Tuesday, July 05, 2011

Tayo ay mga Bulag

   Matagal nang magkasintahan sina Celso at ng kanyang kababatang si Thelma, na isang bulag. Subalit laging napapaliban ang kanilang kasal. Kadalasan ay nagbabago ng pasiya at dumaraing si Thelma na hindi niya magagawang paligayahin si Celso dahil sa kanyang kapansanan. Madalas itong magalit nang walang kadahilanan kahit kanino, maliban sa kanyang kasintahan. Laging hinaing nito na, “Kung akin lamang nakikita ang lahat sa aking paligid, magpapakasal na ako sa iyo, sa anumang oras!”

   Pagod na sa kahihintay si Celso at sila’y tumatanda na, kaya halos maglumuhod ito sa pakikiusap sa kasintahan na kailangang makasal na sila sa lalong madaling panahon. Subali’t matigas pa rin ang kalooban ni Thelma; na nanaisin pa niyang manatiling dalaga kaysa mahirapan pa si Celso sa pag-aaruga sa kanya. Buong pusong minamahal niya si Celso at higit niyang ikaliligaya kung maibabaling nito ang pagtingin sa ibang dalaga, at simulan nang kalimutan siya sa araw na ito. Bagama’t nabigla si Celso ay naunawaan niya ang ibig mangyari ng kasintahan, at luhaan itong lumisan.

   Isang araw, may isang liham na tinanggap para kay Thelma na nagsasaad na may naghandog sa kanya ng mga mata at mga gastusin sa ospital para sa kanyang operasyon. Halos lumundag sa katuwaan si Thelma at hindi makapaniwala sa tinamong magandang kapalaran. Sa wakas, matatapos na rin ang kanilang paghihirap ni Celso at matutuloy na rin ang kanilang kasal.

   At nang tanggalin ang benda na bumabalot sa kanyang mga mata, ay luhaan at galak na galak ito sa kanyang mga nasaksihan sa paligid, kasama ang kanyang kasintahan na nanatiling nasa kanyang tabi at hawak ang kanyang kanang kamay.

   Napansin niyang lumuluha din ito sa katuwaan, at buong pagsuyong tinanong siya, “Ngayon na nakikita mo ang iyong kapaligiran, matutuloy na rin ang ating kasal!”

   Sa kanyang narinig ay tumitig si Thelma sa kasintahan at napansin niyang bulag ito at malaki ang mga uka at peklat sa magkabilang mga mata. Nangilabot siya sa kapangitan nito at hindi niya natagalan ang magpatuloy na tignan ito. Hindi niya inaasahan na ito ang kanyang matutunghayan sa kasintahan. At bigla ang naging kasagutan ni Thelma, “Ipagpaumanhin mo, hindi ko magagawang tignan ka sa kalagayan mong iyan sa habang panahon. Ayokong magpakasal sa iyo!”

   Halos mabingi si Celso sa narinig at unti-unting humalagpos ang pagkakahawak niya sa kamay ng kasintahan, hindi nakahuma at luhaang tumalikod upang ikubli ang kanyang pagdurusa. Nagpaakay ito sa isang kasamahan at humahagulgol na lumisan.

   Ilang araw ang lumipas, habang isa-isang tinitignan ni Thelma ang kanyang mga larawan sa photo album ay tumanggap siya ng isang liham na nagsasaad ng;
                 Mahal kong Thelma,
                              Pakaingatan mo sana ang iyong mga bagong mata,
                         na dati-rati’y aking mga mata, iyan lamang ang tanging
                                     maipagkakaloob ko, bilang tanda ng aking
                                           wagas na pagmamahal sa iyo.
                                                                     - Ang iyong katipan,
                                                                                Celso

-------
Ang buhay ay isang handog
--Sa araw na ito, bago bumigkas ng isang mapakla at maanghang na salita, isipin ang iba na hindi makapagsalita at nananatiling mga pipi sa buong buhay nila.

--Bago ka magalit sa tunog at walang paggalang na kaingayan na iyong naririnig, alalahanin ang mga bingi na nagpupumilit na pakinggan at maunawaan ang kanilang mga nakikita.

--Bago dumaing at punahin ang lasa ng iyong pagkain, isipin ang mga nagdarahop at walang makain sa araw-araw ng kanilang buhay.

--Bago manisi at tumuligsa sa nasasaksihang kawalan ng pagmamalasakit ng iba, tanungin ang iyong sarili kung ano ang iyong mga nagawa, ginagawa, at gagawin pa sa kabutihan ng iyong kapwa.

--Bago ka magalit at sisihin ang iyong kasintahan o asawa, limiin ang iba na nakikiusap at humihingi ng kahabagan sa Diyos na pagkalooban sila ng magiging kasama sa tanang buhay.

--Bago ka sumigaw at kagalitan ang iyong mga batang anak sa ginawa nilang mga pagkakalat ng mga laruan, ay balikan ang iyong nakaraan na dumaan ka rin sa mga paglalarong ito at napagalitan ng iyong mga magulang.

---Sa araw na ito, bago ka masuklam at hamakin ang iyong kapalaran, apuhapin sa iyong alaala ang mga namatay na bata pa at wala sa kanilang tamang panahon.

--Sa sandaling ito, na nayayamot at naiinip ka sa layo ng pupuntahan ng sinasakyan mo, pansinin ang mga iba na walang sasakyan at naglalakad lamang sa katulad na patutunguhan.

--Kung sakaliman at hinihila mo ang iyong mga paa tuwing umaga bago ka pumasok sa trabaho at kinaiinisan mo ito, pakaisipin yaong walang mga pinagkakakitaan, walang mga paa, at doon sa mga naghahanap ng trabahong katulad ng sa iyo.

--Bago ka pumuna at mangutya ng iba sa kawalan ng pag-asa na nasasaksihan mo, alamin muna kung anong mga pakikibaka ang nagdaan sa kanilang mga buhay.

--At, . . . kapag naawa ka, nagsisisi, at naghihinagpis sa kapalarang dumating sa iyo, tumitig sa salamin at ngitian mo ang taong nakaharap sa iyo, at bigkasin ang pangungusap na ito;
“Mabuti ka pa, may buhay at nakukuha pang tumitig, at, . . .mayroon pang pag-asa!”
Matapos ito, ay tumalikod ka at dahan-dahang lumingon at kindatan mo siya. Kapag nagawa mo ito, ang lahat ay magiging madali na lamang upang mabago mo ang iyong buhay; ngayon, bukas, at magpakailanman.

No comments:

Post a Comment