Friday, July 08, 2011

Ang Magiting na Palaka

   Panahon ng taniman sa bukid. Maraming hukay ang ginagawa ng mga magsasaka upang tamnan ng halaman. Maraming palaka ang nabulabog at mabilis na nagtalunan, kanya-kanyang pagtakas ang mga ginawa. Dalawang palaka ang nahulog sa isang malalim na hukay. Takot na takot at kailangang mabilis na makaahon at makaligtas sa panganib. Tumalon sila ng pataas, subalit hindi nila magawang makaalis sa pagkakahulog. Sa ingay ng mga kalabog at pagkahig nito, may mga palakang nagsilapit sa gilid ng malalim na hukay. At nang makita ang kinasapitan ng dalawang palaka, ay sumigaw ang mga ito na wala nang pag-asa ang dalawa upang makaahon pa. At sulsol pa, huwag nang pahirapan ng dalawang palaka ang mga sarili at hintayin na lamang ang tiyak na kamatayan.

   Nagpumilit na makaalpas ang isang palaka. Lumukso ito ng pauli-ulit, ngunit hindi niya makayang abutin ang ibabaw ng hukay.  Hihinto at maya-maya, tatalon muli. Walang direksiyon at pabago-bago ang pagtalon na parang napipilitan. Marami pang pagtalon na patama-tama na pawang kabiguan.  At sa bandang huli ay naging palukso-lukso na lamang hanggang sumubsob ito, humahagok, nakatirik ang mga mata, hindi na nakabangon at namatay.

   Lalong nagsigawan ang mga usiserong palaka sa ibabaw ng hukay na tama sila. Mabuting hintayin na lamang ng natitirang palaka ang kamatayan. Subalit malakas na lumukso ito, buo ang loob na sinundan pa ng mataas na pagtalon, at buong katiyakan na tumalon pang muli. Gabi na nang sugatan at paika-ika siyang nakaahon.

   “Bakit hindi ka nakinig sa amin?”ang paninising tanong ng mga palaka na nakasaksi sa mga pangyayari. "Bakit hindi ka nakinig sa amin? Ang pangungulit ng mga ito.

    "Mabuti at nagpatuloy ka sa paglundag." Ang ungot naman ng isa. "Hoy, ano ba, bakit hindi ka kumibo? Ang usisa naman ng katabi. Naiinis ang isa pang palaka at dinunggol ang kakaahon at nagpapahingang palaka, sabay ang pabulyaw na usisa nito, "Hoy, sumagot ka naman, kinakausap ka namin!"
   Nagulat ang nagtagumpay na palaka sa lakas ng dunggol, at nang makita ang nakapaligid na palaka na parang may itinatanong ay nagtaka ito, at nang maunawaan ay malumanay na tumugon,
  “Bingi kasi ako, ang buong akala ko’y nagtatalunan kayo sa ibabaw dahil pinalalakas ninyo ang aking loob na huwag mawalan ng pag-asa.”

------
Mabuting Aral: Maging mapanuri, laging kilatisin ang mga naririnig. May nagsusulsol, may nagpaparunggit, may nang-uuto, may umuugoy at pabalat-bungang pumupuri, may sumisira na nagpapahina ng loob na maaring ikasawi, at may umaalalay na nagpapalakas ng loob upang mabuhay at magtagumpay.
    Alamin at pag-aralan ang mga taong laging kasalamuha sa araw-araw, sapagkat malaki ang nagagawa nitong impluwensiya at mga pakikialam sa iyong magiging mga tagumpay at mga kabiguan. At kung wala kang pagtitiwala at pananalig sa iyong sariling mga kapasiyahan, mistula kang magiging robot o tao-tauhan na de susi sa kanilang mga makasariling kagustuhan at kapakinabangan.
   Sa buhay mo ngayon, mayroon bang laging nagmumungkahi sa iyong mga gagawin, bagamat hindi mo hinihingi ang kanilang opinyon o mungkahi?

No comments:

Post a Comment