyong buhay.

Lagi ka bang nagmamahal at umiibig? Masaya ka ba sa iyong asawa, kasintahan, kasama,  o sinumang iyong kapiling, o alinman dito, --- sa ngayon?
   Kung palaging kulay rosas ang iyong kapaligiran, dagdagan pa ng 7 taon ang iyong buhay. Subalit kung kinakapos ka at talagang malaking kalabasa at tahasang kalunos-lunos sa kapighatian ang kalagayan mo ngayon, huwag nang bawasan pa at hintayin na magtagal pa ang iyong kamatayan. Pinakamura sa lahat ang kapirasong lubid at wakasan mo na ang mga paghihirap mo.
   Bakit po?
   Kasi ang mga katulad mo ang nagpapadilim sa kapaligiran at nakapanghahawa ng pagdadalamhati para sa iba. Aba’y nais rin naming lubusang sumaya at lumigaya sa tuwina.

At nang humaba pa ang aming mga buhay!

No comments:

Post a Comment