Sunday, July 10, 2011

Panuntunang Abaka

   Ang abaka na isang uri ng saging at katutubo sa Pilipinas, ay napakahalaga sa ekonomiya ng ating bansa. Dati-rati’y ginagawa itong matibay na lubid at sako, at pangunahing produkto ng Pilipinas noong araw nang hindi pa natutuklasan ang plastik at ang nylon. Pangkalahatan ding tinatawag na Manila hemp, na kinukuha mula sa puno at saha nito. Ngayon, inaani ito dahil sa matigas at matibay nitong hibla para sa mga supot ng tsaa, espesyal na mga produkto at pang-dekorasyong papel, salaang papel, at sa paggawa ng matibay na perang papel. Subalit hindi ito ang paksa natin ngayon, mayroon pang isang klase ng Abaka na mahalaga nating malaman, at tahasang nakakatulong sa atin sa mga panahon ng kagipitan.

   Sa Divisoria sa Maynila, may isang kariton na puno ng mga pinamiling paninda ang itinutulak ng matandang kargador nang makadumog ito sa nakahalang paninda sa daan. Tumilapon ang mga kalya na may panindang lansones at kumalat ito sa kalsada. Mabilis na pinulot ang mga ito ng kargador sabay nang paghingi ng taos-pusong paumanhin, habang ang tindera ng lansones ay maingay na nagpuputak at minumura ang inakalang kahinaan ng ulo ng kargador. Nakapamaywang ang kaliwang kamay at sinusundot-sundot ng kanang hintuturo ang mukha ng kargador. Hindi pinansin ng tindera ang paulit-ulit na paghingi ng paumanhin ng kargador. Mula ulo hanggang paa na humihiyaw na sinabon at inalipusta ito nang walang tigil. Nanatiling mahinahon at walang imik ang kargador na pinulot na lamang ang mga lansones at ibinalik sa mga kalya. Natigil lamang ang pagbubunganga at panlalait ng tindera nang may bumili ng lansones.
   Papalayo na ang nagtutulak na kargador; subalit mauunaligan pa na maingay na nagsusumbong ang matalak na tindera sa namimili ng lansones, sa ginawang kapinsalaan ng kargador. Maraming tao ang nakapansin sa pananatiling tahimik at mahinahon ng kargador. Ang iba ay nagpasaring, “Kung sa aking nangyari ang ganyang pag-aglahi at pagmumura, papuputukin ko ang nguso ng tindera!” Sabat naman ng isa, “Halos apo na lamang ang tindera; nakapanliliit at hindi na iginalang ang matandang kargador, gayong hindi naman niya sinasadya ito.” Ayon naman sa katabi na sukdulang naiinis, “Itong tindera ang may kasalanan at inihalang ang kanyang paninda sa daraanan, siya pa ang may ganang magmura at walang hunos-dili sa pangungutya sa matanda.” At sinag-ayunan naman ito nang patango-tangong mga usisero sa bangketa.

   Nagtataka ang negosyante na may-ari ng mga bagahe sa kariton na itinutulak ng kargador, at may paghangang nagtanong ito, “Papaano po ninyo napanatiling tahimik at mahinahon sa kabila ng masasakit na alipusta at pagmumura ng tindera?”
   Madali lamang, ineng ko, “Habang nakatalikod ako sa kanya, ay inihulog ko sa butas ng kanal ang marami niyang lansones!”
------
Isang tagpo ito kung papaano sasayawan at pangangalagaan ang iyong saloobin sa kabila ng paglapastangan sa iyong pagkatao, datapwa’t mayroon pang isa na higit na magandang gamitin kapag nalagay sa ganitong pangyayari. Ito ay ang panuntunang Abaka. Simpleng-simple at epektibo ito kung gagawing patakaran sa iyong buhay.

   Magagamit ito sa maraming tagpo at pangyayari, kapag may nakabangga, nakagalit, at nakainisan na mga taong naghahanap ng kanilang mapagbabalingan ng kanilang kapighatian. Mga inis-talo ang mga ito na kailangang paghandaan ng tamang paraan, upang hindi ka maging biktima ng kanilang kalupitan sa kapwa. Bigyan ng pansin ang isang tagpo; tulad ng batas sa trapiko, na kung saan dahil sa matinding galit o road rage ay marami ang napapahamak at nagbubuwis pa ng kanilang buhay.

Pakatandaan lamang ang tatlong titik na ABK o Abaka sa ating pagbigkas.
A – ay tumatayo bilang Aksaya. Kung nasa isang buhol-buhol at hindi gumagalaw na trapiko ang iyong sasakyan ito ay isang Aksaya at abala sa panahon at magastos pa sa gasolina. Isipin kaagad ang pananggalang na katagang aksaya upang maging ganap na handa sa mangyayari.

Ba – ay tumatayo sa katanungang Bakit? Para saan ba ito? Ikakabuti o ikakasama? Magandang pagkakataon o nakakayamot na pagkakataon? Na sasagutin mo ng iyong tamang paniniwala, sa halip na magalit ay gamitin mo ang mga sandaling ito nang pagkaabala sa trapiko, sa isang makabuluhang bagay tulad ng pagplano, paglista ng mga gagawin pa, pagtawag sa mga mahal sa buhay, makabuluhang pakikipag-usap sa iyong mga pasahero, pagkakataon na manalangin at magpasalamat at walang nangyaring sakuna sa iyo, atbp.
Maaari ding isipin na kaya ka nagagahol ay pinipigilan ka (Blessing in disguise), isang nakakubling pagpapala, upang huwag masakuna kung ikaw ay mapapaaga sa iyong pupuntahan. Maraming bagay na mahiwaga at misteryoso na hindi natin batid, subalit ang padalos-dalos at walang pag-iingat ay laging humahantong sa kapahamakan. Ito ang tamang pagkakataon na magnilay upang sariwain ang mga pag-iingat sa trapiko.

Ka – ay tumatayo sa Kahahantungan. Ano ang mangyayari sa huli, kung matinding magagalit at papatulan mo ang lumalapastangan o nakikipag-away sa iyo? Ano ang iyong mapapala matapos ang pangyayaring ito? Sa pagiging matapang at higit na magaling? Sa pagiging tama at patuloy na pakikipaglaban sa kaharap? Kaysa tumawag ng nakakaalam o pulis at mamagitan sa inyong alitan?
   Madali ang pumasok sa away ngunit ang lumabas ay napakahirap. Panahon, salapi, at ibayong hirap ang kalakip nito, kasama na ang mga pagkatakot at mga bagabag sa gagawing paghihiganti ng nakalaban. Puwede naman na maiwasan ito sa simula pa lamang, upang hindi na lumaki pa na pagsisisihan sa dakong huli.

   Tamang lumaban kung ikaw ay tahasang inaapi at malalagay sa alanganin o kapahamakan. Makatwirang ipaglaban mo ang iyong karapatan, subalit kung wala ka namang mapapala; Ano ang Aksaya,  Bakit gagawin mo ito, para sa anong Kahahantungan nito para sa iyong makabuluhang kapakanan at maging sa kinabukasan ng iyong pamilya? Kapag saliwa at walang magandang patutunguhan ang iyong pagkilos, aba’y isipin ng maraming ulit ang iyong sarili at pamilya at magiging kinabukasan nito kung ikaw ay naabala, nagastusan, nakulong, at sa kasawiang palad ay yumao nang wala sa tamang panahon.

Abaka, lamang po ang tamang panuntunan.
 
Na ating kailangang kalasag at tanggulan sa magusot nating pakikibaka sa buhay.


No comments:

Post a Comment