Minsan may nagtanong,”Kung ang mga bituin na nakikita mo sa kalawakan tuwing maaliwalas ang gabi, ay lilitaw lamang minsan sa isanlibong taon, ano ang iyong gagawin?”
Lahat ay sasagot ng, “Siyempre, hindi ako matutulog sa gabing ito at magdamag kong papanoorin ang lahat na nasa kalawakan!”
At ang iba naman ay,“Maglulu-lundag ako, . . . sisigaw ako ng walang hinto sa tuwa at kasiyahan. Minsan lamang kasi itong mangyari sa buhay!”
May magpapahayag pa ng papuri, “Sa pinakadakilang gabi na ito, aawit ako ng pagdakila at pasasalamat sa pangyayaring ito!”
Mayroon pang, “Mananalangin ako at hindi ako pipikit kahit minsan lamang. Kailangang saksihan ko ang dakilang gabing ito!”
May kuhanan pa ng larawan at pelikula,“Ilalabas ko ang lahat kong kamera, at pagkukuhanan ko ito para hindi ko malimutan!"
Mayroon ding lubusang magpapaligaya,“Maghahanda kami ng maraming pagkain at magpapakasaya; mag-aawitan, at magsasayawan kami nang husto habang pinanonood ito!”
At mayroon pang taimtim na mananalangin,“Sa gabing ito, magpupugay ako sa kapangyarihan at kaluwalhatian ng Dakilang Lumikha!”
At ito nga nangyari, sa halip na minsan lamang sa isanglibong taon na maganap, ay nalugod ang Dakilang Lumikha at ipinagkaloob ito, hindi na minsan lamang sa isanlibong taon, bagkus, tuwing gabi.
Dangan nga lamang, higit na nakahahalina ang telebisyon at ito ang kanilang kinahumalingan, hindi lamang gabi-gabi, at kung may pagkakataon pa, pati na sa maghapon sa buong buhay nila.
-------
At magbuhat pa noon, naiba na ang takbo ng kanilang mga buhay at naging masalimuot ito magpahanggang ngayon sa ating lipunan.
At nagpatuloy ang mga karahasan, kalagiman, at mga kabuktutan.
Iilan na lamang ang nakikialam sa tunay na kaganapan sa ating kapaligiran, sa ating winawasak na kalikasan, sa ating kagalingang panlahat, sa ating sinasalaulang lipunan. Mabibilang mo sa daliri ang mga nagpo-protesta at nagpapakita ng ibayong pagtutol kapag tumataas ang mga bilihin, presyo ng gasolina at petrolyo, mga karagdagang matrikula sa paaralan, mga pagmamalabis sa kapangyarihan, mga pagnanakaw sa kaban ng bayan, mga tiwaling pagpapayaman, pamumulitika ng mga heneral na nasa militarya, at ng mga naghaharing obispo, pari, ministro, pastor, at mga tagapag-akay daw ng simbahan, atbp. Mangilan-ngilan lamang sa ating mga kababayan ang nakikipaglaban sa pagbabago, samantalang ang karamihan ay walang pakialam.
At kapag sila naman ang nasalang sa kapighatian at naging biktima ng karahasan, ibayong paninisi kung hindi sila matulungan ng iba.
Nakapanlulumo na iilan lamang ang nagnanais ng pagbabago. Iilan lamang ang nagagalit at humihiwaw ng, “Tama na! Sobra na! Pagod na kami! Hindi na naming kaya ang inyong mga kalupitan . . . .”
Marami ang mga tumatakas at nagtutungo sa ibang bansa. Karamihan ay nawalan na ng pag-asa pa sa ating sariling bansa. At karamihan ay napapariwara at pinagsasamantalahan ng mga ganid at walang pusong mga banyaga. Subalit hindi ito hadlang para sa kanila, ang higit na nakakatakot ay ang kagutuman at kalagimang naghahari sa Pilipinas. Higit na yumayaman ang mga nasa katungkulan, nagsisiyaman ang mga namumuno sa simbahan, at mga pulitikong sinasamantala ang kagipitan ng marami sa mga napapakong pangako, pang-uuto, at mga pandaraya.
Ang lahat na ito’y patuloy na nagaganap sa ating nakalugmok na lipunan.
