Hoy, anong buhay mo ngayon?
Isaguni-guni natin na may nagtanong sa iyo nang ganito, “Ano ang trabaho mo sa ngayon?” Tumugon ka ng, “Ako’y arkitekto.” Ang iba naman ay sumasagot ng, “Ako ay enhinyero.” “Ako’y abogado.” “Ako’y tindera.” “Ako’y guro.”“Ako ay mekaniko.” At marami ang nagpapahayag naman ng, “Kami’y mga maggagawa lamang!”
Lahat ng mga ito’y MALI, at MALI, at talagang MALI.
Bihira akong makasumpong nang kahit isa man lang na bumigkas ng, “Ako’y mag-aaral ng Buhay.”
Bakit ang pinakamahalagang kabanata sa ating pagkakalitaw sa daigdig ay hindi mapag-ukulan ng ibayong pagpansin? Gayong dito nakasalalay ang kabubuan kung tayo ay magiging masaya, malungkot, mapighati, o ang minimithi natin na maging maligaya.
Ang mga trabaho ay kasangkapan lamang upang makamit natin ang ating mga lunggati, at ito’y ang makamtan natin at malasap ang kaligayahan sa buhay. Hindi ang mga trabahong ginagawa natin ang kumakatawan o tunay nating hinahangad.
Ilarawan natin itong maigi; Sakaliman na may nakita kang tao na matutulog na, at tinanong mo ito, “Ano ang iyong ginagawa?”
Karaniwang tugon nito’y, “Ako’y matutulog.”
“Matutulog ka? Papano mo magagawang kumita ng salapi sa pagtulog? Sino ang nagbabayad sa iyo, kung natutulog ka?”
Ito ang punto na nais kong ibahagi at pag-ukulan natin ng pansin. Kung pagsasamahin ang kabubuan ng mga oras ng itinulog mo sa buong buhay, higit na napakarami ang iyong itinulog kaysa sa iyong mga ginawa sa iyong trabaho. Sakali man na ikaw ay arkitekto, mekaniko, tindera, magsasaka, abogado, o despatsadora. Sa 24 na oras sa buong araw na hinati sa tatlo; 8 oras sa pagtulog, 8 oras sa trabaho, at 8 oras sa pamamahinga at paglilibang. Higit na marami ang pagtulog, sapagkat sa mga trabaho at paglilibang, marami pa dito ang mga paningit na pagtulog at pag-idlip.
Ang pangunahing mahalaga dito ay hindi ikaw abogado o mekaniko, tindera o maestro; hindi ang trabaho mo ang tunay na naglalarawan kung sino ka at papano mo ginagampanan ang iyong buhay. Nakapaloob ito kung sino ang nag-iisip, tumutuklas, sumusubok, at nagpapasiya ng lahat na nagaganap tungkol sa iyo. Ito ang iyong kaibuturan.
Ano ang kaibuturan? Marami ang nagpapatunay na ito ang iyong ispirito, kaluluwa, o kabubuan ng iyong pagkatao kapag nagsanib ang kaisipan, katawan, at kaluluwa. Ang kaibuturan ng iyong puso. Ang kawagasan ng buo mong pagkatao kung sino ka. Ito ang nangingibabaw at gumagabay sa lahat mong mga kapasiyahan.
Ito ang nagpapatuloy ng iyong kaganapan, ang humihinga, ang may buhay, nagmamahal, nagmamalasakit, at dumaramay. Ang naghahanap at tumutuklas ng iyong dakilang layunin. Laging nagugutom at nauuhaw sa katotohanan.
Sa mga sandaling ito, huminto saglit at maglimi, sino ang nag-iisip ngayon para sa iyo? Sino ito na magagawa kang makita ngayon na nakatunghay dito sa computer at binabasa ito? Nagagawa niyang isipin kung ano ang iyong suot ngayon, ano ang hahanapin mo sa kusina na makakain, ano ang gagawin mo sa labas ng bahay, at maraming iba pa sa iyong kaisipan na nag-uunahan sa iyong atensiyon para magawa ang lahat ng ito? Sino ang higit na nasusunod sa iyong sarili, at ikaw ay nagiging tao-tauhan lamang niya? Ang nasa kaloob-looban mo, ang iyong kaibuturan.
Tanunging ang isang babae na may anim na anak: “Sino ka?” Siya ay sasagot ng alinman dito, at lahat ng ito’y pawang tamang kasagutan; “Ako’y nanay ng anim kong anak.” “Ako’y isang guro sa mababang paaralan.” “Ako ay tiyahin ni Doktora Cruz.” “Ako’y asawa ng alkalde ng bayang ito.” “Ako ay presidente ng Kapit-Bisig sa Nayon.” At napakarami pang maida-dagdag dito, at ito’y ilang aspeto lamang kung sino siya. Isa rin siyang kaibigan, kumare, kasapi, tagapagluto, ate, taga-ayos, ninang, pamangkin, maybahay, kapatid, hipag, pinsan, anak, kapitbahay, apo, at kung anu-ano pang kategorya.
Subalit ang nakakahigit sa lahat, siya ay isa ring taga-isip, taga-kuha ng inpormasyon, tagatuklas ng katotohanan, tagalantad ng mga katiwalian, at tagapagpalaganap ng katarungan at kapayapaan, at kung anu-ano pang nais niyang idagdag na mga katangian para sa kanyang sarili.
