Sunday, July 24, 2011

Isang Tasang Kape




   Isang pangkat ng mga alumni, na matatagumpay sa kanilang iba’t-ibang mga larangan, ang nagkaisang pasyalan ang matanda nilang propesor sa Lungsod ng Balanga. Nag-iisa na sa buhay at walang kasama sa bahay nang datnan nila ang paboritong propesor.

   Matapos ang ilang balitaan, napadako ang kanilang usapan sa mga reklamo at mga karaingan tungkol sa kanilang mga trabaho at buhay pamilya. Sa lahat nang mga ito’y pawang patango-tango lamang ang propesor at nanatiling hindi umiimik.

 Maya-maya’y tumayo at nag-alok ang propesor ng kape sa mga bisita. Nagtuloy ito sa kanyang kusina at nang bumalik ay may dalang isang bandehado, na may malaking kapetera at maraming iba’t-ibang tasa; may yari sa porselana, mayroong  plastik, may gawa sa salamin, at mayroon ding kristal. Ang iba ay karaniwan, may mga mamahalin, may moderno, may antigo, at magagandang dekorasyon. Humingi ito ng paumanhin sa pagkakaiba ng mga lalagyan sa dahilang nag-iisa lamang siya sa bahay. Idinulot lahat ito at nagsabing kumuha na kanilang magustuhan at lagyan ng kape.

   Lahat ay may kanya-kanya ng tasa ng mainit na kape, nang muling magsalita ang propesor: “Mapapansin ninyong lahat ng magaganda at mamahaling tasa ay nakuha, at ang naiwanan lamang ay yaong karaniwan at mumurahin. Bagama’t normal at pangkaraniwan na sa inyo ang magnais ng mamahalin at magaganda para sa inyong mga sarili, ito ang pinagmumulan ng inyong mga alalahanin o mga problema, na nagbibigay sa inyo ng patuloy na mga bagabag sa inyong buhay.”

   “Tinitiyak ko sa inyo na ang tasang lalagyan ay walang kinalaman sa kalidad o lasa ng kape. Sa katunayan ng maraming kaso, higit pa itong magastos kaysa sa ating hinihigop na kape. Ang talaga lamang na nais natin ay ang kape, hindi ang tasa, subalit tahasan ninyong pinili ang pinakamaganda at mamahalin sa lahat ng mga tasa. . . At dahil dito, ay nagsimula na kayong titigan ang bawat tasang hawak ng mga kasama ninyo.”

 “Ngayon, bigyan ng maigting na paglilimi ito: Ang buhay ay kawangis ng kape; ang mga trabaho, maraming salapi, mga karangyaan, at mga katungkulan sa lipunan ay katulad ng mga tasa. Sila ay pawang mga kasangkapan na ginagamit lamang natin sa ating paggalaw sa ating Buhay, at ang uri ng tasa ay walang kinalaman at hindi binibigyang kahulugan, o binabago ang kalidad o uri ng buhay na ating ipinamumuhay.”
  
 “Madalas, kapag ang pinagtuunan lamang natin ay ang tasa, nakakalimutan natin na masarap lasapin ang kape.” Ang makahulugang pahayag ng propesor.

Masiglang langhapin at lasapin ang kape, kaysa sa tasa!
Ang magkakasabay nilang masayang pagsang-ayon kasabay ng pagtaas ng kanilang mga mamahalin at magagandang tasa.

-------
Bakit nga ba hindi . . . Narito ang ikakapayapa ng ating kalooban.

Ang pinakamamasayang tao ay salat at walang mga karangyaan sa buhay. Ang nagagawa lamang nila ay ang damahin at lasapin ang higit na magaganda at pangkaraniwan lamang. Ang mga ito’y sapat na para sa kanila.

Ako ito.
Mabuhay.                               
Magmahal.
Laging tumawa.
Wagas na umibig.                                                                     
Maglingkod sa kapwa.
Mahinahong mangusap.
Magsalita ng katotohanan.
Mamuhay ng pangkaraniwan.
Lumingon sa iyong pinanggalingan.
Gawing makabuluhan ang bawa’t sandali.
Magmalasakit sa mga kapus-palad na kababayan.
Dumamay nang higit pa kaysa hinihingi ng pagkakataon.
Hangga’t nasa iyong tabi ang mga magulang, alamin kung sino ikaw.
Sambitin ang mga katagang, Mahal Kitasa iyong mga mahal sa buhay.
At ang ating daigdig ay mananatiling matiwasay at mapayapa nang walang hanggan.

Harinawa.

No comments:

Post a Comment