Patuloy ang pagkahumaling sa kinagigiliwang mga walang saysay na palabas sa telebisyon. Hindi nila nalalaman na ang kamangmangan ay kapatid ng kahirapan. Magagawa namang piliin ang makabuluhang mga panoorin na higit na makakatulong sa kanilang pag-unlad, subalit ang mga may-ari at nasa telebisyon ay panginoon ang salapi. Patuloy ang kanilang panlalason ng kaisipan at wala nang pakundangan kung anumang ang kahihinatnan ng kanilang mga kalahi. Hangga’t kumikita, sige lang. Hanggang may naloloko ay patuloy sa panloloko. Hanggat may nang-aapi ay may naa-api. At hindi ito mangyayari kung walang kagustuhan ang naa-api.
Ikaw, mahilig ka pa ba sa mga panooring pangpalipas oras?
Katulad ng mga ito:
Walang katuturan at pawang mga karahasan, mga patayan, mga kahalayan, mga nakawan, mga kurapsiyon, mga pintasan, mga dayaan, mga kabulukan, at walang hintong mga kabuktutan.
Mga tsismis, buhay hiwalayan, mga pagbubuntis na walang asawa, nagtampo si Anne sa dating bf niya, nagalit sa alagang aso niya si Kris, nahilo si Boboy at pinaypayan ng amoyong niya, hindi nakatulog si Marianne ng isang gabi, dinakma ang malusog niyang harap, nagusot ang buhok ni Poknok dahil sa hangin, nasilipan si Dolly, mga balitang pinanggigilan ng marami, mga kinababaliwang mga artista na nagpapalitan ng mga asawa, mga kinasasabikang manlalaro ng basketbol, azkal, napilay si ganito, nautal sa wika ang isa, kinita sa boksing, at marami pang iba.
May pananakot pa ng mga sekta sa relihiyon sa ibang estasyon, na magugunaw na daw ang mundo, darating na ang paghuhukom, ipagkaloob mo na sa simbahan ang iyong yaman at hindi mo madadala ang lahat ng mga ito sa kalangitan. Mag-abuloy at nang may dumating na pagpapala. "P12,000 na ngayon ang kasal sa simbahan. Kung nais mo'y magarbo." Ang pasinghal na paliwanag ng Pari. ""Yong binyag P6,000 na, kapag maraming Ninong at Ninang." "Papaano po kung may patay." Hindi na sumagot ang Pari, tinatawag na ito ng kanyang mga amiga, sa laro nilang mahjong at malaki ang pustahan sa hapong ito.
Napakaraming samut-saring mga pakulo sa telebisyon, mga umiindayog na halos hubad na mga katawan, panghalinang may gantimpalang pera, at mga pang-aaliw upang ikaw ay libangin nang puspusan. Upang dito ibaling ang mga mahahalaga mong panahon at makaligtaan ang higit na makabuluhan. . . .
Ang iyong sariling kaunlaran.
Para sa iyong pamilya, sa kanilang magandang kinabukasan, sa kanilang ikaliligaya, sa pagkakaroon ng isang taong katulad mo, na magiging tagapagtaguyod nila at makakatulong ng malaki para sa kanilang kapakanan sa lahat ng sandali.
Dangan nga lamang, nakakahalina ang telebisyon, at nakapako ka na dito. Ito'y sadyang nakakaaliw at nakakalasing ng kaisipan. Tulad ng drogang mapaminsala, iginugumon ka nito sa kawalan ng pag-asa pang mabuhay nang may tinutungo at mapagtutuunan ng makabuluhang mga gawain.
Ang mga paghibik, mga daing, mga pagkatok sa iyong puso ay tuluyan ng naging kalyo at manhid na sa mga karaingan ng iyong pamilya.
Nawa’y mapatawad ka sa iyong ginagawang mga kalaspatangan sa iyong sarili.
Harinawa.
At kung sakaliman nasaktan ka ng pahayag na ito, Tama lamang, sapagkat isa ka sa mga umaabuso at nagpapalaganap ng kamangmangan sa iyong mga kababayan. Panahon na, ang ikaw ay tuluyang magbago. Makikita sa iyong kasalukuyang kalagayan kung sino ang tunay na panginoon mo, at kung anong uri at klase ang iyong pananalig sa pinaniniwalaan mong ito. Kung tunay na Hari ng mga Hari at makapangyarihan sa buong sansinukob ang pinaniniwalaan mo, bakit ganyan ang iyong naging kalagayan sa buhay?
Hindi ba sa malabis na panonood ng walang katuturan at hindi makakatulong sa iyong kaunlaran?
Aba’y gumising ka naman!
Habang humihinga ay may pag-asa pa.
No comments:
Post a Comment