Tuesday, July 19, 2011

Huwag Ipagpaliban ang Ngayon

Ang Panahong Nagdaan ay Hindi na Mababalikan


“Hangga’t nagsasalansan ka ng maraming “Sa ibang araw,” matutunghayan mong nakaipon ka ng maraming kahapon.”

   Katulad ng mga katagang, “Sana,”  “Dapat,”  “Marahil,” “Kung ako sa iyo,” "Baka," “Kaya lamang,” “Pagdating ng araw,” Kung ako ang masusunod,” Kung may pera lang ako,”  atbp.
   Lahat ng mga ito ay patungo sa kawalan. Hindi mapanghahawakan at walang katiyakan kung magaganap, bagkus tahasang hindi mangyayari. Subalit naging bokabularyo, pangkaraniwan na, at pauli-ulit na ipinapangako ng marami sa atin. Na para bang hawak nila at nakukontrol ang pagdaloy ng mga panahong magaganap.

   Mayroon isang lalaki na inaayos ang mga naiwanang kagamitan at mga kasuotan ng kanyang yumaong asawa nang makita niya ang bestidang binili nito, noong sila’y nagbabakasyon pa sa lungsod ng Baguio, may labing-apat na taon na ang nakakalipas. Isa itong maganda at mamahaling kasuotan na maraming pasadyang seda na burda sa bawat gilid nito. Nakatusok pa ang etiketa ng may gawa nito, pangalan ng tindahan, at pati ang malaking halaga ng pagkakabili rito. Nanatili itong nakatiklop, nakatago, at inihahanda sa isang espesyal na pagtitipon. Hanggang sa makamatayan ito na hindi man lang naisuot kahit minsan.

   Isinalaysay niya ang pangyayaring ito sa kaibigan sa pagsasabing, “Huwag magtago at ihanda ang isang bagay, para lamang sa darating na mahalagang pagdiriwang. Sa bawa’t araw ng ating buhay, ito ay laging mahalaga at hindi na mauulit pa.”

   Ang kaibigang ito na ibayong nadama ang kahulugan at kabuluhan ng kabatirang ito ay nagwika, 
   “Ngayon, ginugugol ko ang aking mahahalagang sandali sa aking buhay para sa aking pamilya. Ang mahahalagang kagamitan sa aming tahanan ay aming ginagamit. Isinusuot namin ang pinakamagagandang damit anumang pook na aming pupuntahan, kapag nadarama na kailangan ito. “

  “Ngayon, Ang mga katagang, “Pagdating ng araw,” o “Sa isang araw,” ay wala na sa bokabularyo ko.”

   “Ngayon, naglalaan ako ng mga panahon na tawagin at mag-email sa aking mga mahal sa buhay, mga kaanak, mga kaibigan at ipaalam sa kanila kung gaano ko sila kamahal.”

   “Ngayon, hindi ko na ipinagpapaliban pa ang mga bagay na mahalaga na nararapat ipaalam, mga kuwentong nakapagbibigay ng saya, katatawanan, at kaligayahan sa bawat isa.”

   “Ngayon, tuwing umaga sa aking paggising, itinuturing kong isang napakahalagang araw ito sa aking buhay. Bawa’t saglit, bawa't sandali, at bawa't oras nito’y espesyal at may pagkakataon akong sumaya at magpasaya.”

   “Ngayon, sa tuwinang may makakaharap akong tao, sinuman siya, lagi kong iniisip kung ano ang aking magagawang tulong, ang mapasaya siya, ang ipaalam ang kagandahan ng buhay, at ang mabigyan siya ng pag-asa para dito.”

-------
Matapos kaming ikasal ng aking maybahay, sa dami ng aming naging mga ninong at ninang, maraming regalo ang aming natanggap. Lahat ng mga ito’y aming ginamit, mula sa mamahaling kubyertos, mga pinggan, mga tasa, at mga baso, na yari pa sa bansang Hapon at Amerika, mga modernong lutuan, at wala kaming itinangi o itinago man kahit na isa. Ito ang nagpasimula sa aming pagsasarili.

