Ang Usa ay maliit sa sukat, maikli ang mga sungay, at mabagal tumakbo sanhi ng kanyang pilay sa isang sakuna noong mallit pa ito. Dahil sa mga kahinaang ito ay pinag-aralan niyang mabuti kung papaano niya maliligtasan ang mga nakaambang panganib sa kanyang buhay sa kagubatan. Lagi siyang mapagmasid sa kanilang pangkat at palatanong sa mga naging karanasan ng mga matatandang usa. At sa kanyang paglaki, ang mga kahinaang ito’y napalitan ng kanyang pambihira at mabilis na pamamaraan sa pag-iwas sa mga panganib. Minsan ay nasukol ito ng isang buwaya subalit nagawang makatakas sa pagsuot sa makikipot at mababatong siwang. Noong nilingkis naman siya ng malaking sawa ay nagawang tapakan at durugin nito ang isang mata ng sawa sa pagsipa kaya siya ay nakawala. Ang mga karanasang ito’y lalong nagpalakas sa kanyang pagtitiwala sa sarili.
Sa kabilang panig naman ng kagubatan ay may isang maharot na Matsing na walang pag-iingat sa kaniyang mga pagkilos. Naputulan na ito ng buntot mula sa kagat ng buwaya at marami na ring naging peklat sa katawan sanhi ng mga sakunang sinuong nito. Sabalit gaya ng dati, marahas pa ring itong kumilos at walang kadala-dala. Mistulang naghahanap ng sakuna anumang saglit sa walang pakundangan nitong paglalambitin sa mga baging.
Sa di-kalayuan ay may dumarating na isang napakalaking Tigre at tatlong araw na itong hindi pa kumakain. Narinig nito ang ingay ng mga indayog ng baging na nililikha ng walang ingat na Matsing. Tumingala ang Tigre at kumalam ang kanyang sikmura sa nakita, mabilis na sinundan ang Matsing at hindi na hiniwalayan ito ng tingin. At tulad nang inaasahan, ang mahilig sa sakunang Matsing ay nahulog ng mapaglambitinan ang isang marupok na baging. Mabilis siyang nadakma agad ng Tigre, at nang sasakmalin na ay mabilis itong nagmakaawa, at nakaisip ng paraan kung papaano niya matatakasan ang Tigre.
“Para mo ng awa,Tigre. Makunat at mahahaba ang balahibo ko, hindi ka masisiyahan sa lasa ko. Mayroon akong alam na Usa na higit na malaki kaysa akin at masarap pang kainin. Madali siyang mahuhuli mo, hindi siya makakalaban, dahil maliit lamang ang mga sungay at pilay pa ito, at hindi makakatakbo ng matulin.”
Napahinto sa pagsagpang ang Tigre, at naisip nito na sa tindi ng kanyang kagutuman, bakit nga ba hindi, uunahin niya ang Usa at isusunod ang Matsing. “Sige, samahan mo ako.” Ang utos nito sa Matsing.
Dahil sa tagaturong Matsing ay madaling natagpuan ang pahingahang yungib ng Usa. Dahil walang malabasan ay nasukol siya ng Tigre, at wala itong nagawa kundi magiting na harapin ang papalapit na Tigre. At nang sasakmalin na lamang siya ay bigla itong nagalit at malakas na nagsalita, “Ano ka ba Matsing? Ang sabi mo sa akin ay limang Tigre ang dadalhin mo dito? Bakit iisa lamang, ngayon ay may utang ka pang apat na Tigre sa akin!”
“Hah? “Ang biglang nasambit ng Tigre at napaurong, nalito sa narinig sa nagagalit na Usa, tumingin-tingin sa paligid ng madilim na lungga, inaapuhap kung may mga kasamahan pa ito, at siya’y matinding kinabahan. Unti-unting umurong, tumalikod at kumaripas ng takbo palabas ng yungib ng Usa. Habang tumatakbong papalayo ay nanggagalaiti sa ginawang kaparaanan ng matsing at kamuntik na siyang manganib sa inakalang patibong para sa kanya ng pilay ngunit matalinong Usa.
-------
Kahit na may mga kapansanan, hindi ito naging sagabal upang sumuko at tanggapin na lamang ang kapalaran. Sa halip ay pinalitan ang mga ito ng higit na mainam; kagitingan, katatagan at matalinong kaisipan sa harap ng nakaambang panganib.
Ang padaskol at patama-tamang buhay ay laging gumugulong ng walang direksiyon. Laging ang tinutungo nito ay pawang kabiguan at ibayong kapighatian. Kung malinaw at nalalaman mo kung saan ka patutungo, madali mong makakamit ang hinahangad na tagumpay.
Hindi nakukuha sa laki at paninindak ang lahat, lalo na’t walang pagtitiwala sa sarili na madalas na nauuwi sa maling pag-aakala. Malaki ngang tignan ngunit ang kalooban naman ay bamban. At tunay naman na ang maliliit lamang ang nakakapuwing.
No comments:
Post a Comment