Masidhi at nagpupumilit ang ginagawang pag-akyat ng maliit na pagong sa mga sanga ng punongkahoy. Ilang sandali pa'y narating niya ang pinakamataas na sanga. Humahagok man sa pagod ay itinaas ang ulo, tumindig, at biglang tumalon mula sa sanga. Habang nasa hangin ay nagka-kakawag, mabilis ang pagkumpas, at pinipilit na ikampay ang mga kamay hanggang sa ito’y kumalabog sa lupa.
Nahihilo pa at susuray-suray ay muli itong bumalik sa puno at nagsimulang umakyat ulit. Pagdating sa dating sanga ay mabilis itong muling lumundag. Sa pagkakataong ito; mga kamay at mga paa na ang nagka-kakawag, sumasagitsit sa pagkumpas, sikad nang sikad, pinagpipilitan na ikampay ang lahat hanggang sa mahulog muli ito sa lupa.
Ang masigasig na pagong ay sinubukang muli ito, paulit-ulit na umakyat at paulit-ulit din ang malalakas na kalabog ng kanyang katawan sa lupa. Samantala, dalawang ibon na nakadapo sa sanga ng katabing punongkahoy, ang kangina pa nanonood at nag-aalala na sa maraming pagkahulog at mga pagkabigo ng pagong. Lumingon ang isang ibon sa katabi nitong ibon at nangusap, “Asawa ko, ano sa palagay mo, dapat na ba nating ipagtapat sa pagong na siya ay ampon lamang natin?”
-------
May mga bagay sa ating buhay na hindi kailanman natin magagawa. Isa rito ang lumipad sa pamamagitan ng pagkampay ng mga braso at ating mga kamay. Wala itong mga pakpak na tulad ng nasa mga ibon. Subalit may mga daliri naman tayo na nakaukol sa mga natatanging gawain para dito. Tulad ng pagsusulat, pagguhit ng sining, paglalaro ng bola, pagtugtog ng piano, biyolin, gitara, at maraming iba pa.
Ang komedyanteng si Chiquito ay nangarap na maging boksingero. Ayon sa kanya, may malakas na pampatulog ang kanyang kaliwa at kanang kamao, kaya lamang, palagi itong natatapakan ng referee kapag binibilangan siyang tumayo.
Ang labanan at suntukan sa boksing ay hindi para sa kanya, subalit nakilala at naging tanyag siya sa pagpapatawa sa mga pelikula. Nagawa niyang hanapin kung saan siya maligaya at magawa niya itong pinagkakakitaan pa.
Maraming tao ang may kanya-kanyang talento at mga katangian. Halos lahat ay nalalaman at may ideya kung ano ang kanilang magagawa para dito. Datapwa’t iilan lamang ang nagtatagumpay at marami ang nabibigo. Nariyan sina Henry Sy ng SM na pinakamayaman sa lahat, Charice Pempengco sa pag-awit, Manny Pacquiao sa boksing, Leah Salonga sa teatro, Jessica Soho ng telebisyon, Manny Pangilinan ng Smart, at kung sinu-sino pang matatagumpay na mga Pilipino. Magandang huwaran ang kanilang mga nagawa at mahusay na pamarisan ng marami sa atin. Subalit . . . Bakit kakaunti lamang ang nagtatagumpay sa atin?
Isang dalubhasang dibuhista ang nagpaliwanag tungkol dito ay nagwika; “Naniniwala ako na ang bawa’t isa sa atin ay malikhain at ang lahat ay may natatanging talento,” at dugtong pa nito, “Hindi ko lamang maiisip na ang bawa’t isa ay disiplinado. Sa aking palagay, ito ay pambihira at mahalagang kakayahan. Na ang bawa't isa sa atin ay kailangang mayroon nito.”
Ang pinakasusi sa lahat ng ito ay disiplina. Gaano mang kaalaman o kahusayan ang iyong katangian, ito ay hindi pa sapat. Sapagkat ang hilaw o nagsisimulang matuto sa anumang larangan ay laging nangangailangan ng ibayong disiplina, upang pagyamanin at payabungin ito. Lahat ng gawain ay nagsisimula sa maliliit hanggang sa ito’y lumaki. At sa pamamagitan lamang ng ibayong pagsusumikap at matatag na disiplina sa sarili, ang lahat ng mga ito ay nakakamtan.
Ang katalinuhan o kahusayan ay hindi magiging ganap hangga't hindi ito nasusupil, pinayayabong, at nadidisiplina.
No comments:
Post a Comment