   Natatandaan ko pa noon ang aking ina, na may palaging nakahandang mamahaling kumot at takip sa kama na plantsado, may burdang magagandang punda ng unan, mga mamahaling pinggan at kubyertos at maraming iba pa, na tanging bisita lamang ang maaaring gumamit kung ang mga ito ay napapasyal sa aming tahanan. Samantalang kami na mga tunay na may-ari ay nagkakasya na lamang sa mga luma, may bitak at gasgas na kagamitan sa araw-araw.

   Binago ko ang lahat ng mga ito nang magkaroon ako ng sariling pamilya. Higit sa lahat ay lagi kong inuuna muna ang kaligayahan ng aking pamilya, bago ang iba. Narito ang batayan kung papaano mo pinahahalagahan ang iyong sarili at kapakanan ng iyong pamilya. Sapagkat sa anumang sandali at sa lahat ng pagkakataon, ang iyong mga mahal sa buhay lamang ang tanging maaasahan at lalaging nasa iyong tabi.

   Kapag nakakita ako ng mga taong lumulusong sa baha at ang kanilang mga sapatos ay nakakuwintas sa kanilang mga leeg, ako’y napapailing sa pang-aabusong iginagawad nila sa kanilang mga paa. Higit na mahalaga para sa kanila ang sapatos kaysa sa sakit na magmumula sa nagkalat na basura at mga bagay na makakasugat sa paa. 

Pakiusap, maselan ang kuwentong ito, subalit may magandang aral sa buhay kung ano ang higit na mahalaga.
   Kagabi ay tumimo sa aking damdamin ang naikuwento ng aking anak na si Karlo na nabasa niya sa pahayagan, tungkol ito sa isang ama na naglilinis ng kanyang bago at mamahaling kotse. Mayroon itong kaisa-isang anak na lalaki na may tatlong taong gulang lamang. Habang abala siya sa paglilinis sa harapan ng kotse, ay nasa likod naman ng kotse ang anak at hawak ang isang nail cutter. Tuwang-tuwa ang musmos na bata sa pagkayod at pag-ukit sa katawan ng kotse. Akala ng ama ay may hinihila lamang itong lata sa naririnig niyang ingay. Subalit nang umabot ang kanyang paglilinis sa likuran ng kotse at makita niya ang kapinsalalang nalikha ng kanyang musmos na anak, sa matinding galit ay walang hunos-dili nitong inihilera ang mga maliliit na kamay sa sementong lapag, at buong panggigil na pinalo ito ng walang humpay. Marami nang nagtalsikang mga dugo at nadurog na mga buto nang mapansin niyang malaking liyabeng bakal ang kanyang nadampot at naipamalo. 

   Habang nasa loob ng sasakyan at patungo sa ospital ay humahagulgol ang ama sa paghingi ng pagpapatawad nang paulit-ulit sa anak, subalit huli na ang lahat.

   Sa ospital matapos itong malapatan ng lunas at makitang pinutol ang kanyang dalawang kamay, mahinahon at nag-aalalang nagtanong ang bata sa ama, “Daddy, tutubo bang muli ang aking mga daliri sa magkabila kong mga kamay?”

   Kinabukasan, naging pangunahing laman sa mga pahayagan ang ginawang pagbaril sa ulo ng ama. Hindi nito nakayanan pa ang ibayong pagsisisi, na buong buhay niyang dadanasin nang dahil lamang sa gasgas sa isang kotse.

   Ano ba ang talagang mahalaga sa ating buhay? Salapi, mga kasangkapan, mga kagamitan, mga karangyaan,  magandang sasakyan, o mga ibang tao,

. . .o, ang ating mga mahal sa buhay?
Madaling sagutin ito na “Siyempre, mga mahal ko sa buhay!”

   Subalit, ito nga ba ang tunay na nangyayari sa iyo ngayon?
   O, palabok lamang na mga kataga ito?

Nasaan ka,  noong ikaw ay kailangan ng iyong mga anak?
Nawa’y nagagampanan mo ang katagang magulang. Dahil madali ang maging ama; kaysa magpaka-ama,
 o, madali ang maging ina; kaysa magpaka-ina.

Harinawa.

No comments:

Post a Comment