Ang nakakalungkot lamang dito, sa unang kabanata ng ating buhay, noong tayo’y mga paslit pa lamang, nagsimula na ang mga paglalaban na ito sa ating pagkatao kung sino talaga tayo. Kapag tinatanong ang isang bata, “Anong nais mo sa iyong paglaki?” o ang tanong na “Anong nais mong ambisyon?” “Kung lumaki ka na, anong gagawin mo?” Ang mga ganitong mga katanungan ay nag-iiwan sa bata ng mapanuring pakiramdam na hindi niya makakayang apuhapin sa kamuraan ng kanyang pag-iisip. Madalas sa maraming kaso, ayon sa mga eksperto sa sikolohiya, nakasisira ito sa pagsulong ng personalidad ng isang bata.
Maihahambing ito sa isang bitag o patibong na nag-aalis sa bata na mag-isip para sa kanyang sarili. Wala pa siyang ganap na kaalaman o kakayahan kung anong gawain o trabahong papasukin niya. Mistula itong nalalagay sa matinding alalahanin at nag-iisip na: “Anong mali sa akin, bilang ‘ako’? Ang pagiging ‘ako’ ba ay hindi nasa ayos, o ang pagiging paslit ko ay hindi tama at ‘ako’ ay kinakailangan maging ‘iba’ kung ako’y lumaki na?”
Ang mga tao lamang ang sinusulsulan, inuugoy, at idinuduyan kung ano ang kanyang nararapat na gawin. Higit na tahimik at kumikilos ang ibang nilalang tulad ng mga hayop at mga halaman, kung ano ang talagang pakay at gagawin nila sa kanilang paglitaw sa daigdig. Mauutusan mo ba ang halaman na huwag magbulaklak o magbunga? O ang mga bubuyog na huwag gumawa ng pulot? Masulsulan mo ba ang mga langgam na huwag gumawa ng kanilang lungga sa iyong hardin? Ang mga ito, simula pa lamang ng kanilang paglitaw ay alam na ang kanilang mga gagawin. Walang tagasulsol o pakialamero sa kanila.
Marami ang usisero at pakailamero sa ating kapaligiran. At higit pang marami ang nagpapausisa at nais na pakialamanan. Subalit iilan ang tumatanggi, tumitindig, at kumikilos para sa kanilang mga sarili, kaya mabibilang lamang sa ating mga daliri ang matatagumpay na mga tao sa ating lipunan.
Ang mga Pantas ay nagkakaisa ng mga pahayag: “Gawin ang pag-aaral sa Buhay ang pangunahing gawain, at pangalawa lamang ang iyong propesyon o trabaho.
Ang tunay na katanungan ay hindi ang, “Ano ang iyong trabaho na ikinabubuhay?” bagkus ang mabisa at mabuting aral na katanungang: “Ano ang iyong ginagawa sa Buhay?” Kung napaglilimi mo na isa kang tagaisip ng iyong kaibuturan, at hangaring ganap na maunawaan kung sino kang talaga, ito ang iyong dakilang layunin kung bakit narito ka sa daigdig na ito.
Hindi ang ating mga nakakamtan; dahil mga panandalian lamang ang mga ito, bagkus kung ano ang magiging pagkatao mo kung sino ka, at papaano ka nakakatulong, ang nagbibigay kahulugan sa ating mga buhay.
Alamin ang mga kadahilanan sa iyong paglitaw sa daigdig at mamuhay ng matiwasay at maging maligaya sa habang buhay.
-------
21 Pag-aaral ng Buhay
2 Ang Buhay ay isang Pagkakataon, makinabang dito.
3 Ang Buhay ay isang Kagandahan, hangaan ito.
4 Ang Buhay ay isang Pangarap, isagawa ito.
5 Ang Buhay ay isang Paghamon, tanggapin ito.
6 Ang Buhay ay isang Katungkulan, gampanan ito.
7 Ang Buhay ay isang Palaro, laruin ito.
8 Ang Buhay ay isang Pangako, tuparin ito.
9 Ang Buhay ay isang Biyaya, lasapin ito.
10 Ang Buhay ay isang Kapalaran, harapin ito.
11 Ang Buhay ay isang Pakikipagsapalaran, tuklasin ito.
12 Ang Buhay ay isang Dalamhati, palipasin ito.
13 Ang Buhay ay isang Pagsubok, labanan ito.
14 Ang Buhay ay isang Pakikipaglaban, supilin ito.
15 Ang Buhay ay isang Tagumpay, ipagpatuloy ito.
16 Ang Buhay ay isang Handog, ipagdiwang ito.
17 Ang Buhay ay isang Himala, magpuri dito.
18 Ang Buhay ay isang Pagpapala, idalangin ito.
19 Ang Buhay ay Marupok, paka-ingatan ito.
20 Ang Buhay ay isang Buhay, ipamuhay ito.
At higit sa lahat . . .
21 Ang Buhay ay isang edukasyon, pag-aralan ito.
Pakatandaan lamang kung nasaan ka noon at nalalaman mo kung saan ka patutungo. Ang Buhay ay hindi isang karera na matira ang matibay, subalit isang paglalakbay upang damahin at lasapin ang kaligayahan sa bawa’t paghakbang.
Harinawa
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment